Upload
david-morrison
View
296
Download
6
Embed Size (px)
DESCRIPTION
nobela
Citation preview
KAGAWARAN NG EDUKASYON
MATAAS NA PAARALANG LAKAN DULA
TUNDO, MAYNILA
IPINASA NI:
TIFFANY NIECOLLE P. SAMSON
IV-I
IPINASA KAY:
GNG. ERLINDA VILLEGAS
I. Pamagat
Bulaklak ng Maynila
II. Taon ng Pagkakalimbag
Karapatang-ari 1995 ng Ateneo de Manila University at ni Domingo G. Landicho
Unang Limbag 1995/Ikalawang Limbag 1998/Ikatlong Limbag 2000/Ikaapat na
Limbag 2002
III. May-akda
Domingo "Domeng" Goan Landicho ay isang Pilipinong manunulat at akademiko.
Ipinanganak noong Agosto 4, 1939 sa Luntal Taal, Batangas. Siya ay anak ng isang magsasaka.
Premyadong manunulat, awtor ng 23 aklatng tula, maikling kuwento, dula, literaturang pambata,
talambuhay,at mga aklat pag-aaral. Siya ay kasalukuyang propesor ng malikhaing pagsulat at
panitikan sa Unibersidad ng Pilipinas.
Isa rin siyang artista sa tanghalan, telebisyon, at pelikula at isang brodkaster sa Radio Veritas,
bukod sa kanyang pagiging Execom Member ng National Commission for Culture and Arts,
kolumnista, at editorial consultant.
Nakuha niya ang kanyang Bachelor of Arts at BS sa grado ng Pamamahayag mula sa Lyceum of
the Philippines, at isang MA sa Edukasyon sa National Teachers College. Nagkamit siya ng
kanyang Bachelor Law degree sa Lyceum. Noong 1994, nakuha niya ang kanyang Ph.D of
Filipinology mula sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan siya ay nagsilbi bilang Writer-in-
Residence, Propesor sa Department of Filipino, Pilipinong Panitikan at ang direktor para sa mga
pintas sa Institute of Creative Writing. Siya ay kinilalang Propesor Emeritus ng Unibersidad ng
Pilipinas noong 2005.
Siya ay miyembro ng Writer International, at miyembro ng International Writers' Workshop,
University of Iowa.
Siya ay kabilang na sa mga makabagong kuwentista. Sa kanyang mga kuwento ay mababakas
ang impluwensya sa kanya ng dalawang kultura -kanluranin at silanganin.
Ang kanyang istilo sa pagsusulat ay maalab, maligoy at may halong pagkaartipisyal. Madalas
siyang magwagi sa mga patimpalak sa Panitikan. Ang kanyang kuwentong Elias at Salome ay isa
sa mga nagkamit ng Gantimpalang Palanca noong 1969.
Ang katipunan ng kanyang mga kuwento ay isang aklat na pinamagatang Himagsik (1972).
Siya ay nakatanggap ng maraming mga parangal tulad ng ilang Palancas, CCP Balagtas Mga
Gantimpala, KADIPAN Pampanitikan Paligsahan, Catholic Mass Media Mga Gantimpala, at
Institute ng Pambansang Wika Mga Gantimpala.
Siya ay kasalukuyang Editor-In-Chief ng Tanod Publication.
IV. Kahulugan ng Pamagat
A. Bago Mabasa
Para sa akin ang kahulugan ng pamagat bago ko pa ito nabasa ay isang babaeng
marikit at mahinhin mula sa salitang bulaklak na nasa lungsod ng Maynila.
B. Pagkatapos Mabasa
Matapos kong mabasa ang nobelang ito napagtanto kong ito ay tungkol sa
dehumanisasyon sa paglago ni Ada ngunit ang pananaw ay hindi nalunod sa kumunoy
ng pesimismo kundi nagwakas sa pananagumpay ng diwang tao na may pagmamalasakit
sa dangal, pag-ibig at pangarap. Sa kabilang banda, ito rin ay tumalakay sa pamumuhay
ng mga karaniwang tao sa looban, ang pader sa pagitan ng mayaman at mahirap at ang
paglalaban ng malakas at mahina.
IV. Tauhan (Kritikal na Panunuri)
1. Azun
Siya ay tauhang protagonista sapagkat isa siya sa mga bidang tauhan na pinag-
ikutan ng istorya at tauhang lapad dahil mula umpisa ay nanatiling busilak ang
kalooban at walang naganap na pagbabago sa kanyang ugali. Si Azun ay larawan
ng isang dakilang asawa at mapagmahal na ina. Malumanay at mabait ito. Hindi
makakailang mahina dahil napagsamantalahan ng tadhana subalit nanatiling
matatag dala ng paniniwalang “habang may buhay may pag-asa”.
2. Roque
Siya ay tauhang antagonista sapagkat isa siya sa mga kontrabidang tauhan na
pinag-ikutan ng istorya at tauhang bilog dahil nung una siya ay iresponsable at
masamang asawa’t ama subalit ng matutunan niya ang kanyang leksiyon ay
nagbago ito alang-alang sa kapakanan ng pamilya. Si Roque ay larawan ng isang
lasinggerong pindeho at nakulong dahil sa salang pagnanakaw at pagpatay.
Malupit at mapanghinala. Sa kabila ng mga suliranin niya sa buhay tinanggap
niya ang parusa ng pagkakamali sa loob ng bilibid at kalaunan ay natamasa rin
ang kaginhawaan.
