PRAYMER K12+RPHER

Embed Size (px)

DESCRIPTION

Praymer Hinggil sa Kto12 at RPHER,Mga Epekto sa Mamamayan at Inang-bayan at Ang Kampanya para sa Makabayan,Siyentipiko at Makamasang EdukasyonMula sa Introduksyon:"Ang sistemang pang-edukasyon ng ating bansa ay matagal nang nasa krisis – hindi ito tunay na nagsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino. Malaking problema din ang kakulangan sa badyet, guro, klasrum, libro, at iba pang pasilidad. Gayundin ang tuluy-tuloy na komersyalisasyon na nagresulta ng kabi-kabilang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Habang nanatili ang mga suliraning ito, sinasagadsad ang Kto12 at RPHER para sa “reporma” ng sistemang pang-edukasyon. Ang Kto12 at RPHER ang bersyon ng administrasyong Aquino sa pagharap sa krisis sa edukasyon kung saan ang mga epekto ay tumatama sa lahat ng sangkot na sektor – guro, kawani, estudyante, at magulang.Kung kaya’t sa kasalukuyan, hindi makasasapat na sipatin ang kalagayan, suliranin at hinaharap ng sistemang pang-edukasyon sa hiwahiwalay na konteksto at punto de vista. Ang kinakaharap ng sistemang pang-edukasyon sa kasalukuyan ay nagsisilbing sinyal sa kagyat na pangangailangang magbuklod-buklod ang guro, kawani, estudyante at buong mamamayang Pilipino para muling pag-aralan ang mga suliranin sa sistemang pang-edukasyon at samasamang tumangan sa kani-kanilang papel upang itaguyod ang edukasyong tunay na magsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino."

Citation preview

  • Ang Transpormasyon ng

    Edukasyon Tungong Dispormasyon at

    Misedukasyon

    Praymer Hinggil sa Kto12 at RPHER,

    Mga Epekto sa Mamamayan at Inang-bayan,

    at Ang Kampanya para sa Makabayan,

    Siyentipiko at Makamasang Edukasyon

    Hunyo 2015

  • Pambungad

    Ang sistemang pang-edukasyon ng ating bansa ay matagal nang nasa krisis hindi ito tunay na nagsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino. Malaking problema din ang kakulangan sa badyet, guro, klasrum, libro, at iba pang pasilidad. Gayundin ang tuluy-tuloy na komersyalisasyon na nagresulta ng kabi-kabilang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Habang nanatili ang mga suliraning ito, sinasagadsad ang Kto12 at RPHER para sa reporma ng sistemang pang-edukasyon. Ang Kto12 at RPHER ang bersyon ng administrasyong Aquino sa pagharap sa krisis sa edukasyon kung saan ang mga epekto ay tumatama sa lahat ng sangkot na sektor guro, kawani, estudyante, at magulang.

    Kung kayat sa kasalukuyan, hindi makasasapat na sipatin ang kalagayan, suliranin at hinaharap ng sistemang pang-edukasyon sa hiwahiwalay na konteksto at punto de vista. Ang kinakaharap ng sistemang pang-edukasyon sa kasalukuyan ay nagsisilbing sinyal sa kagyat na pangangailangang magbuklod-buklod ang guro, kawani, estudyante at buong mamamayang Pilipino para muling pag-aralan ang mga suliranin sa sistemang pang-edukasyon at samasamang tumangan sa kani-kanilang papel upang itaguyod ang edukasyong tunay na magsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino.

  • 1. Ano ang mga problema sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas?

    Ang edukasyon ay napakahalagang haligi ng ating lipunan para sa paglikha ng mga produktibong mamamayan na magtataguyod ng tunay na pag-unlad ng bayan. Ito dapat ay isang karapatan at serbisyong ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga mamamayan. Responsibilidad ng gobyerno na paglaanan ng sapat na badyet ang edukasyon at tiyakin na matatamasa ito ng mamamayan ng abot-kaya kundi man libre. Subalit sa pamamagitan ng mga batas at polisiya na ipinatupad sa mga nagdaang taon, nagawa ng pamahalaang takasan ang obligasyong ito at ipasa ito sa mamamayan. Ginawang ligal ng gubyerno ang pagbabawas ng badyet sa edukasyon at siyang nagpasimuno ng komersyalisasyon.

    Walang puknat ang pagtaas ng matrikula at bayarin sa mga State Colleges and Universities (SCUs) at Private Higher Education Institutions (PHEIs). Binigyang-daan ng Higher Education Modernization Act (HEMA) ang swabeng paghuhulog sa mga SCUs sa komersyalisasyon na nagresulta ng mga taunang pagtaas ng matrikula at bayarin, pagpapataw ng mga bagong dagdag na bayarin, at pagsasagawa ng mga income generating projects, sa layuning itulak ang mga SCUs na maging self-sustaining. Habang sa pamamagitan ng Education Act of 1982, naging ganap na malaya ang mga kapitalista-edukador ng PHEIs sa pagtaaas ng matrikula at bayarin. Kung magreklamo man ang mga estudyante hinggil sa mga ito, panunupil ang kadalasang nagiging tugon ng administrasyon ng eskwelahan at ng mga ahensya ng pamahalaan. Samantala, ang mga pampublikong eskwelahan naman sa batayang antas ay niluma na ng mga problema sa kakulangan sa klasrum, guro, libro at iba pang pasilidad. Naging tatak ng pampublikong paaaralan sa elementarya at hayskul ang overcrowded sections, bulok na klasrum, bulok na libro, bulok na CR, at napakarami pang hindi mahuhusay na pasilidad. Sa kabila nito, isinisisi sa mga guro ang mababang kalidad ng edukasyon.

