Upload
park-jo-ahn
View
444
Download
12
Embed Size (px)
Citation preview
Nasaan ang Rehiyon? Isang Kritikal na Pagbasa ng Kurditan Bilang Panitikan Iluko
Hindi maikakaila ang halaga ng pag-aaral ng panitikang mula sa rehiyon.
Gayundin, sa sampung taon ko sa akademya, malinaw ang pagpupursiging bigyang-
espasyo ito sa lahat ng larangan, at mabigyan ng karampatang pagpapahalaga sa iba’t-
ibang disiplina. Kung tutuusin, ang pagnanais na mapag-aralan ang rehiyon ay hindi
kaiba sa pagnanasang mapag-aralan ang Asya o Third World – ito ay mga kategoryang
nagtatakda ng limitasyon at lawak ng mga akdang maaaring aralin. Ngunit higit, ito ay
nakabase sa paniniwalang may maaaring matututunan tungkol sa bayan at sarili bilang
bahagi ng mas malalaking kategoryang kinapapalooban natin.
Sa kontekstong ito nakapaloob ang Kurditan: Mga Kuwentong Iluko (1988) na
pinamatnugutan nina Jose A. Bragado, Reynaldo A. Duque at Hermilinda T. Lingbaoan.
Ang antolohiya bilang produksyong pampanitikan ay malinaw na nagpapahiwatig ng
kagandahan ng mga akdang karapat-dapat isasali sa antolohiya. At sa konteksto ng
panitikang rehiyon, ang Kurditan ay antolohiya ng mga itinuturing na “karapatdapat”
mabasang panitikang Iluko. Sa paggamit ng antolohiya bilang porma ng pagpapakilala
ng mga akda, may paghusga na sa mga ito bilang maganda, kungdi pinakamaganda,
sa lahat ng maikling kuwentong Iluko.
Ngunit hindi lang ito ang proyekto ng Kurditan. Ang paggamit ng salitang Iluko
para sa pamagat ng libro ay nagpapahiwatig ng mas malawak at mas malalim pang
layunin. Ang “kurditan” ay nangangahulugang “lona o canvass”, ayon na rin sa
introduksyon, at sa konteksto ng librong ito’y tila ipinaaabot nito na ang mga akdang
napili ay bumubuo ng isang malaking tela ng iba’t-iba at halu-halong disenyo. Ngunit sa
introduksyon, sasabihin rin ng mga editor ang mas malaki nilang proyekto: ang
“adhikaing makipag-isa sa panitikang pambansa” (intro). Sa ganang ito’y may pasintabi
ang introduksyon na ang mga kuwento sa antolohiya ay: “kathang rehiyonal na katutubo
man, ang lasa ay nasyonal naman, kung hindi man unibersal, ang mga paksang
tinalakay” (intro). Sa huling bahagi ng nabanggit na pangungusap makikitang mas
lumawak pa ang layunin ng antolohiya; hindi na lamang pakikiisa sa nasyunal o
pambansang panitikan, bagkus pagkakaroon ng hawig o pagkakaisa sa mga ideyang
“unibersal” na sa puntong ito sa akademya ang kinukuwestyon na bilang mga ideya ng
makapangyarihang Kanluran para sa buong mundo.
Sa ganang ito’y malinaw na may taimtim na pagnanais ang Kurditan na
makaapekto sa produksyong pampanitikan, hindi lang sa wikang Iluko, kungdi higit sa
produksyong pampanitikan sa bansa pangkalahatan. At hindi naman maikakaila ang
problemang tinutugunan ng antolohiyang katulad nito. Totoo namang walang access
ang karamihan sa mga akdang naililimbag sa ibang rehiyon ng bansa; gayundin,
limitado ng wika ang mas malaking bahagdan ng mambabasang Pilipino. Dahil dito’y,
nagkakaroon ng kumpromiso sa pagitan ng akda at editor: kailangang isalin sa Tagalog
ang mga orihinal na kuwentong nakasulat sa Iluko.
Ito rin naman ang limitasyon ng iskolar ng papel na ito. Marahil maraming mga
bagay ang hindi mababasa sa salin, ngunit kitang-kitang mahalaga sa mga orihinal na
akda. Marami ring mga kontekstong kailangang isaalang-alang sa pag-aaral ng mga
akda, sa ganang ang kultura at mga paniniwala ng mga Ilokano ay naka-angkla sa
kanilang tinubuang-lupa at konteksto na hindi rin naman gamay ng mga taga-labas ng
rehiyong ito. Ngunit hindi rin naman ito limitasyon. Gagamitin ng kritikal na pagbasang
ito ang anumang kaalaman tungkol sa konteksto ng Kurditan, ngunit hindi ito gagamitin
upang husgahan ng antolohiya o alinman sa mga kuwentong bahagi nito.
Bagkus, titingnan ang adhikain ng produksyon at saka ang mga limitasyon nito sa
konteksto ng mga kategoryang nabanggit na. Nais lamang makita ng pag-aaral na ito
kung ano nga bang “rehiyon” ang binubuo ng libro, at sa papaanong paraan ito
nabubuo. Gayundin titingnan ang “Ilokano” na ikinukuwento ng mga istorya sa
antolohiya, at kung papaanong nagtatagni-tagni ang mga akdang ito upang bumuo ng
isang lona – canvass – ng maikling kuwentong Iluko.
Kurditan: At Konteksto
Dahil sa pagsusog ng mga editor ng kanilang mga hangarin sa introduksyon pa
lamang ng antolohiya, malinaw na ang inaasahang pagbasa sa mga kuwentong
nakapaloob rito. Nagiging mahalagang makita sa ganang ito, kung papaanong sa isang
banda, isang uri ng “panitikang Iluko” ang binubuo ng mga akda; ngunit sa kabilang
banda’y may pagnanais itong maging bahagi ng pambansang panitikan at higit, ng
unibersal na mga isyung ginagamit at lumalabas sa panitikan ng mundo.