3. Timo
Siya ay tauhang antagonista sapagkat isa siya sa mga kontrabidang tauhan na
pinag-ikutan ng istorya at tauhang lapad dahil mula simula ng istorya ay nanatili
ang kanyang pagiging tuso at mapang-api. Si Timo ay larawan ng isang
mapagpanggap, tuso, mapagsamantalang Don ng bangketa na may maitim na
pagtingin kay Azun at Ada. Matipuno siya at may-kaya.Binulag niya ang
nakararami at pina-ikot ang mga kaawa-awa sa kanyang kamay sa pamamagitan
ng salapi, dahil naniniwala siyang lahat ay nabibili ng salapi. Ngunit sa huli ay
nagwagi ang kabutihan at hinarap niya ang hatol ni kamatayan.
4. Ada
Siya ay tauhang protagonista sapagkat isa siya sa mga bidang tauhan na pinag-
ikutan ng istorya at tauhang lapad dahil mula umpisa ay nanatiling busilak ang
kalooban at walang naganap na pagbabago sa kanyang ugali. Si Ada ay larawan
ng isang marikit na dalaga at mapagmahal na anak. Mahinhin at mabait sa
kapwa. Sa kabila ng lahat ng pagsubok nanatiling matatag si Ada kahit ilang
beses na natapak-tapakan ang kanyang dangal puri’t dignidad dala narin ng
paniniwalang “ang nakaraan ang lakas ng kinabukasan”.
5. Ed
Siya ay tauhang lapad dahil mula umpisa ay nanatiling busilak ang kalooban at
walang naganap na pagbabago sa kanyang ugali. Si Ed ay larawan ng isang
matipuno at matikas na lalaki na may pagtingin kay Ada. Masipag at
determinado. Buong tapang siyang humarap sa mga pagsubok, nangibabaw ang
pagmamahalan nila ni Ada at naniniwala siya na ang kapangyarihan ng pag-ibig
ang bubuhay sa kanila ni Ada ngunit sa kasamaang palad ay binawian siya ng
buhay habang naghahanapbuhay na labis na ikinalungkot ni Ada.
6. Cris
Siya ay tauhang lapad dahil mula umpisa ay nanatiling busilak ang kalooban at
walang naganap na pagbabago sa kanyang ugali. Si Cris ay larawan ng
mananayaw at mang-aawit na binata na kapwa may pagtingin rin kay Ada. May
katangkaran at mabait. Saglit mang nasilaw ng salapi nagapi parin ang tukso at
nangibabaw ang kababaang-loob. Minsan sinubok ng tadhana ngunit unti-unti
ring nakabangon at namuhay ng payapa.
7. Angelita
Siya ay tauhang lapad dahil mula umpisa ay nanatiling busilak ang kalooban at
walang naganap na pagbabago sa kanyang ugali. Si Angelita ay larawan ng isang
mabait na ulilang angel ng bangketa na pinagkaitan ng kakayahang makakita.
Sinubok ng iba’t-ibang suliranin subalit nanatiling matatag. Natagpuan ang
presensya ng pamilya sa katauhan nina Azun, Roque, Ada at Mang Tomas. Naki-
agos sa laro ng tadhana at kalauna’y nabuhay ang pag-asang makakita ng
liwanag sa tulong ng mga mabubuting loob.
8. Mang Tomas
Siya ay tauhang lapad dahil mula umpisa ay nanatiling busilak ang kalooban at
walang naganap na pagbabago sa kanyang ugali. Si Mang Tomas ay larawan ng
isang dakilang sapatero na may busilak na kalooban. Mahinahon at malumanay
dala narin ng katandaan. Nabalot ng kalungkutan ang buhay sapagkat wala na
siyang katuwang subalit naging matatag. Sa kabila ng nakatagong kalungkutan
nagawa niyang tumulong sa kapwa at pumanig sa kabutihan. Kalauna’y naging
masaya sa piling ng tinuturing na kapamilya, ang mga tao sa bangketa.
9. Aling Mimay
Siya ay tauhang lapad dahil mula umpisa ay nanatiling busilak ang kalooban at
walang naganap na pagbabago sa kanyang ugali. Si Aling Mimay ay larawan ng
isang alipin ni Timo na labag man sa kalooban ay sinusunod ang anumang utos
ng amo. Bagmat nabulag panandali sa kamay ni Timo nakalaya rin siya at
nabuhay ng payapa sa tulong narin nina Ada at Mang Tomas.
10. Doray
Si Doray ay larawan ng isang matabil at tsismosang magsasampagita na tiyahin
ni Ed. Makiri at madaling masilaw sa salapi. Hindi rin nagtagal at binawian ng
buhay.
11. Mirna
Si Mirna ay larawan ng isang marungis na pulubi na nakatira sa lansangan. Isa
siya sa mga naging mabuti at tapat na kaibigan ni Ada. Hanggang greyd tri lang
ang natapos kaya naman wala siyang pangarap sa buhay, umaasa sa kakarampot
na limos-awa at nakiki-daloy nalang sa agos ng buhay.
12. Teresita
Si Teresita ay larawan ng isang maralitang nakasentro ang buhay sa pagsasayaw
at pagbibigay-aliw sa klab. Isa rin siya sa mga kaibigan ni Ada. Makapal ang
mek-ap, makintab at halos lumabas ang kaluluwa kung manamit. Siya rin ang
nagtulak kay Ada na tikman ang buhay sa klab.