    Hindi mahusay ang kundisyon ng mga guro dahil sa mababang sahod at kaunting benepisyo sa kabila ng mabibigat na trabahong pasan nila. Dahil sa Salary Standardization Law ng 1989 at iba pang nauna nang mga batas at polisiya, matagal nang namamaniobra ang pagpapababa ng sahod at pagtatanggal ng mga benepisyo ng mga guro at kawani. Idagdag pa ang epekto ng Executive Order 366 noong 2004 o Rationalization Plan (RATPLAN) na bahagi ng streamlining o cost-cutting ng gobyerno na

  • nagreresulta sa tanggalan at kontraktwalisasyon. Binasag din ng RATPLAN ang dating across-the-board bonus at sa halip, pinalitan ng performance-based o merit-based bonus at sahod sa pamamagitan ng Results-based Performance Based System (RPMS) na nagbunga ng pagkakahati sa hanay ng mga guro.

    Bukod sa mga nabanggit, ang disenyo ng sistemang pang-edukasyon ng bansa ay para magsanay ng mga manggagawang papasok sa mga dayuhang kumpanya sa loob at labas ng bansa. Tampok na katangian ng edukasyong Pilipino ang oryentasyong makadayuhan at paghuhubog sa mga makasarili at indibidwalistang kaisipan. Kung kayat masasabing ang sistemang pang-edukasyon ay hindi nagsisilbi sa paghuhubog ng mga mamamayang magtataguyod ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa bagkus ay para sa kapakinabangan ng bansang banyaga.

    Ang komersyalisadong edukasyon, ang mababang kalidad bunga ng kakulangan ng badyet, guro at pasilidad, ang pagsupil sa mga demokratikong karapatan ng mga guro at mag-aaral, ang hindi mahusay na kundisyon sa paggawa ng mga guro at kawani, at ang hindi pagsisilbi ng edukasyon para sa pag-unlad ng ating sariling lipunan ang mga pangunahing suliranin sa sistemang pang-edukasyon na kagyat ay dapat lapatan ng solusyon. Subalit hindi seryoso ang gubyerno sa pagharap sa mga ito, at sa halip, pasimuno pa sa pagpapasahol ng mga ito. Sa kasalukuyan, niraratsada nito ang Kto12 at RPHER sa kabila ng pagpalag ng malawak na mamamayan.

    2. Ano ang Kto12?

    Ayon sa gobyerno, nahuhuli na daw ang bansa dahil bukod sa Pilipinas, 2 bansa na lamang ang nagpapatupad ng lumang sistema sa edukasyon (Kindergarten, 6 taon ng elementarya at 4 taon ng hayskul). Bagsak daw ang kalidad ng edukasyon sa bansa at may problema daw sa accessibility. Hindi rin daw akma ang kurso ng mga Pilipino sa mga umiiral na trabaho sa loob at labas ng bansa. Kailangan daw iakma sa global standards ang haba ng taon ng pag-aaral at kalendaryo ng pag-aaral sa Pilipinas. Kung kayat napapanahon na raw na ireporma ang edukasyon sa batayang antas sa pamamagitan ng Kto12.

  • Ang K to 12 Program o Enhanced Basic Education Act of 2013 (RA 10533) ay ang repormang gagawin ng pamahalaan sa basic education kung saan magkakaroon ng isang taon sa kindergarten, anim na taon ng elementary at anim na taon ng high school. Magkakaroon ng apat na taon sa junior high school at dalawang taon sa senior high school.

    Tatlong malalaking reporma ang gagawin sa Kto12. Ang Mother-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa Elementary, ang pagdaragdag ng two-year Senior High School sa Secondary Level, at ang pagbabawas ng subjects sa General Education Curriculum (GEC) sa Tertiary Level. Sa pamamagitan ng CHED Memo No. 20, Series of 2013 binawas ang Filipino, Literature, at Philippine Government and Constitution sa mga subject sa kolehiyo ng General Education Curriculum (GEC) at pag-aaralan na sa Senior High School.

    Papipiliin ng track ang mga estudyante subalit malilimitahan na sila sa simula pa lamang dahil babatay sila sa availability ng publikong senior high school na kayang mag-offer ng track. Libre ang senior high school sa publikong paaralan pero dahil hindi lahat ay kayang i-accommodate ng mga ito, nakalakip sa Kto12 ang education service contracting na naglalaman ng pagpapatupad ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o EGASTPE at Voucher System. Sa pamamagitan ng mga ito, maglalaan ang gobyerno ng P8, 750 hanggang P22,500 sa bawat estudyante na mapipilitang pumasok sa private school para sa kanilang babayarang matrikula at kung hindi ito sapat, sasagutin ng magulang ang kakulangan ng naturang subsidyo. Makikitang imbes na sa mga klasrum at iba pang kulang na pasilidad sa pampublikong eskwelahan, sa mga pribadong eskwelahan pa mapupunta ang pondo na ilalaan sa pagpapatupad ng Kto12.

    Halos 50% ng mga publikong senior high school ang nakalaan sa Technical, Vocational and Livelihood Track kung saan karamihan ay mga pagsasanay sa mga in-demand na trabaho sa labas ng bansa gaya ng Food and Beverage Services, Caregiving, Welding, Housekeeping, Wellness Massage, at

  • iba pang teknikal na kurso. Sa pamamagitan daw nito, makakapagtrabaho na ang mga estudyante kahit hindi sila magkolehiyo. Sa aktwal, ang Kto12 ay pambungad sa planong amalgamasyon o merging ng mga SUCs sa ilalim ng RPHER na magreresulta sa papaliit na bilang ng mga SUCs, LUCs at maging maliliit na mga kolehiyo o unibersidad. Ito rin ang ganap na magtatransporma sa sistemang pang-edukasyon bilang isang makinaryang nagluluwal ng mahusay at maamong lakas paggawa na ipagtutulakang magtrabaho sa ibang bansa.

