View
108
Download
7
Category
Tags:
Preview:
Citation preview
1
Phinotoshop at Pinacquiao na Larawan at Lipunan: Postmodernismo, Pastiche at si Pacquiao Bilang Politiko-Kultural na Texto
Mykel Andrada
TILA NASA KULTURA NA ng mga Pilipinong kabilang sa panggitnang uri at may kasanayan
sa teknolohiya ng Adobe Photoshop, isang computer software program na ginagamit sa
enhancement at manipulasyon ng mga larawan o paglikha ng biswal-digital na produkto, ang
pagkalikot at pagbutingting sa mga larawan ng sikat na personahe sa loob ng bansa. Ikinakabit
ang ganitong paglikha at muling-paglikha sa tinaguriang pagiging "malikhain at masayahin" ng
mga Pilipino, bagama't nangangailangan pa ang ganitong palagay ng mas malaliman at mas
empirikal na pag-aaral. Gayunpaman, sa daigdig ng "phinotoshop" na mga personahe at ang
kinalalagyan na lipunan ng mga personaheng ito, nananatili na isang pumapaimbulog na diskurso
ang muli't muling pagtatanghal, ayon sa samu't saring aspeto tulad ng karanasan, kinalakhan,
ideolohiya, at pangkalahatang habitus at kultura, ang pagrereartikula sa mga indibidwal na ito,
kasama ang kanilang lipunan. Isa ang “bayani ng boksing” na si Manny Pacquiao sa madalas na
sabjek ng “paglalarong” ito.
Sa blogsite na "GenSan News Online Mag" o www.gensantos.com, isang multi-awarded website
tungkol sa General Santos City, tinipon ng blog owner / awtor at empleyado ng General Santos
City Hall na si Adel Manansala ang samu't saring "phinotoshop" o minanipulang larawan (ng
mga sikat na personalidad sa pabalat ng mga magazine, poster ng pelikula at iba pang biswal na
produkto) na nilapatan ng mukha ni Pacquiao o Pacman. Mula sa pagiging mukha sa katawan ng
Amerikanong superhero na si Superman hanggang sa pagiging mukha sa katawan ni Gng. Gloria
Macapagal Arroyo, masisipat sa mga minanipulang larawan ang malay o di-malay na
2
reartikulasyon kay Pacquiao. Sa papel na ito, susuriin ang mga re-imahinasyong ito sa lente ng
Marxistang pagtalakay ni Fredric Jameson sa konsepto ng parodya at pastiche sa kaniyang
sanaysay na “Postmodernism and Consumer Society” at sa lente ng produksyon ng senyas
(“production of signs”) ni Valentin Volosniov, na pinalawig ni Marnie Holborow sa kaniyang
sanaysay na “Putting the Social Back Into Language: Marx, Volosinov and Vygotsky
Reexamined.”
Bilang texto, ang pagtingin at pagsipat sa mga phinotoshop na Pacquiao ay hindi nakatali sa
kaniya bilang kilalang boksingero. Bagkus, marapat ring imapa ang reartikulasyon kay Pacquio
bilang (1) kultural na kapital at (2) politikal na kapital, laluna't ang mundo ng palakasan
("sports") na iniinugan ni Pacquiao ay malinaw na nakatali sa mundo ng pribadong negosyo at sa
larangan ng tradisyonal na politika. Samakatuwid, maituturing si Pacquiao bilang politiko-
kultural na texto; bilang politiko-kultural na kapital.
Ang Nawawalang Parodya sa Mundo ng Nagwawalang Postmodernong Pastiche
Kilala si Jameson bilang pangunahing kritiko ng imperyalismo – at ng estetika nito na tinatawag
na postmodernismo. Sa sanaysay na “Postmodernism and Consumer Culture,” inasinta ni
Jameson ang iba’t ibang pagmamaniobra ng monopolyo kapitalismo (o imperyalismo, o huling
yugto ng kapitalismo, ayon kay V.I. Lenin), nakapangyayaring sistemang pampolitika at pang-
ekonomiya na nag-iimbudo ng “super ganansiya” o “super tubo” sa bulsa ng iilang dambuhalang
kapitalista. Inasinta ni Jameson, sa partikular, ang postmodernismo, na tinagurian niya bilang
“cultural logic of late capitalism.” Ibig sabihin, ang imperyalismo bilang isang dominanteng
3
sistema ay lubos na pinoprograma at kinakasangkapan ang kultura para sa adhikain nitong
kumita at manakop.
