Fil40 Term Paper

Embed Size (px)

DESCRIPTION

Ang papel na ito ay isinulat upang alamnin at talakayin ang kaugnayan at epekto ng pagbabasa sa wattpad sa kultura at wikang Filipino.

Citation preview

Ang Wattpad at Ang Wikang Filipino

Isang Papel na Isinumite sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng PilipinasKolehiyo ng Arte at Literature

Marie Eirene F. Fabon

Fil40Unang Semestre, A.T. 2014- 2015Prop. W. J. Legaspi

Nobyembre 2014Talaan ng Nilalaman

I. Introduksyon...2II. Layunin ng Papel ...................3III. Tesis na Pahayag .................................3IV. KatawanA. Kalikasan ng Wattpad..............4B. Wattpad sa Lipunang Filipino..........61. Hilig ng mga Filipino sa Pagsusulat...62. Hilig ng mga Filipino sa Pagbabasa.......73. Pag-usbong ng Teknolohiya sa Pagbasa at Pagsulat..84. Pagtangkilik ng mga Filipino sa Wattpad......10C. Wattpad at Wikang Filipino....141. Wattpad sa Pagtangkilik ng Wikang Filipino...................................142. Wattpad sa Pagpapatunay ng Ebolusyon ng Wikang Filipino...15V. Konklusyon.17

I. RASYUNALMalaki na ang ipinagbago ng teknolohiya dahil sa siyensya. Marami nang naimbentong dati-rati ay nasa imahinasyon lamang ng mga tao. Isa marahil dito ay ang internet. Hindi na bago sa pandinig ng nakararami ang internet. Sa pamamagitan ng internet, mas napabilis ang pagsalin ng impormasyon kabilang na ang babasahin. Isa sa mga programang gumagamit ng ganitong teknolohiya ay ang Wattpad. Ang Wattpad ay isa sa pinakamalalaking komunidad sa internet na nakalaan para sa mga mambabasa at mga nagsisimulang manunulat mula sa ibat ibang panig ng mundo. Ito ay isang application o app sa internet kung saan maaaring magbasa ang kahit sino ng mga nobela at iba pang uri ng babasahing isinulat ng mga kapwang gumagamit ng app na ito o di naman kaya ay makapagsulat ng kanilang orihinal na akda (Hemus, 2013). Sa inilabas na tala ng Wattpad noong 2013, ito ay mayroon nang mahigit 18 milyong tagatangkilik. Nakapagtala rin ito ng mahigit 32.2 milyong uploads ng mga nakumpletong akda nang matapos ang nasabing taon mula nang nagsimula ang app na ito. Sa Pilipinas, mayroon nang mahigit 255 libong tagatangkilik ang Wattpad at patuloy pang lumalaki ang bilang na ito (SOURCE)Kung gayon, masasabing dumarami ang mga Pilipinong nahihikayat magbasa at magsulat sa pamamagitan ng Wattpad. Dahil dito, nakapukaw sa interes ng may-akda ng papel na ito ang maaaring epekto ng pagtangkilik ng mga Pilipino sa Wattpad sa Wikang Filipino. Makatutulong ang pamahunang papel na ito sa pagtanto ng mga dulot na benepisyo at kahinaan ng Wattpad sa kasalukuyang kaalaman ng mga Pilipino sa Wikang Filipino.

II. LAYUNIN NG PAPELAng pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ay ang pagtukoy sa mga benepisyo at kahinaang dulot ng Wattpad sa Wikang Filipino.Upang makamit ang pangunahing layunin ng papel na ito, isinalarawan dito ang Wattpad sa pamamagitan ng depinisyon nito, kasaysayan nito at layunin sa paggawa ng app na ito; isinalarawan din ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa Wattpad at tinukoy ang mga naidudulot ng Wattpad sa Wikang Filipino

III. TESIS NA PAHAYAGAng pagtangkilik ng mga Pilipino sa Wattpad ay nakaaapekto sa paglaganap at sa kaalaman ng Pilipino sa Wikang Filipino.