VI. Buod
A. Simula
Isang umaga masipag si Roque naglalatag nang kanilang paninda sa bangketa ,
nakutuban ni Azun na ginamit ni Roque ang perang pangbayad nila kay Timo kaya ito
nagsipag, dahil dito nag away ang mag-asawa habang nakatingin sa kanila ang mga
tsimosa at ang mga taong naglalakad sa bangketa, at ang kaisa-isang anak nilang si Ada.
Si Ada na walang kamuwang muwang na malapit nang magdalaga, nang pumasok ito sa
eskwelahan nakilala niya si Cris isang fourth year na laging nagsasabi na maganda siya.
Nang gabing kumain silang mag-ina wala pa si Roque ng mga oras na iyon dumaan si Ed
sa kanilang tirahan at may dalang pansit dahil bertdey nito. Habang tulog na si Ada
pumunta si Timo sa kanila at nang gabing din iyon hindi natuloy ang masamang plano ni
Timo dahil biglang dumating si Roque nang mga oras na sinasamantala na niya ang
kahinaan ni Azun. Kinabukasan si Ada ay tumulong magbantay sa kanilang paninda sa
bangketa. Hanggang dumating ang si Ed nang may nakaaway si Ada at ipinagtanggol
nito, sinamantala ni Ed ang pagkakataon upang magpahayag ng pagtingin niya kay Ada.
Si Cris naman laging nakaabang tuwing uwian ni Ada gusto nitong ihatid ito pag uwi,
nagpapakita ito nang paghanga kay Ada. Lasing na lasing namang umuwi si Roque nang
gabing iyon at tinanong nito sa asawa ang tsimis na narinig sa bangketa tungkol sa kanila
ni Timo. Nagmaang-maangan si Azun at nagkukunyaring walang alam sa mga
nangyayari, kailangan niyang takpan ang katotohanan. Nang dahil sa kalasingan
pinuntahan ni Roque si Timo at naghamon, alam ni Timo na si Roque ang
pinakamalaking hadlang sa plano niya kay Azun. Nang suunod na araw isang biglaang
pangyayari na ipinagbabawal ng alkalde ang pagtitinda sa bangketa at walang magawa
ang mga tindera. Nagtitinda sila nang patago at tumatakbo kapag may mga naghuhuli.
Ipinasyal ni Cris si Ada at dito naghayag nang kanyang nararamdam, dito unang
nahalikan ni Cris at naging magkasintahan sila, nagyaya nang umuwi si Ada pero
nagpumilit si Cris na wag muna dahil gusto nitong ipakilala sa kanyang tiyahin at doon
unang may nangyari sa kanila. Malalim na ang gabi nang umuwi si Ada sa kanila hindi
niya namalayan ang oras, hindi lang magulang pati si Ed nag-alala na kung bakit hindi pa
umuuwi si Ada, nang tinanong si Ada sinabi niyang namasyal silang magkaklase kaya
ginabi nang uwi. Kinabukasan nag usap-usap ang mga tindera sa bangketa para sa bagong
utos ni tserman. Nang matapos ang kanilang pag-uusap nagsabi si Timo na magpaiwan si
Azun at dito nagpahayag na naman si Timo ng kanyang damdamin kay Azun.
B. Gitna
Ginabi nanaman si Azun nang umuwi, si Roque ay naghihinala nanaman tungkol
sa kanila ni Timo. Dahil sa pagmamahal ni Roque kay Azun, parang itong batang
nagmamakaawa na huwag siyang iwananni Azun. Niyakap ni Azun ang asawa dahil ang
totoo mahal din naman talaga niya ito, at nangako siya kay Azun na bukas magiging big
time din siya. Nang magising si Azun wala sa tabi ang kanyang asawa, lalo siyang
kinabahan kung ano ang gagawin nang kanyang asawa at kung ano ang kahulugan
tungkol sa sinabi nito kagabi. Nabalitaan na lamang nito na nakapatay ng isang intsik at
kinasuhan nang Robbery at Homicide si Roque at pinaghahanap ito ng mga pulis.Taglay
pa rin ni Azun ang pangamba at hinala kinagabihan. Naghihinala na si Azun na may
kinalaman si Timo sa nangyari sa kanyang asawa. Nang gabing iyon dumaan si Roque sa
bahay nila para makausap nito ang asawa, pinagtapat nito lahat nangyari sa kanila
hanggang nang gabing din iyon nahuli nang mga pulis si Roque.Nang mga sumunod na
araw dahan dahang nararamdaman nina Azun at Ada ang dahilan nang pagkawala ni
Roque. Nagpaabot nang pasabi si Timo na handa siyang tumulong sa mag-ina.Hihinto
pangsamantala ng pag aaral si Ada kasabay nito pinapaalis silang mag-ina sa kanilang
tinitirhan dahil gusto ni Timo na sa kanila sila titira at nangako si Timo na gagawing