Sa konseptong ito at depinisyong ito ng postmodernismo, makikita na ang lugar ni Jameson sa
larangan ng kontemporaryong Marxistang pagdidiskurso ay ang pagsusuri sa galaw at pag-uugat
ng postmodernismo sa mga dimensiyong kultural, sosyo-ekonomiko at geopolitikal. Nilinaw ni
Jameson ang konsepto ng postmodernismo:
(I)t is not just another word for the description of a particular style. It is also, at
least in my use, a periodizing concept whose function is to correlate the
emergence of new formal features in culture with the emergence of a new type of
social life and a new economic order - what is often euphemistically called
modernization, post-industrial or consumer society, the society of the media or the
spectacle, or multinational capitalism. (1998, 3)
Malinaw sa tinuturan ni Jameson na bukod sa usapin ng partikular na estilo (ng sining, wika,
panitikan, espasyo, atbp), ang postmodernismo ay isang ideolohikal na konseptong nagtatakda ng
panahon: post-modernismo: pagkatapos ng modernismo – na nangangahulugan tila na
pumapasok o pumasok na ang mga lipunan sa yugtong tapos na ang modernismo. Ngunit
binigyang-diin ni Jameson na itong postmodernismo ay nagpapamalas ng pag-usbong ng mga
bagong kultura at mga bagong katangian ng kultura bunga, higit sa anupaman, ng pag-usbong ng
bagong tipo ng panlipunang pamumuhay at ng bagong pang-ekonomiyang kaayusan.
Mahihinuha sa pagdedepinisyong ito ni Jameson ang teoretikal na Marxistang pananaw ng moda
4
ng produksyong pang-ekonomiya (mode of economic production). Ang isang pampolitika at
pang-ekonomiyang base ay may direkta at dialektikal na pakikipag-apektuhan sa mga
superstruktura nito, tulad ng kultura at ideolohiya. Sa gayong punto, nililinaw ni Jameson na
itong postmodernismo ay ang ideolohikal at kultural na lohika ng dominanteng kapitalismo. Ibig
sabihin, nag-uugat ito sa bayolente at masibang diktum ng kapitalismo, ngunit ipinoposisyon
bilang isang ahistorikal, apolitikal, dislokalisado at watak-watak na disposisyon. Gayong sa
ganitong pagdidisposisyon sa postmodernismo mas masisilip kung gaanong ang tila
disorganisadong kultural na lohika ng kapitalismo ay sa katunayan isang napaka-organisadong
sistema ng pagpapangayupapa at pagkubabaw. Dagdag pa ni Jameson na layon niya sa kaniyang
pagdidiskurso na lumikha ng:
(S)ketch a few of the ways in which the new postmodernism expresses the inner
truth of that newly emergent social order of late capitalism, but will have to limit
the description to only two of its significant features, which I will call pastiche
and schizophrenia; they will give us a chance to sense the specificity of the
postmodernist experience of space and time respectively. (1998, 3)
Samakatuwid, tinutukoy ni Jameson na ang ekspresyon ng postmodernismo – o bagong
postmodernismo – ay hindi na lamang simpleng paglaktaw sa modernismo o pagbangga sa mga
modernistang kaisipan at kalakaran – kundi esensiyal at politikal itong kasangkapan na
kinapapakinabangan ng huling yugto ng kapitalismo. Kung gayon, isa itong sistema ng kaayusan
na mayroong tiyak na pagpapakaranasan ng pastiche, isang pinagmamadaling mundo ng
paglikha ng labis at pagkonsumo ng labis.