IV. KATAWANA. Kalikasan ng WattpadAng Wattpad ay isang komunidad sa mundo ng internet kung saan ang kahit sino ay maaaring magbasa, magsulat at mag-upload ng mga artikulo, nobela, tula, maiikling kwento at iba pang uri ng akda. (http://www.theliteraryplatform.com/2012/10/wattpad-building-the-worlds-biggest-reader-and-writer-community/) Sa app na ito, hindi na kailangang maging myembro ng isang tagatangkilik upang magbasa o magsumite ng akda sa kanilang site. Maaaring gumamit ng alyas upang mapanatili rin ang pagkakakilanlan ng gumagamit nito. Maaari ring makapaglahad at makipagpalitan ang mga gumagamit nito ng kanilang mga opinion, kuru-kuro at reaksyon sa pamamagitan ng pagsali sa mga diskusyon sa site na ito o sa pamamagitan ng pagla-like ng mga akda o komento rito.

Layunin ng Wattpad na bigyan ng pagkakataon ang mga nagisimulang manunulat na ihayag ang kanilang imahinasyon sa pamamagitan ng pagsulat ng akdang mababasa ng mga tagatangkilik ng Wattpad sa ibat ibang bahagi ng mundo. Layunin din nitong ipalaganap ang hilig sa pagbabasa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga mambabasa na dalhin kahit saan ang nais nilang babasahin. Higit sa lahat, layunin ng Wattpad na aliwin ang mga tagatangkilik nito sa pamamagitan ng mga akdang nakapaloob ditto.

Ang salitang Wattpad ay nagmula sa salitang watt na tinutukoy sa siyensya bilang sukat ng power sa isang segundo; at sa pad na tumutukoy sa alinmang babasahin. Ayon kay Margaret Atwood (2012), ang isa sa pinakatanyag na gumagamit at manunulat sa Wattpad, tumutukoy raw ang salitang Wattpad sa mga babasahing electronic o online.

Ang app na ito ay unang lumabas noong 2006 sa pagtutulungan nina Allen Lau, isang entreprenyur, at Yvan Yuen, dating empleyado ni Lau. Ayon kay Allen Lau sa panayam sa kanya noong Enero 2014 ni Tatin Yang, nagsimula ang Wattpad sa ideyang nais niyang madala kahit saan ang anumang babasahin niya. Nais niyang maging tila isang cellular phone ang kanyang babasahin. Sa panahong naiisip ito ni Lau ay nagkaroon sila ng komunikasyon ni Yuen kung saan inilahad ni Yuen na may sinisimulan siyang proyekto na hawig naman ng nais na mangyari ni Lau (Bello, 2012). Mula nito ay nagtulungan na ang dalawa sa pagtaguyod ng Wattpad. Sa pagsisimula nito, hindi naging matagumpay ang unang taon ng Wattpad sapagkat kakaunti lamang ang kumagat sa ideyang ito (Bello, 2012). Ayon kay Lau, matapos ang isang taon, nasa isang daang tao lamang ang naging miyembro ng Wattpad kung saan karamihan dito ay mga kabataan. Sa kabila nito, hindi sumuko sina Lau at Yuen. Sinikap nilang pag-aralan ang mga suliraning kinaharap ng Wattpad at binigyang solusyon ang mga problemang ito.

Isa sa kanilang nagging istratehiya ay ang paglalagay ng mga bagong katangian sa Wattpad tulad ng pagboto at pagkokomento sa mga akda, gayundin ang pagmarka ng mga manunulat na nais subaybayan ng isang mambabasa (Bello, 2012). Ito ay dahil ayon kay Lau, ang pangunahing motibasyon ng mga manunulat sa pagsumite ng mga akda ay ang pagtanggap at pagtangkilik ng mga mambabasa sa kanilang isinulat.

Hindi nasayang ang pagsisikap ng dalawa sapagkat noong 2008, nagsimulang umusbong ang bilang ng mga tumatangkilik ng Wattpad (Yang, 2014 at Bello, 2012). Dumami ang mga nagbabahagi ng kanilang mga orihinal na akda at mabilis na umakyat ang bilang ng mga mambabasa.

Kasabay ng pag-usbong ng ibat ibang gadgets ay ang pagkakaroon din ng ebolusyon ng Wattpad. Hindi na lamang ito isang website. Nagkaroon na rin ito ng sariling application na maaaring ma-install sa mobile phones o di kaya naman ay tablets. Sa pamamagitan nito, mas naging madali para sa mga tagatangkilik nito ang paggamit ng Wattpad. Sa pinakabagong artikulo sa Vulcan Post (Abril 2014), inanunsyo ng Wattpad ang pagkakaroon ng 25 milyong tagatangkilik at ang tala ng 15 libong uploads kada araw. Dagdag pa rito, napag-alamang ang mga tumatangkilik ng Wattpad ay gumugugol ng di kukulang sa anim na bilyong minute sa paggamit ng naturang app.