Ang maikling kuwento, bilang genre ng Kurditan, ay mahalagang salik ng
antolohiyang ito. Una, dahil isa itong pagpapahalagang sa maikling kuwento, anupaman
ang dahilan ng paglilimita ng antolohiya rito; at pangalawa, dahil nakapaloob sa mga
maikling kuwentong ito ang mga bagay na sinasabing mahalaga para sa mga Ilokanong
nagbigay buhay rito. Malinaw na ang konteksto ng maiikling kuwentong ito ay ang
espasyo ng Ilokos, at sa ganang ito’y, pagpapahayag ito ng isang pagtingin o pagsipat
sa lugar. Kung tutuusin, may isang Ilokos na binubuo ang antolohiya, dahil sa
pamamagitan ng mga kuwentong ito’y isang espasyo rin ang nabubuo: espasyo ng
rehiyon, at partikular, espasyo ng Ilokos at Ilokano.
Kaya naman sa kritikal na pagbasang ito’y titingnan ang mga tema sa
pangkalahatan, gamit ang isang maikling kuwentong itinuturing na nagbibigay-buhay sa
temang ito. Kaugnay nito’y titingnan rin ang ibang kuwentong may sariling tema, at pag-
iisahin ang mga akda sa ilalim ng itinuturing na katangian o concern ng panitikang Iluko.
Ang pagsipat na ito sa mga kuwento’y hindi ihihiwalay sa Ilokos at Ilokano na
iminamapa nito, dahil hindi rin naman maikakailang ang mga kuwentong ito’y isang
paraan ng pagbuo ng Ilokano sa kamalayan ng mga Pilipinong mula sa ibang rehiyon.
Relasyong Anak-Magulang at Dayalektiko ng Maynila/Bayan/Pag-aaral-Tinubuang Lupa/Pamilya
Mainam na halimbawa ang kuwentong “Itak” ni Jose A. Bragado ng kung
papaanong pumapaloob ang maikling kuwentong Iluko sa mga kumbensyon ng genre
ng maikling kuwento. Sa kuwentong ito’y malinaw ang prosesong nais gamitin sa
pagkukuwento: sa introduksyon inilalatag ang sitwasyon ng bidang lalaking si Andres,
bunsong anak ng amang tagagawa ng itak, at nagtatrabaho para sa ama. Ipapakita ang
conflict ng kuwento sa pagpasok ng nakatatandang anak na si Manong Antonio, na
nakapag-aral sa Maynila dahil sa pagtatrabaho ng ama at ng bunsong kapatid sa
tinubuang lupa. May hinanakit tungkol rito si Andres, at higit na lalabas ito sa pagbisita
ng kanyang kapatid upang kunin na ang una para dalhin sa Maynila. Ang climax ng
kuwento’y mangyayari sa pagsasabi ng ama na ipamamana sana niya ang pagawaan
ng itak sa bunsong anak, dahil ito ang bumuhay sa kanila at patuloy na bubuhay kay
Andres. Ang structure na ito ng pagkukuwento ay kumbensyon na ginagamit ng
maraming mga manunulat ng maikling kuwento, at maging ng mga pelikula.
Ngunit kumbensyonal man ang structure ng “Itak” – katulad ng marami sa mga
kuwento sa antolohiya – hindi naman matatawaran ang paggamit nito ng porma. Nage-
eksperimento ang kuwento sa pamamagitan ng element ng point-of-view, kung saan,1st
person point-of-view ni Andres ang nagkukuwento ngunit gumagalaw ang buong istorya
mula sa future tense, papuntang present tense, at pabalik sa past tense. Ang paglalaro
sa point-of-view at tenses sa maikling kuwento ay hindi kumbensyonal, at makikita ito
sa iba pang kuwentong nakapaloob sa Kurditan. Nariyan ang “Maganda si Celia” ni
Eutiquio C. Aguinaldo na nakasulat sa 1st person, at nakikipagusap sa mambabasa.
Ang “Butil ng Pagbabago” naman ni Hernelio A. Baradi ay nakasulat sa 2nd person na
parang ipinapasa ng nagsasalita ang mga pangyayari sa mambabasa. Pinaka-
interesanteng paggamit ng point-of-view ang sa kuwentong “Pista” ni Pacifico D.
Espanto. Nakasulat ito sa 1st person perspective, ngunit imbes na makipagusap sa
mambabasa, ay nakikipagusap ito sa anak na si Bella, na nagiging 2nd person
perspective. Ang ina na 1st person ay ang “ako”, at si Bella na anak ay nagiging “ikaw”.
Higit sa porma at structure ng “Itak”, mahalaga ang nilalaman nitong mga
aspekto ng pagka-Ilokano, dahil lantad din ang mga aspektong ito sa iba pang
kuwentong nasa Kurditan. Ang relasyon ng magkapatid ay pinahahalagahan sa “Itak” at
makikita ito sa relasyong Andres at Manong Antonio, at kung papaanong tila hiwalay
ang relasyon ng magkapatid sa kanilang relasyon sa kanilang ama. Gayundin, makikita
ang pagpupursigi ni Manong Antonio na magkaroon ng mabuting buhay sa Maynila
upang makuha ang bunsong si Andres. May pagpapahalaga rito, hindi sa pamilya,
kungdi sa pagiging magkapatid, dahil ang ama ay titingnan bilang siyang miyembro ng
pamilya na mananatili sa tinubuang lupa. Ang pagpapahalagang ito sa kapatid ay
makikita rin sa kuwentong “Butil ng Pagbabago” ni Hernelio A. Baradi, na ikinukuwento
gamit ang 2nd person perspective, kung kaya’t ang tauhan na si Kuya Lukas ay may
relasyon sa “ikaw” ng kuwento, o sa mambabasa. Gayundin, sa kuwentong
“Maalinsangan ang mga Dapitgabi” ni Dionisio S. Bulong, si Along bilang kuya na
inampon ng tiyahin na taga-bayan upang makapag-aral, ay ipapakitang may relasyon
sa kanyang mga kapatid bagamat matagal niya itong hindi nakikita.
Sa pagsusog ng mga imaheng ito ng pagmamahalan sa pagitan ng
magkakapatid, makikita rin ang uri ng relasyong mayroon ang mga magulang sa
kanilang mga anak, sa konteksto ng Ilokos at ng panitikang Iluko. Sa kuwentong “Itak”,
tulad ng nabanggit na, tila may pag-uugat sa ama sa konteksto ng tinubuang lupa at ng
“makalumang” paggawa ng itak. Kaiba ito sa paniniwalang nasa Maynila ang
edukasyon para kay Manong Antonio, at gayundin ang kinabukasan para kay Andres.
