32
Nasyonalisasyon ng Kultura, Pulitika at Ekonomya: Ang Paglalakbay ng Wikang Filipino at Bansang Pilipinas Tungo sa Paglinang ng Adhikaing Pilipinismo at Pagpapalaya* (sanaysay na nagwagi ng Karangalang Banggit sa Gawad KWF sa Sanaysay 2012) ni Jonathan Vergara Geronimo Instruktor, Unibersidad ng Santo Tomas (UST) Sa bayan ng Araw ay di pawang dagat, sa Dulong-Silanga’y di pulos na gubat, ni hindi rin naman pawang alapaap o pulos na likhang mga pangarap; dito ay may isang bagay na mabulas, sa sanlibong pulo ay nakalaganap na sa katibaya’y hindi natitinag datnan ma’t panawan ng mga bagabag, sa kasariwaa’y hindi nalalagas dahas-dahasin man ng mga habagat. - mula sa tulang “Ang Aking Wika” ni Lope K. Santos

Gawad KWF Sa Sanaysay 2012

Embed Size (px)

Citation preview

Nasyonalisasyon ng Kultura, Pulitika at Ekonomya: Ang Paglalakbay ng Wikang

Filipino at Bansang Pilipinas Tungo sa Paglinang ng Adhikaing Pilipinismo at

Pagpapalaya*

(sanaysay na nagwagi ng Karangalang Banggit sa

Gawad KWF sa Sanaysay 2012)

ni Jonathan Vergara Geronimo

Instruktor, Unibersidad ng Santo Tomas (UST)

Sa bayan ng Araw ay di pawang dagat,

sa Dulong-Silanga’y di pulos na gubat,

ni hindi rin naman pawang alapaap

o pulos na likhang mga pangarap;

dito ay may isang bagay na mabulas,

sa sanlibong pulo ay nakalaganap

na sa katibaya’y hindi natitinag

datnan ma’t panawan ng mga bagabag,

sa kasariwaa’y hindi nalalagas

dahas-dahasin man ng mga habagat.

- mula sa tulang “Ang Aking Wika” ni Lope K. Santos

Tinukoy sa mga piling berso ni Lope K. Santos ang hindi matapos-tapos na

himagsik ng wikang pambansa mula sa panahon na maging isang sibilisadong lipunan

ang kapuluang Perlas ng Silangan hanggang sa hasain ang mga tabak at panulat sa

yugto ng pakikibaka para sa kanyang soberanya – ang sistematikong (de)konstruksyon

ng diwang maka-Pilipino sa panahon ng Kolonyalismo at ng mga rebolusyong

naghagkis sa mga kadenang ipinataw nito, at rekonstruksyon ng huwad na

independensiya pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa

kasalukuyan.

Tulad ng anumang bayan sa mga taglay nitong lakas at kagalingan, isang

kumikinang na hiyas din ang pagsibol ng isang wikang pambansa na bagamat

ipinalalagay na laganap at matatag sa buong kapuluan ay nananatiling nasa balag ng

alanganin bunga ng mga sagwil sa kanyang landas na sumasagisag sa “mandarahas

na habagat.” Pangunahing pinatutungkulan ng “habagat” sa tula ang tumitinding gahum

ng Ingles sa lahat ng domeyn o mga larangang pangwika na nagpapabagal sa ganap

na intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Makapangyarihang “habagat” din ang

mapanlasong globalisasyon na may matinding epekto sa kalagayang sosyo-ekonomiko,

politikal at kultural ng bansa – isang mapaminsalang salot na pumipigil sa pagyabong

ng wikang Filipino na pagkaisahin at buklurin ang sambayanan mula sa mahigit 7,000

pulo. Inilalantad ng katotohanang ito ang mga tunggalian sa loob ng sistemang

panlipunan na pinalalala ng mga likas na depekto ng neokolonyalismo. Patuloy sa

pagpapataw ng mahigpit na tanikala sa paa, kamay at bibig na nakasusi ng republikang

Pilipino ang kamay na bakal ng imperyalismo na ipinaloob sa sutlang gwantes.

Hindi ganap na mabuo ang kakanyahang Pilipino, ang diwang Pilipino, ang

bansang Pilipinas bunga ng mga gerang internal na mauugat at nagpapalala sa

pagkakabukod-bukod at pagkakawatak-watak ng sambayanan. Patuloy na naglalayag

ang bayan upang marating ang kabilang pampang ng kasaysayan, tungo ginintuang

panahong magiging pluralistiko na ang lipunan na matagal nang pinaghihiwalay ng mga

isyu ng etnisidad at identidad, bukod pa sa mga usaping tahas na pampulitika at

pangkabuhayan. Sa pagtatasa sa mahabang paglalakbay ng wikang Filipino bilang

mahalagang behikulo sa panawagang pagbuo o muling pagbubuo ng katutubong

identidad, masasalamin ang iba’t ibang paraan ng pagsusulong ng adhikaing ito. Ating

baybayin ang mahaba-haba at mabungang kasaysayan ng pag-aambag ng wikang

Filipino sa (re)kontruksyon ng pagkabansa at kakanyahan ng sambayanang Pilipino sa

larangan ng kultura, pulitika at ekonomya.

Historikal na Pagsipat sa Mga Suliranin at Sagwil sa Landas ng Krusada ng

Pambansang Pagkakaisa at Kaunlaran

Ipinahayag ng dating Pangulong Manuel Luis Quezon na “Sa alinmang bagay ay

wala nang napakamahalaga na tulad ng pagkakilala nila sa kanilang kaisahan bilang

isang bansa; at bilang isang bayan ay hindi tayo magkakaroon ng higit na pagkilala sa

bagay na ito hangga’t hindi tayo nagsasalita ng isang wikang panlahat.” Halos walong

dekada nang unang ipahayag ang ganitong propesiya at pangarap sa wikang Filipino

na nagsilbing saligang pwersa sa pagtatamo nito ng kapangyarihang mapagkaisa at

maihanap ng pambansang kaakuhan ang sambayanan. Sa simula’y naging aandap-

andap na ningas ng sulo sa pagkamulat at makabayang paggigiit ang mga litanyang ito

sa larangan ng edukasyon at kultura.

Narahuyo ang gobyernong may hawak ng kapangyarihan sa pagsusulong ng

makadayuhang interes sa halip na itaguyod ang wika ng bayan. Tumahak sa daan ng

pagiging kanya-kanya ang mayorya ng mga Pilipino sa halip na magkaisa sa lakas ng

bayanihan tungo sa makabuluhang transpormasyong panlipunan. Magkakabukod na

paraan ng pagsasalba sa sariling tatak at kamalayan ang namayani, sa halip na

pagtangkilik sa pagbubuo ng isang bansang malaya at maunlad. Malaking salik marahil

sa ganitong kasawian ang mesang walang laman at sikmurang kumakalam ng

sambayanan. Sa humigit-kumulang 100 milyon nating populasyon, 11.3 milyong Filipino

o 27.2% ang walang trabaho at humigit-kumulang sa kalahati (51.4%) ang naghihirap

na mamamayan batay sa pinakahuling tala noong 2011. Paano nga ba aasahang mag-

aambag sa pag-unlad ng bayan ang mga mamamayang dumaranas ng kadahupan at

kagutuman? Sa aspektong politikal, malinaw ang kawalan ng sinseridad ng mga

salitang binibitawan ng mga lider ng ating bayan. Nangangako sila sa lahat ng

kaunlaran at kalayaan sa salita ngunit, sa pangkalahatan, wala sa loob nila ang interes

ng mga mamamayang nagluklok sa kanila at umaasa sa kanilang malasakit at

paglilingkod. Paano nga ba mapasusunod ng mga pinuno ng bayan ang mga

mamamayan sa landas ng pagbabago kung sila mismo’y hindi kakikitaan ng

transpormasyon sa pagdaan ng panahon? Isang malungkot na pangitaing hanggang

ngayo’y bumabagabag sa kamalayan ng sambayanan ang tila pagkakahawig ng mga

anti-mamamayang patakaran ng mga nagdaang rehimen. Isa sa malinaw na

manipestasyon nito ang walang puknat na malawakang demolisyon na nagpabagsak sa

kabuhayan at pag-asa ng mga maralitang naninirahan sa mga komunidad ng Sitio San

Roque sa North Triangle sa Quezon City, Laperal Compound sa Guadalupe ng Makati

City, Brgy. Kadiwa sa Navotas at Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan at kamakailan

sa marahas na pagpapalayas sa mga taga-Silverio. Kasabay ng ganitong pagyurak sa

karapatan sa paninirahan ang tuluyang pagkakaltas ng pondo sa mga mahahalagang

serbisyong panlipunan tulad ng badyet ng mga state colleges and universities o SUCs

na binawasan ng 26% noong 2011. Ngayong 2012, halos 24 bilyong piso lamang ang

inilaan para sa SUCs na malayong-malayo sa 62 bilyong kinakailangan para sa

episyenteng serbisyo ng mga ito. Unti-unting inaabandona na rin ng gobyerno ang

sektor ng kalusugan sa pagkakaltas nito ng 3.5% sa badyet nito noong 2011.