Patunay ito na kahit hindi naging mabuti ang simula ng Wattpad ay nakabawi ito dahil na rin sa pagsisikap ng mga nasa likod nito at sa walang tigil na pag-aaral para sa ikabubuti ng app na ito.

B. Wattpad sa Lipunang Filipino1. Hilig ng mga Pilipino sa PagsusulatHindi maikakailang nasa lahi ng mga Pilipino ang pagiging malikhain sa ngalan ng pagsusulat. Mula sa panahon nina Dr. Jose Rizal hanggang sa henerasyon ng mga modernong Pilipinong manunulat tulad ni Bob Ong, mapapansin ang kakaibang talento ng mga Pilipino sa pagsusulat. Mula sa mga tula, maiikling kwento at mga nobela, may pambato ang mga Pilipino na maipagmamalaki sa ibang bansa.

Ilan sa mga sikat na manunulat na Pilipino sa henerasyon ngayon ay nabanggit na si Bob Ong, Bo Sanchez, Carlo Caparas at Mars Ravelo. Ang mga likha nila ay tinatangkilik ng mga Pilipino at maging ng mga dayuhan.

Hindi lamang ang mga tanyag na manunulat ang patunay na mahilig ang mga Pilipino sa pagsusulat. Marami sa mga Pilipino ay mayroong mga blog. Ang blog ay tumutukoy sa isang website kung saan maaaring magsulat ang isang may akda ng anumang naisin niyang ipahayag. Tila isa itong personal na diary sa makabagong panahon. Halos lahat ng mga gumagamit ng internet ay may blog na katunayang mahilig ang mga Pilipino sa pagsusulat.

Sa katunayan, mayroong organisasyong naggagawad ng parangal sa mga blog na kinikilala dahil sa mga laman nito pati na rin sa disenyo nito. Ito ay ang The Philippine Blog Awards. Ilan sa mga may akda ng mga kilalang blog sa Pilipinas ay sina Sonnie Santos ng Web Safety Philippines, Mitch Mauricio ng Anik-anik Love at Nina Fuentes ng Just Wandering (The Philippine Blog Awards, 2010).

2. Hilig ng mga Pilipino sa PagbabasaLikas na mahilig magbasa ang Pilipino. Ayon sa pananaliksik ng Social Weather Stations sa pamamagitan ng National Book Development Board (NBDB) Readership Survey noong 2012, isinaad na mayroong pagbaba ng porsyento ng mga mambabasa sa Pilipinas kumpara noong 2003. Ngunit, ayon din sa kanila, ang porsyentong ito ay dahil lamang sa pagbaba ng porsyento ng mga mambabasa sa National Capital Region (NCR). Sa ibang panig ng Pilipinas tulad ng Visayas at Mindanao, tumaas ang bilang ng mga mambabasa. Isinaad na 16% ng mga mambabasa sa Pilipinas ay nagbabasa hindi dahil sa kailangan ito sa akademiya ngunit dahil nais nilang malibang. Isinasaad nito na kusang loob ang pagbabasang kanilang isinasagawa at walang gradong nagbabanta kung hindi sila magbabasa.

Dagdag pa sa mga datos na ito, napag-alaman din mula sa nasabing survey na bumaba ang bilang ng mga mambabasa sa lahat ng edad maliban sa mga kabataan edad 18-24 taon. Sa katunayan, tumaas ang bahagdan ng mga kabataang nagbabasa kumpara noong 2003. Bumaba man ang bilang ng mga mambabasa sa mas nakatatandang edad, maaari namang masimulan ng mga kabataan ang muling pagbuhay at pagpatuloy ng mataas na porsyento ng mga mambabasa. Upang makamit ito, ang NBDB ay unti-unting nagpapatayo ng mga bookstores sa ibat ibang bahagi ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito ay inaasahang maisusulong ang pagbabasa ng mga Pilipino.