buhay prinsesa ang mag- ina. Hinahanap ni Ada ang tinitirhan ni Ed at masamang balita
ang kanyang nabalitaan namatay na pala ang tiyahin ni Ed na si Doray, nakita niya ang
kalagayan ni Ed na nahihirapan, nang gabing yun inalok si Ada na sumayaw sa klab para
magkapera at makatulong kay Ed.Tumira na ang mag-ina sa bahay ni Timo wala na
silang magawa kundi makisama, at nagawa na ni Timo ang balak nitong masama kay
Azun at tuluyang binigay ni Azun ang kanyang sarili kapalit nito ang pagsilbihan ni Azun
si Timo. Hunyo na naman bumalik sa pag- aaral si Ada nang mga panahong iyon
naramdaman ni Ada ang magandang buhay. Nagsasabi na rin si Ada na mahalaga si Ed sa
buhay niya. Samantalang si Azun unting-unting ginagawang alila ni Timo. Pinahayag na
din ni Timo na gagawing Reyna Elena si Ada sa Santacruzan. Dito nagsimula ang
malaking tiwala ni Ada sa kanyang tiyuhing Timo.Isang gabing magiging Reyna Elena si
Ada, si Cris ang kanyang konsorte na hinahangaan at kinagulat ng mga tagabangketa ang
pagiging reyna ni Ada, nalaman lamang ni Ada na binayaran pala si Cris ng kanyang
tiyuhin para maging konsorta nito sa gabing yun, samantalang ang gusto niya ay si Ed,
pero ayaw nila Azun at Timo kaya wala siyang nagawa kung di sumunod kung anong
gusto nila. Nang gabing yun napakaraming taong nanood nang sagala. Pagkatapos ng
gabing maging prinsesa si Ada , habang tulog siya nararamdaman niya ang haplos ng
isang tao sa katawan niya ng mabuksan niya ang ilaw nakita niya na si Timo, ginahasa
siya at may nangyari sa kanila ng gabing iyon. Hindi siya makapanglaban dahil nagbanta
ito na papatayin silang mag-ina at yun ang kaniyang ikinatatakot. Kinabukasan paggising
niya nagpaalam ang kaniyang ina kasama ang kanilang katulong na maniningil sila ng
utang, natatakot si Ada na baka mangyari ulit sa kanya ang naganap kagabi, nagpasya
siyang lumayas sa bahay na yun. Napadpad siya sa isang negosyanteng intsik, inalok siya
na magtrabaho bilang labandera at tinanggap niya ang trabahong yun, nang kinagabihan
pinagtangkaan siyang gahasain ng kanyang among intsik. Tumatakbo siya sa may labasan
at tinulungan siya ng tinderang makatakas dahil ayaw ng tindera na mangyari sa iba ang
nangyari sa kanya noong pananamantala ng intsik sa kahinaan nito. Naisip ni Ada na
pumunta na lang siya sa kaibigan na si Mirna. Kinabukasan kinausap niya si Teresita na
pumasok at bumalik ulit sa pagsasayaw sa klab, hanggang sa pangatlong gabi nakita niya
si Ed sa klab.Niyaya siya nito na magsama sila at pumayag naman si Ada. Kinabukasan
habang nagtitinda si Ed, nasagasaan ito sa may riles ng tren at naging dahilan ng
pagkamatay nito na labis na ikinalungkot ni Ada, para maaliw at di siya malungkot
bumalik siya magtrabaho sa klab pero hindi na siya sumasayaw kung hindi tagahugas na
ng plato, tanda ng pagrespeto kay Ed. Lasing na dumating si Timo, sinabi kay Azun ang
buhay mayroon si Ada ngayon. Pinuntahan ni Azun kung saan nakatira si Ada, nang
magkita nagyakapan ang mag ina. Inalok ni Azun na bumalik na si Ada sa kanilang
tirahan at yun din ang pakiusap ni Timo pero alam ni Ada ang maitim na balak ni Timo at
ginamit kasangkapan lang ang kanyang ina . Hinayaan na lang ni Ada na huwag ng
sabihin sa kanyang ina ang tunay na nangyari. Nang makauwi ang kanyang ina
napagisipan niyang dumaan sa looban. Dinalaw niya sa Angelita ang bulag na kanyang
kaibigan at nabalitaan niyang makakakakita si Angelita kapag naoperahan ito kaya
babalik si Ada sa pagsasayaw sa Klab para makatulong kay Angelita.
C. Wakas
Katulad ng mga nakaraang gabi, lasing na naman nang umuwi si Timo. Dahil sa
sobrang kalasingan nagawa niyang saktan at bugbugin si Azun na tuluyan nang
nawalan ng malay. Buti na lang andiyan si Mang Tomas para tumulong sa kanya.Sa
kabaitan ni Mang Tomas dinala muna at nang makapagpahinga sa bahay niya si Azun.