    3. Ano ang RPHER?

    Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), namomroblema daw ang tersyaryong edukasyon sa kawalan ng pangmatagalang balangkas, bumababang kalidad, at limitadong access. Kung kayat ibinalangkas nito ang Roadmap to Public Higher Education Reform (RPHER) na sa esensya, ay komersyalisasyon, amalgamasyon at pribatisasyon. Laman ng RPHER ang rationalization plan na magpapatupad sa mga sumusunod:

    Rasyunalisasyon ng bilang at distribusyon ng SUCs. Dito, pagsasanibin ng iba't ibang mga pamantasan upang itayo ang isang Regional/Subregional University System (RUS) kung saan ang itinuring na leading University ang siya na lamang popondohan ng gobyerno, habang maaaring ipasara ang ibang SUC. Ipapatupad kaakibat nito ang amalgamasyon kung saan itatakda na ang mga ispesipikong kursong iaalok sa mga unibersidad, at ang mga kursong iaalok sa mga PHEIs ay hindi na maaaring ialok pa sa mga pampublikong pamantasan sa loob ng isang rehiyon.

    Rasyunalisasyon ng program offerings ng SUCs. Kaakibat ng pagbubuo ng RUS, tatanggalin o ipapasara ang ilang mga kurso na sa tingin ng CHED ay labas na sa mandato ng mga partikular na pamantasan bilang bahagi ng amalgamasyon. Ibubuo ang mga Center of Excellence/Center of Development (COE/COD) sa mga SUCs. Ayon sa CHED, mas makabubuti kung magbibigay ng higit na atensyon ang SUCs sa paglinang ng mga kursong hindi inaalok ng mga pribadong pamantasan upang hindi maging duplicative ang sistema ng edukasyon sa bansa. Sa maraming rehiyon, iilan lamang ang pampublikong pamantasan at kung ipasasara pa ang ilan sa mga kurso, malilimitahan nito ang mga

  • estudyante sa mga kursong maaari nilang kunin. Mapipilitan ang mga estudyanteng pumasok sa mga pribadong pamantasan.

    Paglikha ng tier system sa mga SCUs. Sa ilalim ng sistemang ito, magkakaroon ng tatlong grupo ng SUCs: una ang leading SUCs, ikalawa ay ang Tier 1 developing SUCs at pangatlo ay ang Tier 2 developing SUC. Sa ganitong sistema, mas malaking prayoridad ang ibibigay sa mga high-performing SUCs kaysa mga underperforming SUCs pagdating sa pagbibigay ng pondo. Ang mga nasa mas mababang tier system ay unti-unti tatanggalan ng subsidy hanggang sa maging pribado ang mga ito kung hindi man magsara.

    Rasyunalisasyon ng paggamit ng pondo at kita ng mga pampublikong pamantasan. Ipapatupad ang normative funding formula o normative funding scheme kung saan ang laki ng pondong ilalaan para sa isang SUC ay batay umano sa performance nito (enrollment, licensure exam passing rate, etc.), sa classification nito bilang SUC, at sa level ng development ng SUC pagdating sa naaakumula nitong kita sa pamamagitan ng internal at external maximization of funds. Sa internal maximization of fund, nangangailangang punan ng SUCs ang kakulangan sa budyet na ibinibigay ng gobyerno sa pamamagitan ng paggawa ng ibat ibang mga pamamaraan para kumita sa kanyang sarili. Ang external maximization of fund naman ay ang pagkakaroon ng sobrang naakumulang kita ng SUCs na maaaring kuhanin ng gobyerno. Nakabase din sa dalawang pamantayang ito kung gaano kalaki ang pondong ibibigay ng gobyerno sa SUC.

    Ang RPHER ay iskema ng swabeng pagbabawas ng pondo sa tersyaryong edukasyon habang pinakikinabangan pa ng gubyerno ang mga SCUs sa pamamagitan ng paghigop sa mga natitirang pondo ng mga ito. Daan din ito upang lalo pang paiigtingin ang ang tuluy-tuloy na pagpapataw at pagtataas ng matrikula, pagkakaroon ng ibat ibang uri ng miscellaneous fees, pagpapatupad ng mga polisiya gaya ng No permit, No Exam policy, No Promissory Note policy, at carry-over scheme. Papaigtingin rin nito ang income-generating projects ng SUCs gaya ng pagpapaupa ng lupa, pagbenta ng ari-arian, pagpasok ng mga kasunduan sa pribadong sektor at iba pang pamamaraan sa ilalim ng Pubic-Private Partnership o PPP sa pagsusumikap na maging self-sufficient.

  • Ang RPHER ang maghahawan ng landas tungo sa tuluy-tuloy na komersyalisasyon hanggang sa ganap na pribatisasyon ng mga SUCs habang labis-labis na pagluluwag ang gagawin sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan sa pagtataas ng matrikula at bayarin. Ito rin ang nagbibigay ng tsapa sa gubyerno hindi lamang para tuluyang talikuran ang obligasyon nito

    sa mamamayan, kundi para gawin pang gatasan ang mga SUCs sa pamamagitan ng paghigop sa natitirang pondo ng mga ito.

    4. Totoo bang sosolusyunan ng Kto12 at RPHER ang problema sa sistemang pang-edukasyon? Ano ang magiging epekto sa mga guro, estudyante, kawani at mamamayan?

    Hindi sosolusyonan ng Kto12 at RPHER ang mga problema sa edukasyon. Punung-puno ang mga ito ng kumplikasyon at higit sa lahat, patung-patong na problema, pasakit, at pahirap sa mamamayan ang ibubunga nito na kinatatampukan ng mga sumusunod:

    Lalong magiging problemado ang sistemang pang-edukasyon sa usapin ng accessibility dahil mapipilitan ang humigit-kumulang 500,000 estudyanteng pumasok sa mga pribadong eskwelahan para lamang makatapos ng Grade 11 at Grade 12 na antas dahil sa kawalan ng kakayanan ng mga pampublikong hayskul na mag-alok ng kumpletong tracks para sa Senior High School.