3. Pag-usbong ng Teknolohya sa Pagsusulat at PagbabasaSa paglipas ng panahon, kapansin-pansin ang pagbabago sa teknolohiya mula noong 1990s. Ang dating matataba at mababagal na monitor ng kompyuter at mga telebisyon ay napalitan ng maninipis, mas malaki at de-kulay na mga screen. Ang dating malalaki at mabibigat na modelo ng cellphones ay napalitan ng maninipis, magaan at mas kapaki-pakinabang na mga smartphones. Sa kasalukuyan ay hindi na lamang pagte-text o pagtawag ang nagagawa ng mga cellphone dahil maaari na ring kumuha ng imahe, maglaro at magbasa ng mga nobela gamit ito.

Ngunit bago pa man ang mga smart phones, Wattpad, ebooks, internet at iba pang may kinalaman sa modernong teknolohhiya, ang mga aklat ang unang hawak, binabasa at ginagawang sanggunian ng mga guro, mga estudyante, mga ordinaryong mambabasa at ng sangkatauhan maging noong sinaunang panahon.

Nagsimula ang lahat sa mga clay tablet, papyrus at parchment hanggang sa unang naimbento ang aklat na naka-imprenta sa Tsina. Sumunod ang block printing sa Egypt at moveable type sa Europa hanggang sa pagkaka-imbento ni Guttenberg ng printing press. (https://sfbook.com/the-evolution-of-the-book.htm)

Bagaman ang indusriya ng pag-iimprenta ng aklat ay nagpapatuloy at tinatangkilik pa rin sa ngayon, hindi naman maitatangging ito ay humihina sa paglitaw ng makabong teknolohiya at pagkakaimbento ng mga electronic books o e-books. Sinasabing ang pinakaunang e-book ay pinangunahan ni Peter James noong 1993 kung saan kanyang inilagay sa dalawang floppy disc ang kanyang akda na pinamagatang Host. Ito ay binansagang "world's first electronic novel".

Sa pag-unlad ng teknolohiya at pagtugon nito sa pagpapabilis at pagpapadali ng buhay ng mga tao lalo na sa larangan ng pagbabasa, dumami ang mga e- book reading apps gaya ng Kindle, Goodreads at Wattpad. Layunin ng mga apps na ito na padaliin ang pagdadala at pagtatago. Ang mga aklat na dati ay mahirap o mabigat dalhin at madaling masira at napupunit ay maaari nang ibulsa at mapangalagaan sa pamamagitan ng mga smart phones at tablets. Dagdag pa rito, isa rin itong paraan ng panghihikayat lalo na sa mga kabataan at sa yaong populasyon na lumaki sa modernong teknolohiya upang magbasa at magsulat sa mas makabago at nakaaaliw na paraan.

Sa kontekstong kultural sa Pilipinas, malaki ang impluwensya ng modernong teknolohiya sa gawi ng mga Pilipino. Sa katunayan, ang Pilipinas ay binansagang texting capital of the world sa dami at dalas ng text na naipapasa kada araw. Kasabay rin ng pagdami ng mga produktong nakamumura, nagpapatunay lamang ito na nakararami sa mga Pilipino ay may kakayahan na magmay-ari o di kaya'y nagmamay-ari ng mga produkto ng modernong teknolohiya (http://www.techpinas.com/2009/10/filipinos-lead-world-in-use-of.html).

Kaya naman, nang mainlunsad ang Wattpad, madali itong tinanggap at tinagkilik ng mga Pilipino. Bilang epekto nito, mas dumami at mas dumarami pa ang mga Pilipinong nahahasa at tumatangkilik sa pagbasa at pagsulat.

4. Pagtangkilik ng mga Pilipino sa WattpadMula sa Facebook, Twitter at Instagram, ang mga Pilipino ay hindi pahuhuli pagdating sa online social networking. Sa isang pag-aaral ng UM na tinawag na Wave7, napag-alamang ang mga Pilipino ang may pinakamataas na social media engagement kuung saan ang isang Pilipino ay gumugugol ng 53 oras sa social media, 11 oras na mas mataas kaysa sa karaniwan. (GMA News, June 2014)

Sa parehong pag-aaral natuklasan rin na ang penomenon na ito ay dahil na rin sa mga pangagailangan ng mga Pilipino na napupunan ng social media. Ang ilang sa mga ito ay ang komunikasyon sa mga kaibigan, makakilala ng mga tao, makisalamuha, magsaya, at makapagbahagi ng bagong karanasan.

