15

Click here to load reader

2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

Embed Size (px)

Citation preview

Page 1: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

Ang Patakaran at Pamamahala ng Programang Pangwika sa Filipino sa Osaka

University

Galileo S. Zafra

UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas/

Unibersidad ng Osaka

Ang Programang Philippine Studies sa Osaka University Ngayon

Ang Philippine Studies Program ay isa sa 25 akademikong programa sa wika at kultura ng

Osaka University. Nasa ilalim ito noon ng Osaka University of Foreign Studies o Osaka

Gaidai, at noong 2007, ipinaloob ito sa Osaka University. Kasama ng Tokyo University of

Foreign Studies o Tokyo Gaidai, ito ay isa sa dadalawa lamang na akademikong institusyon

sa Japan na may pinakamaraming programang akademiko para sa pag-aaral ng wika at

kultura ng daigdig.

Ang Osaka University ay tumatanggap ng 15 bagong estudyante sa Philippine Studies

Program nito taon-taon. Apat na taon ang programa. Ang mga estudyante ay kumukuha ng

mga sabjek sa wika, panitikan, kultura, at lipunang Pilipino. Bukod sa mga ito, may mga

sabjek din sila sa GE program at sa minor language na kanilang napili. Sa ikaapat na taon,

inaasahan silang sumulat ng isang pananaliksik tungkol sa Pilipinas. Ang programa ay

ipinatutupad ng apat na full-time Japanese professor, isang Pilipinong Visiting Professor,

dalawang part-time na Pilipinong guro na nakabase na sa Japan, at tatlong part-time na

Japanese lecturer.

Layunin at Pananaw

Layunin ng maikling presentasyong ito na ilahad ang karanasan ng mga estudyanteng

Hapon na nasa Philippine Studies Program sa Osaka University. Dahil malawak pa ang

paksang ito, babalangkasin ang pagtalakay ayon sa mga konsepto ng patakarang pangwika

(language policy) at pamamahalang pangwika (language management). Ipinaliwanag ni

Spolsky na may tatlong bahagi ang patakarang pangwika: paniniwala, kaugalian,

pamamahalang pangwika. Ang mga paniniwalang pangwika ay tumutukoy sa mga

ideolohiyang pangwikang batayan ng mga patakaran. Ang mga kaugaliang pangwika ay

tumutukoy sa mga aktuwal na nangyayari sa isang larangan na may kinalaman sa pagpili at

paggamit ng wika. Ang pamamahala ng wika naman ay tumutukoy sa mga tiyak na pagkilos

para maimpluwensiyahan o mabago ang mga kaugaliang pangwika.

1

Page 2: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

Sa paglalapat, ang pagtatatag ng Philippine Studies sa Osaka University ay maaaring

tingnan bilang isang halimbawa ng patakarang pangwika ng pamahalaang Hapon sa

pamamagitan ng Monkashu o Ministry of Education, technology and Sports. Tatalakayin

nang pahapyaw ang mga kontekstong naging batayan para itatag ang Osaka University of

Foreign Studies at ng programang Philippine Studies. Matatalakay na rin ang mga

paniniwalang pangwika ng pamahalaang Hapon na naging saligan para itatag ang

programa. Ngunit sa isang larangang pangwika (domain of language use), sangkot ang iba’t

ibang kalahok. Sa paksang ito, maituturing na kalahok ang pamahalaang Hapon, ang mga

guro at mga estudyante. Ilalahad din dito ang mga tiyak na pamamahalang pangwika na

isinasakatuparan ng mga guro, gayundin ang mga kaugalian at paniniwalang pangwika ng

mga estudyante ng Philippine Studies.

Ang Konteksto ng Pagtatatag ng Philippine Studies Program sa Japan

Ang pagtatatag ng Philippine Studies sa Osaka University ay maituturing na bahagi ng

proseso ng kokusaika o internationalization ng Japan. Ang kokusaika ay isang malaking

salita, walang iisa at tiyak na pakahulugan kahit sa mga Hapon. Maaaring tumukoy ito sa

isang anyo ng westernisasyon o Amerikanisasyon ng lipunang Hapon, sa pagpapalawak ng

ekonomikong interes ng Japan sa ibang bansa, o sa pakikipagtulungan ng Japan sa ibang

bansa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pangkulturang pagkakaunawaan.

Mahihiwatigan sa mga pagpapakahulugang ito na ang kokusaika ay mayroong ekonomiko,

sosyal at kultural na aspekto.

