12
Panatang Makabayan Noon Salamin ng Bayan Ngayon F.A. Tendencia Karapatang-ari © 2020 PINOY APOLOGISTA https://www.pinoyapologista.ph/

Panatang Makabayan Noon Salamin ng Bayan Ngayon...Pilipinas noon ang ganito, Panatang makabayan Iniibig ko ang Pilipinas, Ito ang aking lupang sinilangan. Ito ang tahanan ng aking

  • Upload
    others

  • View
    61

  • Download
    0

Embed Size (px)

Citation preview

  • Panatang Makabayan Noon Salamin ng Bayan Ngayon

    F.A. Tendencia

    Karapatang-ari © 2020 PINOY APOLOGISTA

    https://www.pinoyapologista.ph/

  • 2

    Nilalaman

    Panatang Makabayan ng 1955 ....................................................................... 1

    Diwa ng Panata ................................................................................................ 2

    Lupang Sinilangan ........................................................................................... 3

    Bayang Tahanan .............................................................................................. 4

    Kinukupkop o Katiwalian ................................................................................. 5

    Tatlong Haligi sa Bilang Ganti ........................................................................ 6

    Ang Patuloy na Iyak ni Sisa ............................................................................. 8

    Magulong Wika ................................................................................................ 9

  • 1

    Panatang Makabayan ng 1955 Sa ‘Panatang Makabayan’ ng 1955, panunumpa natin sa watawat ng Pilipinas noon ang ganito,

    Panatang makabayan Iniibig ko ang Pilipinas, Ito ang aking lupang sinilangan. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan Upang maging malakas, maligaya, at kapaki-pakinabang. Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang. Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan. Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas. Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan. Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa.

    Alam ko na mayroon na tayong rebisyon para ‘Panatang Makabayan,’ gayunman nais ko paring gamitin itong bersyon na ito sapagkat nagamit ko ito noong ako’y nasa elementarya pa. Sa hinaharap, kung loobin ng Panginoon, nais ko ring magbigay ng pagsusuri tungkol sa bagong rebisyon ng Panatang Makabayan, na sa aking pagkakaalam ay isinulong ng dating Department of Education Secretary na si Raul Roco (November 2001). Ngayon ay nais kong isa-isahin ang sinasabi sa panata, kalakip ang maikling komento. Ngunit nais kong ipabatid sa iyo kabayan na kung mabibigyan ako ng pagkakataon o suporta, maari akong makabuo ng aklat-komento sa panatang ito. Gayunma’y sa papel na ito’y hayaan mong mangusap lang ako sa kasalukuyang laman ng aking puso gamit ang pananalamin sa Panatang Makabayan noon.

  • 2

    Diwa ng Panata Pambungad na pangungusap sa panata ay ganito:

    Panatang makabayan, iniibig ko ang Pilipinas, ito ang aking lupang sinilangan.

    Nabuo ang Panatang Makabayan bilang sagot at diwa laban sa presensya at panukala ng mga banyaga. Noong ang mga Pilipino ay naging bukas at gising sa realidad at panganib ng pananakop, napukaw rin ang kanilang pagibig sa Bayan. Kumbaga’y wika nila, ‘Bayan natin ito, dapat ingatan, dapat pangalagaan, hindi dapat maging sunod-sunuran.’ Ngunit ngayon, sa aking palagay, isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang ating pagibig sa Bayan ay dahil sa hindi tayo aral sa kasaysayan at hindi mulat sa kasalukuyang pananakop na nagaganap sa larangan ng wika, pananamit, pag-iisip, uso, produkto, at iba pa. Hindi ko sinasabing maging sarado tayo sa ibang bansa, ang gusto kong sabihin: ‘Nasaan ang puso natin para sa Inang Bayan?’ Tanong ni Joselito Condrillon-Osabel sa kanyang sanaysay,

