12
1 ANG PATIBONG NG MULTILINGGUWALISMOni Virgilio S. Almario MAGANDANG MAGSIMULA SA ilang paglilinaw. Una, ano ba ang multilingguwal? Ang multilingguwál ay isang bagong pangalan sa isang lumang tawag sa katangiang matuto ng mahigit dalawang wika. Tinatawag ito noong polyglot.[mula sa Griego na poly (marami)+glōtta (dila)]. Kayâ si Rizal na maraming alam na wika ay tinawag na polyglot; ngunit kung nabubúhay siyá ngayon ay tatawaging multilingguwal. Inihihiwalay ngayon ang multilingguwal sa bilingguwálisang katangiang limitado sa dalawang wikabagaman may naninindigang bahagi ng multilingguwal ang bilingguwal. Kaugnay nitó, tinatawag na monolingguwál ang tao na iisa ang alam na wika. Mula sa gayong simpleng depinisyon, ang paniniwala at pagsusúlong sa halaga ng karunungan sa maraming wika ang tinutukoy na multilingguwalísmo. Ang patakarang magpalaganap ng dalawang wikang opisyal sa isang bansa o lipunan ay bilingguwalísmo, at ang pagpapairal ng isang wikang dominante sa isang bayan ay monolingguwalísmo. Ngunit noon pa, at kaugnay ng pag-unlad ng agham sa pag-aaral ng wika, nagkakaisa ang mga eksperto na isang mahalagang imbensiyon ng tao ang wika. Ito ang deposito ng kaniyang karunungan, ng kaniyang kasaysayan at karanasan, ng kaniyang mga damdamin at paniwala. Kayâ bawat wika ay isang uri ng pamána ng lahi o komunidad na may-ari nitó. Sa UNESCO, itinuturing ang wika na isang pangunahing sangkap sa tinatawag na Intangible Cultural Heritage (ICH). Upang itampok ang katotohanang ito, idineklara ng UNESCO ang 2019 na International Year of Indigenous Languages. Kaugnay nitó ang isinulat ko noong 12 Hunyo 2018 na panukalang: (W)ika ang una at pangunahing pamanang pangkultura ng sangkatauhan. Gaya ng isinaad sa Bibliya, magulo at madilim sa simula hanggang bigkasin ang Salita at nagkaroon ng Liwanag. Ang wika ay singhalaga kung hindi man higit na mahalaga kaysa pagkalikha ng apoy. Sa pamamagitan ng wika ay nabigyan ng pangalan at pang-uri ang paligid, ang Kalikásan, at umangat ang antas ng karunungan ng táo mula sa antas ng sangkahayupan. Sa pamamagitan ng wika ay lumikha ang táo ng tula at awit at sayaw upang ipagdiwang ang kaniyang nadaramá at nalalaman, ng mga salaysay upang tipunin ang kaniyang mga karanasan, ng mga pamahiin at panalangin upang ipahayag ang kaniyang ligalig at tiwala sa mga hindi maabót ng kaniyang pag-iisip, at ng dagdag na palamúti sa kaniyang nakamulatang mundo. Tinulungan siyá ng wika upang baguhin ang kaniyang nakamihasnang saligang pamumúhay, bumuo ng mga pagkakaisa para sa higit na kaligtasan at sáma-sámang pagkilos, umimbento ng mga kasangkapang ukol sa bawat pangunahing pangangailangan, at tandaan ang kaniyang kasaysayan ng pag-unlad sa pamamagitan ng mga epiko at ritwal.

ANG PATIBONG NG MULTILINGGUWALISMO€¦ · sa daan-daang wika ng mga bansa at pangkating etniko na mahinà at maralita. Muli, salig sa nabanggit na realidad sa politika ng mga wika

  • Upload
    others

  • View
    14

  • Download
    0

Embed Size (px)

Citation preview

1

ANG PATIBONG NG “MULTILINGGUWALISMO”

ni Virgilio S. Almario

MAGANDANG MAGSIMULA SA ilang paglilinaw. Una, ano ba ang

multilingguwal?

Ang multilingguwál ay isang bagong pangalan sa isang lumang tawag sa

katangiang matuto ng mahigit dalawang wika. Tinatawag ito noong polyglot.[mula sa

Griego na poly (marami)+glōtta (dila)]. Kayâ si Rizal na maraming alam na wika ay

tinawag na polyglot; ngunit kung nabubúhay siyá ngayon ay tatawaging

multilingguwal. Inihihiwalay ngayon ang multilingguwal sa bilingguwál—isang

katangiang limitado sa dalawang wika—bagaman may naninindigang bahagi ng

multilingguwal ang bilingguwal. Kaugnay nitó, tinatawag na monolingguwál ang tao

na iisa ang alam na wika.