Pinagkaitan din ng badyet ang iba pang sektor gaya ng agrikultura (26%); enerhiya

(65%); at transportasyon (5%).

Katapat ng pagiging manhid ng marami-raming opisyal ng pamahalaan sa

kapakanan ng mga simpleng mamamayan ang kawalan ng paninindigan ng mga

iniluklok na mambabatas at senador ng bayan na kumatig sa wikang Filipino na bihirang

gamitin sa kanilang mga sesyon. Binabansot sa mismong mga pangunahing sangay ng

pamahalaan ang wikang pambansa kaya naman hindi maisulong ang mga repormang

makamasa at makabayan na nagpapalakas sa potensyal ng Pilipinas na makamit ang

minimithing kaunlaran. Hindi rin makatindig ang wikang Filipino bilang tagapamagitan

ng ugnayan sa usaping pangkapayapaan at matagumpay na pagsasadokumento ng

mga paglabag sa karapatang pantao at pagtataguyod ng malayang pamamahayag

dahil Ingles at hindi wikang pambansa ang ginagamit ng pamahalaan sa mga opisyal

nitong transaksyon. “Tal pueblo, tal govierno,” wika nga ni Rizal. Kung ano ang

pamahalaan ay siya ring uri ng mamamayan. Samakatwid, kung walang makitang

pagkamakabayan sa mga opisyal ng pamahalaan, hindi dapat asahang agad sisibol

ang binhing nasyonalismo sa puso ng mga Pilipino na siyang magbubuklod sa kanila,

huhubog sa kanilang pagkamamamayan at magpapalaya sa kanilang bayan mula sa

kamay ng mga naghahari-hariang dayuhan.

Sa ganitong mga banta ng mapanghating ‘habagat’ na lumilikha ng mga alon na

hamon sa pag-usad ng wikang Filipino at pag-ahon ng sambayanang humihingi ng

saklolo sa gitna ng krisis sa kultura, pulitika at ekonomya, mahigpit na kinakailangan

ang isang wikang pambansa na makapagbubuklod sa mga mamamayan upang sila’y

manindigan sa pagkakamit ng kaakuhang nakaugat sa kahingian ng pagpapalaya.

Isang krusada para sa pambansang pagkakaisa at paghanap sa pambansang

kaakuhan: ang kahuli-hulihang birtud na magpapanumbalik ng tatag, kolektibong lakas

at pagbubukas ng bagong landas para sa isang maliwanag at aliwalas na hinaharap.

Isang lipunang malaya at maunlad na minimithi ng lahat ang inspirasyon sa

pagsusulong ng sambayanan sa/ng isang matatag na wikang Filipino para sa

pambansang pagkakaisa at pagpapalakas ng katutubong kultura at identidad.

Unang Yugto: Pagbibinhi at Pagsibol ng Wikang Pambansa sa Taong 1935

hanggang 1972

Maraming kaganapan sa ating kasaysayan ang nagpatingkad sa pagpapahayag

ng mga Pilipino ng kanilang pagkakaisa tungo sa paghuhugis ng kanilang pambansang

kamalayan sa pamamagitan ng iba’t ibang yugto ng pakikibaka laban sa kolonisasyon.

Ngunit, hindi pa rin sapat ang mga tagumpay na ito upang ganap na wakasan ang

pagkakahiwa-hiwalay ng mga pamayanan bunsod ng mga etniko at lingguwistikong

dibersidad (Boras-Vega, 2010). Nang balangkasin ang Konstitusyon ng Pilipinas

alinsunod sa Batas Tydings-McDuffie (na tinawag ding “Batas para sa Kasarinlan ng

Pilipinas”), mula 1934-1935 ay sumambulat ang matinding pagtatalo sa pagitan ng mga

delegado ng Kumbensyong Konstitusyunal hinggil sa kung ano ang dapat maging

opisyal na wikang pambansa. Sa ganitong sitwasyon, nakita ng mga kinatawan mula sa

iba’t ibang lalawigan ang kahalagahan ng isang katutubong wika na magsisilbing

sagisag ng pagbibigkis ng mga mamamayan. At sumapit nga ang pagsasatitik ng

Konstitusyon ng Komonwelt 1935, sa pambansang pagpupunyagi ng Ama ng Wikang

Pambansa na walang iba kundi si Pangulong Manuel Luis Quezon na nagpahayag na

“Hindi makaiiral ang isang diwang pambansa hanggang walang wikang panlahat. Ang

Pilipinas kailanman ay hindi magkakaroon ng tunay na pagkilala sa ating karangalan

bilang isang bansa hangga’t wala tayong wika na sarili natin”. Ito ang una sa tatlong-

yugtong hati ng metamorposis ng Filipino ayon sa kapita-pitagang ”abogado ng wikang

Filipino” at dating direktor ng Surian sa Wikang Pambansa hanggang Komisyon sa

Wikang Filipino (1970-1999) na si Ponciano B.P. Pineda.

Ang pagbibigay-halaga ng Konstitusyong Komonwelt sa pagkakaroon ng isang

wikang pambansa ay maituturing na ginto at utang na loob ng bayang ito sa mga

politikal na pagkilos na maagang naisagawa sa pangunguna ng mga unang naging

tagapagbungkal ng matabang lupang pinaghasikan ng binhi ng wikang pambansa. Sa

pamamagitan ng Batas Komonwelt Blg. 184, s. 1936, pinatibay ang probisyong

pangwika ng Konstitusyon ng 1935:

Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad

at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa sa mga

umiiral na katutubong wika. Hanggang hindi nagtatadhana ng iba ang

batas, ang Ingles at Kastila ay patuloy na gagamiting mga wikang opisyal.

Upang lalong mapagtibay ang mga paunang hakbang na ito, itinagubilin ni

Quezon sa Asembliya noong Oktubre 7, 1936 ang pagtatatag ng isang Surian sa

Wikang Pambansa (Institute of National Language) na magpapatupad ng mga karapat-

dapat na hakbang sa kaganapan ng isang wika para sa lahat sa layunin ng pagkakaisa

at upang maiwasan ng mga Pilipino ang pagiging “dayuhan sa sariling bayan.”

Nakatuntong ang obserbasyong ito ni Quezon sa lumalaking etniko at lingguwistikong

dibersidad na nagiging sanhi ng kawalan ng mga tulay na ugnayan at hadlang sa

pagbuo ng pambansang pagkakakilanlan.