Dahil pansamantalang nawala ang bait ni Azun dahil sa ginawa ni Timo sa kanya
inaalagaan muna siya ni Mang Tomas. Pagkatapos pakainin si Azun, pumunta siya sa
kanyang sapatusan para magsara, pag- uwi niya nakasalubong niya si Angelita at ang
taga pag- alaga nito. Ibinilin nito sa kanya si Angelita kasi uuwi ito sa Bicol, pumayag
naman ang matanda. Gabing bumalik nanaman si Ada sa pagsasayaw sa klab, nang
mabalitaan niya na kasalukuyang sinira ang kanilang tahanan, pagdating niya wala na
siyang naabutan. Binalita ni Mang Tomas na si Azun ay nasa kanyang pangangalaga
ngayon.Walang ginawa si Ada kung hindi alagaan ang kanyang ina para mabilis itong
gumaling. Kinalaunan may dumating sa kanyang balita na dumating ang tiyuhin ni Ed
at hinanap siya para iabot ang sobreng naglalaman nang malaking halaga. Dito
magbabago ang buhay ni Ada. Linggo ng gabi araw nang pagsali ni Angelita sa kontes
ng kantahan, ang dalawang mag ina ang naiwan sa bahay ni Mang Tomas, dito
dumating si Timo at muntik nang gahasain si Ada biglang natauhan si Azun at
sinaksak ito hanggang sa mapatay si Timo. Napatay ni Azun si Timo upang
ipagtanggol si Ada,may abogadong nag-boluntaryong tulungan silang mag- ina sa
kaso.Prosisyon ng Itim na Nazareno, habang nanood si Ada ng prusisyon nakita niya si
Cris umakyat at nagpunas din sa mukha nang Nazareno. Nang araw ding iyon nagsalo-
salo sila para ipagdiwang ang pista ng Mahal na Poong Nazareno.Napagdesisyunan
nila Ada, Azun at Angelita na dalawin si Roque sa bilibid. Hindi makapaniwala si
Roque na may dalaw siya at nakita niya ang kanyang mag-ina at doon nagyakapan at
nagpatawaran silang mag-iina, at pinapangako ni Ada na gagawa siya ng paraan para
makalabas ang kanyang ama. Nagbalik na ang sigla ni Azun, bumalik na siya sa
pagtitinda sa bangketa, laking pasasalamat niya sa tulong ni Mang Tomas, dumating
din ang mga taong nangangako kay Angelita na tutulong para ma-operahan ang
kanyang mga mata.
VII. Pagsusuring Pangnilalaman
A. Kalagayang Sosyal/Pangkabuhayan/Status ng Pangunahing Tauhan
1. Azun
Si Azun ay dakilang asawa ni Roque, at mapagmahal na ina kay Ada.
Kilala sa kanilang lugar dahil madalas na mapag-tsismisan na di umanoy
kalaguyo si Timo.
Siya ay dating bayarang babae sa klab na ngayon ay kasalukuyang tindera
ng mga kung ano-anong mga abubot sa bangketa na di makakailang
kakarampot lamang ang kita.
Kapos sa buhay at nabubuhay sa sistemang “isang kahig, isang tuka”.
2. Roque
Si Roque ay iresponsableng asawa ni Azun at puno ng padududa sa asawa.
Kilala bilang lasenggerong pindeho sa kanilang lugar.
Walang hanapbuhay, umaasa lang sa mga pinapalimos na pulubi at
pautang ni Timo.
Kapos sa buhay at nabubuhay sa sistemang “isang kahig, isang tuka”.
3. Ada
Si Ada ay isang mapagmahal at masunuring anak ni Azun at Roque.
Kilala sa kanilang lugar dahil sa angking kariktan at hinahangaan ng
maraming kalalakihan.
Siya ay karaniwang estudyante sa hayskul, pagkagaling sa eskwela ay
pumapalit ito sa ina para magtinda ng mga abubot.
Kapos sa buhay at nabubuhay sa sistemang “isang kahig, isang tuka”.
4. Timo
Si Timo ay walang asawa ngunit may pagtingin siay kay Azun, kilala ng
marami dahil siya ang pinaka may- kaya sa looban.
Dati ring dukha ngunit dahil sa pagsisikap ay umasenso at ngayon ay
karaniwang nagpapautang ng pamuhunan sa mga tao sa looban
Masagana at maluwalhati ang pamumuhay.
B. Kulturang Pilipino
1. Pagbabahagi ng isang balot ng piniritong manok at isang supot ng pansit
canton ni Ed kina Ada dahil sa bertday nito noong araw na iyon.
Isang kulturang Pilipino ang pamamahagi ng isang token o pagkain
tuwing kaarawan ng isang tao. Ang pamamahagi ay isang paraan ng
pasasalamat sa Poong Maykapal sa panibagong taon na inihandog at
sa mga biyayang ipinagkaloob.
2. Ipinakilala ni Cris si Ada sa kanyang Tiyahin pagkatapos nilang mamasyal.
Isang kulturang Pilipino ang pormal na pagpapakilala ng isang binata
ng dalagang kanyang sinisinta sa kanyang mga magulang.
3. Santacruzan
Isang kulturang Pilipino na namana natin mula sa mga ninuno nating
kastila ang santacruzan. Ito ay paraan ng paggunta sa pista ng Mahal na
Birheng Maria. Isang uri ito ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap,
debosyon at pananampalataya kay Birheng Maria.
4. Burol
Nakagawian na ng mga Pilipino ang iburol ang namatay na kaanak
bilang tanda ng respeto at paggalang dito. Sa burol nagkakasama-sama
ang pamilyang naiwan ng pumanaw upang sariwain ang mga
masasayang ala-ala at pananalangin tanda ng pagpapaubaya ng
pumanaw na kaanak sa Panginoon.
5. Pagrorosaryo
Isang kulturang Pilipino na namana rin natin sa mga kastila na
nagpalaganap ng Kristiyanismo sa ating bansa. Ito ay isang paraan ng
pananampalataya at paghingi ng gabay sa ating Panginoon. Ito ay
kadalasang ginagawa tuwing alas-tres ng hapon, araw-araw.
6. Pagmamano
Nakagawian na natin ang pagmamano at paghalik sa kamay sa mga
nakakatanda. Ito ay isang paraan ng pagpapakita ng respeto at
paggalang. Ngunit sa panahon ngayon madalang nalang ang mga taong
humahalik sa kamay ng mga nakakatanda.