Mula sa gayong simpleng depinisyon, ang paniniwala at pagsusúlong sa

halaga ng karunungan sa maraming wika ang tinutukoy na multilingguwalísmo. Ang

patakarang magpalaganap ng dalawang wikang opisyal sa isang bansa o lipunan ay

bilingguwalísmo, at ang pagpapairal ng isang wikang dominante sa isang bayan ay

monolingguwalísmo.

Ngunit noon pa, at kaugnay ng pag-unlad ng agham sa pag-aaral ng wika,

nagkakaisa ang mga eksperto na isang mahalagang imbensiyon ng tao ang wika. Ito

ang deposito ng kaniyang karunungan, ng kaniyang kasaysayan at karanasan, ng

kaniyang mga damdamin at paniwala. Kayâ bawat wika ay isang uri ng pamána ng

lahi o komunidad na may-ari nitó. Sa UNESCO, itinuturing ang wika na isang

pangunahing sangkap sa tinatawag na Intangible Cultural Heritage (ICH). Upang

itampok ang katotohanang ito, idineklara ng UNESCO ang 2019 na International

Year of Indigenous Languages. Kaugnay nitó ang isinulat ko noong 12 Hunyo 2018

na panukalang:

(W)ika ang una at pangunahing pamanang pangkultura ng

sangkatauhan. Gaya ng isinaad sa Bibliya, magulo at madilim sa

simula hanggang bigkasin ang Salita at nagkaroon ng Liwanag. Ang

wika ay singhalaga kung hindi man higit na mahalaga kaysa

pagkalikha ng apoy. Sa pamamagitan ng wika ay nabigyan ng

pangalan at pang-uri ang paligid, ang Kalikásan, at umangat ang antas

ng karunungan ng táo mula sa antas ng sangkahayupan. Sa

pamamagitan ng wika ay lumikha ang táo ng tula at awit at sayaw

upang ipagdiwang ang kaniyang nadaramá at nalalaman, ng mga

salaysay upang tipunin ang kaniyang mga karanasan, ng mga pamahiin

at panalangin upang ipahayag ang kaniyang ligalig at tiwala sa mga

hindi maabót ng kaniyang pag-iisip, at ng dagdag na palamúti sa

kaniyang nakamulatang mundo. Tinulungan siyá ng wika upang

baguhin ang kaniyang nakamihasnang saligang pamumúhay, bumuo ng

mga pagkakaisa para sa higit na kaligtasan at sáma-sámang pagkilos,

umimbento ng mga kasangkapang ukol sa bawat pangunahing

pangangailangan, at tandaan ang kaniyang kasaysayan ng pag-unlad sa

pamamagitan ng mga epiko at ritwal.

2

Ang wika ang kabuoang ulat ng di-nakasúlat na kasaysayan,

tagumpay at kabiguan, kaisipan at pananalig, pangitain at pangarap,

atbpang himaymay ng karanasan ng bawat pangkat ng táo. At naisip

niláng tumbasan ng titik ang kaniláng binibigkas upang maisúlat ang

kaniláng maririkit na pangungusap, upang hindi malímot ang mga ito,

at upang maihatid ang mga ito sa ibáng pangkatin at ibáng panahon.

Isang malaking hakbang sa paggunita ng táo ang panitikan

(pang+títik+an)—ang naisatitik na hiyas ng kaniyang karunungan—

mula sa kaban ng kaniyang binibigkas-bigkas na mga tula, awit, at

salaysay. Bawat alpabeto ay mohon sa pagsúlong ng bawat pangkat ng

táo upang higit na mapangalagaan ang kaniláng karanasan at

mapahusay ang kaniláng pag-uunawaan. Bawat paraan ng pagsúlat ay

isa ring pagbabantayog sa wika, isang pagpuri sa nabuong paraan ng

pagpapahayag, bukod sa isang paraan din upang higit na masiyasat ang

sistema ng paglikha ng salitâ at pagsasaayos ng pangungusap.1

Ibig ng UNESCO na palaganapin ang katotohanan na magkakapantay ng halaga ang

mga wika ng mundo. At ito ang espiritu ng tunay at dalisay na paninindigang

multillingguwal. Ngunit nakapahiwatig din sa deklarasyon ng UNESCO ang isa pang

katotohanan: Na sa politika ng wika, hindi magkakapantay ang pagpapahalaga sa mga

wika ng mundo.