Ngunit iba rin ang pagsipat sa relasyong ito ng ibang kuwentong nasa Kurditan. Sa
“Sugat sa Dibdib” ni Rogelio A. Aquino, sundalong anak ang uuwi upang harapin ang
pagkamatay ng amang hindi naabutang buhay. Ang anak na ito rin ang haharap sa mga
nang-api sa kanyang ama, at sa bandang huli ay maghihiganti sa ngalan ng magulang.
Sa “Ang Gamugamo sa Lampara ni Julio Madarang” ni Reynaldo A. Duque ay hindi na
masisilayan pa ang aktibistang anak. Bagkus, ito ay kuwento ng amang nagluluksa para
sa pagkawala ng anak, bago pa man ito mamatay. Pinakikita sa kuwentong ito na ang
pagkakaroon ng aktibistang anak ay isang uri ng pagpaparaya: hindi alam ng magulang
kung nasaan ang anak, at hindi rin malinaw kung ano na ang kinahinatnan nito. Ngunit
para sa amang ito, sapat nang may kakayahan siyang tumulong pa rin sa mga katulad
ng kanyang anak, mangahulugan man ito ng sariling pagkamatay. Ang tanging
kuwentong nagbibigay espasyo sa babaeng anak at ina ay ang “Pista” ni Pacifico D.
Espanto, kung saan tinuturuan ng ina ang babaeng anak kung ano ang dapat gawin sa
kanyang pagpunta sa una niya pista, at kung papaanong ito ang maaaring
mangahulugan ng pagkakaroon ng anak ng unang pag-ibig, at asawa.
Ang huling aspekto ng pagka-Ilokanong makikita sa kuwentong “Itak” ay ang
namamayaning dayalektiko sa pagitan ng Maynila/bayan/pag-aaral laban sa tinubuang
lupa/pamilya. Sa dayalektikong ito’y malinaw ang pagpapahalaga sa isang banda, sa
edukasyon, samantalang hinihila namang pabalik sa espasyo ng tinubuang lupa ang
mga nakapag-aral. Sa “Itak” nga’y ang pagbabalik na ito ni Manong Antonio ay tungkol
pa rin sa pagpili para sa nakababatang kapatid na ang Maynila ang mas makakabuti
para sa kinabukasan ng huli. Sa “Ang Anibersaryo” ni Ruperta Vr. Asuncion, makikita
naman ang dayalektiko ng Maynila/bayan at tinubuang lupa/pamilya, sa pamamagitan
ng mag-asawa ni Auring na iniwan ng pamilya ng kanyang biyenan sa tinubuang lupa.
Sa kuwentong ito’y maririnig ang hinanakit ng mag-asawang sa kanilang pag-aalaga ng
lupain at bahay na hindi naman talaga sa kanila, samantalang sa bayan ay maigi na
ang buhay ng buong kaanak. Ang pagkukumparang ito ng buhay sa bayan at sa
tinubuang lupa ang siyang bibigyang-espasyo ng kuwentong ito, na sa bandang huli’y
magbibigay-halaga sa pananatili nina Auring sa tinubuang lupa. Ibibigay ng kaanak ang
lupa sa mag-asawa.
Samantala, sa kuwentong “Maalinsangan ang Dapitgabi” ni Dionisio S. Bulong,
makikita naman ang isang sitwasyon kung saan ang dayalektikong ito ng
bayan/Maynila/pag-aaral at tinubuang lupa/pamilya ang namamayani. Dito, si Along,
ang panganay na anak ng mag-asawang taga-probinsya, ay bibisita sa kanyang
pamilya matapos ang mahabang panahon ng pag-aaral sa bayan. Mahalaga sa
kuwentong ito ang katahimikang bumalot sa pagkikitang ito: mas maririnig ang boses ng
tiyahing umampon kay Along, higit sa boses ng pamilyang noon lamang nagkasama.
Sa huli’y babalik ang sitwasyon sa pinagmulan nito, at lalayo si Along upang mag-aral
sa bayan, at ang pamilyang lumalaki ay maiiwan sa lugar na tinubuan. Ang dayalektiko
ng bayan/pag-aaral at tinubuang lupa/pamilya ay nangangahulugan ng malinaw na
pagpili sa isa, at pagsasaisantabi ng halaga ng katunggali nitong paniniwala.
Sa mga kuwentong “Minsa’y Isang Ilokano sa Malakanyang” ni Marcos B. Cate
at “Ang Handog ni Dagwaley” ni Hermilinda T. Lingbaowan, makikitang higit ang
dayalektikong ito dahil sa paglayo mismo ng mga pangunahing tauhan sa lupang
tinubuan. Sa kuwento ni Cate, makikita kung papaanong ang pagpunta sa Maynila –
maging ang pagkakaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno – ay hindi
nangangahulugang putol na ang pagkakatali sa tinubuang lupa. Samantala, sa kuwento
ni Lingbaowan, mas matingkad ang dayalektikong ito dahil sa pagpasok muli ng isang
nakapag-aral sa Maynila sa sistema ng paniniwala ng kanyang tribu at tinubuang lupa,
upang makuha ang kamay ng kanyang nais pakasalang kababata.
Sa pamamagitan ng kuwentong “Itak” at ng iba pang kuwentong kaisa nito sa
iba’t-ibang aspekto ng pagka-Ilokano na itinuturing na mahalaga ng akda, makikita ang
unang tatlong bagay na nagpipinta ng lona ng pagka-Ilokano ayon sa Kurditan. Una,
ang pagpapahalaga sa relasyon ng magkapatid; pangalawa, ang pagpapahalaga sa
relasyon ng magulang at anak; at pangatlo, kung papaanong ang unang dalawang
relasyon ay naaapektuhan ng dayalektiko ng bayan/Maynila/pag-aaral laban sa
tinubuang lupa/pamilya. Ang tatlong ito naman ay hindi maikakailang apektado at
binubuo ng kontekstong pinakamatingkad sa mga kuwentong ito: ang kahirapan – at
kung papaanong ito ang lagi’t-laging nais at kailangang malagpasan. Sa pag-alis man
at paguwi, o sa pananatili at pagpapatuloy ng pamana ng tinubuang lupa.