    “Pinaniniwalaan ba ninyo ito na ang Pilipino ay umiibig sa kanyang lupang sinilangan? Ang mga sinusuot ba ninyo, ang mga salita ninyo, ang inyong mga mentalidad, ang inyong mga gawi, ang inyong mga pagsusumikap, pinakikinabangan ba ng bayan?1”

    Alam ko na mahirap na sa ating pakinggan ang ganitong mga salita o pagtatanong, sapagkat ang ating lipunan ay may mga katiwalian. Ngunit kunin natin ang magandang aral. Kailangan ng Inang Bayan na ang kanyang mga anak ay maging mulat sa kasaysayan ng lupang kanyang tinubuan at sa kasalukuyang di-nasyonalistikong kaisipan at kinagawian.

    1 “Ang Panatang Makabayan Sa Bagong Henerasyon,” sa panulat ni Joselito Condrillon-Osabel, mula sa aklat ng

    “Gabay sa Panitikang Filipino” (Para sa Mag-aaral) Ikalawang Aklat, ni Renato R. Mateo. Inilathala ng: Arenar Books Marketing 650 Gabriel St., Gagalangin Tondo, Manila, 1996, p.98

  • 3

    Lupang Sinilangan Wika pa sa panata,

    Ito ang lupang aking sinilangan…

    Alam ninyo bilang Pinoy, maging ang aking pagka-Pilipino at ang inyong pagka-Pilipino ay gawa ng pagtatakda ng Diyos na Makapangyarihan. Sa Biblia ay sinasabi ang ganito,

    At ginawa Niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan; upang kanilang hanapin ang Diyos baka sakaling maapuhap nila Siya at Siya'y masumpungan, bagaman hindi Siya malayo sa bawa't isa sa atin. (Gawa 17:26-27, Tagalog Ang Biblia)

    May dahilan ang Diyos at basbas na pagpapala kung bakit tayo Pilipino; kung bakit sa Pilipinas tayo isinilang (bagamat marami ang nagsisisi kung bakit pa sila naging Pilipino). At sa aking palagay, gayong ang Panginoon ang naglagay sa atin sa Pilipinas, may maganda Siyang layunin kung bakit tayo naririto. Yun ay kung hahanapin lang natin ito sa Kanya. Kaya’t sa Kristyanong pananaw, nakaugnay ang pagkamakabayan sa pagkamakaDiyos. Hindi mo papahalagahan ang Bayan mo kung hindi mo pinaniniwalaang may plano ang Diyos sa iyo sa lupaing ito at kung bakit ka Pilipino. Ngunit yun nga lang…sa panahong ito na kalat sa balita ang mga pulitikal na katiwalian, batikos at pagkukunwari, marami na ang tinatabangan na maging Pilipino. At sa iba sa atin na nakatikim ng dolyar, lamig ng klima, socy na kapaligiran at bonggang mga pagkain sa ibang bansa, ang tingin na natin sa Pilipinas bilang third-world country ay mababa at kahiyahiya. Sa bagay, ang ganitong kasalukuyang palagay ay may makatuwirang pinaghuhugutan – isa na rito ang kawalang disiplina ng Pinoy.

  • 4

    Bayang Tahanan

    Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan upang maging malakas, maligaya, at kapaki-pakinabang.