Matapos ang ilang pag-aaral at pagsusuri ng mga kasapi ng unang lupon ng

Institute of the National Language (INL), napili ng sampung pangunahing kinatawan

mula sa mga pangunahing wika sa Pilipinas ang Tagalog bilang batayan ng wikang

pambansa sapagkat ang Tagalog ang wikang nakatugon sa mga kahingiang itinakda

ng Batas Komonwelt Blg. 184, s. 1936, Seksyon 8, talatang (5), “sapagkat

napatunayang ang wikang “higit” na maunlad sa istruktura/kayarian, mekanismo, at

literatura at tinatanggap at ginagamit sa kasalukuyang panahon ng pinakamaraming

mga Pilipino.” Ipinatupad ang probisyong konstitusyunal na ito sa pamamagitan ng

pagpapahayag ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong Disyembre 30, 1937

na humubog sa katawagang Wikang Pambansa batay sa Tagalog. Bagama’t naging

usad-pagong ang pagpapalawig ng wikang pambansa sa mahahalagang larangan

tulad ng edukasyon, naging matagumpay naman ang paglulunsad ng kauna-unahang

“Balarila ng Wikang Pambansa” na naglalahad ng mga tuntunin sa mabisang

pagpapahayag ng wika. Pinabilis nito ang paglaganap ng wikang pambansa sa mga

rehiyong di-Tagalog. Halos isang taon ang lumipas bago naging katuwang na midyum

sa pagtuturo sa elementarya ang wikang pambansa sa bisa ng Memorandum Sirkular

Blg. 71 noong Disyembre 5, 1939. Noong Abril 1, 1940 naman, pinagtibay ang

paggamit nito sa mga paaralang sekundarya at eskwelahang pangguro.

Pinalakas din ang papel ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP) kabalikat ng

Sangay ng Kawanihan ng mga Paaralang Bayan sa mahigpit na ebalwasyon ng mga

teksbuk at pantulong na babasahing nasusulat sa wikang pambansa para sa mga

paaralang elementarya at sekundarya, publiko man o pribado. Naabot ng wikang

pambansa ang mas mataas na yugto ng elaborasyon nang lumaganap ang paggamit

nito sa iba’t ibang larangan at disiplina sa lahat ng dako ng bansa. Ipinatupad ng SWP

ang komprehensibong programa sa pagpaparami ng mga publikasyon at pagsusulong

ng mga gawain na humihikayat sa kultibasyon at intelektwalisasyon ng wika. Sa

pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagpatuloy ang pambansang

pamamahala sa kamay ng mga Pilipino sa gabay ng Pangasiwaan ng Sundalong

Hapon. Naging maluwag ang paggamit ng wikang pambansa bilang matibay na bisig

sa rekonstruksyon ng programang Hapon na “Sama-samang Kasaganaan sa Lalong

Malawak na Silangang Asya” o kung isasalin ay nagpapahayag ng maka-oryental na

mensaheng “Asya para sa mga Asyano” at “Pilipinas para sa mga Pilipino.”

Nadagdagan ang pananagutan ng SWP nang maging bahagi ito ng Kagawaran

ng Edukasyon, Kalusugan at Kagalingang-Bayan (alinsunod sa Kautusang Militar Blg.

��

2 noong 1942). Nilayon ng magkabalikat na paggampan ng dalawang ahensya ang

marubdob na popularisasyon ng wikang pambansa. Sa sunud-sunod na pagpapalit ng

liderato sa ahensya ng SWP, kamulatan din ang nagtulak sa mga nailuklok na direktor

nito tungo sa malawakang pagpapalimbag ng mga diksyunaryong Tagalog, materyales

sa paghahanda ng mga espesyalisadong talasalitaan sa larangang siyentipiko,

talasalitaan ng walong pangunahing wika sa bansa, pananaliksik sa iba’t ibang

disiplina, mga pormularyong pampamahalaan at aklat ng pagsasalin na nagresulta sa

malayang paggamit ng wikang pambansa sa mga controlling domain ng wika.

Malaking igpaw rin sa kamulatang makabayan ang opisyal na pagpapatibay sa

paggamit ng katagang “Pilipino” sa pagtukoy sa wikang pambansa ayon sa bisa ng

Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 noong Agosto 13, 1959. Maagang humarap sa

masalimuot na pakikipagbuno sa kontrobersya’t isyu ang bagong-lutong lunas na

“Pilipino” na sumagupa sa mahabang argumentasyon at kabi-kabilang paglilitis ng

diumano’y panlilinlang sa bayan. Nagtagumpay man sa pagtatapos ng bakbakan ang

katwiran sa katawagang “Pilipino” bilang wikang pambansa nanatiling isang di

resolbadong isyu ang kontradiksyong ito na nagbukas sa panibagong yugto ng

pagkamulat para sa pagtuklas ng wikang magpapatatag sa nagkakaisang lahi ng

Pagka-Pilipino. Kahit papano’y nakabawas sa lakas ng mga rehiyunalista ang

makabuluhang pagpapalit-tawag na ito na senyales ng napipintong nasyonalisasyon

ng wikang pambansa.

Ikalawang Yugto: Pagbalikwas ng Bayang Lumalakas at Pagbagtas sa Hakbang-

hakbang na De-Amerikanisasyon sa Taong 1973 hanggang 1986

���

Lumipas ang mahigit tatlong dekada ng Pilipinas bilang isang huwad na

nagsasariling bansa. Isa-isang tumambad sa madla ang mga kakulangan at depektong

dulot ng umiiral na kalakarang panlipunan na hindi na sapat upang makatugon sa

lumalawak na pangangailangan ng bansang humaharap sa mga bagong hamon ng

nagbabagong panahon. Muling nagdaos ng isang konstitusyunal na kumbensiyon

noong 1971 at isa sa binigyang-pansin ang pagpili ng isang wikang pambansa na

didinig sa lahat ng panig tungo sa ganap na pagtanggap at pagkakaisa. Naging

malabo ang paglalapat ng mga panig sa panahong ipahayag ang pagpapatibay ng

Saligang Batas ng 1973 na nagsasaad sa Artikulo XV, Seksyon 3:

“(1) Ang Saligang Batas na ito’y opisyal na ipinapahayag sa Ingles at

Pilipino, at isasalin sa bawat isang diyalektong sinasalita ng mahigit sa

limampung libong katao, at sa Kastila at Arabic. Kung may pagtutunggali,

mananaig ang tekstong Ingles.” Sek. (2) “Ang Batasang Pambansa ay

dapat gumawa ng mga hakbang tungo sa paglinang at pormal na

adopsiyon ng isang panlahat na wikang pambansa na tatawaging Filipino”

Kung susuriin ang bagong pormula na inihain ng Konstitusyon ng 1973 ukol sa

wikang pambansa, halos wala itong malaking ipinagkaiba sa pinagbatayan nitong

padron liban na lamang sa lantarang paglalako sa Ingles at iba pang wikang dayuhan

bilang alternatibo sakaling hindi pa rin magkaroon ng kasunduan sa pagkakaroon ng

wikang pambansang nakabatay sa mga katutubong wika na katanggap-tanggap sa

nakararami. Sa pagbabagong-bihis ng konstitusyon, opisyal na kinilala ang Pilipino

���

bilang wikang opisyal na nagbukas ng mga bagong daan tungo sa isang wikang

pambansa na magtataguyod ng isang panlahat na pananaw.

Sa kasamaang-palad, mula sa Konstitusyon ng 1973 hanggang 1986, ang

Batasang Pambansa ay walang ginawang hakbang upang pormal na kilalanin ang

wikang Filipino. Hindi nakita ng lehislatura ang silbi ng awtonomiya sa pagtataguyod ng

isang wikang pambansa na kikilalanin ng lahat ng panig (Recto, 2003). Sa kabila ng

hindi pagbibigay-pansin ng mga mambabatas sa wikang pambansa, nagdulot naman ito

ng matinding kamulatan sa pagkakaroon ng sariling inisyatiba ng ilang tanggapan ng

pamahalaan at makabayang sektor ng lipunan sa pagsusulong ng adbokasiyang

kaugnay nito.

Sumaklolo sa mabagal na mobilisasyon ng sangay-lehislatibo ang bisig ng

edukasyon na malawakang gumagamit ng wika para sa kognitibo, apektibo,

motibasyunal at sosyal na kontekstong pambansa (Bernardo, 2007). Pinagtibay ang

National Board of Education Resolution No. 73-7 na magkatuwang na ipinatupad ng

Surian ng Wikang Pambansa at Ministri ng Edukasyon noong Agosto 7, 1973 – ang

Patakarang Edukasyong Bilingguwal na nagbibigay-diin sa magkahiwalay na gamit ng

Pilipino at Ingles sa mga piling asignatura at paksang-aralin. Nilagdaan naman ng

dating Kalihim Tagapagpaganap na si Alejandro Melchor ang Proklamasyon Blg. 1249

noong Abril 1, 1974 na nagtatadhana ng taunang selebrasyon ng Araw ni Balagtas

tuwing unang araw ng Abril samantalang noong 1986. Pinalawak nito ang gamit ng

wikang Pilipino para sa mga impormal at sosyal na transaksyon sa larangan ng

paggawa at maging sa organisasyon ng negosyo at industriya. Sa ganitong mga

pagtatangka, masasalamin ang hangarin ng pagpapalakas sa wikang pambansa

���

kasabay ng adhikaing mapalakas din ang malawakang kampanya sa muling pagtuklas

sa katutubong kultura na magbubunsod ng pagpapatibay ng konsepto ng pagkabansa

at pagkamamamayan.