5
Ang ganitong pinagmamadaling mundo ng pagkonsumo ay lumilikha ng labis-labis na mga
produkto at imahen. Sa isang biswal na naratibo o representasyon, ipinakita ni Jameson ang
wika-imahe ng nakaraan at ng orihinal ay talagang dumaraan sa iba’t ibang pagbabago at
interpretasyon. Ang orihinal na wika at imahe ay nababago rin ng pang-ekonomiyang moda ng
produksyon. Ang orihinal rin ay nakikipag-apektuhan sa mga kultural na lohika ng iba’t ibang
pang-ekonomiyang base, tulad ng huling yugto ng kapitalismo. Sa ganang diskurso ni Jameson,
ipinakita niya ang dalawang posibleng paraan ng pagpapanibagong-hubog sa isang orihinal: ang
parodya at ang pastiche. Para ipakita kung paanong ang parodya ay naiiba sa pastiche ng
postmodernismo, ipinaliwanag ni Jameson kung paano ang operasyonalisasyon ng isang tunay na
parodya:
Now parody capitalizes on the uniqueness of these styles and seizes on their
idiosyncrasies and eccentricities to produce an imitation which mocks the
original. I won't say that the satiric impulse is conscious in all forms of parody: in
any case, a good or great parodist has to have some secret sympathy for the
original, just as a great mimic has to have the capacity to put himself/herself) in
the place of the person imitated. Still, the general effect of parody is - whether in
sympathy or with malice - to cast ridicule on the private nature of these stylistic
mannerisms and their excessiveness and eccentricity with respect to the way
people normally speak or write. So there remains somewhere behind all parody
the feeling that there is a linguistic norm in contrast to which the styles of the
great modernists can be mocked. (1998, 4)
6
Malinaw sa depinisyon ni Jameson na ang parodya ay isang imitasyon ngunit naglalayong
mambuska, magsatirika, magpanibagong-hubog, magtawa, o mang-asar sa isang orihinal na
texto. Nangangahulugan ito na ang orihinal ay maaaring winawasak o binabasag ngunit
nananatiling mayroong lihim na simpatiya para sa orihinal. Sa pagdidiskurso ni Jameson, ang
parodya ay pagpapatalos ng pananatili at pananaig ng normal, pambalana, at pang-araw-araw na
lenggwahe – ang ordinaryong wika-imahen. Ngunit tinanong ni Jameson patungkol sa wika-
imahen at pastiche:
But what would happen if one no longer believed in the existence of normal
language, of ordinary speech, of the linguistic norm…? (1998, 4-5)
Ano nga ba ang pakahulugan ni Jameson rito? Sa kaniyang obserbasyon, ang nagpapatuloy na
pragmentasyon at pribatisasyon ng modernong panitikan – at ang pagkalikha ng napaka-
distinktong pribadong estilo at manerismo ng pagsusulat – ay nagbubunga ng pribadong wika na
espesyalisadong grupo o propesyon lamang ang tanging lumilikha at nagpapaunawa:
One could think of it in this way: perhaps the immense fragmentation and
privatization of modern literature - its explosion into a host of distinct private
styles and mannerisms - foreshadows deeper and more general tendencies in
social life as a whole. Supposing that modern art and modernism - far from being
a kind of specialized aesthetic curiosity - actually anticipated social developments
along these lines; supposing that in the decades since the emergence of the great
7
modern styles society had itself begun to fragment in this way, each group coming
to speak a curious private language of its own, each profession developing its
private code or idiolect, and finally each individual coming to be a kind of
linguistic island, separated from everyone else? (1998, 5)
Mahihinuha sa pahayag ni Jameson na dahil sa labis-labis na pagiging espesyalisado at pribado
ng lenggwahe, bukod sa nagiging pribadong idyolek, ang wika ay nagiging pribadong
pagmamay-ari at nagiging lunsaran o instrument lamang para sa promosyon ng pribadong
interes. Ang siste pa, ani Jameson:
But then in that case, the very possibility of any linguistic norm in terms of which
one could ridicule private languages and idiosyncratic styles would vanish, and
we would have nothing but stylistic diversity and heterogeneity. (1998, 5)
Itong posibilidad ng paglalaho ng pambalana o pangkomunidad na wika – at ang posibilidad o
pagkalagas ng kakanyahan na asuntuhin ang pribadong lenggwahe at mga estilong
idiosynkratiko – ay magbubunga ng higit pang espesyalisado, watak-watak, diskonektado, at
lubos na indibidwalistikong mga wika, panitikan at iba pang produkto. Sa puntong ito, ayon kay
Jameson, na lumilitaw ang pastiche at ang parodya ay imposible nang makamit:
That is the moment at which pastiche appears and parody has become impossible.