    Naniniwala ako na bawat lahi ay may kahinaan, kasamaan, at kakulangan na dulot mismo ng kasalanan sa puso ng Tao, Pilipino man siya o hindi. Batay sa Biblia, lahat ng tao at bansa ay may iisa lamang na pinagmulang unang magulang – si Adan at Eba. At bilang kanilang mga lahi, tagapagmana rin tayo ng kanilang kasalanan. Gayunman, sa kabilang banda, ako ay naniniwala na mayroong ganda at lakas ang ating lahi na kaloob ng Diyos upang tayo ay tunay na maging, ika nga, ‘Perlas ng Silanganan,’ hindi lamang sa likas na yaman kundi maging sa katangian. Subalit tila yata na kung paanong bumagsak ang ating likas na yaman ay gayundin ang ating katangian bilang mga Pilipino. Kaya’t kailangan nating tingnan ang ating pagkapilipino at panananahan sa lupaing ito na probidensiya o pagpapala ng Diyos. Dahil kung hindi, hindi tayo magiging makabayan. Subalit kung mismong ang ating Gobyerno ay makakalimot sa diwa ng pagkamakabayan, kundi ay magpapakalunod sa makabanyagang hilig, hindi siya magpapalaki ng mga kabataang Pilipino na malakas, maligaya at kapakipakinabang sa bayan. Ang Gobyerno ng Pilipinas ay may malaking tungkulin sa ikasusulong ng pagkamakabayan sa bansa. Ngunit kung ang gagawin lang nila’y ang magpakitang tao at hindi gagawa ng mga proyekto at plataporma para sa pagkamakabayan ng mga Pilipino, asahan nilang maraming mga Pilipino ang maghahanap-buhay at hahanga sa lupain ng mga banyaga at ikahihiya ang pagiging mahirap o pobreng Pilipino.

  • 5

    Kinukupkop o Katiwalian

    “Ako’y kanyang kinukupkop”

    Sa kasalukuyan nating kalagayan, palagay n’yo kaya’y nangyayari ito? Hindi naman lahat, subalit karaniwang usapin sa ating Bayan ang katiwalian ng marami nating mga pinuno sa Pamahalaan. Na sa halip na ipaabot at ipadama ang kanilang pagiging ‘public servant’ o ‘lingkod ng Bayan,’ ay nananamantala sa kaban ng Bayan. Dumalangin tayo kung gayon sa Dios na tayo ay Kanyang kahabagan at pagkalooban ng mga pinunong tapat sa sinumpaang tungkulin, na ang ‘boss’ ay ang Diyos at ang ikabubuti ng Inang Bayan.2

    Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang. Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan. Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas.

    ‘Bilang ganti’ – Ibig sabihin, dahilan sa mga pagpapalang iyong nakakamit dulot ng…

    Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan upang maging malakas, maligaya, at kapaki-pakinabang.

    Dahil riyan, ikaw kabataan, ikaw na mamamayan, ikaw na Pilipino ay dapat na,

    …diringgin ko ang payo ng aking mga magulang. Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan. Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas.

    Ngunit yun nga, kailangan pa ba tayong magbigay ‘ganti’ o ‘sukli’ kung wala naman tayong natatanggap na pakinabang – yun ay mula sa pangunguna at pangangalaga ng Pamahalaan sa ating Inang Bayan? Ito ay syempre masalimoot na problema sa pagitan ng tungkulin ng Pamahalaan at Mamamayan. Ideyal na ang bawat isa ay positibong tumugon sa kani-kanilang gampanin. Ngunit tila gawa ng walang katapusang pulitikal na

    2 Sa aking sermon sa Isaias 3, tinalakay koi to ng higit. I-search sa ating website ang: ‘Ugat ng Moral at Pulitikal na Pagbagsak ng Lipunan’ at ‘Pagbagsak ng Ekonomiya at Liderato ng Bansa.’

  • 6

    paligsahan o labanan sa ating Gobyerno, ang mga Mamamayan ay nasasabit sa laro ng manipulasyon. Maganda sana ang prinsipyo ng demokrasya at ‘check and balance’ sa gobyerno, ngunit kaylan ba maaring makita ng Bayan ang mabuting dulot ng ideyal na ito?