Nagbunsod ng dakilang pagkamulat ang ganitong malawakang paggamit ng

wikang pambansa. Ang kabi-kabilang pagkilos ng mga mamamayan mula sa loob at

labas ng akademya, pusod ng pagawaan at pabrika, iba’t ibang larangang propesyunal

at hanay ng mga magsasaka at mga maralitang tagalungsod ang nagsilbing pwersa sa

paggamit ng wikang Pilipino bilang wika ng protesta at politika tungo sa hakbang-

hakbang na de-amerikanisasyon ng sambayanan (San Juan, 2009). Lumaganap ang

kamulutang humulagpos sa dikta ng kamay na bakal at isinilang ang rebolusyon na

naging tulay tungo sa pagbabagong hangad ng lahat.

Ikatlong Yugto: Pag-ahon, Pakikitunggali at Pagsulong ng Wikang Filipino sa

Taong 1987 hanggang Kasalukuyang Panahon

Isinupling ng makasaysayang Rebolusyong 1986 sa EDSA ang Konstitusyon ng

1987. Nang pangalanan ang apatnapu’t walong mga kasapi ng Kumbensyong

Konstitusyunal, muling inasahan ang aktibong pakikilahok ng mga samahang

pangwika sa pagpapatibay ng bagong kalayaang iginawad ng bagong-silang na

demokrasya. Sinikap na solusyunan ng Kumbensyong Konstitusyunal sa plenaryo ang

sigalot ng mga samahang pangwika upang makapagpatuloy sa pormulasyon ng isang

wikang panlahat na magnunyutralisa sa lahat ng oposisyon. Pinagkaisahan ang

pagbuo ng wikang pambansang batay sa wikang Pilipino na pauunlarin sa tulong ng

iba pang katutubong wika gaya ng isinasaad sa Artikulo XIV:

���

Seksyon 6. “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang

nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa batay sa umiiral na

mga wika ng Pilipinas at iba pang mga wika.”

Sa ikatlong yugto ng pagkamulat sa panahon ng bagong silang na demokrasya,

idineklara na sa wakas ang tagumpay ng lahat ng panig bilang pagtatapos sa

mahabang serye ng hatakang-lubid sa pagitan ng mga tagapagsulong ng iba’t ibang

kampo sa isyu ng pagkakaroon ng isang wikang para sa lahat. Maituturing na

malaking igpaw ang mga pinagtibay na simulain ng Konstitusyon ng 1987 na ang

Filipino ay hindi lamang magiging midyum sa larangan ng komunikasyon at tatawaging

opisyal na wika, bagkus malaking pagbabago rin na itakda ng isang umiiral na

konstitusyon na maging pangunahing wika ito ng sistemang pang-edukasyon. Pinahina

rin ang paghahari ng Ingles na nagsilbing pinakahuling opsyon sa anumang

pagpapasya ng bagong kalakaran samantalang itinaas naman ang papel ng mga

umiiral na katutubong wika bilang katuwang ng Filipino sa pagtatamo nito ng mataas

na pagkilala, pagpapahalaga at pagpapalaganap batay na rin sa binagong depenisyon

ng ahensya sa pangangalaga ng wikang pambansa na tinatawag na ngayong

Komisyon sa Wikang Filipino (KWF):

Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong Pilipinas

bilang wika ng komunikasyon at etnikong grupo. Katulad ng iba pang

wikang buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa

pamamagitan ng mga panghihiram sa mga wika sa Pilipinas at di-

katutubong wika para sa iba-ibang sitwasyon, sa mga nagsasalita nito na

���

may iba’t ibang saligang sosyal at para sa mga paksa ng talakayan at

iskolarling pagpapahayag.

Iginawad din sa yugtong ito ang mas malawak na mandato at kapangyarihan ng

ahensyang KWF. Binigyan ito ng mataas na pagkilala at direktang katungkulan sa ilalim

ng Tanggapan ng Pangulo na nagbunsod din ng ganap na kalayaan nito sa

paglulunsad ng mga karapat-dapat na gawain sa pagsusulong, pagpapaunlad at

paglinang ng wikang Filipino. Upang maipamalas ang sinseridad ng konstitusyon sa

pagpapatibay ng ugnayang pambansa ng mga mamamayan, binigyang-diin ng batas na

ang lupong tagapagpaganap ng nasabing ahensya ay bubuuin ng mga kinatawan mula

sa iba’t ibang wika ng bansa na mangunguna sa lahat ng pagpapasya at

implementasyon ng mga programang saklaw ng ahensya.

Naging madali ang pagpapaabot ng mga makabuluhang programa ng komisyon.

Naipatupad ang mga pangakong pagbabago na ilahok ang mga organisasyon mula sa

iba’t ibang rehiyon sa pagpapasya at pagpapatupad ng mga makabuluhang gawain sa

pagsusulong ng matatag na wikang panlahat. Aktibong nagampanan nito ang papel na

itinakda sa kanila ng konstitusyon sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw nito sa

anyo ng mga Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino na itinayo sa mga lalawigan sa

bansa na nakabase sa mga state colleges and universities (SUCs). Dahil sa

tinatamasang tagumpay sa pagkakaroon ng wikang pambansa, lalong naging masikhay

ang ahensya, kabalikat ng iba pang tagapagsulong ng wikang Filipino sa pagtuklas ng

pangmatagalang preserbasyon ng umiiral na wikang pambansa na kikilalanin bilang

sandigan ng pambansang kaunlaran. Naibukas ang posibilidad ng intensibong

pagpapatibay sa mga umiiral na bernakular na wika sa pamamagitan ng programang

���

pang-edukasyon na Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na

nakatakdang ipatupad bilang suporta sa pagpapataas ng literasi kasabay ng

preserbasyon ng mga katutubong wika.

Sa kabila ng mga panimulang pagsisikhay at tagumpay na ito ng pagpapatatag

sa wikang Filipino, nananatili ang kahambal-hambal na katotohanan na ang mga

kapitan ng barko na inaasahan nating magiging tagapamandila ng ating pambansang

soberanya at identidad ang traydor na nagsisilbing ahente ng hegemonya ng Ingles at

mapanlinlang na dikreto ng globalisasyon. Sa kontrabidang sabwatan ng House Bill

4701 sa Kongreso at inilunsad na gera ng rehimeng Arroyo laban sa wikang Filipino sa

anyo ng E.O. 210, lalong namulat ang sambayanan sa pagtataksil ng pamahalaang

kanilang iniluklok. Nalantad sa madla ang prinsipyong anti-mamamayan at anti-

makabayan ng nagdaang rehimen. Bukod sa walang kaparis na promosyon ng Ingles,

walang habas din ang pagtalima ng rehimeng Arroyo sa patakarang dikta ng

malawakang pandaigdigang kumpetisyon, sa halip na igiit ang pagsasariling pang-

ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon na pangunahing

makinarya sa tunay na ekonomikong pag-unlad (Sison at De Lima 1998). Nabansot

man ang ipinunlang hadlang at pansamantalang napalayas ang salot at pesteng

nagbabanta sa pagyabong ng wikang Filipino, nanatili ang mapagmulat at

mapanghamong tagpo sa mas masalimuot pang paglalakbay at pagtahak ng wikang

Filipino tungo sa kaganapan nito bilang isang matatag na wikang pambansa sa

pagpapalakas ng identidad at kalinangan ng sambayanan. Kung sisipatin ang naging

takbo ng wikang Filipino sa pagbubuklod ng iba’t ibang pangkat sa bansa na may

dibersidad sa wika at kultura, tungo sa pagkakaisa at pagtatagumpay sa kabila ng mga

���

banta ng globalisasyon, mapaglilimi na ang wikang Filipino ay nanatiling matatag na

sandigan sa pambansang adyenda ng Pilipinismo – ang ugat ng pagkakaisa,

kaunlarang bayan at ganap na pagpapalaya bilang isang lahi.