Ang Napag-aralan Laban sa Tradisyon, atAng Dinamiko ng Tribu bilang Tinubuang Lupa
Isa marahil sa pinakamahalagang aspekto ng Kurditan ay ang pagsali rito ng
mga kuwentong tumatalakay sa iba pang ideyolohiyang nakaaapekto sa
pagiging-“Iloko” ng mga kuwento. Mahalaga nga ang dinamiko ng uri o social class
bilang ugat ng iba’t-ibang relasyon sa loob at labas ng pamilya, ngunit may iba pang
aspektong tila mahalaga rin sa tinatawag na “panitikang Iluko”. Ito ay ang ideyolohiya at
konsepto ng tribu.
Sa kuwentong “Ang Handog ni Dagwaley” ni Hermilinda T. Lingbaon, makikita
kung papaanong umiiral pa sa isang mas malalim na ideyolohiya ang relasyon ng
magulang sa anak at ang dayalektiko ng pag-aaral at tinubuang lupa. Dito, si Dagwaley
ay tapos na sa pag-aaral, ngunit uuwi upang balikan ang kanyang kababatang si
Dumay. Hindi ito simpleng pagbabalik sa tinubuang lupa na Ilokos mula sa pag-aaral sa
Maynila; bagkus, ito ay pagbabalik tribu sa Inlaud ng Patok. Mahalaga ito dahil hindi
lamang ito simpleng pagbabalik para mapakasalan ang babaeng minamahal, at lalong
hindi ito ang kumbensyonal na pag-uwing ginagawa ng mga anak sa mga kuwentong
Iluko. Ang pag-uwing ito ni Dagwaley ay pagpasok muli sa sistema ng tribu, at sa mga
paniniwalang patuloy na lumalabag sa kanyang kaalamang naipon sa loob ng
institusyon ng edukasyon sa Maynila. Sa kuwentong ito, si Dagwaley ay hindi simpleng
anak na umuuwi sa pamilya, o Ilokanong nagbabalik sa tinubuang lupa; siya ay
nahaharap sa isang pakikibakang ideyolohikal: hindi na siya naniniwala sa mga gawi ng
kanyang tribu.
Sa bandang huli, imbes na mag-alay ng ulo ng kaaway mula sa kabilang tribu, ay
buhay ng saraan o usa ang iaalay ni Dagwaley sa kanyang magiging biyenan, at
kanyang itatakda ang kanyang limitasyon bilang taga-tribu at ang kanyang kakayahan
bilang edukadong taga-Maynila. At sa huli’y magkakaroon ng respeto kay Dagwaley
ang lider ng tribu sa kanyang pagmamatigas at paninindigang huwag pumatay, gaano
man kahalaga ang kamay ng dalagang siyang dahilan sa kanyang pagbabalik. Higit, sa
pagtatapos ng kuwentong ito’y ang pinahahalagahan ay ang pagkakaroon ng
pagbibigayan sa pagitan ng edukasyon sa labas at tradisyon ng tribu. Isang
pagkumpromiso ng paniniwala, tungo sa mas malalim na pagkakaintindi sa
kinahihinatnan ng mga umaalis at lumalayo, at sa nananatili at kanilang pinaniniwalaan.
Ang halaga ng akdang ito ay hindi lamang sa pagsusog nito ng sitwasyong tribu
at ang relasyon nito sa pagka-Iluko ng mga tauhan sa kuwento. Mahalaga rin ito dahil
pinapakita nito ang ilan pang aspekto ng pagka-Iluko na paulit-ulit mahahagkan sa
Kurditan.
Isa na riyan ang tema ng pag-uwi sa konteksto ng edukasyon at ng buhay na
isinususog nito para sa Ilokanong lumayo. Sa kuwentong ito’y malinaw ang tunggalian
sa pagkatao ng nagbabalik na si Dagwaley: susundin ba ang natutunan sa siyudad at
itinuturing na “modernong” edukasyon, o pakikinggan ang tawag ng pinagmulan? Kung
tutuusin, hindi ito kaiba sa inisip ni Along sa “Maalinsangan ang Dapitgabi” nang
kanyang bisitahin ang kanyang pamilya matapos ang mahabang panahon sa bayan at
pag-aaral. May pagnanais na manatili sa tinubuang pamilya, ngunit may paniniwala rin
sa kahalagahan ng pagkatuto sa bayan. Samantala, sa kuwentong “Itak” ay malinaw na
ang konsepto ng pag-uwi ay hindi upang magbalik, bagkus ito’y upang kunin ang
naiwan para sa itinuturing na “mas magandang” kinabukasan sa bayan.
Para sa mga kuwentong ito, at sa marami pa sa Kurditan, ang pag-uwi ay
nangangahulugang pagdadala ng “bago”: pera man ito, trabaho, o paniniwala. Ngunit
imbes na ang mga “bagong” ito ang ituring na makabubuti sa kondisyon ng mga
kapamilya, lumalabas sa mga kuwentong ito na ang “luma” ay matamang paniwalaan.
Sa kuwento ni Dagwaley, may pagtanto sa kahalagahan pa rin ng “lumang”
pamamaraan ng paghingi ng kamay ng babaeng nais pakasalan. May pagbabagong
nangyari kay Dagwaley sa proseso ng kanyang pagsubok na pumaloob sa sistemang
naniniwala pa rin sa pagpatay ng kalaban upang maituring na “matapang” at “karapat-
dapat”. Isinasabuhay ng paniniwalang ito sa “luma” laban sa “bago” ang aspekto ng
pagka-Iluko na may mahigpit na pagkapit sa nakaugaliang mga bagay.