    Paiigtingin ng RPHER ang komersyalisasyon ng edukasyon sa planong amalgamasyon at pribatisasyon ng mga SUCs at sa pamamagitan ng internal maximization ng pondo para sa pag-asa sa sarili, at pinakamalala, ang mga natitipid na badyet ng mga ito ay hihigupin pa ng gubyerno sa tinatawag na external maximization ng pondo sa ilalim ng normative funding scheme.

    Tiyak na lalong mahihirapan ang mga magulang na mapipilitang magpapaaral ng karagdagang 2 taon sa highschool bunga ng Kto12 at dahil sa naka-ambang pagtaas pa ng matrikula at iba pang bayarin na ibubunga ng RPHER.

  • Ang badyet na dapat sana ay nailalaan sa pagpapabuti ng serbisyo sa pampublikong paaralan ay malalaan pa sa pagsagot ng pamahalaan sa pagbabayad sa matrikula at subsidyo ng mga estudyanteng papasok sa pribadong eskwelahan sa pamamagitan ng EGASTPE at Voucher System.

    Ang mga programang ito ay magpapasahol pa sa dati nang hirap na kalagayan ng mga guro at kawani. Magdudulot ang Kto12 at RPHER ng malawakang tanggalan ng humigit kumulang 100,000 propesor, guro at non-teaching personnel sa panahong walang mag-eenroll sa kolehiyo.

    Sa panahong ang GEC ay lubusang maipatupad, palalalain pa nito ang nagaganap ng malawakang kontraktwalisasyon sa mga guro at non teaching staff. Lilikha ng kaguluhan at ng malalang kumpitensya sa hanay ng mga prinsipal at guro sa elementarya at hayskul, mga dekano at propesor sa kolehiyo at mga kawaning may hawak ng administratibong pusisyon sa lahat ng antas dahil sa pagpapanagpo ng K to 12 at RPHER.

    Ang malawakang kontraktwalisasyon naman ay tutungo sa pagpapahina at tuluyang pagkalusaw ng mga unyon ng mga guro at kawani na magpapahina sa kakayahan nilang igiit ang kanilang mga kagalingan sa gitna ng mababang sahod, kaunting benepisyo, at sumasahol na working conditions.

    Samantala, papasanin naman ng mga guro sa Primary at Secondary ang mas pinahirap na kalagayan dahil sa dami ng mga maidadagdag na mga subject at dahil hindi naman maglalaan ng sapat na dami ng guro, kayat aabutin ng mga guro na maging multitasking.

    Ibabaon pa ng Kto12 at RPHER sa utang ang bayan sapagkat para lamang maipatupad ito, nangutang na ang gobyerno sa World Bank at Asian Development Bank para sa pagsasakatuparan ng Kto12. Suportado rin ito ng USAID at AUSAID na nagpopondo sa maraming programang kaugnay ng Kto12. Sangkot ang AUSAID at CARDNO (korporasyong Australian) sa rekrutment ng staff ng Departmet of Education (DepED) para sa senior high school.

    Kung kayat malinaw na hindi sosolusyunan ng Kto12 at RPHER ang mga problema ng sistemang pang-edukasyon, bagkus ay palalalain pa. Papahirapan pa nito ang mga mamamayan dahil sa mga kumplikasyong bitbit nito. Taksil din ito maging sa itinakda nitong layunin dahil ang

  • pagpapatupad ng mga ito ay hindi tutugon sa suliranin ng accessibility, lalong magpapababa sa kalidad, at hindi lulutas sa usapin ng pangmatagalang balangkas.

    5. Kung hindi sosolusyunan ng Kto12 at RPHER ang mga suliranin sa edukasyon, bakit ito niraratsada ng Administrasyong Aquino sa kasalukuyan? Ano ang epekto nito sa ekonomiya, pulitika at kultura ng bansa?

    Sa kabila ng mga makatwirang puna ng mga apektadong sektor at kawalan ng kahandaan ng buong sistemang pang-edukasyon sa mga repormang gagawin ng Kto12 at RPHER, sinasagadsad pa rin ito ng Administrasyong Aquino. Ang Kto12 at RPHER ang programa sa edukasyon sa ilalim ng kanyang Philippine Development Plan na naglalaman ng bungkos ng mga polisiya at programa para umangkop sa mga pandaigdigang patakaran ng neoliberal na globalisasyon.

    Ang layunin ng neoliberal na globalisasyon na itinutulak ng mga mauunlad na kapitalistang bayan ay pagtatanggal ng lahat ng restriksyon sa mga bansa ng ikatlong daigdig gaya ng Pilipinas para sa free movement of goods, services, investment, skilled labor & freer flow of capital. Laman nito ang bungkos ng mga

    batas, polisiya, at patakaran ng pribatisasyon, deregulasyon, liberalisasyon at denasyunalisasyon na ipinapatupad sa pandaigdigang saklaw. Pangunahing tutok ng mga polisiyang ito ang paggipit sa sahod at paggawa para makapiga pa ng labis-labis na tubo na ipansasalba sa mga naluluging negosyo at bumubulusok na ekonomiya ng mga mauunlad na bansa gaya ng US, Japan, at mga bansa sa European Union, kasabay ang pagbibigay sa mga dayuhang negosyo ng mga bansang ito ng access sa ating mga likas na yaman. Nagiging kalakaran din ng pamahalaan sa ilalim ng mga patakarang ito ang pagtitipid na nakakaapekto sa higit pang pagkakait ng serbisyong panlipunan sa mamamayan.