Pastiche is, like parody, the imitation of a peculiar or unique style, the wearing of
a stylistic mask, speech in a dead language: but it is a neutral practice of such
8
mimicry, without parody's ulterior motive, without the satirical impulse, without
laughter, without that still latent feeling that there exists something normal
compared with which what is being imitated is rather comic. Pastiche is blank
parody, parody that has lost its sense of humour: pastiche is to parody what that
curious thing, the modern practice of a kind of blank irony, is to what Wayne
Booth calls the stable and comic ironies of the eighteenth century. (1998, 5)
Malinaw sa depiksyon ni Jameson na ang lenggwahe ng postmodernismo – ang praxis ng
pastiche ay hubad ng anumang elemento ng satirika at pagtawa. Kitang-kita ito sa mga
phinotoshop na larawan ni Pacquiao bilang labu-labo, halu-halo, patung-patong, at walang-
koneksyong mga salita at imahe (na pilit pinagtatagni-tagni). Nagpapamalas ito ng ineestablisang
pribadong kaayusan ng kapitalismo na sa katunayan ay isang kawalang-kaayusang pabor sa
pagkakawatak-watak ng mamamayan.
Pinacquiao na mga Larawan at ang Reartikulasyon ng Kultural na Kapital
Sa paglalapat ng manlilikha ng mukha ni Pacquiao sa iba't ibang poster ng pelikula at sa iba't
ibang cover ng magazine, ang pagbasa sa pinal o tapos na larawan ay dumudulo sa konsepto ng
pagmamay-ari. Una, nagiging pagmamay-ari si Pacquiao ng orihinal na may-akda o
kumomisyon sa may-akda ng pinaglapatang larawan. Ikalawa, nagiging pagmamay-ari si
Pacquiao ng gumawa ng pastiche ng poster / cover magazine. Ikatlo, nagiging pagmamay-ari ang
binagong larawan ng tumitingin dito. Ikaapat, nagiging pagmamay-ari ang larawan ng mga
"bumili" o "tumangkilik" rito sa pamamagitan ng pagkopya-dikit ("copy-and-paste") ng mga
naturang larawan sa kani-kanilang mga blog, o ipinadala sa email, ipinost sa Facebook o
9
Multiply, o di kaya'y i-pinirint o i-xenerox ang mga ito.
Mahusay na makikita kung paanong ang orihinal na elemento, kabilang ang oras at espasyo, na
pinagmulan nito ay doble-karang narereprodyus bilang "paglaktaw sa oras" at "paglaktaw sa
espasyo" at bilang paglalagak ng bagong konteksto dahil sa presensiya ng mukha o kamao ni
Pacquiao. Ngunit sa lahat ng antas ng posibilidad ng pagmamay-ari at transgresyon ng oras at
espasyong ito, si Pacquiao o ang imaheng ipinabitbit at binibitbit niya, ay nare-reartikula bilang
pribadong kultural na kapital sapagkat sa halip na maging parodya ang binagong larawan o
imahen ay nagsisilbi lamang itong pastiche. Halimbawa, sa antas na ang produksyon ay
naikakabit sa mga sikat o di-kaya'y mabentang kultural na produkto ng mga negosyante, ang
imahen ni Pacman ay nagiging kultural na produktong pumapaimbulog sa akumulasyon ng
kapital – at hindi satirika o kritika ng pribadong pagkakamal na ito. Kung titingnang mabuti,
halimbawa, sa pagdidikit ng mukha ni Pacquiao sa mukha ng bidang tauhan sa movie clip ng
Avatar, si Pacquiao ay nagiging "nakakatawang pigura" na tila sumasabay sa indayog ng
multinasyonal na produksyong pampelikula, na nakakabit sa estetika at politika ng transaksyong
internasyunal ng mga komoditing kultural.