Paglaganap ng Ideolohiyang Nasyonalismo sa Kalakarang Postkolonyalismo:

Ang Wikang Filipino sa Ikalawang Milenyo

Dumatal ang yugto ng postkolonyalismo at bumungad ang Ikalawang Milenyo,

sinalubong ng maraming pagbabago at hamon ang mga kalakarang panlipunan sa

bansa kabilang na ang estado ng wikang Filipino sa patuloy nitong paghahanap ng

espasyo sa pambansang kaakuhan at aspirasyon sa kaunlarang bayan. Ayon sa

sosyolohistang si Fishman (sa Constantino, 1996), "ang wika ay isang pangunahing

komponent ng nasyonalismo… at ang katutubong wika ay isang aspekto ng kaluluwa o

esensiya ng nasyonalidad.” Ang pagtangan sa ideolohiya ng nasyonalismo lalo sa

yugtong ito ng postkolonyalismo o unti-unting pag-ahon ng kamalayang pambansa sa

kumunoy ng daantaong kolonisasyon ay kailangang palakasin at pagtibayin, gamit ng

wikang Filipino salig sa prinsipyong makabayan bilang pagsasabuhay nito.

Kasabay ng mahigpit na pagtangan sa wikang sagisag ng kalayaan, mahalagang

mapanatili ang katwiran ng pagsusulong sa pambansang interes at kapakinabangan

laban sa anumang anyo ng dominasyon at kontrol ng mga dayuhang kapitalista sa

mahahalagang kalakarang pambansa kabilang ang aspekto ng kultura, pulitika at higit

sa lahat, sa ekonomya. Sa sitwasyunal na paglalarawan ni Edward Said (sa Tolentino,

2007) sa kalagayan ng bansa sa ilalim ng postkolonyalismo ipinahayag ang posibleng

tunguhin nito "sa mga tao at bansa sa labas ng Kanluran, kinakailangan nilang

���

mamangka sa dalawang ilog para makarating sa nais nilang tunguhin, ang unang

direksyon ay pagsa(n)gka sa sinauna ngunit namamayaning kalakaran ng kaalamang

likha ng Kanluran; at ang ikalawang direksyon ay ang pagtahak sa tunguhin ng bansa.”

Binigyang-diin naman ni Almario (2006) ang depekto ng postkolonyalismo sa

kontekstong Pilipino: “…sapagkat kasangkapang banyaga ang ginagamit, hindi ganap

na maitanghal ng kritisismo ang katutubo at tradisyunal.” Mapapansin sa dalawang

awtoritatibong pahayag ang kapansanan ng padrong postkolonyalismo na

humahadlang sa pagpapanumbalik ng pambansang kaakuhan at ang mga bakas nito

ay nanatiling matinding hagupit na sagabal sa tunguhin ng ganap na pagsasarili sa

kasalukuyan. Sa ganitong kapasyahan ng tuluyang pagbaklas sa anino ng

postkolonyalismo, nagbanyuhay rin ang mga panawagan at adyenda sa pinalawig na

mga alternatibong pagkilos upang mapag-ibayo ang pananagutan ng wikang Filipino na

makatugon sa reoryentasyon at rekonstrukyon ng kamalayang pambansa tungo sa

ganap na kalayaan sa kultura, edukasyon, pulitika at ekonomya. Nilinaw ni Monico

Atienza (1998) ang naitadhanang pananagutang ito ng wikang pambansa sa

pagpapalaya ng bansa mula sa kanyang testamento na “…sapagkat ang anumang wika

sa ating bansa ay nararapat lamang magtaglay ng pagtanaw sa hinaharap ng

sambayanang P(F)ilipino.”

Ang Pamumulaklak at Popularisasyon ng Kalinangang-Bayan: Panitikan, Awit,

Bagong Midya at Pelikula sa Wika ng Sambayanan

Sa larangan ng pambansang kultura, itinanghal ng wikang Filipino ang mga

katutubong panitikan na sumasalamin sa karakterisasyon ng katutubong tatak,

��

dumadakila sa pagsulong ng bernakular na diskurso at nagpapamukod sa katangiang

pluralistiko ng ating lipunan. Higit na pinagyaman ang mga sinaunang panitikan sa

kasalukuyan upang pagtibayin ang pag-unawa ng mga mamamayan sa mayamang

sibilisasyong pre-kolonyal ng ating mga ninuno. Binuhay sa popular na midyum ng

telebisyon at pelikula ang mga personaheng ibinatay sa mga historikal at pseudo-

historikal na mga karakter gaya nina Amaya, Urduja, Lam-ang, Lapu-Lapu at iba pa.

Inuungkat ng mga ganitong makabuluhang palabas ang kayumangging kalinangan ng

ating nakaraan kasabay ng pagtatampok sa barayti ng wikang Filipinong masining at

intelektwalisado.

Itinatanghal din sa pedestal ng lumalawak na koleksyon ng popular na panitikang

bayan – isang makabagong kilusang pangkultura na nagpapalakas sa potensyal ng

mga batikan at baguhang manunulat ng lahi upang malalim na makaugnay sa masang

Pilipino na pangunahing mambabasa nito – ang wikang Filipino. Namayagpag ang

karisma ng mga seryeng nobela ni Bob Ong na gumamit ng mga simpleng salita upang

awtentikong mailarawan ang sensibilidad ng pagiging Pilipino sa parikala ng

pagpapatawa na kinagiliwan ng mga kabataang dati-rati’y ”Harry Potter,” ”Lord of the

Rings,” ”Twilight” at iba pang Kanluraning akda lamang ang binabasa at

pinapahalagahan. Ginamit naman sa dalawang nobela ng batikang scriptwriter na si

Ricky Lee ang pagtingin sa trahedya at pantasya na tinangkang tuligsain ang mga

kumbensyong panlipunan tungo sa pagbalangkas ng isang tunay na demokratikong

lipunan na nagpapalaya sa kanyang mga tauhan mula sa mapanikil at mapang-aping

status quo. Ginagad din sa kasalukuyang panahon ng panitikan ang mga kanluraning

pamantayan gaya ng postmodernismo na inilapat sa mga akda nina Khavn de la Cruz

��

at Eros Atalia na napanatili ang panlasa at kulturang Pilipino. Sa ganitong punto,

pinatutunayan na nakasasabay sa pagsulong ng daigdig ang wikang Filipino na hindi

nililimot ang kanyang identidad, bagkus ay lalo pa itong pinagyayaman sa pamamagitan

ng adapsyon at/o reimbensyon ng mga popular at/o banyagang padron sa pagsusulat

na may potensyal sa pagtatanghal ng kulturang Pilipino.

Maging ang mga lokal na mang-aawit at komposer ay nakapag-aambag din sa

proseso ng pagbasag sa kolonyal na kaisipan at pagtatampok ng karanasan at

damdamin bilang isang lipunan. Ginamit ni Gloc 9 ang rap sa pagtalakay ng mga

suliraning panlipunan gaya ng katiwalian at malawak na agwat ng mayaman at mahirap

sa awiting "Upuan"; kriminalidad, karahasan at malaepikong mito ng buhay sa

kalunsuran sa awiting "Hari ng Tondo”; at paglobo ng bilang ng migranteng Pilipino na

nagdulot ng brain drain sa awiting "Walang Natira." Ibinandila rin ng bandang

Eraserheads ang pagsasalarawan sa sinseridad ng karaniwang Pilipino at kalakaran ng

mayorya nito na masasalamin sa kantang "Para sa Masa" habang isinasahimpapawid

naman ang mga hinaing ng sambayanang hikahos sa lyrics ng "Hallelujah" ni Bamboo.