    Sa kasalukuyan, sangkot ang ating bansa sa pangunguna ni Pangulong Noynoy Aquino sa paggayak ng ASEAN Integration at ASEAN Economic Community na balak simulan sa Disyembre 2015. Layunin ng ASEAN Integration na buksan ang ekonomiya ng mga bansa sa Southeast Asia para

  • sa pagpapapasok ng higit pang dayuhang mamumuhunan at pagbibigay ng mga insentibo sa kanila, pagtatagusan ng mga programa sa usaping militar lalo at pahigpit ng pahigpit ang gitgitan ng US at China sa West Philippine Sea, at pagtatagusan ng mga programa sa edukasyon at kultura. Ang ultimong layunin nito ay ang mahigpit na pagkakaisa ng mga miyembro ng ASEAN para sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal sa kaniya-kaniyang bayan sa larangan ng ekonomiya at usaping militar, at siyempre sa pagsasanay ng mga manggagawang mahusay at maamo na ipapasok sa mga negosyo ng mga mauunlad na bansa.

    Susing hakbang ang pagsasagawa ng mga reporma sa istruktura ng sistemang pang-edukasyon na aangkop sa mga planong ito kung kayat nag-aapuhap ang gubyerno na iratsada ang K12 at RPHER. Ang mga ito ang konkretisasyon ng mga patakarang neoliberal sa edukasyon na kung tutuusin ay pagpapatuloy lamang sa mga nagdaang repormasyon sa edukasyon tungo sa papatinding komersyalisasyon, pribatisasyon, at pagsasanay at pagluluwal ng mahusay at maamong lakas paggawa at walang-kamatayang konsyumerismo sa bansa. Sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal kaakibat ang Kto12 at RPHER, ganap na isusubo ang sambayanang Pilipino sa pandaigdigang pagsasamantala at banta ng gyera kung saan wala ni katiting na pakinabang ang mamamayang Pilipino.

    6. Ano ang susing layunin ng pagtransporma sa sistemang pang-edukasyon sa pamamagitan ng Kto12 at RPHER?

    Laganap sa buong mundo ang epekto ng mga neoliberal na patakaran sa paggawa na naglalaman ng kontraktwalisasyon, napakababang sahod, at pagsupil sa karapatang mag-unyon. Sa kasalukuyan, ito na ang pinakamodernong anyo ng pang-aaalipin at ang kasalukuyang manggagawa na ang pinaka pinagsamantalahan at pinakapinagpigaan ng tubo sa buong kasaysayan ng modernong produksyon.

    Dahil dito, hindi na lamang skills ang laman ng global demand sa paggawa kundi pati ang pagiging maaamo at hindi kritikal na atktitud ng manggagawa. Kung kayat pagsisilbihin ang sistemang edukasyon sa

  • pagsasanay at pagluluwal ng mahusay at maamong lakas paggawa na nagtataglay ng mekanikal na pagiisip, tanggap at handang magtiis sa ibat-ibang porma ng pagsasamantala at pang-aalipin, hiwalay ang sarili sa lipunan, at walang pakialam sa patrimonya at soberenya ng Inang-bayan. Mapapansing ang disenyo ng sistemang pang-edukasyong Pilipino ay kinatatangian ng ispesyalisasyon sa modernong teknolohiya at mga kasanayang teknikal mula pa lamang sa batayang antas at hanggang tersyaryong antas. Sa tulong ng mass media, nagsisilbi itong daluyan ng propaganda at edukasyong kinatatampukan ng kaisipang urong-atrasado at hindi kririkal, mapagsamba sa dayuhan, at kultura ng pagpapantasya at konsumerismo.

    Makikitang ang itatanim ng Kto12 sa mga estudyante ay mga kasanayan para maitulak silang magtrabaho kaagad hindi lamang sa loob ng bansa kundi mas higit, sa banyagang bansa. Huhubugin sila para tanggapin ang kalagayang napakababa ng sahod, walang kaseguruhan ang trabaho, at walang karapatan sa pag-uunyon. Sa pamamagitan ng Kto12, ang mga pampublikong eskwelahan ay matatransporma tungo sa isang sistematikong makinaryang nagluluwal ng mahusay at maamong manggagawa at mapagtangkilik na konsyumer rin na walang interes o pakikialam sa mga nagaganap sa kanyang paligid at sa bansa.

    7. Bakit kailangang isama sa repormasyon ang pagtatanggal sa mga subject na Filipino, Literatura, Philippine History at Philippine Government and Constitution?

    Tampok sa mga pagbabagong gagawin sa pagpapatupad ng K12 at RPHER ang pagbura sa Philippine History sa Junior at Senior High School, at pagbura sa Filipino, Literatura, at Philippine Government & Constitution sa kolehiyo. Ito ay dahil sa ang pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal sa ating bansa ay katumbas ng walang-kaparis na pagyurak sa soberenya at patrimonya ng Inang-bayan at walang kasing-lupit na pang-aalipin sa mga mamamayan.

  • Obligadong gawin ng gobyerno ang pagtatransporma sa sistemang pang-edukasyon para madulas na ipatanggap sa mamamayan ang kultura ng kahirapan, pagkabusabos at pagkaalipin. Gagamitin ang sistemang edukasyon para sa pagdistrungka sa patriotismo, diwang makabayan at mga kaisipang progresibo na bangga sa kahingian ng neoliberal na globalisasyon. Kayat palaging

    tampok sa lahat ng ginawang curriculum revisions ang pagpapaliit sa puwang ng sa mga subject, kurso at asignaturang magtatalakay sa kasaysayan, kultura, at maging ng wika ng bansa. Kung isasama man ang mga ito sa kurikulum ay tiyak na palalabnawin din at ididireksyon din sa pagpapatanggap sa pang-aalipin ng dayuhan.

    Ang mga batas, programa at polisiya kasama na ang mga reporma at curriculum revisions ay mistulang mga eksperimentasyong ginawa ng gubyerno sa gabay at dikta ng dayuhan para umangkop sa kahingian ng mga mauunlad na bayan na nagdisenyo ng mga pandaigdigang neoliberal na patakaran. Sa kasalukuyan, makikitang tuluyan nang ipatatapon ang lahat ng subject, kurso at asignaturang magtatanim sa isipan ng mamamayan ng pagmamahal at pagtatanggol sa Inang-bayan.