    Tatlong Haligi sa Bilang Ganti Gamit ang ating tugon o ‘bilang ganti,’ nakikita kong may malapit na ugnayan ang Diyos, ang Pamahalaan, ang Paaralan at Tahanan para sa ikasusulong, ikauunlad, at ikabubuti ng ating Bayan. Mahaba itong usapin subalit nais kong partikular na pansinin ang puntong ito:

    1. Paano makikinig ang ating mga kabataan, kung walang mga magulang na nagpapayo sa kanila? Yun ay, yung talagang nagbibigay panahon at damdamin na magpayo sa kanila. Madalas nating sisihin o bulyawan ang mga kabataan ngayon na mapupusok, masuwayin, matigas ang ulo, malayaw, at walang galang. Subalit naitatanong rin ba natin: ano ang pinapayo o ginagawa ng kanilang mga magulang? Nasaan ang kanilang mga magulang? Nasaan ang payo ni Itay at ni Inay? Nasaan ang haligi at ilaw ng tahanan? Madalas na sagot ay: nasa abroad, abala sa trabaho. Oo naging abala sila sa ipapakain sa tiyan ng bata, ngunit napabayaang pakainin ang isip at ugali ng bata. May ibang magulang naman na naging abala sa bisyo at mga kaibigan. Oo, umuuwi nga sila sa bahay ngunit lasing naman, kung hindi man tambay.

    2. Sinasabi rin na, ‘Ang kabataan ang siyang pag-asa ng Bayan.’ May tama. Ngunit dagdag ko, ‘Ang pag-asa ng kabataan ay ang payo ng magulang.’ At sa Kristyanong pananaw, ang payo ng magulang ay matatagpuan sa Banal na Kasulatan – ang Salita ng Diyos. Maraming aral ang pwede nating masabi sa puntong ito, ngunit hayan mong sabihin ko lamang sa papel na ito na lubhang mahalaga sa panahong ito ng Facebook, YouTube at Tiktok ang payo ng magulang – magulang na aral sa katotohanan ng Diyos. Mahalaga ang turo sa loob ng tahanan. Sabi mismo ni haring Solomon sa aklat ng Kawikaan 4:1-6.

    Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan: Sapagka't bibigyan ko

  • 7

    kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan. Sapagka't ako'y anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina. At tinuruan niya ako, at nagsabi sa akin: Pigilan ng iyong puso ang aking mga salita; ingatan mo ang aking mga utos, at mabuhay ka: Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng kaunawaan; huwag mong kalimutan, ni humiwalay man sa mga salita ng aking bibig: Huwag mo siyang pabayaan at iingatan ka niya; ibigin mo siya at iingatan ka niya. (Tagalog Ang Biblia)

    3. Dagdag pa, ang sabi sa panata: ‘Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan.’ Oh! Higit na maraming dapat pansinin sa departamentong ito ng ating Bayan. Ngunit ito ang tanong: karapat-dapat pa ba sa ating pagsunod ang turo ng ating Paaralan? Alam po ninyo, malaki at mataas ang aking pananaw hinggil sa kahalagahan ng Edukasyon. Sa ganang akin, ang Paaralan ay tulad rin ng sandatahang-lakas ng Bayan, o kaya’y kung hindi man na pagmamalabis na sabihin na ito ang siyang tunay na sandatahang-lakas o sabihin na lang natin na sandatahang-isip ng Bayan. Dito nakasalalay ang pananaw sa pulitika, ekonomiya, teknolohiya, agham at industriya ng isang bansa. Ngunit ito ang higit na dapat pagisipan: sa ponto divista ng isang Kristyano, maituturing kong lason sa Bayan na ang ating kurikulum ay may bahid (kung di man nakasalig) sa pilosopiya ng ebolusyon, materyalismo at humanismo. Mga pananaw na nagpapabagsak ng isang Bayan palayo sa pagpapahalaga sa Diyos na Siyang tunay na pundasyon at tagumpay ng bansa. Ang Diyos ay hindi natin maihihiwalay sa Edukasyon, sapagkat sa puno’t dulo, at sanhi at bunga, ang Diyos ay dapat na makita na Diyos ng matematika, lohika, pilosopiya, wika, agham, teknolohiya, at iba pang sangay o larangan ng kaalaman. At bakit? Sapagkat ang Diyos ang lumikha ng ‘lahat’ ng bagay. At kapag ang Diyos ay nawala sa silid-paaralan, bubulusok ang moral, ekonomikal at socio-pulitikal na kalagayan ng Bayan.3

    3 Higit ko itong tinalakay sa aking eBook na malapit ko ng i-publish sa susunod na taon (2021): ‘Ang Diyos na Absent sa Classroom ng Pilipinas.'