Sa ganang ito, bagamat may mga materyal na kondisyon na nagdidikta ng
pangangailangang magkahiwalay ang mga pamilya, sa bandang huli’y ito rin ang
ipinapakitang marapat na balikan upang matanto ang tunay na mahalaga sa buhay. At
ang “tribu” ang siyang nagtatakda nito para sa kuwento ni Dagwaley, tulad ng pagtakda
ng pamilyang binabalikan ng dapat pahalagahan ng anak na nagbabalik. Ang
tribu/tradisyon laban sa pag-aaral/modernismo/urbanismo, ang nagtatakda ng
pagkakaiba ng Ilokanong nakalayo na sa espasyo ng probinsya, at ng Ilokanong
nananatili sa tinubuang lupa. Ito ang isa pang aspekto ng pagka-Iluko na tila
pinahahalagahan sa Kurditan.
Ang Babae Laban sa Patriyarka:Ano ang Posibilidad ng Kapangyarihan?
Hanggang sa puntong ito, ang mga akdang ginamit upang masimulan ang pagbuo ng
mga aspekto ng pagka-Iluko ng antolohiyang Kurditan ay may mga bidang lalaki: sina
Andres at Dagwaley. Gayundin, karamihan sa mga kuwentong may katulad na mga
konsepto at ideya sa “Itak” at sa “Ang Handog ni Dagwaley” ay pinagbibidahan ng mga
kalalakihan: ang amang nagluluksa sa pagkawala ng aktibistang anak, ang sundalong
anak na nagbabalik upang ipaghiganti ang pagkaapi sa ama, ang pag-uwi ng lalaking
anak na nag-aral sa malayong lugar upang magkaroon ng mas maiging buhay ang
kanyang pamilya sa tinubuang lupa. Ang mga relasyong pampamilya, ang kahirapan,
ang paghahanap-buhay, at pakikibaka, hanggang sa puntong ito sa papel na ito, ay
ginagampanan ng mga lalaking bida.
Ngunit hindi ito nangangahulugang walang babae sa lona na binubuo ng
Kurditan. At lalong hindi nangangahulugan tahimik ang babae rito. Bagkus, nandito siya
sa antolohiyang ito, karamihan man ng mga manunulat na bahagi nito ay lalaki. Ang
mga babaeng Ilokanang binubuo ng Kurditan ay kasing-halaga ng mga lalaking
ipinakita sa nauna nang mga akda. Ito ay dahil hindi maikakaila ang pamamayani ng
patriyarka hindi lamang sa rehiyon ng Ilokos kungdi sa buong Pilipinas, lalo na sa loob
ng institusyon ng kasal at pamilya, at maging sa papel ng babae bilang ina. Higit, ang
pang-aapi sa babae ay makikita rin sa Kurditan sa antas ng kahirapan at paghahanap-
buhay, at ang mga kinakailangang gawin ng kababaihan upang masigurado ang
magandang buhay ng kanyang pamilya.
Mahalagang tingnan ang mga akdang isinulat ng babaeng manunulat na Iluko na
nagkukuwento ng buhay kababaihan. Pinakamahalaga marahil ang “Kalendaryo” ni
Elsa Chachola-Bulong, hindi lamang dahil sa kontekstong ginagamit nito para sa
babaeng bida, kungdi dahil din sa kanyang pagkakaroon ng dalawang kahulugan para
sa mga pangyayari sa kuwento – isang bagay na wala sa ibang kuwento sa Kurditan.
Ang paggawa ang konteksto ng kuwentong ito: bukid at pagsasaka na
tinatrabaho ng mister na si Domingo, pagiging nanay at misis sa harap ng kahirapan
para kay Liwliwa. Dahil dito, sa kalendaryo umiikot ang kuwento. Hindi lang ito ang
nagtatakda ng panahon ng pagtatanim, pag-ani, pagdilig para sa mister; ito rin ang
paulit-ulit na ipakikitang mahalaga para kay Liwliwa dahil sa kanyang “pagbibilang ng
kalendaryo”. Ngunit hindi dito nagtatapos ang pagiging malikhain ng pagkakasulat ng
kuwento. Sa pagbibilang ni Liwliwa ng mga araw sa kalendaryo – para sa ani at para sa
panahon ng pagsiping – makikita ang unti-unting pagbabago rin sa relasyon nilang
mag-asawa, at sa tono ng kuwento. Sa umpisa’y may katahimikan sa kuwento, dahil
pagod si Domingo sa pagsasaka at hindi naiibsan ang kanyang pagnanasa kay Liwliwa.
Ngunit habang tumatagal ay unti-unting magkakaroong ng pag-uusap sa pagitan ng
dalawa, at sa bandang huli nga’y biruan pa sa pagitan ng mag-asawa: malinaw na
indikasyon ng pagkakaroon ng ani at samakatuwid, pera; gayundin, indikasyon ito ng
papalapit na posibilidad ng pagsiping ng dalawa.
Kitang-kita sa kuwentong ito kung papaanong binibigyan ng kapangyarihan si
Liwliwa sa loob ng institusyong itinuturing na patriyarkal. Malinaw ang kanyang
kapangyarihang magdesisyon para sa sariling niyang katawan, hindi lamang sa usapin
ng pagtatalik kungdi sa usapin ng pagbubuntis. Isang bagay na normal na
pinaghaharian ng patriyarkal na konsepto na ang lalaki parati ang masusunod. Sa
kuwentong ito rin makikita ang isang misis na pinauuwi ang asawa upang matulungan
siya sa gawaing bahay. Kung tutuusin din, bilang tagabilang ng kalendaryo para sa
pagsasaka, si Liwliwa ang nagmamando ng oras at panahon ni Domingo, imbes na ang
huli ang nagdidikta ng oras ni Liwliwa.
Ngunit hindi lahat ng babae sa Kurditan ay may ganitong kapangyarihan, sa loob
man o labas ng institusyon ng kasal. Hindi kaiba sa ibang maikling kuwento ng
Pilipinas, ang papel ng babae bilang nanay ay isinususog din ng antolohiyang ito, ngunit
ngayon, sa konteksto ng Ilocos. Sa maraming kuwento, ang nanay ang nagiging
emosyonal na katapat ng seryoso at matatag na tatay. Sa pagbisita halimbawa ni Along
sa kanyang pamilya, ang kanyang tatay lamang halos ang nagsalita, samantalang
lungkot at luha lamang ang nagamit ng ina upang ipakita ang kanyang kalungkutan.
Samantala, kaiba naman rito ang kuwentong “Anibersaryo”, dahil dito, ang asawang si
Auring ang pagsasalitain tungkol sa hinanakit nilang mag-asawa sa kanyang biyenan.