    8. Kung hindi para sa interes ng mamamayan, saan magsisilbi ang Kto12 at RPHER?

    Malinaw na hindi sa interes ng sambayanang Pilipino nagsisilbi ang mga patakaran ng neoliberal na globalisasyon. Bangga sa interes ng sambayanang Pilipino ang mga epekto nito na nagpapalala sa mga dati nang mga panlipunang suliraning nagpapahirap sa mamamayan katulad ng mga sumusunod:

    Pagkawala ng kaseguruhan sa trabaho, mababang pasahod at pagkamatay ng mga unyon ng mga manggagawa

    Kawalan ng pambansang industriya Kawalan ng lupa ng mga magsasaka at pagkatali sa atrasadong

    produksyon sa agrikultura Kurapsyon at katiwalian sa gubyerno Pambabastos sa patrimonya at soberenya ng Inang-bayan

  • Pagkasaid ng likas na yaman at pagkawasak ng kalikasan Banta ng mga gyera at pananakop ng dayuhan

    Ang Kto12 at RPHER ay magsisilbi sa pagpapanatili ng mga nabanggit sa pamamagitan ng paghuhubog sa isispan ng mamamayan na tanggapin ang kaayusang ito. Layunin ng Kto12 at RPHER na ipayakap sa mamamayan ang ganitong kalagayan at pigilan ang anumang makabayang sentimiyento, paghahanap ng hustisya, at paghahangad ng pag-unlad at pagbabago. Kayat malinaw na hindi sa interes ng mamamayan magsisilbi ang Kto12 at RPHER, kundi sa dayuhan at mga lokal na panginoong maylupa at malalaking negosyante.

    9. Bukod sa RPHER at Kto12, anu-ano ang mga sinundang batas at programa para sa pagrereporma sa edukasyon at saan nagsilbi ang mga ito?

    Hindi na bago ang repormasyon sa edukasyon at pagtransporma rito para sa mas epektibong pagsisilbi sa produksyon ng mura at maaamong manggagawa at mamamayan na lulutuin sa kultura ng kahirapan at pagkaalipin. Katunayan, ang bawat nagdaang administrasyon ay nag-ambag sa pagtatransporma sa isang kolonyal, komersyalisado at pasistang edukasyon na mayroon ang ating bansa sa kasalukuyan.

    Economic Policy

    Education Policy

    Marcos (Bagong Lipunan)

    PCSPE (Presidential Commission to Survey Higher Education)

    - Nagpanukalang baguhin ang pokus ng edukasyon sa bansa sa paghuhubog ng trainable at mobile assembly line ng mga semi-skilled na manggagawa, farmhand, at mga craftsmen

    NCEE (National College Entrance Examination)

    - Ipinatupad upang isala ang mga estudyanteng didiretso sa higher education at kung sino ang kukuha ng bokasyunal na edukasyon

    National Manpower Youth Council (TESDA ngayon) at Bureau of Non-Formal Education

    - Binuo ang mga ahensyang ito upang tiyakin na magtutuloy-tuloy ang pagsasanay ng mga kabataan batay sa pangangailangan ng multinational corporations na nakabase sa Pilipinas at sa pangangailangan ng pandaigdigang pamilihan

    Education Act of 1972

    - Ginamit ang dayuhang kapital upang lalong patatagin ang pagkiling ng edukasyon sa pagsuplay ng mga bagong graduate na may sapat

  • na kasanayan at mapapakinabangan nang husto ng mga dayuhang negosyo

    Education Act of 1982

    - nagbigay daan sa malayang pagtataas ng matrikula sa mga pribadong paaralan

    Aquino

    MECS Order #22,s.1986 DECS Order #21, s.1993 (11 Department Orders)

    - mga patakaran hinggil sa tuition fee increase STFAP 1989 (Socialized Tuition and Financial Assistance Program)

    - itinaas ang matrikula sa hindi tuwiran at mapanlikhang paraan kung saan babayaran ng mayayamang estudyante ang full cost ng education habang susubsidyuhan naman ang mahihirap na estudyante

    GASTPE (Government Assistance to Students and Teachers in Private Education)

    - Naglaan ng subsidyo ang pamahalaan sa mga pribadong eskuwelahan para sa tuition

    Ramos (MTPDP/ Philippines 2000)

    Education 2000

    - Lulutasin daw ang kahirapan sa pamamagitan ng people empowerment at global competitiveness ayon sa panukala ng International Monetary Fund-World bank sa pamamagitan ng rationalization ng restrictive regulatory framework ng private sector at rationalization ng state tertiary system of education

    LTHEDP 1996-2005 (Long-Term Higher Education Development Plan)

    - pagsunod sa dikta ng dayuhan na bawasan ang badyet sa mga kolehiyo, magpokus sa agham at teknolohiya at umayon sa globalisasyon ng edukasyon

    Dual System Training Act

    - ibinunga nitong maramihang internship ng mga estudyante sa mga MNCs

    HEMA 1997 (Higher Education Modernization Act)

    - nagbigay daan sa korporatisasyon at burukratisasyon ng komposisyon ng Board of Regents ng mga SCUs para bigyang-daan ang mga pinakamatinding budget cuts

    - malayang pagtaas ng matrikula at bayarin taun-taon ng walang konsultasyon, kasama na ang pagpapaigting ng mga income generating projects ng SCUs

    Agriculture and Fisheries Modernization Act

    - rationalization ng mga eskwelahang agrikultural

    Estrada PESS at PCER 1998 Philippine Education Sector Study at Philippine Commission on Educational Reform

  • - may 9 na rekomendasyon na inaprubahan ng pamahalaan kasama ang WB, ADB, COCOPEA, Phil Chamber of Commerce, at mga negosyanteng sila Aguiluz at Ayala