  • 8

    Ang sabi pa sa panata,

    Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas.

    Subalit, bunga ng kawalan o kakulangan sa payo ng magulang, dahil hindi pinahalagahan ang Values sa Paaralan – sapagkat inalis o hindi inintindi ng Gobyerno ang makaDiyos na plataporma at aspeto sa silid-aralan – hindi nakapagtatakang bumulusok na ang ating Bayan. Huwag tayong umasa na magkakaroon tayo ng makabayan at masunurin sa batas na Mamamayan kung magpapalaki tayo ng mga walang takot sa Diyos na kabataan. Ang tahanan, paaralan at pamahalaan ay dapat na kumikilala sa Diyos na Siyang saligan at inspirasyon ng makabayang tungkulin.

    Ang Patuloy na Iyak ni Sisa

    Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan.

    Ngunit hirap ang marami na ito’y gawin. Karaniwan ng pansin at salita tungkol sa ating bayan ay: “Mahirap ang buhay sa Pilipinas!” At totoo nga. Kaya tuloy marami ang nangingibang bansa at doon ay nakatatagpo ng magandang buhay, kultura at kapaligiran. Ngunit, taksil ba sa Bayan ang mga nangingibang bansa? Bakit natin sila tinatawag na mga ‘bagong bayani’? Pulitika lang? Eh bakit kasi sila nangingibang bansa at naglilingkod sa mga banyaga? Sasabihin mo: ‘Ang hirap dito sa Pinas eh.’ At Oo tama. Kaya’t itong pangungusap sa panata ay tila depende na sa lagay ng ekonomiya at pulitika ng ating Bayan – bagamat maituturing ko paring nakaugat sa moralidad ng lipunang Pilipino. Kung ang asal ng lipunang Pilipino at ng kanyang mga pinuno ay hindi magbabago, marami sa atin ang lilipad tungo sa ibang lupain sapagkat isusuka natin ang lahing Pilipino. Subalit tulad ni Sisa, ang ating Inang Bayan ay naghahanap at tumatawag sa kanyang mga anak na sumisigaw, “Crispin! Basilio!” Naghahanap siya ng mga mapagmalasakit na kamay na ibabangon ang kanyang dangal bilang lupang hinirang, bayang magiliw at perlas ng silanganan. At sa Kristyanong pananaw, ang mga simbahan bilang mga ‘asin at ilaw’ ng immoral na lipunan ay may malaking maitutulong upang ibangon ang asal o moral ng Bayan. Bilang suhay at tagapagbantay ng

  • 9

    makalangit na katotohanan, dulutan natin ng liwanag at kalinisan ang ating Bayan gamit ang Salita ng Dios, laban sa dilim at kabulukan na inihahasik ni Satanas sa ating lipunan at isipan ng marami nating mga kababayan at mga pinuno.

    Magulong Wika

    Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa.