Kung ihahambing ang mga resultang ito sa kulturang Filipino, masasabing may tugmaan ang mga ideya sapagkat kilala ang mga Filipino bilang palakaibigan at magaling makisama. Kaya naman, nang magsimula makilala ang Wattpad na maituturing na isang uri ng social media, hindi na kataka-takang ang Pilipinas ang pumangalawa sa may pinakamaraming users at miyembro ng site kasunod lamang ng US.

Ayon kay Allen Lau, ang CEO at nagpasimula sa Wattpad, sa tatlumpung milyong miyembro ng Wattpad sa buong mundo, limang milyon dito ay mga Pilipino. Dagdag pa niya, ang mga Pilipino ay gumugugol ng humigit sa isang bilyong minuto kada buwan sa pagbabasa at pagsusulat sa Wattpad. (MST, Sep 2014)

Sa panimula naman ng taong 2014, mahigit 300 libo na ang mga nakumpletong akda na nagmula sa mga Pilipinong gumagamit ng Wattpad at patuloy na lumalaki ng 10 porsyento kada buwan (Philippine Star, Jan 2014). Dagdag pa rito, dalawpu't tatlong porsyento ng mga taong bumibisita sa Wattpad kada araw ay nagmumula sa Pilipinas.Bukod pa rito, hindi tumigil ang kasikatan ng Wattpad sa internet sapagkat maging ang mga lokal na mga publishing house gaya ng Summit Media at Viva-Psicom Corp. ay naging interesado sa paglilimbag ng mga popular na akda sa Wattpad. Ang ilan sa lubos na sumikat sa mga nobelang ito ay ang "She's Dating the Gangster" at "Diary ng Panget" na parehong nanguna sa mga bestseller ng National Book Store sa magkaibang buwan.(Yahoo News Philippines, March 2014) Bilang resulta, ang dalawang nobelang ito ay pareho ring nagkaroon ng pagsasapelikula sa dalawang magkaibang production company.

Ang Diary ng Panget na isinulat ni Denny R. at isinapelikula ng Viva Films ay naipalabas sa mga sinehan noong ika-2 ng Abril 2014 na kumita ng humigit sa 120,000 piso samantalang ang She's Dating the Gangster na isinulat naman ni Bianca Bernardino at isinapelikula ng Star Cinema ay naipalabas sa takilya noong ika-14 ng Hulyo 2014 na kumita ng humigit 300,000 piso.

Sa kasalukuyan, sinasabing mayroong nang labing-isang pelikula ang hango sa mga istorya sa Wattpad at isang daan naman ang mga kwentong nailimbag na nagmula sa Wattpad (http://newsbytes.ph/2014/09/23/more-pinoys-using-wattpad-as-e-reader-of-choice-exec-says/).

Ang malakas na pagtangkilik ng mga Pilipino sa Wattpad ay dahil sa, unang-una ito ay libre at madaling gamitin. Sapagkat ang Wattpad ay orihinal na ginawa upang makapagbasa at makapagsulat ang mga users ng libre, marami ang nahihikayat na tumangkilik rito. Kumpara sa tradisyunal na aklat kung saan ay nangailangan pang gumastos, ang lahat ng mga babasahing makikita sa Wattpad ay mababasa ng libre at lalo pa itong napapdali sa pamamagitan ng mobile app nito kung saan maaari nang makapagbabasa ang isang indibidwal gamit lamang ang isang electronic tablet o kaya'y smart phone (http://manilastandardtoday.com/mobile/2014/09/27/how-wattpad-ceo-allen-lau-changed-filipino-books-and-movies0).Pangalawa, ang mga istorya rito ay puno ng romansa. Ayon kay Kristel Tan, ang tagapangasiwa sa Wattpad Philippines:There are a lot of romances, especially those with comedic and kilig (swoon) factors. Teen fiction is popular, too." Kung papansinin, masasabing ang mga Filipino ay mahilig sa romansa at mga nakaka-kilig na kwento. Makikita ito sa pagtaas ng popularidad ng mga Tagalog Pocket books na dinodomina ng romance genre noong 1980s. Ayon naman sa ulat ng Time Magazine, ang mga Pilipino ang binansagang "most obsessed" fans ng The Fault in Our Stars, isang nobelang romansa na isinulat ni John Green (http://time.com/2837917/the-fault-in-our-stars-country-tracker/).