10
Source: http://www.gensantos.com/2010/01/09/a-pacquiao-funny-picture-collection-for-2010/
Gayundin ang masisipat sa binagong print advertisement ng Macintosh o Mac. Ang mukha ng
orihinal na seksing babae ay pinalitan ng mukha ni Pacquiao. Nanatiling tagakubli ng
maseselang bahagi ng katawan ng seksing babae ang mga sticker o tags ng iba't ibang produkto
ng Mac. At sa puntong ito, dahil hindi naman pinalitan ang mga salitang nakalimbag o nakasulat
sa naturang sticker o poster, si Pacquiao ay nagiging tagabenta ng naturang mga produkto ng
higanteng kumpanya.
Mahalagang banggitin na ganito rin ang
masisipat sa binagong movie clip ng
Avatar. Dahil wala namang ibang
pagbabago sa konteksto, maliban sa
paglalapat ng mukha ni Pacquiao, nagiging
tagabitbit lamang ito ng pelikulang Avatar.
Aakalaing mayroong parodya – ang
pagdistrungka sa orihinal na larawan upang
pagtawanan ang Avatar – ngunit sa dulo’y
nagsisilbing ekstensiyon lamang ng
negosyo ang phinotoshop na larawan.
Source: http://www.gensantos.com/2010/01/09/a-pacquiao-funny-picture-collection-for-2010/
11
Bagama't mahalagang banggitin na may elemento ng katatawan na siya namang primarya sanang
nais na patagusin ng "manipulador" o "photoshopper" ng nasabing “pinarodyang” mga larawan,
hindi maitatanggi na maaaring basahin ang kaniyang mga textong nabuo bilang malay o di-
malay na tagabitbit ng konsumeristang lohika ng orihinal na mga larawan. Ito na nga mismo ang
operasyonalisasyon ng pastiche – ang inaakalang pagpaparodya ay sa katunayan blanko at
ahistorikal na pagmamanipula lamang ng oras at espasyo ng larawan.
May kaibahan naman sa naunang dalawang larawan ang poster na "Sailor Manny" na may
tagline pang "you know." Ang titulong "Sailor Manny" ay spoof ng pangalan ng karakter sa
anime na si "Sailor Moon," isang makapangyarihang teenager na babaeng nakakukuha ng
kapangyarihan mula sa buwan. Sa anime, si Sailor Moon ay natatransforma mula sa pagiging
ordinaryong estudyante tungo sa pagiging anime hero sa pamamagitan ng pagtawag sa
kapangyarihan ng buwan.
Sa binagong imahen ni Sailor Moon, sa pamamagitan ng paglapat sa mukha ni Pacquiao at
pagrerekontexto kay Sailor Moon sa lunan ng boxing ring, si Sailor Manny ay ipinapakitang
"minanny" o "minani" ang pagpapatihaya sa pitong kilalang internasyonal na boksingero. Ang
kataga o tila tagline na "you know" ay isang interstitial na linggwistikong device ni Pacman
tuwing siya'y nauutal o naghahanap ng masasabi dahil sa hindi sanay sa wikang Ingles, ang wika
ng kaniyang promoter. Sa manonood, kadalasan ay itinuturing itong kahinaan ni Pacman sa
wikang Ingles; ngunit sa kasong ito, ang pagkasangkapan sa "you know" ay maaaring basahin
bilang pagtanggap sa hinihirayang kahinaan ni Pacman sa wikang Ingles, kung kaya't
nirereartikula bilang bahagi ng kaakuhan ni Pacman.
12
Source: http://www.gensantos.com/2010/01/09/a-pacquiao-funny-picture-collection-for-2010/
Tila Transgresibo: “Sailor Manny” at ang Feminisasyon at De-ortopedikasyon
Ang kaibahan talaga ng "Sailor Manny" poster ay hindi naman ang mga boksingerong tulad ni
Pacman ang inirekontekstwalisa, kundi ang mismong karakter ni Sailor Moon at ang orihinal na
kasariang kaniyang bitbit. Sa puntong ito, maaari bang sabihin na mayroong transgresyon dahil
sa paglaktaw sa konsepto ng kasarian? Mayroon bang parodya ng dominanteng kaayusan o
nagsilbi lamang itong pastiche na pabor sa dominanteng kaayusan? O mas nananatiling
tagapanindigan ito ng tagumpay ni Pacman bilang isang boksingero sa lilim ng mga promoter na
Amerikano niya -- at ang tagumpay ay isang pananagumpay ng barbarikong machismo na
sinubukang irekonfigura bilang paglaktaw sa kasarian? Kung gayon, ang ganitong
transgenderismo ay hindi naman talaga pananagumpay ng babae. Ni hindi ito kakikitaan ng
anumang tipo o lebel ng feminismo. Bagkus, tinatawag itong feminisasyon kay Pacquiao sa
13
pamamagitan ng paglalapat ng katawan ng anime na babae sa mukha ng orihinal naman talagang
brutal at macho.