7. Pista
Isang kulturang Pilipino ang magdaos ng pista taon-taon bilang tanda ng
debosyon natin sa mga patron ng Simbahang Katolika. Ito ay isang
paraan ng pasasalamat, paghingi ng gabay, pananalig at
pananampalataya.
C. Pilosopiyang Pilipino
1. “Sa pag-ibig lahat ay pantay pantay” - Ada
Paniniwala ni Ada na ang pag-ibig ay sadyang hindi mapanghusga,
walang mayaman o mahirap, maganda o pangit. Ang lahat ay pantay
pantay sa larangan ng pag-ibig maging sa mata ng Diyos.
2. “Ang pangarap ang bumubuhay sa tao” - Mang Timo
Paniniwala ni Mang Timo na ang lahat ay nabubuhay at nagpupursige
para sa pangarap, pinatotoo ito ang katagang “ Libre lang ang
mangarap”.
3. “Kailanma’y di puputi ang uwak” - Doray
Paniniwala ni Doray na kailanma’y ang masama’y di bubuti.
4. “Kung may usok may apoy” - Roque
Paniniwala ni Roque na ang lahat ng bagay ay may sanhi o
pinagmulan.
5. “Nagsisimula ang lahat nang hindi pantay” - Timo
Paniniwala ni Timo na ang lahat ay nagsisimula nang hindi pantay at
nasa atin na iyon kung paano natin ito gagawing produktibo.
6. “May mata ang dibdib ng mga ina” - Azun
Paniniwala ni Azun na ang mga kutob o pakiramdam ng mga ina ay
kung minsan ay totoo.
7. “Ang ayaw maligo ng putik ay hindi dapat bumabad sa putikan, kung ayaw
mong ma-ulingan, huwag kang humawak ng palayok” - Timo
Paniniwala ni Timo na kung nais nating maging ligtas at malayo sa
disgrasya huwag na tayong mag-atubili at umiwas sa mga bagay na
maaaring makapagpahamak sa atin.
8. Paghingi ng awa ni Azun sa Diyos
Si Azun ay naniniwalang may awa ang Diyos kaya naman siya ay
lumuhod at nagsumamo sa harap ng Panginoon at nanalagin. Pag-asang
sana ay maiahon sila sa bagsik ng bangketa.
D. Simbolismong Ginamit
1. Bangketa
Sumisimbolo sa mga taong tsismosa’t tsismoso o mga taong
nagkakalat ng mga masasama o di makatotohanang balita na nakatira
sa looban.
2. Nagkukulapuhan ng tae
Ipinahihiwatig nito ang pagkalat ng masamang balita, sumisimbolo
naman ang tae sa tsismis, masama o di makatotohanang balita.
3. Larawan ng Madona
Sumisimbolo sa mag-inang pulubi na nasa lansangan nakalahad ang
palad at umaasa sa kakarampot na barya.
4. Bituka ng bangketa
Sumisimbolo sa buhay ng mga tao sa looban.
5. Manika
Sumisimbolo sa lungsod, dumilat pumikit, waring nang-aakit sa
pinakapihikang pansin mula sa kuta ng Santiago, ang makiring lungsod
ay patuloy wari sa panunukso.
6. Latak ng Lipunan
Sumisimbolo sa pananaw ng mga tao na umaasa sa ilegal na paraan
para mabuhay at may pantawid gutom.
7. Ilog
Sumisimbolo ito sa patuloy na pag-agos ng buhay. Ang mga hindi
nakapag-aral ay sadyang walang pangarap, kuntento na sila sa limos awa
sa isang araw kaya naman sila ay nakikiagos sa daloy ng marumi at
maralitang buhay.
8. Gulong
Sumisimbolo sa buhay ni Ada at Azun at maging ng lahat ng tao sa
mundo. Minsan nasa ibabaw, minsan nasa itaas.
9. Pulang Langgam
Sumisimbolo sa mga taong maagang kumakayod sa bangketa para may
pantawid gutom sa hapunan.
10. Alon
Sumisimbolo sa mabagsik na pagbibiro ng tadhana. Ang taas babang
paglalaro nito at hampas na walang humpay na hahantong sa paraisong
dalampasigan.
E. Terminolohiya
1. kalapati ng lahat
Isang bayarang babae o alipin ng nakararami
2. makikiri
Maaarte, maluho, maraming aksesorya sa katawan
3. makating dila
Taong hindi marunong magtago ng sikreto at hindi
mapagkakatiwalaan.
4. pumaikpik
Nangingibabaw, namayani, namagitan
5. manikluhod
Nagmamakaawa, humihingi ng kababaang-loob, pagsusumamo,
pakikiusap
6. nakamata
Nakatitig, nakatingin ng mariin, tinatanaw
7. magpatianod
Sumabay sa agos, magpadala, bumigay, dumaloy, bumalisbis,
tumalaytay,dumaluydoy
8. lugami
lublob, gumo, lubog, datay, lupaypay, lugmok
9. banaag
kislap, andap, kutitap,anag-ag, sinag, aninag
VIII. Pagsusuring Pampanitikan
A. Dulog
Unti unti nang nagkakabagwis ang buhay na kani-kanina’y walang tibok sa bangketa.