Bagamat, emosyonal rin dito si Auring, hindi naman maikakailang itong emosyon na ito
ang nagdala sa kuwento sa puntong makakamit ng mag-asawa ang kanilang pangarap
na maangkin ang lupang kanilang inaalagaan. Kaya naman bagamat emosyonal na
katapat ng mister ang mga misis sa marami sa mga kuwentong ito, malinaw rin naman
na may ibang dimensyon ng “pagka-misis” o “pagka-nanay” ang nais ipakita ng
Kurditan na mayroon sa Ilocos.
Isa na rito ang pagka-nanay na nangangahulugang kawalan ng nanay. Sa mga
kuwentong katulad ng “Sugat sa Dibdib” ni Rogelio A. Aquino, “Itak” ni Jose A. Bragado,
“Pulseras na Pilak” ni Benito S. de Castro, at “Ang Gamugamo sa Lampara ni Julio
Madarang” ni Reynaldo A. Duque, hindi maikakaila ang kawalan ng ina. Ngunit malinaw
rin naman na ang nais ipakitang relasyon ay ang sa mag-amang nahiwalay o may
nagbabadyang paghihiwalay. Sa ganang ito’y tila maling kuwestiyunin ang desisyon ng
manunulat na itong relasyong ito ang bigyang-buhay; gayundin, totoo rin naman
maaaring walang ina sa maraming kuwentong tungkol sa mag-ama.
Interesante naman ang pagkakaroon ng ilang kuwentong nagpapakita ng mga
nanay na bumibitiw sa pagiging ina sa kanilang mga anak. Sa “Maalinsangan ang
Dapitgabi”, ang pagbabalik ni Along ay naka-ugat sa pagpapaampon sa kanya ng
kanyang ina. Ito rin ang pagmumulan ng problema ng bidang lalaki sa “Minsa’y Isang
Ilokano sa Malakanyang” ni Marcos B. Cate, at higit, ng mga anak ng bidang nanay sa
“Mga Mukha sa Basag na Salamin” ni Lorenzo Tagabin. Marahil nga’y hindi dito
makikita ang posibilidad ng empowerment para sa kababaihan ng Ilocos, hindi lamang
dahil tila malulungkot ang mga inang nagpa-ampon sa kanilang mga anak; sila rin ay
nagdurusa dahil sa mga desisyong ito dahil sa kalungkutan man, o galit ng mga anak
sa kanila.
Pero may posibilidad pa rin ng kapangyarihang katulad ng sa kuwentong
“Kalendaryo”. Sa “Anibersaryo” halimbawa ay napakahalaga ng pagbibigay boses sa
misis na si Auring, hindi lamang dahil sa nakapaloob siya sa institusyon ng pag-
aasawa, kungdi dahil siya ay isa lamang hipag ng pamilyang kanyang
pinaghihinanakitan. Sa ganang ito’y nasa lugar siya ng dobleng marhinalisasyon sa
kuwento: una bilang babae sa loob ng institusyon ng pag-aasawa, at pangalawa bilang
hipag sa institusyon ng pamilya ng kanyang napang-asawa. Ang “Pista” ni Pacifico D.
Espanto ay mahalaga ring tingnan bilang makapangyarihang teksto para sa
kababaihan, dahil hindi ito simpleng pagbibigay-aral ng ina sa kanyang anak. Higit,
binibigyang-halaga nito ang pagkukuwento ng buhay ng ina sa kanyang anak, at ang
pagkakatagni-tagni ng kuwento ng dalawang babaeng ito, nanay man ang isa at anak
lamang ang kanyang kinakausap.
Ngunit ang higit na mahalagang tingnan patungkol sa usapin ng kababaihan sa
panitikan Iluko base sa Kurditan, ay ang kuwentong “Mga Mukha sa Basag na Salamin”
ni Lorenzo G. Tabin. Dito’y buhay ng isang Tandang Sepa ang bida, at ang kanyang
pag-iisa sa harap ng pagkakaroon ng tatlong anak. Sa kuwento’y may galit kay
Tandang Sepa ang kanyang mga anak, dahil sa kanyang pagpapaampon sa isa sa
kanila, at higit, sa hindi nito pagsasaalangalang ng kanilang pangangailangan. Pero si
Tandang Sepa’y makapangyarihan din, dahil tinatanggihan niya ang pamomrobelam o
pag-aalaga pa sa kanyang malalaki nang mga anak. Malinaw naman na kanyang
ginawa na ang lahat noong bata pa ang mga ito: nagpapalit-palit siya ng asawa, at
nagtrabaho bilang prostitute upang buhayin ang kanyang pamilya. Sa pagkatanda’y
tinatanggihan na niyang isipin pa ang kondisyon ng mga anak, at dahil dito’y
tinatanggihan din ang maging lolang tagapag-alaga na lamang ng kanyang mga apo –
mas gusto niyang maging indipendiyente kaysa umasa sa kanyang mga anak. Ang
lahat ng ito ang ikinakagalit ng kanyang mga anak, at hindi ito reresolbahin ng kuwento,
bagkus ang huling imaheng ipapakita ng kuwento ay si Tandang Sepang umiinom ng
alak na mag-isa, samantalang nagtatalo ang kanyang mga anak sa bahay na kanyang
inuupahan.
Sa huling kuwentong ito ipinapakita kung papaanong maaaring ihagis pabalik sa
isang ina ang kanyang pagpapaampon sa anak, dahil sa pagnanais ng mas
magandang buhay. Gayundin nakikita kung papaanong maaaring supilin rin ng mga
anak ang mga kagustuhan ng sariling ina, at isawalang-bahala ang karapatan ng ina sa
kanyang katawan at buhay.
Ngunit higit, sa mga kuwentong ito na nagpapakita ng iba’t-ibang kababaihang
Iluko, masisipat kung papaanong higit na nakaaapekto ang usapin ng uri at kahirapan
sa mga desisyong maaaring gawin ng mga ina at asawa sa loob ng institusyon ng kasal
at pamilya. Sa mga kuwentong ito’y napapatunayan muli’t-muli ang kahalagahan ng
materyal na kondisyon, at kung papaano nito naitutulak ang tao upang mamuhay sa
isang partikular na pamamaraan, sa loob o labas ng espasyong tinubuan, tungo sa
pinaniniwalaang mas magandang buhay. At totoo ito, para sa lalaki man, o babae. Iba’t-
iba lang ang papel na ginagampanan.