Sa tunay na búhay, may wikang higit na minamahalaga kaysa ibáng wika. At

malimit na ang wikang minamahalaga kaysa ibá ay ang wika ng makapangyarihan at

mariwasa. Sa kabilâng dako, malimit na ang wikang hindi minamahalaga ay ang wika

ng mahinà at maralita. Sa gayon, nais ng deklarasyon ng UNESCO na muling idiin

ang demokratikong pagtingin sa lahat ng mga wika ng mundo, at kaugnay nitó, ang

wastong paglingap sa mga “wikang katutubo” (indigenous languages)—na tumutukoy

sa daan-daang wika ng mga bansa at pangkating etniko na mahinà at maralita.

Muli, salig sa nabanggit na realidad sa politika ng mga wika ay maaaring uriin

ang mga wika sa tatlo: (1) ang wikang pandaigdig, (2) ang wikang pambansa, at (3)

wikang etniko. Iilan ang wikang pandaigdig, ngunit dahil wika ng ilang

makapangyarihan at mariwasa ay ginagámit na wika sa maraming bansa na nasákop o

nása ilalim ng impluwensiya ng may-ari ng wikang pandaigdig. Ang wikang

pambansa ay wikang hinirang ng bansa para gamítin ng lahat ng pangkating etniko sa

loob ng isang bansa. Maaaring isang wikang pandaigdig ang mahirang na wikang

pambansa, bagaman malimit at karamihan ng mga nahihirang na wikang pambansa ay

mula sa isang wikang katutubo o wikang etniko ng bansa. Lahat ng mga wikang

katutubo sa isang bansa ay wikang etniko. Ang wikang etniko ang pinakaraming wika

sa mundo, ngunit malimit na ginagámit lámang ang bawat isa ng pangkating etnikong

may-ari nitó.

Sa ganitong pag-uuri, hindi kasáma sa idineklarang “wikang katutubo” ng

UNESCO ang Ingles, Espańol, Russian, o Chinese na itinuturing na wikang

pandaigdig, Hindi rin nitó pinoproblema ang mga wikang pambansa na wikang

pandaigdig. Halimbawa, ang Ingles bílang wikang pambansa ng Australia o ang

Español bílang wikang pambansa ng Chile. Higit na nais ng deklarasyon ng UNESCO

ang wastong pangangalaga at paggálang sa mga wikang etniko, lalo na ang mga wika

3

ng pangkating etnikong mahinà at maralita, dahil higit na nanganganib ang mga itong

maglahò. Gayunman, maaaring ihakà na sinasaklaw ng deklarasyon ang

pagpapahalaga sa mga wikang pambansa na batay sa mga wikang etniko, lalo na ng

bansang mahinà ang ekonomiya at gobyerno, dahil nanganganib ding maglahò at

mapalitan ng isang wikang pandaigdig o ng isang wika ng pangkating etniko na

nagkaroon ng higit na kapangyarihan sa kabuhayan at politika.

Batay sa panimula kong talakay, maaaring sabihin na ang paghirang sa isang

wikang pambansa ay isang maselang pagpapasiyang pampolitika ng isang bansa. May

apat na opsiyon ang bansa sa paghirang. Una, maaari itong pumilì ng wikang

pandaigdig na naging bahagi ng kasaysayan nitó. Ikalawa, maaari itong pumilì ng isa

sa ipinalalagay na pinakamaunlad at epektibong katutubong wika. Ikatlo, maaari itong

magpasiyang maging bilingguwal, malimit na ang kombinasyon ng una at ikalawang

opsiyon. Ikaapat, maaari itong pumilì ng dalawa o tatlo sa pinakamalakas na wikang

etniko.

Alin sa mga ito ang pinakamainam? May ibá’t ibáng halimbawa ng bansa na

kumiling sa isa sa apat ng opsiyon. May nagtagumpay sa pumilì ng una, gayundin sa

ikalawa, gayundin sa ikatlo, at kahit sa ikaapat. Ang desisyon ay karaniwang bunga

ng kasaysayan ng bansa, at lalo na sa namamayaning oryentasyong pangwika ng

lideratong pampolitika sa panahon ng pagpapasiya. May halimbawa din ng bansa na

pumilì ng isa sa apat upang unti-unting kumiling sa ibáng opsiyon dahil sa nagbagong

pananaw na pampolitika at pangangailangan.