    - nagtulak ng moratorium sa pagtatayo ng SUC at nagbalangkas ng rasyonalisasyon ng SUC

    - iminungkahi ang pagtaas ng matrikula sa SUC kapantay ng sa private - nagkaroon ng freeze hiring at bawal maglikha ng bagong plantilla

    position

    - nagmungkahi ng dagdag na 2 taon sa mga hindi papasa sa qualifying exam sa kolehiyo (pre-baccalaureate system)

    Arroyo (Super Regions)

    LTHEDP 2001-2010

    - sa pagtutulak ng IMF-WB kailangan daw ay angkop ang edukasyon sa knowledge-based economy dahil tayo ay nasa panahon ng borderless education

    - dahil dito nabawasan ang mga SUCs, may mga SUC na hindi na humihingi ng pondo sa pamahalaan dahil sa pagbebenta ng intellectual product at grant at may mga IGP, at mga SUC na ang tuition ay kasing halaga sa private

    MTHEDIP 2001-2004 (Medium Term Higher Education Development Investment Plan)

    - rasyonalisayon ng kolehiyo, normative financing at resource allocation system

    - hindi makakatanggap ng badyet ang mga non-sanctioned courses ng mga SUC

    - inilako ang regional university system at ang mga kurso iaalok ay batay sa field of expertise (hal. Agri sa Southern Tagalog, Mining sa Cordillera, fisheries sa Visayas, Arts & Sciences sa Metro Manila)

    RBEC (Revised Basic Education Curriculum)

    - English, Science, Math, Filipino at Makabayan (araling panlipunan, musika, PE, health, technology, home economics)

    - nagpaliit sa puwang ng Filipino at Araling Panlipunan sa elementary at high school

    Joint Circular on Normative Funding

    - 100 % Rasyonalisayon ng MOOE ng SUC CHED Memorandum Order #14

    - Hindi kailangan ng konsultasyon kung ang pagtaas ng tuition ay mas mababa kaysa sa inflation rate

  • 10. Ano ang papel ng mga indibidwal at grupong kaalyado at kakampi ng Administrasyong Aquino na umaastang tumututol sa Kto12 at RPHER?

    Dahil sa mga nakaambang kaguluhan na ibubunga ng Kto12 at RPHER na nabanggit sa itaas, napakabilis lumaganap ng sentimiyento at diskuntento ng mga apektadong sektor. Sa pagpapanukala pa lamang ng mga repormang ito, mariringgan na kaagad ang malawak na guro, kawani, estudyante at magulang ng pagtutol at paghahapag ng mga tunay na problema sa sistemang pang-edukasyon. Kasunod kaagad nito ang paghahamon sa gobyerno na harapin muna ng seryoso ang mga tunay na problema imbes na ipatupad sa kagyat ang Kto12 at RPHER. Sa kasalukuyan, aktibo ang mga debate at tunggalian hinggil sa pagraratsada ng Adminitrasyong Aquino sa mga repormang ito at umaani ito ngayon ng mabibigat na batikos.

    Dahil sa malawakang pagtutol ng mamamayan, kinakatulong ng Administrasyong Aquino ang mga kaalyado nitong indibidwal, grupo at partylist na nagpapanggap na progresibo para iligaw tayo sa paglaban at maiwasan ang todo-todong pagpalag ng buong bayan sa pagpapatupad ng Kto12 at RPHER. Sinasakyan

    ng mga huwad na progresibong grupo at indibidwal na ito ang simoy ng pakikibaka, malawak na diskuntento, at mga sentimiyentong patriyotiko at progresibo ng mamamayan at sinisilaw tayo gamit ang mabubulaklak na salita habang tahasan tayong itinutulak sa patibong ang K12 at RPHER. Mapapansin na sloganeering at puro satsat lamang ang ginagawa ng mga grupong ito at hindi kailanman nagtangkang singilin ang Administrasyong Aquino na siyang tagapagdisenyo at tagapagpatupad ng Kto12 at RPHER.

    Ang panlilito at pagliligaw sa mamamayan ang papel ng mga kaalyado at kakampi ng kasalukuyang administrasyon para sa pagpapatupad ng Kto12 at RPHER. Umaasta silang tutol sa Kto12 at RPHER pero sa bandang huli, kapag humupa na ang init ng isyu, lilitaw na ang tunay na kulay ng mga huwad na progresibong indibidwal at grupong ito bilang mga ahente ng pamahalaan para sa madulas na pagpapatupad ng Kto12 at RPHER.

  • 11. Anong klaseng sistemang pang-edukasyon ang dapat nating isulong at itaguyod?

    Ang sistemang pang-edukasyon ng bansa sa kabuuan ay hindi nagsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino. Ginagatungan nito ang kaayusang panlipunan kung saan ang malawak na mamamayan ay pinahihirapan ng kawalan ng lupang sakahan para sa magsasaka, malawakang kawalan ng hanapbuhay, mababang sahod at kontraktwalisasyon sa manggagawa at empleyado, at kawalan ng serbisyong panlipunan para sa mamamayan. Ginagamit ang edukasyon upang maluwag na ipatanggap ang kalagayang ito sa atin at pigilan tayong lumaban at magsulong ng pagbabagong magsisilbi sa atin.

    Kung kayat hindi sapat na tutulan lamang ang Kto12 at RPHER, dapat ding isulong at itaguyod ang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon na tunay na magsisilbi sa interes ng sambayanang Pilipino.

    Makabayan. Dapat magsilbi ang sistemang pang-edukasyon sa pagtuturo ng pagmamahal sa bayan, pagtatanggol sa patrimonya at soberenya ng bansa, at dapat na pagsilbihin sa pagtataguyod ng ating kasarinlan. Dapat itong maging daluyan ng mga pag-aaral sa sariling wika, kasaysayan at kultura ng bansa sa layuning maipamana pa ang mga ito sa susunod na henerasyon. Dapat itong magtanim ng patriotismo na magtutulak sa mamamayang magtanggol laban sa mga mananakop na dayuhan at magkamit ng tunay na paglaya.