Ikatlo, ito ay self-publishing. Hindi tulad sa tradisyunal na paglilimabag ng aklat kung saan ay kinakailangan ng isang publishing company na handang mag-imprenta ng iyong akda, ang Wattpad ay ibinibigay ang pagkakataong ito ng libre at walang hirap. Bukod pa rito, ang isang manunulat ay agad ring makakatawag ng mga tagapagbasa dahil maisasapubliko ito pagkatapos lamang maisapubliko online.

Huli, ito ay nagbubukas ng pinto sa mga opotunidad bilang manunulat. Gaya nga ng nabanggit, ang Wattpad ay lugar para sa mga nagsisimulang manunulat na bukas sa kahit anong edad, lahi, oryentasyon o pinanggalingan. Sa karamihan, ang Wattpad ang nagiging stepping stone tungo sa pagiging propesyunal na manunulat. Dito sa Pilipinas, ang mga kompanyang PSICOM at Summit Media ay nag-aalok ng kontrata sa mga popular na nobela sa Wattpad upang mailimbag sa aklat. Sa ganitong paraan, bukod sa kikita ang isang manunulat, nagkakaroon rin ng pundasyon ang pangalan nito sa larangan ng pagsulat. ( http://manilastandardtoday.com/mobile/2014/09/27/how-wattpad-ceo-allen-lau-changed-filipino-books-and-movies)

C. Wattpad at Wikang Filipino1. Wattpad sa Pagtangkilik ng Wikang Filipino

Ayon sa panayam ni Rochester kay Lau noong 2012, mayroong 24 wikang ginagamit sa ngayon sa Wattpad at kabilang dito ang Filipino. Dahil dito, hindi mahirap para sa mga Pilipinong tangkilikin ang Wattpad.

Ayon sa NBDB Readership Survey na isinagawa ng Social Weather Stations noong 2012, 56% ng mga mambabasa ng mga hindi pang-akademikong babasahin ay mas tinatangkilik ang mga babasahing nasa wikang Filipino. Dagdag pa rito, 41% ng mga mas tumatangkilik sa mga hindi pang-akademikong babasahing Ingles ay nagbabasa rin ng mga akdang nasa wikang Filipino. Sa mga datos na ito, mahihinuhang mas pinipili ng mga Pilipino ang mga babasahing nasa wikang Filipino.

Ang konklusyong ito ay maitutugma rin sa pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga akda sa Wattpad na isinulat sa Filipino. Bagamat karamihan sa mga Pilipino ay bihasa na rin sa Ingles, hindi maitatangging mas kabisado pa rin ng mga Pilipino ang sarili nilang wika, ang wikang Filipino. Kaya naman sap ag-usbong ng Wattpad, mas nabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong maghayag ng kanilang mga imahinasyon sa pamamagitan ng pagsulat sa wikang mas tinatangkilik at mas komportable sila.

2. Wattpad sa Pagpapatunay ng Ebolusyon ng Wikang Filipino

Ayon sa pag-aaral ni Rubrico (2012), laganap na ang pagbabago o ang ebolusyon ng wikang Filipino. Marami na ang impluwensyang nahalo rito. Isa rito ay ang pagkakahalo ng Filipino o ng diyalektong Tagalog at ng Ingles o ang tinatawag na Taglish. Talamak sa araw-araw na pananalita ng mga Pilipino ang kombinasyong ito kung saan gumagamit ng mga salitang Ingles na inihahalo sa semantikong Filipino. Marahil ay mas naging komportable na ang karamihan sa ganitong pananalita dahil sa paglaganap ng wikang Ingles sa ating bansa. Isang halimbawa nito ay ang linyang mula sa akdang Love Will Find A Way sa Wattpad kung saan ay isinaad, Takot na baka ma-fall ako ng husto o baka na-fall na nga talaga ako sa playboy na to. Isa pang halimbawa ay ang linyang mula sa akdang A Kiss in the Rain mula rin sa Wattpad, Maganda yan, nabawasan nga kami ng players dahil nagsi-graduate na yung mga magagaling na seniors last year.