Ang akto ng feminisasyon ay ang rekonfigurasyon sa anumang bagay, laluna ang mga
ibinebentang produkto, sa hulma ng babae. Madalas pa, tila ibinabalangkas bilang feminista ang
isang imahen o produkto, ngunit sa aktwal ay kontra-babae at kontra-feminista ito. Ganito ang
masisipat sa "Sailor Manny" at maging sa phinotoshop na patalastas ng Macintosh. Bagama't ang
projeksyon ay tila malakas na personalidad si "Sailor Manny," ang ganitong fantasya ay
magaganap lamang kung ang mukha ni Pacquiao ang nakalagay sa katawan ni Sailor Moon.
Natanggal na ang orihinal na kapangyarihan ni Sailor Moon at naganap ang tinatawag na "de-
ortopedikasyon" o "de-orthepidication."
Itong de-ortopedikasyon ay ang pagbaklas sa katawan o pagkatao ng isang indibidwal o
institusyon sa pamamagitan ng dekonstruksyon ng pisikal na kaanyuan. Maaari itong parodya,
ngunit dahil nga sa lambong ng postmodernismo, maaari rin itong maging blankong parodya o
pastiche. Sa kaso ng indibidwal, halimbawa, ang de-ortopedikasyon ay nagaganap sa pagtapyas o
pagtanggal sa isa o higit pang bahagi ng katawan ng indibidwal. Sa larangan ng kultural na pag-
aaral, ang aktong ito ay maituturing na isa sa dalawang diskurso, depende sa sitwasyon: (1)
"bayolenteng signipikasyon" o isang "epistemolohikal na karahasan", o (2) "subersyon o
transgresyon." Ang de-ortopedikasyon bilang epistemolohikal na karahasan ay kadalasang
nagmumula sa ideolohiya ng uring dominante o nakapangyayari, habang ang de-ortopedikasyon
bilang subersyon o transgresyon ay kadalasang nagbubukal mula sa dinodomina ngunit
bumabalikwas na uring panlipunan.
14
Itong de-ortopedikasyong naganap sa babaeng modelo ng orihinal na patalastas ng Macintosh at
kay Sailor Moon, sa isang anggulo, ay tila subersyon ng mga monolitikong kapangyarihan ng
korporasyong panteknolohiya at ng imperyalismong pangkultura ng Japanese anime. Ngunit sa
aktwal, ang naganap na de-ortopedikasyon sa mga babaeng tauhan ay "ortopedikasyon" naman
para sa dominanteng mga ideolohiyang nirerepresenta ni Pacquiao: machismo at patriarkiya at
lohika ng negosyong pampalakasan. Ang mga binagong larawan gamit ang mukha ni Pacquiao
ay pagpapatingkad ng kultural na kapital na bitbit na ng boksingero. At dito nga masisilo ang
ethos ng kapitalistang interes, maging sa tila subersibo o transgresibong akto ng
"pagpophotoshop" ng mga larawan para sa katatawan: na ang photoshopper at ang "pinasibong"
tagamasid ay ipinapaloob sa kalakaran ng pribadong interes. (Bagamat hindi dapat tingnan na
ganito lamang ito ka-istrukturalista; sapagkat ang photoshopper at "pinasibong" tagamasid ay
maaari rin namang lumaya at maging mapagpalaya, labas sa dominasyon ng lohika ng
kapitalismo.)
Politikal na Kapital: Ang Transhistorikal at Transnasyonal na Pacquiao
Ayon kay Holborow, "Signs can be highly symbolic in one context but remain simple objects in
another." (11) Hinalaw ito ni Holborow mula kay Volosinov, isang Rusong iskolar na
matagumpay na napagkonekta ang Marxismo at ang linggwistiks.