Ipinaliwanag ni Chris Oliver (Kokusaika, Revisited: Reinventing “Internationalization” in Late

1960’s Japan) na ang konsepto ng kokusaika ay unang ginamit sa ekonomikong larangan at

nangahulugang liberalisasyon ng ekonomiya ng Japan. Dahil sa paglaganap ng ekonomikong

kapangyarihan ng Japan lalo na noong dekada 1980, nagkaroon ng trade imbalance sa

pagitan ng Japan at mga kanluraning bansa, lalo na ng US, ang pangunahing trading partner

ng Japan. Dahil dito, nagkaroon ng negatibong imahen ang Japan lalo na sa mga kanluraning

bansa. Nabahala ang pamahalaang Hapon sa kung paano tinitingnan ang Japan ng

komunidad ng mga bansa, lalo na ng kanilang mga partner sa kalakalan. Kasunod nito,

kumilos ang pamahalaang Hapon para sikaping magkaroon ng higit na pagkakaunawaan at

maayos na komunikasyon sa pagitan ng Japan at US. Ang pangyayaring ito ay nagpabago sa

diskurso ng kokusaika, mula sa larangan ng ekonomiya patungo sa larangan ng kultura. Isa

na rin sa popular na kahulugan ng terminong kokusaika ngayon ay ang layuning magkaroon

ng pagkakaunawaan ng mga tao at mga kultura sa pamayanang pandaigdig sa

pamamagitan ng iba’t ibang panlipunan, pangkultura at pang-edukasyong oportunidad

2

Page 3: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

(Ryuko Kubota, The Impact of Globalization on Language Teaching in Japan). Kaya mula sa

larangang ekonomiko, sakop na rin ng kokusaika ang larangang kultural.

Bukod sa mga naipaliwanag na tungkol sa kokusaika, mayroong ding mga pangkasaysayan

at panlipunang pangyayaring may tuwirang kinalaman sa Pilipinas na nagbigay-daan para

itatag ang Philippine Studies sa Osaka University.

Noong dekada 1980, naging importante ang Pilipinas sa Japan sa aspektong pang-

ekonomiya. Dumami ang mga negosyanteng Hapon na nagpunta sa Pilipinas. Lumaki rin ang

economic assistance ng Japan na bunsod ng dalawang pangyayari: ang pagwawakas ng

gobyerno ni Marcos at ang pagkawala ng base militar ng US sa bansa. Kaya noong dekada

1980, halos 60% ng tulong pinansiyal sa Pilipinas ay galing na sa Japan. Dahil din sa

lumalalang krisis sa ekonomiya ng Pilipinas, dumagsa ang mga Filipino entertainer sa Japan.

Kasunod nito, dumami rin ang intermarriage ng mga Hapon at Pilipina. Kaya pagsapit ng

1999, pumang-apat na ang mga Pilipino sa mga banyagang naninirahan na sa Japan,

kasunod ng mga Koreano, Intsik, at Brazilian.

Non-Japanese residents by citizenship (country of origin) in 1999Country Number Percentage

South and North Korea 636,548 40.9China 294,201 18.9Brazil 224,299 14.4Philippines 115,685 7.4USA 42,802 2.8Peru 42,773 2.7Other 199,805 12.9Total 1,556,113 100.0

Sa kabila ng lumalaking interes ng mga Hapon sa Pilipinas, kakaunti naman ang nalalaman

ng mga Hapon sa kultura at lipunang Pilipino. Sabi nga, ang tanging nasa isip ng mga Hapon

kapag nababanggit ang Pilipinas ay “saging.”

Noong mga unang bahagi ng dekada 1980, ang Ministry of Education, Technology and

Sports o Monkashu ng Japan ay nagbigay ng pondo sa noo’y Osaka Gaidai para magbukas

ng mga akademikong programang SEA. Noong 1984 binuksan ang Philippine Studies

Program bagaman ang mga unang pagkilos para maitatag ito ay nagsimula noong pang

1982. Ang pagbubukas ng Philippine Studies ay masasabing resulta ng proseso ng kokusaika

at ng mga development sa ugnayan ng Japan at Pilipinas. Batay sa maikling paglalahad na

ito, lumilitaw ang isang paniniwala na ang pagtuturo at pag-aaral ng ibang wika ay isang

paraan para sa pagtataguyod ng komunikasyon at pagkakaunawaan sa pagitan ng iba’t

3

Page 4: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

ibang kultura, isang layuning hinuhugis din naman ng mga ekonomiko at panlipunang

pangyayari.