Kahirapan Bilang Materyal na Kondisyon:Ang Kurditan Bilang Canvass ng Kahirapan
Maipagtatagni-tagni ang iba’t-ibang aspekto ng pagka-Ilukong binubuo ng mga
kuwento sa Kurditan sa pamamagitan ng iisang kuwentong bahagi rin nito: ang
“Pagkain ng mga Bathala” ni Juan SP Hidalgo Jr. Higit sa kontekstong kahirapan,
iniaangat pa ni Hidalgo ang buhay Iluko sa antas ng pulitika at Estadong nagpapairal
dito. Sa pamamagitan ng satire, ang “Pagkain ng mga Bathala” ay nagiging isang
pagsipat sa sitwasyong panlipunan na hindi lamang nagpapahirap sa karamihan,
bagkus, sumusupil rin sa kanilang mga karapatan, babae man o lalaki, basta’t
mamamayan ng bayan.
Kuwento ito ng mag-inang Filipinas at Lorenz na dudukutin upang manood ng
piging ng tinatawag na mga Bathala. Habang nakakulong nang mag-isa, makikita ni
Lorenz na ang imbitadong mga “bathala” sa piging ay mga politiko, propesyunal,
sundalo at piloto, na nagsasaya sa handaang may pagmamalabis. Sa piging na ito’y
“karne” ang trato sa babae: siya ang mananayaw na nagbibigay-aliw sa mga “bathala”,
at siya rin ang pag-uusapang karneng kailangang katayin upang ialay sa mga “bathala”.
Higit, dahil mapagtatanto ni Lorenz na ang kanyang ina’y nabiktima ng piging na ito, tila
ang Filipinas ang kakarnehin ng mga bathala upang silang patuloy na makapagsaya.
Malinaw sa kuwento ang pag-abuso ng mga “bathala” sa kanilang
kapangyarihang nagpapahintulot sa kanilang kumitil ng buhay ng kababaihan, at
ikulong at saktan ang sinumang lumaban sa kanila. Ngunit sa paglabas ni Lorenz sa
piging, haharap siya sa isang katotohanan: na hindi siya nag-iisa, at maraming ibang
may pagnanais na lumaban sa mga “bathala” upang makamit ang katarungan para sa
kanilang mga nawalan. Magtatapos ang kuwento sa tila pagbabadya ng rebolusyon
laban sa mga “bathala” ng mga taong matagal nang nagdusa sa kamay ng panunupil.
Ang pagtutunggaliang ito ng uri ay isa rin sa mga paulit-ulit na pinakikita sa mga
kuwento sa Kurditan. Ang dinamiko ng lupa at yaman ang nagpapainog sa mga
kuwentong katulad ng “Sugat sa Dibdib” ni Rogelio A. Aquino na tungkol sa pagbabalik
ng anak na sundalo upang ipaghiganti ang amang dinaya ng pyudal na sistema.
Samantalang sa kuwentong “Ang Gamugamo sa Lampara ni Julio Madarang” ni
Reynaldo A. Duque ay mas pinalilinaw ang posibilidad ng pagsali sa organisadong
pagkilos laban sa mas malaking sistema ng pyudalismo at kahirapan.
Ngunit hindi lamang sa konteksto ng mas malaking lipunan mapagtatanto ng
tunggalian ng uri. Sa maraming kuwento sa Kurditan na nabanggit na, ito rin ang siyang
umiiral na katotohanan.
Sa loob ng pamilya, ang pagkakaiba ng uri ng umuuwing anak at inuuwiang
pamilya ang siyang pinaka-angat na isyu. Ngunit ang totoo’y ang bagong kaalaman ng
anak, ang pinagmumulang lugar, at higit, ang bago niyang estadong pinansyal ang
nagdidikta ng kanyang kaibhan sa kanyang pamilyang nananatiling tali sa lupa at
probinsya. May ilang kuwento ring makikitaan ng paggamit ng political instability bilang
konteksto, bagamat hindi ito mismo ang isyung nais talakayin; may ilang pagkakataong
may takot sa putok na naririnig sa malayo ang mga tauhan ng iba’t-ibang kuwento,
halimbawa. Ngunit higit sa panakanakang paggamit ng putok ng baril sa di-kalayuan
para sa mga kuwentong ito, ay ang kawalan ng iisang gobyernong namamayani sa mga
kuwento. Lagi’t-laging tila mag-isang nabubuhay ang mga kuwentong ito at ang mga
tauhang Ilokano’t Ilokana, labas sa institusyon ng gobyerno.
Kaya rin marahil namamayani ang kontekstong ito ng kahirapan para sa marami
sa mga kuwento sa Kurditan. Dahil tila may independiyenteng pamumuhay ang mga
tauhan ng kuwento, at tila hiwalay ang mga Ilokanong ito sa palakad ng mas malalaking
institusyong dapat ay bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay: ang gobyernong
panglungsod, pambansang Estado, at higit, ang bansa sa pangkalahatan.
Ito nakikitang nagtatali sa lahat ng mga kuwentong ito sa loob ng Kurditan: ang
pagkakaroon ng interes sa relasyong pampamilya (kapatid sa kapatid o anak sa
magulan man), ang pagtutunggali ng mga katotohanan ng bayan/Maynila/pag-aaral at
probinsya/tinubuang-lupa/pamilya, ang dinamiko ng tribu bilang pamilya, at edukasyon
bilang senyales ng modernismo at urbanismo, ang mga isyung pangkababaihan –
katahimikan man ito, o pag-angkin sa katawan at karapatan. Higit sa lahat ng mga ito,
ang maaaring magtali sa mga kuwentong ito ay ang kahirapang ginagamit nitong
konteksto. Ito ang materyal na kondisyon ng lipunang Iluko na ipinipinta sa lona ng
antolohiyang ito. At ito ang pinakamahalagang salik ng maikling kuwentong Iluko sa
Kurditan, na dapat tingnan kaugnay ng panitikang pambansa at panitikan ng rehiyon.