Ang ganitiong paghalaw ni Holborow ay nangangahulugan na ang lahat ng senyas ay
ideolohikal. Kung kaya nagiging mas malinaw na anumang pagpapalit ng orihinal na senyas ay
maaaring mangahulugan ng (1) pagpapalit ng ideolohiya o (2) reartikulasyon ng orihinal na
15
ideolohiya. Sa konteksto ng mga "Pinacquiao" na larawan, nararapat banggitin na hindi
nangangahulugan na ang binuong mga bagong senyas-ideolohiya ay sa binagong mga larawan ay
hindi maaaring bigyan ng ibang interpretasyon o kahulugan ng tumitingin rito. Ayon pa kay
Holborow, "The quality of signs to represent, 'to reflect and refract another reality', to interpret,
is what gives them their conceptual potency and makes words the very stuff of ideology." (12)
Sa ganitong anggulo masisipat ang dominanteng mga ideolohiya na naiimbak sa binagong mga
larawan gamit ang mukha o imahen ni Pacman. Sa binagong larawan ng lumang limang piso,
ang mukha ng historikal na personaheng si Emilio Aguinaldo ay pinalitan ng mukha ni Pacman.
Sa isang iglap ay nalaktawan ni Pacquiao ang panahon – at sa pamamagitan ng binagong larawan
ay napagdugtong ang magkalayong panahon ng “pagpapakabayani” ni Aguinaldo at ng
modernong “pagpapakabayani” ni Pacquiao.
Source: http://www.gensantos.com/2009/05/19/more-funny-pictures-of-manny-pacquiao/
16
Sa puntong ito, malay o di-malay na pinatatagos ng phinotoshop na lumang limang pisong
perang papel ang tila transhistorikal na naratibo ng kabayanihan, mula kay Aguinaldo hanggang
kay Pacquiao
Sa artikulasyon ng kolonyal at neokolonyal na gobyernong Amerikano, itinuring na
"sekundaryang bayani" si Aguinaldo sa perspektiba ng "reaksyonaryong nasyonalismo." Sa likod
ng limang pisong papel, ang proklamasyon ng huwad na kalayaan ay hinalinhinan ng boxing ring
kung saan marubdob na nakikipagpalitan ng suntok si Pacquiao.
Ang ganitong pagbabago sa senyas ay nangangahulugan ng ekstensiyon ng orihinal na
reaksyonaryong ideolohiya ng huwad na bayaning ikinabit ng Amerikano kay Aguinaldo. Ngunit
itong artikulasyong ito para kay Aguinaldo sa kasaysayan ay naikabit na lamang bilang batayang
kaalaman sa "tunay na pagkabayani" ni Aguinaldo dahil sa kolonyal na edukasyong ipinataw ng
mga Amerikano. Bitbit ng lumang limang pisong papel na pera ang makapal na ulap ng
konseptong pagkabayani na siya namang inilalambong kay Pacman.
Sa katunayan, ang ganitong pagrereposisyon sa mukha at katawan ni Pacquiao ay reartikulasyon
kay Pacman bilang "bagong bayani." Bagama't natatawa lamang ang iba sa pagrerekonfigurang
ito, makikita na ang pagturing kay Pacquao sa real-time na kasaysayan ng kasalukuyan ay
"bayaning" nakakapagpahinto ng krimen tuwing may laban, napag-iisa ang magkakalaban sa
politika, at iba pang historiko-politikal na makinisasyon.
Ganito rin ang masisipat sa "Super Manny" kung saan ang mukha ng Amerikano at
17
imperyalitang superhero na si Superman ay hinalinhinan ng mukha ni Pacquiao. Bayani naman
talaga si Pacquiao ng mga korporasyon at kumpanyang Amerikano at iba pang multinasyonal at
transnasyonal na korporasyon tulad ng Nike. Ang pag-angat ni Pacquiao sa senaryong
internasyonal, hindi lamang sa larangan ng boksing at palakasan kundi maging sa larangan ng
endorsement, ay buhay na patotoo na malaki at malawak na ang impluwensiya ni Pacquiao
bilang kultural na icon. Gayundin, maaaring mabanggit na si Pacquiao, dahil sa koneksyong
nabuo niya at dahil sa investment sa kaniya bilang kultural na kapital, ay malinaw na
representasyon at aktibong ahente na ng eksaherado at agresibong pagmemerkado ng mga
malalaking kumpanya ng mga dambuhalang bansa.