Paniniwalang Pangwika ng mga Estudyanteng Hapon

Sa kasalukuyan, tumatanggap ng 15 estudyanteng Hapon sa Philippine Studies Program

taon-taon. Paano ba ang sistema ng admisyon sa Osaka University? May dalawang yugto

ang eksaminasyon para makapasok sa isang programa sa unibersidad sa Japan. Una ay ang

pambansang eksaminasyon na kinukuha ng lahat ng gustong pumasok sa unibersidad.

Multiple choice kaya nalalaman agad ang resulta. Pangalawa ay ang entrance examination

ng bawat unibersidad. Ang mga unibersidad ang siyang nagpapasiya kung ilang estudyante

ang tatanggapin nila. Ang mga hindi pumasa sa unang yugto ay hindi na makakahakbang sa

pangalawang yugto. Nagbibigay rin ng preperensiya ang mga estudyante kung anong kurso

ang gusto nilang kunin. Ngunit kapag hindi maganda ang nakuha nila marka sa unang

eksaminasyon, pumipili na lamang sila ng mga kursong hindi masyadong popular upang

mas tiyak na makapasok sa unibersidad.

Para sa seksiyong ito ng papel, nagsagawa ako ng simpleng survey sa 32 estudyanteng

Hapon na nasa iba’t ibang antas na kasalukuyang kumukuha ng Philippine Studies. Una,

tinanong ko sa kanila kung anong kurso o kursong pangwika ang pinili nila nang mag-apply

sila sa Osaka University. Lumitaw ang sumusunod na resulta:

Di-kursong pangwika Law-ll Human Science Medicine Psychology

Kursong Pangwika English-llll Russian-lll German-ll Japanese-ll Chinese Korean French Hungarian Swedish Danish Hindi

Tinanong din sa survey kung bakit ang mga wikang ito ang kanilang pinili at lumitaw ang mga sumusunod na sagot:

4

Page 5: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

Natutunan na ang wikang ito noon pang high school Interesado talaga sa wikang ito-lll (Russian, Swedish, Danish, Chinese) Opisyal na wika ito sa UN Gustong makakuha ng lisensiya bilang guro sa Ingles Gustong matutunan ang academic Japanese Interesado sa wika at panitikang Hapon

May 11 estudyante ring nagsabi na pinili nila ang Filipino at narito ang kanilang mga dahilan:

Hindi nakakuha ng mataas na score sa entrance exam-llll Ipinapalagay na madali lang ang Filipino-ll Inirekomenda ito ng high school teacher-lll Gumagamit ito ng alpabeto kaya madali lang Inirekomenda ng sempai na nag-aral din ng Filipino

Batay sa mga datos na ito, ang pagpili ng iba pang banyagang wika, pati na rin ng wikang

Hapon, bilang major nila sa Osaka University ay nakabatay sa interes at exposure nila sa

wikang ito, sa mataas na istatus ng isang wika, at sa inaasahan nilang maging trabaho

pagkatapos nila sa unibersidad. Maaari ring ang interes nila sa isang wika ay

naiimpluwensiyahan din ng pangalawa at pangatlong dahilan.

Sa kabilang banda, ang mga pumili ng Filipino ay nakabatay lang sa mga praktikal na

dahilan. Una, pinili nila ang Filipino dahil inaakala nilang madaling matutunan ang wikang

ito. Ipinahiwatig na rin sa ilang sagot kung ano ang ibig nilang sabihin dito—ang paggamit

ng Romaji o alpabeto. Sa ibang wika kasi, kailangan pa nilang matuto ng ibang sistema ng

pagsulat. Pangalawa, pinili nila ang Filipino dahil dito sila mas siguradong makakapasok sa

Osaka University. Bilang isang national university, maraming estudyanteng Hapon ang

umaasam na makapasok dito. Mas mababa nang kaunti ang tuition fee dito kompara sa mga

pribadong unibersidad. Lalo na ngayong may krisis sa ekonomiya, marami ang nagsisikap

makapasok sa isang pambansang unibersidad. Mataas din ang reputasyon ng Osaka

University. Lalo na sa science at medicine, kinikilala ang mga resulta ng pananaliksik nito.