Hindi naman kumukupas ang mensahe ng mga awiting post-Edsa na nagsisilbing

repleksyon sa mayamang karanasan at patuloy na pakikibaka sa mga awiting "Kamusta

Na?" ng Yano at "Sayaw sa Bubog" ng The Jerks. Ang iba pang kontemporaryong

bandang umaawit sa wikang Filipino na kinagigiliwan ng mga kabataan gaya ng Siakol,

Parokya ni Edgar, Datu’s Tribe, Kamikazee atbp. ay tagapagmana ng mga naunang

henerasyon ng banda at mang-aawit na naghawan ng daan sa Pilipinisasyon at

Filipinisasyon ng musika sa bansa gaya ng Asin, Banyuhay, Mabuhay Singers, Juan de

���

la Cruz Band, Buklod, Patatag at tulad nina Sampaguita, Mike Hanopol, Florante,

Coritha at marami pang iba.

Makabuluhang ambag din sa larangan ng musika ang mga saling-awit nina Jose

"Pete” Lacaba ("Minsan Lang” para sa "Only Once”) at Pambansang Alagad ng Sining

Bienvenido Lumbera ("Tulayin Ako” para sa "Bridge Over Troubled Waters”) na

nagbigay ng katutubong panlasa sa mga dayuhang musika na may kabuluhan sa ating

mga personal at kolektibong kalagayan. Pinatutunayan ng mga nabanggit na awitin ang

pagpapanatiling buhay ng ating kalinangan at pagkamamamayan bilang isang matatag

na lahi, gamit ang wikang sarili. Sa bawat kaisipan, damdamin, hinagpis, sentimyento at

adhikaing ipinahahatid sa malikhaing gamit ng wikang Filipino, napalalakas ang isang

matibay na sandata sa pagmumulat at pagpapakilos sa sambayanang tagatangkilik

nito.

Hindi rin maisasantabi ang mahalagang partisipasyon ng bagong midya gaya ng

internet at iba pang teknolohiyang digital sa pagpapasidhi ng makabuluhang papel ng

Filipino sa pagbuo ng malalim na mga ugnayan at kritikal na pag-unawa sa mga isyung

pang-edukasyon, pangwika, pangkultura, pampulitika at pang-ekonomya. Nagsisilbing

bintana sa mundo ang internet upang hubugin ang kamalayan at identidad ng mga

Pilipinong nagsipangalat na sa iba’t ibang panig ng daigdig sa panahong digital.

Naipapakilala ng mga makabuluhang website gaya halimbawa ng panitikan.com,

sawikaan.org, kwf.gov.ph, ibon.org, pinoyweekly.org, arkibongbayan.net, kilusan.net at

iba pang kaugnay na pahina ang sumusulong na wikang Filipino at pambansang

kalinangan na higit na pinagyayaman sa mas malawak na mundong kinabibilangan nito.

���

Naging mabisang kasangkapan naman ang wikang pambansa sa layunin ng

ekspresyunismo, malikhaing pagpapahayag ng opinyong publiko at kahingiang paglaya

sa mapaniil na lipunan ang inilalako sa nauusong sistema ng Pinoy indie films.

Masusuri sa anumang nalilikhang indie ang rasyunal ng makatotohanang pagtatampok

sa reyalidad at politisasyon sa paggamit ng wika upang buksan ang malayang diskurso

at sentral na paghahatid ng kahulugan ukol sa mga estadong panlipunan sa

naturalistikong paraan.

Sa mga pelikulang naitanghal sa mga nagdaang Cinemalaya Independent Film

Festival gaya ng Kubrador (2006) ni Jeffrey Jeturian; Engkwentro (2009) ni Pepe

Diokno; Dinig Sana Kita (2009) ni Mike Sandejas; Patikul (2011) at Migrante (2012) ni

Joel Lamangan at Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (2011) ni Alvin Yapan;

Kamera Obskura (2012) ni Raymond Red, kapansin-pansin ang pagkakagamit ng

wikang Filipino sa rasyunal na lampas sa pagpapalitaw ng natural at realistikong

kalakarang panlipunan. Ibinubukas ng mga pelikulang ito ang kapasyahang magamit

ang wikang Filipino upang ugatin ang katotohanan na hindi nailalayo sa mga aktwal na

karanasan at pang-araw-araw na pakikibaka ng mga simpleng mamamayang wikang

sarili ang gamit sa pakikipagtalastasan. Ipinapataw ng bawat indie film ang

pananagutan sa mga manonood nito ang papel na magsuri sa kanyang sarling

kalagayan at makapagpasya sa karapat-dapat na pagkilos tungo sa adhikain ng

paglaya. Sinasang-ayunan ang ganitong pananaw sa wika bilang kasangkapang

panlipunan na maaaring magbunga ng eksploytasyon o pagsasamantala, at

magbunsod din ng liberasyon o pagpapalaya, sa pagpapakahulugan ni Constantino

(1996).

���

Wikang Pambuklod sa Mayamang Kultura: Wikang Magpapalaya sa Masa

Kaakibat ng anumang hangarin ng paglaya at pagpapalaya ang pagkilos at

pakikisangkot, isang aktong politikal na sangkap sa proseso ng pagbabago at

pagkakaisa sa ating pamahalaan alinsunod sa manipestasyon ng sambayanan na

ipinapahayag sa wikang pambansa. Nagdudulot ng matinding impact ang paggamit ng

wikang Filipino sa pagsusulong at pagpapatupad ng mga adyenda tungo sa isang tunay

na demokratiko at malayang lipunan. Naisasatinig ang panig ng mga maralita at inaapi

sa ating lipunan sa pamamagitan ng wikang Filipino na tuntungan ng kanilang mga

sentimyento at hangarin. Bunsod ng mga karatula ng protesta, pagpapahayag sa

progresibong polyeto at posisyong papel na nagrerehistro ng kanilang mga kahingian at

paninindigan sa mga kapasyahan ng pamahalaan, aktibong nakalalahok ang

mamamayan sa isang kolektibong proseso ng pagsusulong ng isang matuwid at

makatarungang lipunan.

Ibinabalik ng wikang nauunawaan ng sambayanan ang kapangyarihang

nagmumula sa kanila. Pinalalakas nito ang kanilang pagkakaisa di lamang sa

pagkamulat sa katutubong kultura at paraan ng pag-iisip kundi pati sa mga

progresibong aksyong pampulitika na nagdudulot ng makabuluhang pagbabagong

panlipunan. Sa aktibong paggamit naman ng ilang lider pulitikal sa wikang pambansa,

pinalalakas nila ang pananalig at kompyansa ng sambayanan sa kanilang potensyal na

maglingkod sa bayan sa papamagitan ng pag-unawa sa pangangailangan ng kanyang

nasasakupan at patuloy na pakikipagtalakayan sa kung paano mababago ang kanilang

abang kalagayan. Pinatunayan ito ng matatagumpay na eleksyong nagdaan na

���

nagluklok sa mga lider bunga ng positibong panghihikayat sa mga botante ukol sa

kanilang plataporma de gobyerno na naipahayag sa wikang naiintindihan ng mayorya.

Sa pagtimo ng mga makatawag-pansing linya sa pananalumpati ng mga lider ng

bayan, masasalamin ang bisa ng wikang Filipino bilang matatag na wika ng

responsableng pamamahala na inaasahang magbubunsod upang makapanghimok sa

mas malawak na pakikilahok ng mamamayan sa pagpapatakbo ng kanilang bayan.

Mataginting na halimbawa ang pagtatalumpati ng dating Pangulong Joseph Ejercito

Estrada sa wikang Filipino ("Huwag n’yo akong subukan...”) na mabisang

nakapagpahayag ng mensahe ng pagkakapantay-pantay sa pamamahala.

Nagtagumpay rin na maging pangulo ng bansa si Benigno Simeon "Noynoy” Cojuangco

Aquino sa paggamit ng mga islogan ng "Matuwid na Daan” na naglalayong mahikayat

ang mga mamamayan sa pagpapanumbalik ng tiwala sa pamahalaan. Ibig

ipakahulugan ng mga nabanggit na halimbawa ang esensya ng wikang Filipino sa

larangan ng pulitika bilang matibay na saligan ng isang matatag na republikang may

sariling kultura, kakanyahan at kalayaang pampulitika, sapagkat higit na nadarama ang

mensahe ng pagbabago kung nasa sariling wika nailalahad ito.