Ang Ilokano sa Kurditan at Rehiyon:Anong Ikinaiba ng Kuwento?
Mainam na magtapos sa kritikal na pagbasa ng Kurditan, sa isang pa ring kritikal
na pagbasa ng mga kategoryang kinapapalooban nito.
Una, ang kategorya ng rehiyon. Papaano nga bang maaaring bigyang-buhay ang
isang rehiyon gamit ang isang limitadong espasyong katulad ng libro, at ang kakaunting
manunulat na maaaring maisali? Sa antolohiyang kritikal na binasa ng papel na ito,
malinaw ang rehiyong binubuo: ang Ilokos. Ngunit walang malinaw na mapa ng Ilocos
na nais buuin ang libro; walang consistent na pagbanggit ng mga lugar sa Ilocos kung
saan nagaganap ang kuwento. Sa halip na mga lugar ang buuin ng mga akda, ito’y isa
lamang espasyo: mahirap, mainit, maraming pamilya, may mga tribu, may pagsasaka.
Ang espasyong ito ay maaaring ilagay sa kahit na anong probinsya or rehiyon sa
bansa: hindi kailangang isiping nasa Ilocos.
Ngunit sasabihin ng tagabuo ng antolohiya: aba, ito’y mga akdang isinulat ng
manunulat na Iluko, kung kaya’t ito’y nasa Ilocos. Ngunit hindi ito parating totoo. Marami
sa mga manunulat ay mula sa ibang rehiyon ng bansa, ngunit kumikilos at sumikat sa
sentro ng Maynila, at madalas sa hindi’y tumutugon ang kanilang mga kuwento sa mga
pangyayari sa kontekstong ito.
Pangalawa, ang kategorya ng unibersal na kaisipan. Ayon sa introduksyon, ang
mga kuwentong ito ay maaaring maging bahagi ng mas malaking mundo ng panitikan
unibersal. Kung gayo’y papaano ito makikita bilang partikular sa rehiyon? Sa
pagsasabing ang isang akda ay mula sa rehiyon, hindi lamang kinakailangang malinaw
ang pisikal na kinatatayuan ng akda; dapat ding makita ang pagiging orihinal nito sa
ganang orihinal ang kontekstong ginagamit sa panulat.
Sa dalawang kategoryang ito pa lang, malinaw na ang problema ng antolohiyang
katulad ng Kurditan: papaano nga bang bibigyang-buhay ang panitikang rehiyon, kung
ang pagnanais ay ang makita ito bilang unibersal na panitikan?
Ang sagot dito ay magbibigay espasyo naman sa usapin ng panitikang
pambansa. Kung tutuusin, ang lahat ng tekstong nagmumula sa bansang Pilipinas ay
bahagi na ng koleksyon ng panitikang pambansa, nabasa man natin ito o hindi. Ang
pambansang panitikan ay nabubuo sa bawat araw na may nagsusulat, sa magasin
man, sa internet, sa diyaryo o libro. Bagamat madaling sabihing may sentro ng
panitikan tulad ng mga akademya ng Maynila kung saan nabubuo ang mga itinuturing
na “karapat-dapat” na mga akdang matatawag na “panitikang pambansa”, ang totoo’y
isa itong prosesong madaling kuwestiyunin. Papaano nga bang napagdedesisyunan
ang maaaring maging bahagi ng panitikang pambansa? Ang Kurditan ba, ay bahagi na
nito? O isa pa rin ba itong tunggalian, hindi ng mga uri, kungdi ng mga rehiyon sa loob
ng Pilipinas?
Bagamat hindi maikakaila ang tunggalian sa loob ng akademya para at laban sa
iba’t-ibang akda sa loob man ng kategorya ng rehiyon o hindi, sa bandang huli, ang
pambansang panitikan ang tanging kategoryang maaaring pinaka-makapangyarihan.
Bakit? Dahil walang nagmamay-ari nito. Ang pambansang panitikan ay maaaring
angkinin ng sinumang nagsusulat sa konteksto ng bansang ito, at sa ganang ito,
malinaw ang lugar ng Kurditan: isa itong pagbibigay-halaga ng mga manunulat na Iluko
sa kanilang sariling mga akda, hindi upang makuha ang pagsang-ayon ng ibang
manunulat sa ibang lugar ng Pilipinas. Bagkus, ang Kurditan, tulad ng maraming
antolohiya ng mga akdang itinuturing na marhinalisadong panitikan, ay pagpapakilala
sa mga akdang bumubuo na ng pambansang panitikan – hindi dahil may humusga na
rito bilang “karapat-dapat”, kungdi dahil buhay na ang panitikang ito, hindi man ito
nababasa, o naililimbag.
Ang mga kuwentong nakapaloob sa Kurditan ay patungkol sa buhay ng mga
Pilipino sa Ilocos, na dumaraan sa kahirapang bagamat hindi kaiba sa maraming ibang
lugar sa Pilipinas, ay hinaharap sa partikular na paraan ng mga Ilokano at Ilokano.
Gayundin, pareho man ang mga isyu ng uri, migrasyon at kababaihan, malinaw rin ang
ibang pagsipat dito ng manunulat na Iluko, na nagpapatunay ng katotohanan ng
kaibhan sa harap ng pagkakaparepareho, ng katotohanan ng panitikan ng rehiyon sa
loob ng panitikang pambansa.
Sa bandang huli, ang mga antolohiyang katulad ng Kurditan ay hindi kailangang
husgahan. Bagkus, dapat itong ituring na unang pagkilala sa mga akdang kung hindi pa
naisalin para at nailagay sa antolohiya ay hindi pa aabot sa ating nasa labas ng
Ilokandiya. Gayundin, mas mainam na tingnan ito bilang paalala, na marami pang
kurditan o lona ng mga akda sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa, na hindi pa nabibigyan ng
karampatang panahon upang mapag-aralan, o maisalin. At marahil, mailimbag. Sa
ganang ito’y, malayo pa ang tatahaking landas sa pagbuo ng tunay na panitikang
pambansa.*
Katrina S. Santiago95-18495
PP 241 (completion)Panitikan Iluko
Dr. Noemi Rosal