Kilala rin ang Foreign Studies nito dahil isa ito sa dadalawang unibersidad na may

pinakamaraming kursong pangwika sa Japan. Kinikilala rin ang mga nagtuturo rito bilang

mga specialist sa mga wikang kanilang itinuturo. Dahil sa may prestige ang makapag-aral

dito, mas madali ring makakahanap ng trabaho ang mga nagtatapos sa Osaka University. Sa

survey, lumitaw ring ipinayo ng guro sa high school ang pagpili sa Filipino. Ito ay dahil sa

karaniwang ang mga gurong ito ay mayroon nang datos tungkol sa kung anong mga kurso

ang mas malaki ang posibilidad na makapasok ang mga estudyante sa unibersidad.

Tungkol sa paghahanap ng trabaho, kapag tumuntong na ang mga estudyante sa ikaapat na

taon sa unibersidad, nagsisimula na sila sa tinatawag nilang job hunting. Magpapatuloy ito

hanggang sa matapos ang unang semester o lampas pa, hanggang sa makahanap sila ng

5

Page 6: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

kompanyang tatanggap sa kanila. Kung ang kanilang mga kurso ay hindi naman

professional courses na gaya ng medisina, batas, engineering, at iba pa, ang pagpasok nila

sa kompanya ay halos walang kinalaman sa kinuha nilang kurso. Ito ay dahil sa bawat

kompanya, may kani-kaniyang training na ibibigay sa kanilang mga bagong empleado. Ang

implikasyon nito sa pagpili ng wikang pag-aaralan ng mga estudyante ay ito: hindi mahalaga

kung anong wika ang pipiliin at pag-aaralan ng mga estudyante. Ang importante ay matapos

nila ang isang digri sa unibersidad.

Makikita sa simpleng survey na ito na ang mga estudyanteng Hapon sa Philippine Studies

program ngayon, bago sila pumasok sa programa, ay may tiyak na mga paniniwalang

pangwikang iniuugnay sa mga wikang pinili nila na hindi Filipino. Kabilang na dito ang

pagkakaroon ng mataas at opisyal na istatus ng ibang wika, ang relasyon ng wika sa

ekonomikong pag-unlad tulad sa pagkakaroon ng trabaho, at ang pag-iral ng academic

variety ng wika na dapat pang lalong pag-aralan. Ang mga paniniwalang ito ang umiral nang

piliin nila ang wikang iba sa Filipino. Sa kabilang banda naman, karamihan sa mga

estudyanteng pumili ng Filipino ay walang matibay na paniniwalang pangwikang nakakabit

sa desisyon nilang piliin ito.

Mga Suliranin at mga Pamamahalang Pangwika

Batay sa mga paniniwalang pangwika ng mga estudyante na nailahad na, talagang mababa

o halos walang motibasyon ang mga estudyante sa pag-aaral ng Filipino. Ilang dahilan ang

puwedeng ibigay. Ang una ay naipaliwanag na. Hindi ito ang talagang gusto nilang kurso at

ang pagpili nila ng Filipino ay paraan lang para makapasok sa Osaka University at

makapagtapos ng isang digri sa unibersidad. Walang matibay na paniniwalang pangwikang

puwedeng ikabit sa pagpili at pag-aaral nila ng Filipino. Pangalawa, halos walang

pagkakataong kagyat na magamit ang Filipino sa labas ng klase. Wala namang komunidad

ng mga Pilipinong naninirahang malapit sa kampus maliban sa ilang estudyanteng Pilipinong

nag-aaral ng ibang kurso sa Unibersidad. Sa Minoo Campus, mayroon lamang isa o

dalawang estudyanteng Pilipino (ang isa ay nag-aaral ng Japanese at ang isa ay nasa

gradwadong programa ng Linguistics). Pangatlo, may kakulangan pa rin ng mga materyales

sa Filipino. Salamat sa pagsisikap ng isang propesor na Hapon, mayroon nang gramatikang

Filipino at ilan pang teksbuk na nakasulat sa wikang Hapon. Ang malaking kawalan ay ang

diksiyonaryong bilingguwal sa Filipino at Hapon. Sa ngayon, kapag nagbabasa ng mga

tekstong Filipino ang mga estudyante, gumagamit sila ng diksiyonaryong bilingguwal sa

Filipino at Ingles. Titingnan nila ang salitang Filipino sa diksiyonaryo. Pero madalas, hindi rin

nila maiintidihan ang depinisyon sa Ingles. Kaya mula sa Ingles, kailangan pang muling

6

Page 7: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

sumangguni sa diksiyonaryong Ingles-Hapon. Ang ganitong proseso rin ang nangyayari

kapag nagsusulat sila lalo na sa simula.