    Siyentipiko. Dapat na magsilbi ang edukasyon sa pagpapatalas ng isipan ng mamamayan upang maging kritikal at mapanuri sa mga nagaganap sa bansa. Sa ganitong paraan, magiging matalino ang mamamayan at makakapag-ambag para sa pag-unlad ng ekonomya at lipunan. Dapat itong magsilbi sa pagtutulak ng isang nagsasarili at maunlad na ekonomiya sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon at maunlad na agrikultura na para kapakinabangan ng buong sambayanang Pilipino. Ito ang tunay na magbibigay ng pangmatagalang balangkas sa sistemang pang-edukasyon ng bansa.

    Makamasa. Dapat ibalik ang edukasyon sa pagiging batayang karapatan nito para matamasa ng lahat ng mamamayan. Dapat na itaguyod ito ng isang gobyernong tunay na nagsisilbi sa interes ng mamamayan. Dapat itong pagsilbihin sa interes at sa ikauunlad ng

  • kabuhayan ng lahat ng mamamayan. Dapat nitong ituro ang ugnayan at koneksyon ng bawat indibidwal sa lipunan. Wawakasan nito ang pagkamakasarili at kultura ng pagwawalang-bahala, at sa halip ay magluluwal ng mamamayang naglilingkod sa sambayanan.

    12. Ano ang ating mga tungkulin?

    Dapat na tumindig ang mga guro, kawani, estudyante at buong mamamayang Pilipino laban sa Kto12 at RPHER. Lalong pahihirapin nito ang pagtatamasa ng edukasyon at magdudulot ng kaguluhan at malawakang tanggalan sa trabaho sa sektor ng edukasyon. Kikitlin nito ang patriotismo at ihuhulog nito ang buong sambayanang Pilipino tungo sa ganap na pagkaalipin para sa kapakinabangan ng dayuhan. Dapat na itulak ang pamahalaan na itigil ang Kto12 at RPHER at harapin ang mga tunay na suliranin sa sistemang pang-edukasyon.

    Dapat na magkaisa ang mga guro at kawani sa elementarya, hayskul at kolehiyo upang ipagtanggol ang trabaho at ipaglaban ang mas mahusay na kundisyon sa paggawa. Dapat na itayo at palakasin ang mga organisasyon, asosasyon, at unyon para sa pagtatanggol sa interes ng mga guro at kawani. Dapat na tindigan ng guro ang kadakilaan ng propesyon ng pagtuturo na para sa ikabubuti ng mamamayan at buong lipunan. Dapat na labanan ang paggamit sa mga guro at iba pang sektor sa edukasyon bilang instrumento ng pambubugaw sa mamamayan para alipinin sa loob at labas ng bansa.

    Dapat na magkaisa ang lahat ng kabataan, estudyante man o sa kumunidad, upang itaguyod ang karapatan sa edukasyon. Dapat na ibuo ang mga organisasyon at alyansa at pagsilbihin ang mga konseho at publikasyon para sa malawakang pagbubuo ng pagkakaisang ito at maging daluyan ng pagtatambol sa ating pagsusuri at pagtutol sa

    Kto12 at RPHER. Dapat na aktibong ipahayag ng kabataan ang pagtutol sa pagbubulid sa atin sa napakatinding

    pang-aalipin sa loob at labas ng bansa. Dapat na sumuporta ang buong

    mamamayang Pilipino at tutulan ang lahat ng mga neoliberal na patakarang ipinapatupad sa ating bansa. Dapat na ipagtanggol natin ang ating bayan laban sa panghihimasok ng dayuhan sa ating

  • ekonomiya, pulitika at kultura. Dapat na ipahayag ang pagtutol sa pagpapasimuno ng gobyerno na isubo ang sambayanang Pilipino sa pandaigdigang pang-aalipin at mga digmaang wala naman tayong kinalaman. Dapat na magkaisa ang sambayanang Pilipino para sa pagsusulong ng tunay, makabuluhan at makamasang pagbabagonsg panlipunan.

    Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:

    1. Paglulunsad ng mga malawakang forum at talakayan hinggil sa Kto12 at RPHER at mga epekto nito sa mamamayan.

    2. Paglulunsad ng petisyon, manipesto, at iba pang kaukulang panukalang dokumento na ihahapag sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang ipatigil sa kagyat ang pagpapatupad ng Kto12 at RPHER

    3. Paglulusad ng mga pagkilos sa ibat ibang porma sa hanay ng mga guro, kawani, estudyante at lahat ng mamamayan upang sama-samang pigilan ang Kto12 at RPHER at pagtulak sa mga tunay na pagbabagong panlipunan

    4. Paghingi ng suporta ng ibat ibang sektor, ahensya, grupo, indibidwal, maging ng mga makabayang upisyal ng pamahalaan, at paghingi ng saklolo sa international community upang tulungan tayong pigilin ang sarili nating gobyerno na nagraratsada sa Kto12 at RPHER sa kabila ng pagtutol ng mamamayan

    Sa panahong ito kung saan pinakasistematiko ang pagreporma sa edukasyon na bangga sa interes ng sambayanan at pinakakomprehensibo ang tama sa mamamayan, hindi tayo pwedeng maghiwahiwalay. Samasama dapat nating isulong ang interes, karapatan at kagalingan ng mga guro, kawani, estudyante at buong mamamayang Pilipino. Ang tagumpay ng laban upang pigilan ang Kto12 at RPHER ay nakasalalay sa pagbubuklod-buklod natin para sa pagsusulong ng mga tunay, makamasa at makabuluhang na pagbabagong panlipunan. ###