Liberasyong Ekonomiko: Salalayan ng Matagumpay na Pagpapalayang Kultural

at Pulitikal

Gayunman, dapat bigyang-diing hindi sapat ang katatagan ng pambansang

kultura at larangang pulitikal sa paglinang ng diwang makabansa. Kinakailangang

mapalakas nang higit ang estadong pang-ekonomiya at nasyonalisasyon ng larangang

ito na nakaugat sa kabuhayan at roadmap sa kaunlaran ng sambayanang Pilipino.

���

Naniniwala si Constantino (1996) na ang sustenadong ekonomikong pag-unlad ay

sumasabay, batay sa kasaysayan, sa pagyabong ng kultural na nasyonalismo at sa

paggigiit tungo sa pagdodomina ng pagkakaroon ng pambansang identidad at

pagmamalaki sa bansa kaysa sa rehiyon at/o mga banyagang nasyon. Binibigyang-diin

sa ganitong katwiran na ang wikang pambansa ay magagamit hindi lamang bilang

simbolo ng pagkakaisa bagkus ay isang matibay na paninindigan din sa pagpapataas

ng ekonomikong kalagayan ng bansa na nakaugat sa pambansang pagtangkilik at giit

sa pagsasabansa.

Ibig sabihin, kinakailangang makailang-ulit na isulong ang kampanya ng reporma

sa lupa at industriyalisasyon na pawang malalaking igpaw sa mithiing pagsasarili at

tuluyang paghulagpos sa tanikala nang daantaong pagkaalipin. Kinakailangan ang

intensipikadong gamit ng wikang Filipino alinsunod sa paghubog ng mga kabataang

manggagawa at propesyunal na maglilingkod sa bansang Pilipinas at sa mga

mamamayan nito. Sa ganitong prinsipyo, makikita ang malaking silbi ng pambansang

kalinangan sa usapin ng kaunlarang bayan na hindi kinukunsinte ang desperadong

hakbang ng lalong bangkaroteng gobyerno sa pagtutulak nito sa mga mamamayan na

sunggaban ang mga oportunidad sa labas ng bansa, sa halip na pagsikhayan ang

ikabubuhay at ikauunlad ng mga mamamayan sa sariling bayan. Nagiging sunud-

sunurang karilyo ng mga mauunlad na bansa ang mga kontemporaryong

administrasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang pagpupumilit na ipadron sa

mga dayuhang dikta ang edukasyon ng mga kabataan gaya ng ipinakikita sa madaliang

implementasyon ng Programang K to 12. Upang ganap na mapalaya ang bansa sa

ganitong kolektibong tanikala na matagal nang sumasakal sa ating kultura, edukasyon,

���

ekonomya, at pulitika mula pa noong panahon ng kolonyalismo hanggang sa panahong

ito ng globalisasyon, nararapat na magkaisa ang mga mamamayan sa pagtataguyod ng

mga makabayang programa sa ekonomya.

Sa gitna ng kabiguan ng kapitalistang globalisasyon na magluwal ng kaunlaran

para sa nakararami, nararapat lamang na mag-isip na ng panibagong alternatibo ang

mga Pilipino. Epektibong maisusulong ang mga alternatibong pambansang adyendang

sosyo-ekonomiko para sa bansang Pilipinas – ang mga tinig mula sa “ibaba,” ang tinig

ng mga mahihirap at tinig mula sa “labas,” ang tinig ng mga non-government

organization (NGO) at mga kilusang panlipunan na mula sa at kasama ng mga dukha –

silang laging etse-pwera sa pagbabalangkas ng mga kinopyang padrong sosyo-

ekonomiko – sa wikang higit na naiintindihan ng bayan, sa gitna ng daan-daang tomo o

volume ng mga artikulo, pananaliksik, papel, sanaysay, ulat, tesis at disertasyon tungkol

sa paglutas ng kahirapan ng bansa, na sa kasamaang-palad ay karaniwang nakasulat

sa malalim na Ingles.

Kailangang unahin ang mga usaping "pambituka” upang magkaroon ng bisa ang

anumang kampanya sa pagtataguyod ng katutubong kultura at pagbabagong

pampulitika. Matatandaang simple lamang plataporma ni FPJ noong 2004. Aniya,

ALTANGHAP o ALMUSAL, TANGHALIAN at HAPUNAN ang pangunahing problema ng

mga Pilipino kaya ito rin ang dapat bigyang-tuon ng gobyerno. Ang malawaka na

kagutuman sa Pilipinas sa kabila ng saganang likas na yaman ng bansa dahil sa

monopolyo ng iilang pamilya sa pangunahing likas na yaman na kailangan sa

pagtatanim at sa pagpapakain ng bayan: ang lupa.

Daantaon nang problema ang kawalan ng reporma sa lupa, ang matibay na

���

kontrol ng iilang pamilya sa mayorya ng lupa sa Pilipinas, ang sistemang kahawig ng

pyudalismo sa Europa noong Edad Media. Tinatayang 60% ng mga lupang agrikultural

sa bansa ay kontrolado ng mga mayayamang pamilya na bumubuo sa 13% lamang ng

populasyon ng bansa, at 7 sa 10 magsasaka ang walang sariling lupa ayon sa Ibon

Foundation (2008). Ang ganitong konsentrasyon ng lupa sa iilang pamilya ang dahilan

ng kawalan ng sapat na pagkain ng bansa at kawalan ng sapat na trabaho para sa

mayorya ng mga mamamayan (75% ng mga Pilipino ay magsasaka ayon sa Kilusang

Magbubukid ng Pilipinas, 2008). Ang pagliit ng share ng agrikultura sa pambansang

ekonomya – na bunga ng kawalan ng reporma sa lupa – ay nagresulta rin ng matinding

kahirapan at kawalan ng oportunidad para sa maraming taga-probinsya. Ayon sa World

Factbook ng Central Intelligence Agency (CIA), 34% ng labor force ng bansa ay nasa

agrikultura, 15% ang nasa industriya at 51% naman ang nasa serbisyo (call centers,

fastfood chains, banks, malls at iba pa). Hindi uunlad ang Pilipinas kung patuloy itong

aasa sa sektor ng serbisyo. Ang pagbibigay-prayoridad lamang sa sektor ng agrikultura

at industriya ang makapagliligtas sa bansa, gaya ng pinatunayan ng Japan, South

Korea, Tsina at iba pang karatig-bansa. Samakatwid, nararapat itaguyod ang reporma

ng lupa bilang tulay sa liberasyon ng nakararaming magsasaka sa bansa, na

nangangahulugan din ng liberasyon ng ating ekonomya sa kamay ng mga ganid at

mapagsamantalang dayuhan at ng mga malalaking negosyanteng lokal na kanilang

kasosyo.

Dapat ding pasimulan ang modernisasyon ng agrikultura sa bansa. Malaki ang

papel na gagampanan nito ng mga kooperatiba at/o organisasyon ng mga magsasaka,

at mga kolehiyo, unibersidad at mga sentro sa pananaliksik sa bansa, partikular ang

���

mga nangungunang paaralan na maunlad na ang pananaliksik sa larangan ng siyensya

at teknolohiya. Ang modernisasyon ng agrikultura ang magtitiyak sa self-sufficency sa

pagkain ng bansa. Ang kasapatan sa pagkain ay isa ring porma ng pagtitipid sapagkat

ang importasyon ng pagkain ay ginugugulan ng dolyar. Sa nakalipas na mga taon ay

libu-libong tonelada ng bigas ang inimport ng bansa. Sa halip na mag-angkat, mas

makabubuting gamitin sa modernisasyon ng agrikultura ng bansa ang pondong dating

ginagamit sa pag-aangkat ng bigas. Sa pamamagitan ng modernisasyon ng agrikultura

ay matitiyak din ang pagkakaroon ng sapat na hilaw na materyales para sa mga

industriyang itatayo sa bansa. Walang magiging matibay na gulugod ang

industriyalisasyon ng bansa kung hindi magiging moderno ang ating agrikultura. Sa

kabuuan, ang pagsigla ng agrikultura na dulot ng reporma sa lupa at modernisasyon ng

sektor na ito ay magpapalapad sa pamilihan at magreresulta sa pagsigla ng

ekonomyang agrikultural na magluluwal na karagdagang kapital para sa pagtatayo ng

mga industriya. Kailangang isulong ang industriyalisasyon o pagtatayo ng mga

industriyang Pilipino na lilikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino at magsusuplay ng

mga pangangailangan ng bansa.