Malaking hamon talaga, kung gayon, kung paano mapapataas ang motibasyon ng mga

estudyante. Bukod sa regular na pagtuturo, babanggitin ko ang ilang akademiko at ekstra-

akademikong estratehiya na ipinapalagay kong nakakadagdag ng interes ng mga

estudyante sa Filipino. Maituturing na rin ang mga ito bilang bahagi ng pamamahalang

pangwika na ginagawa ng mga guro para maimpluwensiyahan ang paniniwala at kaugaliang

pangwika ng mga estudyante.

Una, ang pagbisita sa Department of Tourism. May munting salo-salo sa Tourism Office sa

Osaka taon-taon. Para ito sa mga freshman subalit naiimbitahan din ang mga sempai. Dito,

naghahain ng mga pagkaing Pilipino at nagkakantahan ng mga awiting Filipino. Dahil naroon

ang mga sempai, na madalas ay matatas na sa Filipino, naririnig ng mga kohai ang

magagandang kuwento tungkol sa Pilipinas at namamalas nila ang pagsasalita ng mga

sempai nang dire-diretsong Filipino.

Pangalawa, ang pag-organisa ng Filipiniana Dance Troupe. Binuo ang tropa noong 1996 ng

dating Visiting Professor na si Dr. Nicanor Tiongson. Hanggang ngayon, aktibo pa ang tropa

at nagtatanghal kapag may matsuri o pista sa unibersidad at kapag nahilingan sila sa mga

espesyal na okasyon.

Pangatlo, ang pagbabakasyon ng mga estudyante sa Pilipinas. Simula pa lang first year,

may padala-dalawa hanggang apat na estudyante na ang nagpupunta sa Pilipinas para

magbakasyon. Lalong dumarami ang pumupunta sa Pilipinas simula second year.

Halimbawa, sa Setyembre, halos lahat ng estudyanteng second year ay pupunta sa Pilipinas.

Ang ilan ay bakasyon lang ang pakay; ang iba naman ay gustong mapraktis ang mga

natutunan nila sa wika. At may ilan ding nagmamasid para sa mas matagal na pamamalagi

sa Pilipinas para mag-aral.

Pang-apat, ang pag-aaral ng mga estudyante sa Pilipinas. May ilang estudyante, mga tatlo

sa bawat batch ang nanirahan sa Pilipinas nang halos isang taon para mag-aral. Marami sa

kanila ang nag-eenrol sa UP, mayroon ding nag-enrol sa Ateneo at La Salle. Mayroon pa nga

ngayong nasa Cebu at nag-aaral ng Cebuano. Madalas, nakikitira sila sa mga host family na

Pilipino kaya lalong nagkakaroon ng immersion sa wika at kulturang Pilipino. Napakalaking

hakbang ito para sa mga estudyante. Pagbalik nila sa Japan, matatas na silang mag-Filipino

at mas may mayamang karanasan sa kulturang Pilipino. Wala pa akong naeengkuwentrong

7

Page 8: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

estudyanteng Hapon na nag-aral sa Pilipinas na nagsabing di-maganda ang karanasan niya

roon. Sa kabila ng ilang kuwento na nanakawan sila ng cellphone o camera, o kaya’y naloko

sa taxi, sa kabuuan, masaya sila sa pagtira sa Pilipinas. Ang iba ay bumabalik-balik sa

Pilipinas tuwing nakakaipon ng pamasahe at may libreng oras.

Panlima, pagpapasulat sa mga estudyante ng graduation thesis tungkol sa Pilipinas. Sa

ikaapat na taon, pangalawang semestre, kailangang sumulat ng tesis ang mga estudyante.

Ang paksa ay maaaring tungkol sa wika, panitikan, kultura, at lipunang Pilipino. Epektibo

ring estratehiyang ito dahil ang ilan sa kanila ay nahihikayat pumunta sa Pilipinas para

kumuha ng datos at manaliksik.

Mga Salaysay ng mga Estudyanteng Hapon na Dumaan sa Programa

Natutupad ba ng Osaka University ang patakarang pangwika na naging batayan para itatag

ang Philippine Studies Program? Sasagutin ko ang tanong sa pamamagitan ng paglalahad ng

karanasan ng tatlong estudyante ng Philippine Studies.