Makikita sa mga halimbawa na hindi na purong Filipino ang gamit sa mga akda sa Wattpad. Naaayon na ang mga salitang ginamit sa kung saan komportable ang may akda gayundin ang mambababasa. Nakaayon na ito sa kung paano ang karaniwang pananalita ng may akda at ng mambabasa. Hindi na binibigyang tuon ang mga wastong alituntunin sa paggamit ng mga salita sa wikang Filipino. Dagdag pa rito, kapansin-pansin ding ang antas ng wikang Filipinong ginagamit sa mga akda sa Wattpad. Mapapansing halos impormal ang mga salitang ginagamit. Marahil ay isa ito sa mga dahilan kung bakit tinatangkilik ang Wattpad. Magaan basahin ang mga akda rito na tila talagang panlibangan lamang ang pagbabasa rito. Sa kabilang banda, naipapakita ng mga akda sa Wattpad na may mga modipikasyon at mga pagbabagong nagaganap sa wikang Filipino. May mga salitang naidaragdag, may mga salitang hiram na ginagamit at isinasama sa wikang Filipino.

V. KONKLUSYONSadyang tinatangkilik ng mga Pilipino ang Wattpad sa ibat ibang kadahilanan. Anuman ang dahilan ng kanilang pagtangkilik dito, masasabing nakatutulong ang Wattpad sa pananatili ng pagtangkilik ng mga Pilipino sa wikang Filipino at sa pagdagdag sa kanilang kaalaman hinggil sa lumalaking wikang Filipino sa pamamagitan ng mas madalas na pagbasa o pagsusulat sa Wattpad.

Atwood, M. (2012). Margaret Atwood: why Wattpad works. Hango sa http://www.theguardian.com/books/2012/jul/06/margaret-atwood-wattpad-online-writing noong 18 Nobyembre 2014Bello, G. (2012). PW Select December 2012: Wattpad Revolutionizes Online Storytelling. Hango sa http://www.publishersweekly.com/pw/by-topic/authors/pw-select/article/55231-pw-select-december-2012-wattpad-revolutionizes-online-storytelling.html noong 18 Nobyembre 2014Cruz, I. (2012). Do Filipinos read? Hango sa http://www.philstar.com/education-and-home/2012-11-29/876065/do-filipinos-read noong 18 Nobyembre 2014Lee-Chua, Q. (2007). Do Pinoys read at all? Inquirer Lifestyle. Hango sa http://showbizandstyle.inquirer.net/lifestyle/lifestyle/view/20071125-102960/Do_Pinoys_read_at_all%3F noong 18 Nobyembre 2014 MST Business (2014). How Wattpad CEO Allen Lau changed Filipino books and movies. Hango sa http://manilastandardtoday.com/2014/09/27/how-wattpad-ceo-allen-lau-changed-filipino-books-and-movies/ noong 18 Nobyembre 2014NewsBites Philippines. (d.n.) More Pinoys using Wattpad as e-reader of choice, exec says. Hango sa http://newsbytes.ph/2014/09/23/more-pinoys-using-wattpad-as-e-reader-of-choice-exec-says/ noong 18 Nobyembre 2014 Philippine Daily Inquirer (06 Oct 2013). How a site for posting stories is changing Philippine publishing. Hango sa http://lifestyle.inquirer.net/129471/how-a-site-for-posting-stories-is-changing-philippine-publishing noong 18 Nobyembre 2014

Rochester, S. (2014). Wattpad: Building the worlds biggest reader and writer community. Hango sa http://www.theliteraryplatform.com/2012/10/wattpad-building-the-worlds-biggest-reader-and-writer-community/ noong 18 Nobyembre 2014Rubrico, J.G. (2012). Indigenization of Filipino: The case of the Davao City variety. University of Malaya, Kuala Lumpur, Malaysia. Hango sa http://www.academia.edu/2284011/The_Metamorphosis_of_Filipino_as_National_Language noong 18 Nobyembre 2014The Philippine Blog Awards (2010). 2010 winners. Hango sa http://www.philippineblogawards.com.ph/winners/2010-winners/ noong 18 Nobyembre 2014Yang, T. (18 Enero 2014). Story behind Wattpad, online story hub. Philippine Daily Inquirer. Hango sa http://lifestyle.inquirer.net/147343/story-behind-wattpad-online-story-hub noong 18 Nobyembre 2014

FABON, Marie Eirene F. | 20