Source: http://www.gensantos.com/2009/05/27/more-and-more-pacquiao-funny-pictures-by-popular-request/
Ngunit hindi naman talaga nalalayo sa tunay na mundo ang fantasya na likha ng binagong
limang pisong papel. Sa totoong buhay, itinanghal na si Pacquiao ng mga lokal na gobyerno at
18
ng pambansang gobyerno bilang “Bagong Bayani.” Sa katunayan, ginawaran ni Gng. Gloria
Macapagal Arroyo si Pacquiao ng “Order of Sikatuna,” isa sa pinakamataas na pagkilalang
ibinibigay sa mga diplomat at lider ng bansa. Si Pacquiao rin ay isang reserved officer ng Armed
Forces of the Philippines.
Ang akto ng presentasyon ng gawad na ito ni Gng. Arroyo kay Pacquiao, bukod pa sa ibang
gawad tulad ng “Legion of Honour for Sport,” ay nagsasanga sa pagkilala ng pangulo at mga
lider ng bansa kay Pacquiao bilang isang kultural na icon. At sa kasaysayan ng paglikha ng
bayani ayon sa kolonyal at neokolonyal na oryentasyon, ang pagtatanghal sa mga bayani ay
lagi’t laging serbisyo at interes ng naghaharing politikal na clique at panlipunang uri.
Samakatuwid, ang pagkabayani ni Pacquiao ay hindi lamang isang kultural na representasyon,
kundi lalo’t higit na ito’y isang politikal na representasyong tigib ng politikal na interes.
Ang pinastiche o phinotoshop na mga larawan upang lumikha ng mga bagong imahen ni
Pacquiao ay mga akto ng malay o di-malay na kultural at politikal na konstruksyong
nalalambungan ng samu’t saring ideolohikal na interes at pagpapakahulugang muli’t muling
iniinterpreta at pinaghahalawan ng mga bagong kahulugan at pakahulugan. Sa huling pagsusuri,
ang kadalasang pagturing sa mga imahen ni Pacquiao at kay Pacquiao mismo bilang kultural na
texto ay dapat iwasto bilang politiko-kultural na textong pastiche upang mabigyang-diin na
anumang naratibo at kontra-naratibo ng paglikha at pagwasak sa mga imahen ay kapwa kultural
at politikal na aktibidad.
Ganito ang mapipiga sa dalawang larawan sa ibaba. Kapwa ito minanipula upang magpakita ng
19
fantasya ng historisidad at ng politikal na kapangyarihan.
Sources: http://www.gensantos.com/2009/05/27/more-and-more-pacquiao-funny-pictures-by-popular-request/
http://timesonline.typepad.com/.shared/image.html?/photos/uncategorized/2008/12/26/pacquiao_in_army_gear.jpg
Sa katunayan, ang larawan sa kaliwa ay tila parodya ng pangulo at ni Pacquiao. Kapwa sila
pinagtatawanan sa akto ng manipulasyong ito. Ngunit ang interesante ay sa totoong buhay,
laluna ngayong kapwa magka-kongresista na sina Pacquiao at Arroyo, nananatili ang pagiging
magkakampi ng dalawa kahit na magkaiba na sila ng politikal na partido. Dahil sa puntong ito,
nagbibigay lamang ng kasaysayan ng pagkakampihan ang larawan sa kanan – ang pagpapahigpit
ng politiko-kultural na ugnayan nina Pacquiao at Arroyo. Kapwa lamang nagpapakita ang mga
ito ng isang klase ng politika at ideolohiya na minamanipula ang bayang tumitingin at
tumitingala.
20
Binanggit at Pinagbanggitang mga Akda:
Marnie Holborow. "Putting the Social Back Into Language: Marx, Volosinov and Vygotsky
Reexamined." Studies in Language & Capitalism. http://languagecapitalism.info
Fredric Jameson. “Postmodernism and Consumer Society.” The Cultural Turn: Selected Writings
on the Postmodern, 1983-1998. London / New York: Verso. 1998.
Recommended