Aki (Hindi tunay na pangalan)

Si Aki ay nagtapos ng Philippine Studies sa Gaidai noong 2007. Nakapagtapos na siya ng

programang International Relations sa ibang unibersidad kaya nagkaroon siya ng

pagkakataong pumunta sa Pilipinas. Noong unang punta niya dito, namalagi siya sa Negros,

sa pamayanan ng mga sakada. Sabi niya, naranasan niya ang kabaitan ng mga Pilipino sa

kabila ng kanilang kahirapan. Kaya noong 2004, mataas ang motibasyon niyang mag-aral ng

Filipino. Noong 2005-2006, ilang beses siyang nagpabalik-balik sa Pilipinas. Nag-leave din

siya sa pag-aaral at nagtrabaho sa isang international delivery service na may operasyon sa

Manila nang may isang taon. Hanggang sa magtapos siya noong 2007.

Noong nag-job hunting siya sa Japan, naramdaman niyang mas matanda na siya sa ibang

kapanabay niya. Hindi niya naramdamang gusto niyang magtrabaho sa Japan. Bukod dito,

naisip din niya: ano ang silbi ng pag-aaral ng Filipino? Kaya naghanap siya ng kompanya na

may operasyon sa Pilipinas. Sandali siyang nagtrabaho sa Pilipinong airline company na may

branch sa Osaka bilang sales executive. Ngunit hindi naging challenging ang trabaho para

sa kaniya. Nakapagtrabaho rin siya sa isang tindahang Pinoy sa Osaka. Dito, nagagamit niya

ang Filipino sa pakikipag-usap sa mga mamimiling Pilipino.

Nag-apply siyang muli ng trabaho noong Hulyo 2007. Nagkataon na ang isang kompanyang

supplier ng automotive parts na may tatlong planta sa Pilipinas ay nangailangan ng expat na

8

Page 9: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

marunong mag-Filipino at mag-Ingles. Natanggap siya sa trabaho . Siya ay naging

interpreter, tagasalin (Japanese patungong Filipino) at executive assistant. Malaki ang

kompanya. Mayroon ditong mga 20 Hapones, 700 regular na empleadong Pilipino, 4,000

manggagawa.

Ayon kay Aki, mga 50% ng komunikasyon sa kompanya ay sa wikang Hapon (kung mga

Hapones ang nag-uusap); 10% ay sa Ingles; at 40% ay sa Filipino. Araw-araw ang pulong ng

mga supervisor, hepe ng bawat seksiyon, at mga plant manager. Sa mga pulong na ito,

wikang Hapones ang ginagamit ngunit kung minsan, kapag may problema sa line production

at humaharap ang mga Pilipinong manggagawa, ginagamit rin ang Filipino. Kailangan din

ang pagsasalin ng mga operational manual at shipment (sa pamamagitan ng email). Dahil

marunong siyang mag-Filipino, alam niya ang pulso ng mga manggagawang Pilipino at siya

raw ang madalas na unang nilalapitan kapag may problema ang mga manggagawa sa

kompanya.

Haru (hindi tunay na pangalan)

Si Haru ay nagtapos ng Filipino noong 2010. Noong nasa elementarya siya, may storage

company ang tatay niya sa Kobe Port. Dahil sa kompanyang ito, nakapunta ang tatay niya

sa Manila at Davao. Nakita ng tatay niya ang maraming batang mahihirap sa Pilipinas. Sabi

ni Haru, kapag pinagagalitan siya ng tatay niya, ginagamit na halimbawa ang mga bata sa

Pilipinas. Nag-aral din siya sa isang international school sa Japan. Maraming dayuhan doon

kaya na-expose siya sa maraming kultura. Dahil dito, naisip na niyang magpunta sa ibang

bansa tulad ng Pilipinas.

Pagkatapos ng isang semestre sa Philippine Studies, noong bakasyon ng tag-init, sumali siya

sa isang NGO na nagpapadala ng mga estudyanteng Hapon sa Pilipinas. Nagpunta sila sa

Olongapo, sa isang child care center, at namalagi doon nang tatlong linggo. Nag-homestay

rin siya doon nang tatlong araw sa isang pamilya na hindi nakapagsasalita ng Ingles. Gusto

niyang makipag-usap sa mga bata pero hindi pa siya marunong mag-Filipino. Kaya noong

Setyembre, highly motivated siyang mag-aral ng Filipino, at nang sumunod na buwan,

nakakuha siya ng pinakamataas na score sa klase.