Ang reporma sa lupa, pagpapasigla ng agrikultura at industriyalisasyon ay

maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagtutulungan ng mga

samahan ng mga magsasaka, manggagagawa, mga siyentista, mga mananaliksik at

iba pang produktibong sektor. Nararapat nilang gamitin ang wikang pambansa sa

anumang pananaliksik, talakayan at pagpupulong hinggil sa mga repormang ito upang

matiyak na magiging malawakan at ganap ang partisipasyon ng mga ordinaryong

��

mamamayan sa kampanya para sa pambansang pagpapalayang ekonomiko na siyang

salalayan ng pagpapalayang kultural at pulitikal.

Patuloy na Paglalayag sa Hinaharap: Pagbalikwas sa “Habagat” ng Huwad na

Kalayaan at Pagkakawatak-watak

Magkakabukod ngunit hindi mapaghihiwalay ang pakikibaka para sa

pagtataguyod ng wikang pambansa, pagbubuo o muling pagbubuo ng pambansang

kultura at identidad, at paglalapat ng mga repormang pampulitika at pang-ekonomya.

Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng paggamit ng wikang pambansa sa edukasyon,

tumataas ang lebel ng kamulatan ng mga mamamayan sa mga isyung may kaugnayan

sa kanilang personal at kolektibong pag-unlad, at napatitibay ang kanilang pagkakaisa.

Gayunman, hindi sapat ang simpleng paggamit ng wikang Filipino sa nyutralisasyon ng

mga “habagat” na hadlang sa pagpapatatag ng kultura at identidad. Kailangang ilapat

ang mekanismo at paninindigang kabuhol nito para sa adhikain ng Pilipinismo o ganap

na pagsasarili para sa pagpapalakas ng pundasyon ng pagkabansa at pagka-Pilipino –

walang iba kundi ang pag-unlad ng lupang tinubuan na maisasabalikat lamang ng mga

mamamayang nagkakaunawaan at nagbabayanihan sa paggamit ng iisang wikang

nagbubuklod sa kanila.

MGA SANGGUNIAN

Abad, Melania L. 2007. Neoliberalistang Pagpaplanong Pangwika: Tungo sa

Komodipikado at Episyenteng Pagpapahayag (sa “Mula Tore Patungong Palengke:

Neoliberal Education in the Philippines”)

��

Almario, Virgilio S. 2003. Nasyonalisasyon ng Filipino. (sa “Ikalawang Sourcebook ng

SANGFIL)

Aspillera, Paraluman S. 1972. Talambuhay ni Lope K. Santos: “Paham ng Wika”.

Capitol Publishing House, Inc. Republika ng Pilipinas.

Bernales, Rolando A. et.al. 2007. Akademikong Filipino Tungo sa Epektibong

Komunikasyon: Batayan at Sanayang-Aklat sa Filipino 1, Antas Tersarya. Mutya

Publishing House, Inc. Lunsod ng Valenzuela.

Bernardo, A.I. at Borromeo, R.T. (mga editor). 2005. Vision of Education: Essay on

Philippine Education in Honor of Bro. Andrew Gonzalez. De La Salle University Press,

Inc. Lunsod ng Maynila.

Boras, Vega Sheilee. 2010. Ang Wikang Filipino Bilang Wikang Panlahat: Ang

Kasaysayan ng Wikang Pambansa Tungo sa Pagpaplanong Pangwika 1935 – 2010.

Komisyon sa Wikang Filipino. Lunsod ng Maynila.

Constantino, Pamela C. (editor). 2005. Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. UP

Sentro ng Wikang Filipino at Sanggunian sa Filipino, Lunsod ng Quezon; at

Pambansang Komisyon para sa Sining, Lunsod ng Maynila.

Constantino, P.C. at Atienza M. (mga editor) 1996. Mga Piling Diskurso sa Wika at

Lipunan. University of the Philippines Press. Lunsod ng Quezon.

Cruz, Isagani S. 2005. Ang Walang Katapusang Di-Natapos Na Simponiya ni Kalihim

Andrew Gonzalez. (sa “Vision of Education: Essay…”)

David, Randolf S. 2003. Politika ng Wika,Wika ng Politika. (sa “Ikalawang Sourcebook

ng SANGFIL)

���

Espiritu, Clemencia C. 2003. Ang Wika sa Nagkakaisang Republika: Implikasyon sa

Pagtuturo ng Filipino. (sa “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL)

____________________. 1990. Transkrip ng Patakarang Pangwika (Serye ng mga

Kumperensya: Enero 12-13, 1990, Kumperensya ng mga Espesyalista; Mayo 9, 1990:

Dialogo ng Academe sa mga CEO). UP Sentro sa Wikang Filipino. Lunsod ng Quezon.

Gullas, Eduardo et al. 2006. House Bill/HB No. 4701 (An Act to Strengthen and

Enhance the Use of English As the Medium of Instruction in Philippine Schools).

Gonzales, Andrew. 1990. Philippine Language Policy Through the Years: In

Retrospect (sa “Transkrip ng Patakarang Pangwika”)

Lumbera, Bienvenido et al. (mga editor) 2007. Mula Tore Patungong Palengke:

Neoliberal Education in the Philippines. IBON Foundation, Inc. Lunsod ng Quezon.

Liwanag, Lydia B. 2005. Mga Kalakaran ng Pagpaplanong Pangwika sa Edukasyon:

Karanasan ng Singapore at Hongkong. (“Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL.”)

Macapagal-Arroyo, Gloria. 2003. Executive Order (EO) 210, Series of 2003. (nasa

“Apendiks” ng “Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL”).

Mactal, Rolando B. 2003. Ang Pulitika ng Imperyalismo at ang Rebolusyong Pilipino.

De La Salle University Press, Inc. Lunsod ng Maynila.

Oliveros, Reynaldo et.al. 2004. Ang Kasaysayan at Pamahalaan ng Pilipinas:

Edisyong 2004. IBON Foundation,Inc. Lunsod ng Maynila.

Peralejo, Cezar. 2003. Mga Saliksik sa Batas at Politika. (sa “Ikalawang Sourcebook ng

SANGFIL)

���

Pineda, Ponciano B.P. 2003. Patuloy sa Bagong Milenyum ang Matuling

Nagmemetamorfosis na Wikang Filipino Noon-Ngayon. (sa “Ikalawang Sourcebook ng

SANGFIL)

Santos, Benilda S. (editor). 2003. Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. UP Sentro

ng Wikang Filipino at Sanggunian sa Filipino, Lunsod ng Quezon; at Pambansang

Komisyon para sa Sining, Lunsod ng Maynila.

San Juan, Jr. E. 1990. From People to Nation: Essays in Cultural Politics. Asian Social

Institute, Inc. Lunsod ng Maynila.

San Juan, David Michael M. 2009. KONTRA-GAHUM: Ang Lahatang-Panig at Kapit-

sa-Patalim na Pag-unlad at Pagsulong ng Wikang Pambansa Mula sa Panahon ng

Kolonyalismo Hanggang sa Bungad ng Ikalawang Milenyo. (masisipat sa

www.kwf.gov.ph.)

Sisson, J.M. at De Lima, J. 1998. Philippine Economy and Politics. Aklat ng Bayan,

Inc. Republika ng Pilipinas.

Tolentino, Rolando B. 2007. Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa,

Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan. Ateneo De Manila University Press. Lunsod ng

Quezon.

Tupas, T. Ruanni F. (editor) 2007. (Re)Making Society: The Politics of Language,

Discourse, and Identity in the Philippines. The University of the Philippines Press.

Lunsod ng Quezon.

Yu, Rosario Torres (editor). 2005. Bayan at Lipunan: Ang Kritisismo ni Bienvenido L.

Lumbera. University of Santo Tomas Publishing House.