Download docx - Pananaw Sosyolohikal

Transcript

Pananaw Sosyolohikal

Sa pananaw na ito makikita ang ugnayan ng panitikan at ng lipunan. Ang akda ay iniluwal sa isang partikular na panahong kinamalayan ng manunulat. Sa pagsusuri ay hindi sapat na tingnan lang ang akda kundi gayundin ang lipunan kung saan nagkahugis ang kaisipan at mga karanasan ng manunulat upang ganap na maunawaan ang mensaheng taglay ng kanyang akda.

Sa pagsusuri gamit ang pananaw sosyolohikal ay nararapat ding pag-aralan ang kasaysayan sapagkat masasalamin nito ang kalagayang inilahad sa akda. Ang akdang "Tata Selo" ay inilathala noong 1963, ang panahon kung kailan sinimulan ang repormang panlupa o Agrarian Reform sa ating bansa. Gayunpama'y sinasabing hindi ito tunay na reporma sapagkat hindi naman nagkamit ng ginhawa ang mga magsasaka at sa halip ito ay naging kasangkapang pampulitikang nagamit ng ilang pulitiko upang sila'y maluklok sa pwesto.

Angkop suriin ang kuwentong "Tata Selo" gamit ang pananaw na ito sapagkat sinasalamin nito ang kabiguan sa pagpapatupad ng dapat sana'y tunay na repormang panlupa. Ipinakita sa akda ang kaapihang dinanas ng isang dukha at mangmang na magsasaka sa kamay ng kabesang nagmamay-ari ng malalawak na lupaing nagtangkang umagaw sa lupang minana pa niya sa kanyang mga ninuno at naglugso pa sa puri ng kanyang kaisa-isang anak. Sa kabuuan ng kuwento ay ipinakita ang kalupitan at kawalang katarungan ng isang bulok na sistem sa kaawa-awang biktima. Tanging ang isang mahirap na batang magsasaka ang naging karamay ni Tata Selo sa panahon ng kanyang kasawian subalit katulad din ng totoong lagay ng ating lipunan, sa mundo ng mga makapangyarihan at mayayaman, ang dukha at mangmang na tulad niya ay walang boses upang ipagtanggol ang isa pang mahirap at mangmang ding biktimang tulad ni Tata Selo.

Sanggunian: Pluma: Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan (Ikawalang Edisyon)

Mga Awtor:Ailen G. Baisa-JulianNestor S. LontocMary Grace G. del Rosario

Awtor-Koordineytor:Alma M. Dayag