Mahalumigmig ang hanging-lungsod. Sumandaling humihinga ang umaga ng simoy na
walang lason. Ang maluwang na lansangan ay hindi pa pinamumutiktikan ng mga
umaatungal na bus, dyipni, taksi,kotse, at mga taong mula sa sinapupunan ng gabi ay
iniaanak ng liwanag upang maging pulang langgam ng kalungsuran.
Iniluwa na ang mga taga-Looban mula sa maliit na eskinitang nag-uugnay sa bangketa.
May kanya- kanyang dalang gamit, may mga pasang kahon o itinutulak na karitong puno ng
mga paninda.
B. Teoryang Nangingibabaw
1. Realismo
Nangibabaw ang teoryang realismo sapagkat ang nobelang “Bulaklak ng
Maynila” ay hinango sa realidad. Nagpapakita ito ng makatotohanang
paglalarawan ng tao, lipunan at kapaligiran na nagpangibabaw sa
kagandahan ng nobela. Ipinakita rin dito ang mga pangyayaring
maaaring maganap sa tunay na buhay.
Patunay:
Senaryo sa bangketa
“Nakatambak sa kalsada ang kolonya ng mga paninda: tuwalya,
damit-bata, bra, kamisong mura, short na panlalaki’t pambabae,
mumurahing sabon na galing tsina, panghintutuli, panghinuko, tumpok-
tumpok na pulang mansanas at marami pang iba. Sa makababa ng
simbahan, palusong sa daanan-sa-ilalim, nakahilera ang mga pulubi. Mga
bulag na kumakanta o naggigitara o tumutugtog ng silindro, lumpo o
walang paningin, ngunit sa kabuuan ng daanan-sa-ilalim ang daing na
pagpapaawa ay tumitigib sa paligid…….” – kabanata 6, pp. 54-55
Mga pulubi sa kalye
“Me ipinanganak na pulubi na Angelita,” sabi ng payat na babae.
“Me isinilang na pulubi at namamatay na pulubi. Me isinilang sa bangketa.
Buong buhay kalaro ang usok at alikabok. Hanggang kamatayan bangketa
ang pagbuburulan”. Pumaikpik ang katahimikan ant maya-maya’y
nagpatuly na sa panglilimos at pagkanta ng batang bulag……. – kabanata
6 pp. 55-57
Pag-usap ng bulag at lumpo
“Napangarap ko kagabi ang asawa ko. Bumalik daw. Masaya ako.
Nakapiling ko ang asawa ko”,sabi ng bulag. “Ako alam kong wala na si
Reina ko, nasawi siya sa sumabog na pagawaang kapwa naming
pinagtratrabahuan ksabay nito ang pagiging lumpo ko.” ,sagot ng lumpo
……– kabanata 6, pp.60-63
Mga sumasayaw sa klab
“ Kumiri ang tugtog. Kumiri din ang sayaw ni Teresita.
Sumusunod si Ada. Unti-unting natatangay na siya ng sigabo ng tugtog at
na init ng makiring ilaw. Kuiri na rin ang kanyang paa, lumandi na rin ang
kanyang baywang, naging malikot narin ang kanyang kamay,ulo at mga
mata. Umaatikabong palakpakan ang sumabog pagkatapos ng kanilang
unang sayaw ni Teresita……… – kabanata 14, pp.164-166
Pag-demolish sa mga kubakob sa tabing ilog
“Ganap ng naglaho ang nga kubakob sa dating tinitirhan. Wala
nang nalalabing mga palatandaan. Sa sinapupunan ng guho, ang lahat
magkakapantay……..– kabanata 23, pp.265-267
2. Markismo
Nangibabaw rin sa nobela ang paglalaban ng mahirap sa mayaman,
mahina sa malakas at mabuti sa masama. Ngpapakita ng diskusyon at
pananamantal sa karapatang pantao.
Patunay:
Paggahasa ni Timo kay Ada
“ Tiyong huwag po! Maawa kayo…” nagsusumamo si Ada kay
Timo ngunit hindi parin nito napigilan ang maitim na balak ni Timo.
Walang nagawa si Ada kundi ang umiyak dahil binantaan siyang papatayin
silang mag-ina kapag tumanggi siya at kapag nagsumbong siya sa
kinauukulan o sa ina mapapahamak sila……. -kabanata 19 pp. 207-210
Pananakit ni Timo kay Azun
“Bigla-bigla, umigkas ang bakal na kamao ng pamamalibhasa,
tumabak sa mukha ng tumayong mandirigma hanggang sa iyo’y guppong
bumagsak sa pagkagapi…….. – kabanata 22, pp. 250-253
Paghimok ni Timo kay Roque na magnakaw
“ Isinubo nila si mang Roque. Me mga bata si Mang Timo,
hinikayat si Mang Roque, Na nakawan ang Intsik. Pero nang gabing iyon
may tumawag sa telepono na pulis kaya napatay niya ang Intsik…. -
kabanata 13, p. 140
3. Formalismo
Ang kabuuan ng nobela ay nabalot ng mga matatalinghagang
pahayag. Ito ay nakatulong sa pagpapatuloy ng istraktura o pagkabuo
nito.