Pagkatapos ng karanasang ito, natanong niya sa sarili: Ano ang magagawa ko para sa

Pilipinas? Pumunta ulit siya sa Pilipinas noong summer ng 2nd year. Dumalo siya sa isang

pagtitipon ng isang grupo ng mga sempai na nagtatrabaho sa Pilipinas. Doon, nakausap niya

ang isang sempai na nagtatrabaho sa Japan Foundation. Na-inspire siya ng kaniyang

sempai. Graduate ito ng Japanese Studies at nag-aral sa UP. Ang MA niya ay Japanese

9

Page 10: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

Studies. Naging Japanese teacher siya sa Japan Foundation. Sinabihan siya nito na

makabubuting mag-aral siya sa ibang bansa, tulad ng Pilipinas.

Kaya nang sumunod na taon, nag-aral siya sa Ateneo bagaman kinumbinsi siya ng nanay

niya na sa US o Australia mag-aral. Dito, kumuha siya ng mga klase sa kultura. Tumira siya

sa isang pamilyang Pilipino na isang Kristiyanong pamilya. Masipag, matulungin at simple

ang pamumuhay nila. Gusto niyang malaman kung ano ang kailangan ng Pilipinas, kung ano

ang magagawa niya. Kaya nag-aral siya ng kultura para may matutunan tungkol sa Pilipinas.

Nag-aral siyang mabuti sa Pilipinas.

Pagkatapos mag-aral sa Osaka University, pumasok siya sa ibang unibersidad. Sumali rin

siya dito sa isang Filipino community sa Japan. Nag-enrol siya sa Tourism at Heritage

studies. Nito lamang 2012, kasama siya sa grupo ng mga iskolar ng kaniyang unibersidad na

nasa gradwadong programa ng World Heritage Studies na nagtungo sa Hungduan, Ifugao

Province.

Natsu (hindi tunay na pangalan)

Si Natsu ay kasalukuyang 4th year sa Osaka University na kumukuha ng Philippine Studies.

Noong nasa high school siya, gusto lamang niyang makapasok sa Osaka University. Kaya

handa siyang kumuha ng kahit anong kurso. Pero naiisip na rin niyang kumuha ng Filipino.

Noon kasing nasa 3rd year high school siya, nakapanood siya ng programa tungkol sa

developing nations. Itinampok dito ang Smokey Mountain sa Pilipinas. Nakita niya ang mga

batang babae na kumukuha ng basura pero gustong mag-aral. Naisip ni Natsu na sa Japan,

nakakapasok siya, nakakakain, nakakabili ng kailangan. Pero iba ang sitwasyon sa Pilipinas.

Pagkatapos ng pangatlong taon sa Unibersidad, pumunta siya sa Pilipinas at nag-aral doon

nang isang taon. Ang dahilan, gusto manirahan sa ibang bansa. Bago kasi siya pumasok sa

Unibersidad, parang nawalan siya ng ganang mag-aral. Napagod siya sa pag-aaral noong 3rd

year High School, ang pinakamahirap na taon. Naisip niyang sa Pilipinas mag-aral dahil

gusto pa niyang mapahusay ang pag-aaral ng Filipino at makakilala ng mga Pilipino. Sa

Pilipinas, nagustuhan niya ang ugali ng mga Pilipino. Mababait at positibo ang pananaw nila

sa buhay. Ilan sa mga naobserbahan niya ay ang sumusunod. Kahit may bagyo at baha, ang

mga tao ay masaya. Ang pamilyang Pinoy, kahit unang pagkakilala lang ay welcome na

agad sa bagay. Sa Japan, may distansiya ang mga tao. Hindi pa raw siya nakaranas sa

Pilipinas ng Tatemae o ang pagiging nasa labas ng taong hindi pa malapit. Mas madali rin

daw malaman ang totoong nararamdaman ng mga Pinoy. Kapag inimbita ang isang Pinoy,

nasasabi nang diretsahan na “hindi puwede.” Hindi rin daw nerbiyoso ang mga tao.

10

Page 11: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

Nagtrabaho rin si Natsu habang nag-aaral sa Pilipinas. Nagturo siya ng wikang Hapon sa

mga Pilipinong ipadadala bilang manggagawa sa Japan. Napansin niya na relaks lang ang

mga estudyante at hindi ninenerbiyos kahit magbigay na siya ng warning sa mga ito.