    Napakayaman sa prinsipyo ng panatang ito. Ngunit nais ko lang bigyang pansin ang katagang ‘tunay na Pilipino…sa salita…’ Alam o narinig natin na ang kasabihang: ‘ang hindi magmahal sa sariling wika ay daig pa ang malansang isda.’ Subalit, nagpapahalaga pa ba ang lipunang Pilipino sa prinsipyong ito? Personal kong palagay na isa sa mga dahilan kung bakit mahirap ang pagkakaisa sa ating Bayan ay dahil sa dami o iba’t ibang wika na mayroon tayo. Sa kasaysayan sa Genesis, naging matagumpay ang sinaunang tao na magpatayo ng isang marangyang sibilisasyon sa Babel sapagkat mayroon silang iisang wika (Genesis 11). Kung hindi sila ginulo ng Diyos at binigyan ng iba’t ibang wika, tiyak akong matayog ang mararating ng tao. Subalit dito sa Pilipinas, tila wala tayong iisang wika na nagbibigkis ng ating puso at kultura. Ang wika ang malakas na humuhubog ng kultura, sapagkat walang kultura kung walang ugnayan, at walang maayos na ugnayan kung walang wika. Ano ang ibig kong sabihin? Ganito: Pansinin ninyo ang bansang Japan, ang Tsina, at ang Korea na taas noo sa kanilang wika. Hindi ako eksperto o mag-aaral ng wika, subalit pansin ko na sa Pilipinas ay napakarami nating wika. Oo, may pinagkasunduang wika ang ating mga ninuno na magiging bigkis-ugnayan sa ating bayan – tinatawag natin itong wikang Filipino o sa ayaw man ng iba ay Tagalog – iyan ang pambansang wika. Ngunit sa mga mahilig maglakbay sa ating bansa, alam kong makapagpapatotoo sila na ang Tagalog ay gamit lang sa ilang rehiyon sa ating Bayan. At may ilan nga na hirap itong intindihin, salitain at gamitin. Syempre, may mga dahilan kung bakit naging ganito ang turing nila sa Tagalog, ngunit ang punto ko lang ay hindi iisa ang wika natin sa ating bansa. Ang wikang Tagalog ay wala talaga sa puso ng lahat ng Pilipino bagamat ito’y itinuturing na pambansang wika.

  • 10

    Ngunit sa totoo lang, naiilang akong ito’y sabihin sapagkat ako ay Tagalog. Maaari ninyong isipin na nais ko lang isulong ang aking kinalakhang wika para sa pangkulturang dahilan, at hindi ko kayo masisisi na isipin iyan. Gayunpaman, nakikita ko sa aking pagbabasa, pagsusuri, at karanasan na ang pagkakaroon ng iba’t ibang wika ay humahabi ng hindi pagkakaunawaan at digmaan sa isipan at kultura. Nakita ko rin na ang gulo ay nag-ugat hindi sa ‘Tagalog’ bilang wika, kundi sa ‘mga taong’ kumakatawan sa wikang ito – ‘Mga Tagalog.’4 At bilang pagtatapos, nais ko ring sabihin na marahil ay may mga banyagang mag-aaral sana ng wikang Filipino (kung paanong may mga Amerikano na nag-aaral ng wikang Hapon at Koreano) kung minahal lamang sana at taas noo nating ipinahayag at pinangalagaan ang ating wika na nakaugnay sa ating negosyo at unibersidad. Marahil hindi ESL (English as Second Language) o English tutor ang isa sa sikat na edukasyong-kurso sa Pilipinas, kundi pagtuturo ng Filipino. Hindi ko sinasabing pangit matuto ng Ingles, sa totoo lang ay bilib ako sa ating lahi na mahusay magsalita sa wikang ito kumpara sa mga Koreano at Hapones. Ngunit, ang nais kong sabihin: tila masyado tayong nalublob sa globalismo. Inakala natin na kapag tayo ay kakapit, tatakbo, at magpapasikat sa ‘Labas’ o abroad ay lalakas at tatayog na tayo. Ngunit gayon nga ba? Marahil “Oo” sa iba, pero sa Bayan “Oo” ba? Sa aking palagay ganito ang dapat gawin: Patatagin muna ang nationalismo, at naniniwala akong may ibubuga tayo sa globalisismo. Ganyan ang dapat na kurikulum sa paaralan at plataporma ng gobyerno. Iyan ang aking pananalamin sa ‘Panatang Makabayan’ noon.

    4 Tinalakay ko ng higit ang isyu na ito sa aking eBooklet na maari kong ilathala sa susunod na taon (2021): Kasaysayan ng Kristyanismo sa Pilipinas.’