Patunay:
“Dumupikal ang batingaw sa simbahan, bumulaga sa kanya ang isang
santinakpan na dumadaluyong na mga bandilang pula, mga kamaong
nakakuyom…..”-kabanata 23, pp. 268-269
“Wala nang katagang namutawi sa labi ng gabi. Tahimik na umuungoy ang
duyan ng hangin, inaawitan ang ibig nang manahimik ng ulilang vituin sa
langit…..”-kabanata 17, p.200
C. Kabisahan ng Nobela
1. Bisa sa Isipan
Ang namutawing kaisipan sa akdang “Bulaklak ng Maynila ay ang
katotohanang ang mundo ay isang malaking Quiapo, hindi mo alam kung
anong klaseng tao ang nakapaligid sayo. Nangibabaw rin ang konseptong
ukol sa buhay ng mga tao sa looban. Dapat nating bigyan ng pansin ang
mga taong humihingi ng limos-awa sa lansangan sapagkat sila ay mga
taong nangangailangan ng kalinga at tulong. Sila ay inihalintulad sa mga
langaw na maikli ang buhay ngunit parami nang parami. Sa kabilang banda
binigyang diin rin ang kahalagahan ng mga mag-asawa at pamilya.
Gayundin ang kaisipang kung sino pa ang mga makapangyarihan at sakim
siyang kung minsan ang pinagkakalooban ng salapi.
2. Bisa sa Pandamdamin
Ang akdang ito ay lubos na pinaglaruan ang aking emosyon. Nakadama
ako ng pagkainis dahil sa pagiging iresponsable ni Roque at ang pagiging
mapanlinlang ni Timo. Nahabag ako sa mga pulubing pinagkaitan ng awa,
atensyon, kalinga’t pagmamahal. Naawa ako sa mga dinanas na pagsubok
ni Ada at ni Azun, subalit sa kabila na ilang beses na pag-kadapa nagawa
nilang bumangon at lumaban, nanatiling matatag para harapin ang
katusuhan ng Tadhana. Gayunpaman lubos na kasiyahan nag aking nadama
ng makamit nial Azun at Ada ng kalayaan laban kay Timo at nangibabaw
muli ang kapayapan at kabutihan sa looban pati ang muling pagkabuo ng
pamilya ni Ada kasama si Angelita.
3. Bisa sa Kaasalan
Ikanga nila “ang buhay ay umiikot na parang gulong”, minsan nasa ibaba
minsan nasa itaas. Napagtanto kong dapat nating tanggapin at hapin ang
mga pagsubok sa buhay dahil walang mangyayari kung tatakbuhan natin
ito. Minsan kailangan nating magsakripisyo para sa kapakanan ng iba at
pansariling kabutihan. Nararapat din tayong mabuhay sa katotohanan dahil
ito lamang ang makapagpapalaya sa atin. At ang huli dapat nating gawing
inspirasyon ang nakaraan kaaya-aya man ito o hindi sapagkat ang nakaraan
ay ang kalakasan ng hinaharap.
4. Ispiritwal at Moral
Lubos na nasubok ang ispiritwal na paniniwala ng mga tauhan. Naisip kong
ang katagang “ Habang may buhay may pag-asa” habang binabasa ko ang
parte ng akda halos manlumo na si Ada sa sobra hirap at pasakit na
kanyang dinanas. Masusubok lamang an gating pananampalataya sa
pamamagitan ng mga pagsubok na ginawad sa atin ng Panginoon kaya
naman manatili tayong matatag at patuloy na maniwala at manalig sa
kanya. Sa kabilang banda ang moralidad ay sumentro rin sa akda. Dapat
lamang na mamutawi ang pagtutulungan sa bawat isa dahil kung may
inggit o sakim na puso mailalagay sa peligro ang karamihan. Nais ding
ipakita ng akda ang baluktot na pamumuhay ng mga tao sa looban at ang
mga taong lubos na naaapektuhan.
IX. Kongklusyon
Sa kabuuan ng akdang “Bulaklak ng Maynila” napagtanto kong ang buhay ay
parang alon. Taas babang humahampas sa dalampasigan. Ang akda ay tungkol sa
pamumulaklak ng isang dalaga sa bangketa. Hinarap ang iba’t-ibang pagsubok. Dumating
sa puntong natapakan na ang dangal puri’t dignidad subalit nanatiling matatag para
harapin ang bawat hamon ng buhay at katusuhan ng tadhana. Sa kabilang banda, ito rin ay
tumalakay sa pamumuhay ng mga karaniwang tao sa looban, ang pader sa pagitan ng
mayaman at mahirap at ang paglalaban ng malakas at mahina. Kasama ang mga
itinuturing na langaw ng lipunan. Ang mga pulubing nanglilimos ng awa. Mga taong
maiikli ang buhay at patuloy na dumarami na parang isang langaw. Dagdag pa ditto ang
agsisiwalat ng katotohanan, kabutihan, at kapayapaan.
X. Rekomendasyon
Kung ako ay mabibigyan ng pagkakataon, nais kong mabasa ito ng mga may
kapangyarihan sa gobyerno para mamulat ang kanilang mga mata sa mga pangyayari na
nagaganap sa tunay na buhay o ang looban. Nais kong imulat ang kanilang mga isipang
nabubulag na sa salapi at patuloy na sinasamantala ang kaban ng bayan. Dagdag pa dito
ang layuning masousyunan ang hindi makitang problema n gating lipunan.
Sa kabilang banda nais ko rin itong ipabasa sa lahat ng tao nang sa ganon ay
mamulat sila sa katotohanan at bilang babala narin sa bawat isa. Sana’y manatili ang
bawat isa na matatag at matapang na humarap sa mga unos ng buhay.