Makikita sa maiikling salaysay na ito ang iba’t ibang anyo ng pakikiugnay ng mga

estudyanteng Hapon sa kultura at lipunang Pilipino. Maaari silang maging staff o kawani sa

mga establisimyento sa Japan na may kinalaman sa Pilipinas (airline company, tindahan).

Maaari silang magtrabaho sa mga kompanyang Hapon na nakabase sa Pilipinas. Maaari

silang magturo ng wika at kulturang Hapon sa mga Pilipino. Maaaring manggaling sa kanila

ang mga susunod na Filipinist, mga Hapon na may espesyalisasyon ng kultura at lipunang

Pilipino. Bukod sa mga karanasan nina Ayaka, Hiromi at Natsu ay may iba pa. May mga

estudyanteng Hapon na nagiging interpreter sa pulisya at sa korte sa Japan. Sila ang

nagiging tulay para mabigyan ng due process ang mga Pilipinong nasasangkot sa iba’t ibang

kaso. Mayroon ding mga estudyanteng Hapon na kahit hindi pa nagtatapos ay nagiging

supporter na ng mga estudyanteng Pilipino na naninirahan na sa Japan, pumapasok sa mga

eskuwelahang Hapon, ngunit hindi pa marunong ng wikang Hapon. Tinatawag ding “shadow

teacher,” ang bawat supporter ay nakatalaga sa isang estudyanteng Pilipino, dumadalo sa

klase kasabay ng estudyante, at kung minsa’y may tutorial session sa labas ng klase.

Kongklusyon

Sa isang pagtingin, sa pamamagitan ng iba’t ibang pakikiugnay na ito ng mga estudyateng

Hapon, natutupad ang inaasahan ng patakarang pangwika ng pamahalaang Hapon sa

pagtatatag ng mga programang pangwika sa mga unibersidad ng Japan. Nagiging kalahok

ang mga produkto ng programa sa mga gawaing ekonomiko ng Japan at Pilipinas.

Nagsisilbing tulay din sila sa mga pagbabagong panlipunan dulot ng mas maigting na

ugnayan ng mga Pilipino at Hapon. Dalawang bagay ang mahalagang ipunto dito. Una, ang

karanasan nina Aki, Haru at Natsu ay masasabing hindi siyang kalakaran kundi mga

natatanging karanasan. Makikita sa mga salaysay nila na nagkaroon sila ng mataas na

motibasyon para mag-aral ng Filipino dahil sa ilang personal na karanasan bago at habang

nasa programa pa sila at pagkaraang magkaroon sila ng imersiyon sa Pilipinas. Isang

proseso rin ang pag-aangat sa motibasyon ng mga estudyante na mag-aral ng Filipino, isang

proseso na maaaring nagsimula bago pa man sila pumasok sa programa, pinatitindi sa

pamamagitan ng iba’t ibang pamamahalang pangwika sa loob at labas ng unibersidad.

Kakaunti man, dapat pa ring itampok ang ganitong mga positibong resulta ng patakaran at

pamamahalang pangwika. Pangalawa, puwedeng sabihin na sa pagtupad ng ilang

estudyante sa patakarang pangwika ng pamahalaang Hapon, napagsisilbihan lamang nito

11

Page 12: 2012 06 10 Paper Philippine Studies Sa Osaka University

ang interes ng mga Hapon. Gayumpaman, ipinakikita rin sa mga salaysay na natutugunan

din nito ang ilang pangangailangan at suliranin ng mga Pilipino lalo na iyong naninirahan na

sa Japan lalo na sa usaping may kinalaman sa batas at edukasyon. Dahil, lalong tumitibay

ang pangangailangang palakasin pa ang programang Philippine Studies sa Japan.

Sanggunian:“Filipino Language Education in Japan: The Case of Tokyo University of Foreign Studies.”Hadley, Gregory. “Relating the Curriculum to Regional Concerns: A Japanese Case Study.”Kubota, Ryuko. “The Impact of Globalization in Language Teaching in Japan.”Liddicoat, Anthony J. “Internationalising Japan: Nihonjinron and the Intercultural in Japanese

Language-in-education Policy.”Oliver, Chris. “Kokusaika, Revisited: Reinventing ‘Internationalization’ in late 1960’s Japan.”Interbiyu kay Masanao OueInterbiyu kay Mamoru TsudaInterbiyu kay Satoshi MiyawakiInterbiyu kina Aki, Haru at Natsu (hindi tunay na mga pangalan)

12