May panahon na ang Latin, ang wika ng Imperyong Romano, ang wika ng

kontinenteng Europa ngayon. Ngunit nawasak ang Imperyong Romano, at kasabay

nitó, huminà ang kapangyarihan ng Latin hábang nabubuo ang mga modernong

nasyon sa Europa. Anupa’t umahon mula sa pananakop ng Imperyong Romano at

Latin ang España, Portugal, France, England, Germany, Italia, atbp na nagsikap ding

humirang ng kani-kaniláng wikang pambansa mula sa kani-kaniláng

maimpluwensiyang wikang etniko. Kayâ malakas ang paniwala na ang pagpilì ng

isang wikang pambansa mula sa sariling wikang katutubo ay mahigpit na kaugnay ng

damdaming makabansa o nasyonalismo.

Ang paghirang ng wikang pambansa ay naging malakíng hámon sa mga bansa

sa Asia at Africa na nabuo nitong ika-20 siglo mula sa pananakop ng mga nabanggit

na bansang Europeo. Pipiliin ba nilá ang wika ng dáting panginoon o ang isang

sariling wikang etniko? Hindi ito naging problema ng United States at Canada dahil

hindi naman katutubo kontra kolonyalismo ang naganap na pagpapaalis sa mga Ingles

at French doon. Hindi rin ito naging problema sa mga bansa sa America Latina na

nabuo mula sa imperyong Español doon dahil pinutol lámang ng mga Español na

naroon ang pamamahala sa kanilá ng España.

Karanasang Filipino at Wikang Filipino

Hinarap ng Filipinas ang hámon sa pagpilì ng wikang pambansa sa bungad ng ika-20

siglo. Sa kasaysayan, napailalim ito sa dalawang wikang kolonyalista—ang Español

at ang Ingles. Binubuo din ito ng mahigit sandaang wikang etniko na may ibá-ibáng

lakí ng populasyon at antas ng pag-unlad. Pinakamalalakí ang populasyon ng mga

kristiyanisadong wikang Tagalog, Sebwano, Ilokano, Hiligaynon, Waray,

4

Panggasinan, Pampanggo, at Bikol. Pinakamalalakí sa populasyong islamado ang

wikang Mëranaw, Magindanaw, at Tausug. Pinakamaliliit at pinakamahihinà ang

populasyon ng mga wikang Negrito (na tinatawag na Aeta, Agta, Ata, Ita, Dumagat,

atbp).

Anupa’t nang magpasiya ang Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1935 na

magdeklara ng isang wikang pambansa ay nakabukás ang posibilidad na pumilì ang

mga delegado sa alinman sa tinukoy kong apat na opsiyon. Sa una, puwede niláng

hirangin ang alinman sa Ingles o Español, na siyáng mga opisyal na wika ng

talakayan sa kumbensiyon. Sa ikalawang opsiyon, puwede siláng pumilì sa alinman sa

mga wikang katutubo na may malalakíng populasyon. Sa ikatlo, puwede niláng

piliing kombinasyong bilingguwal ang Ingles at alinman sa mga lyamado sa

ikalawang opsiyon. Sa ikaapat, puwede nila halimbawang kunin ang Tagalog,

Sebwano, at Ilokano na mga wikang pambansa. Nagtatag pa ng isang komite sa

wikang pambansa ang kumbensiyon upang mag-aral at duminig sa damdamin ng

publiko hinggil sa isyu. Nang mag-ulat ang lupon, pinaboran nitó ang ikalawang

opsiyon. Sumunod na suliranin, alin sa mga malalakíng wikang katutubo ang dapat

maging wikang pambansa? Nanguna ang Tagalog sa talakayan. Ngunit hindi ito

makakuha ng sapat na boto ng pagtataguyod sa plenaryo. Kayâ natápos ang

kumbensiyon na ipinababahala sa pamahalaang Komonwelt ang wikang katutubo na

idedeklarang wikang pambansa. Nagtatag ang gobyerno ng isang ahensiya, ang

Institute of National Language (INL), upang magsuri sa isyu at magpanukala sa

Pangulo ng Filipinas kung alin ang nararapat na batayan ng wikang pambansa at

mangasiwa sa pagpapalaganap nitó.

Noong 30 Disyembre 1936, alinsunod sa rekomendasyon ng INL, idineklara ni

Pangulong Manuel L. Quezon ang Tagalog bílang batayan ng Wikang Pambansa ng

Filipinas.

Bakit pinilì ng Kumbensiyong Konstitusyonal ang ikalawang opsiyon?

Pangunahing dahilan, katatapos noon ng Digmaang Filipino-Amerikano, na

bumigo sa Rebolusyong Filipino laban sa kolonyalismong Español. Nabigo man ang

diwang mapanghimagsik laban sa kolonyalismong Kanluranin, malakas pa rin sa

gunita ng mga lider politiko noon ang espiritung ito. Ang paghahanda ng konstitusyon

para sa itatatag na nagsasariling pamahalaan ay itinuring niláng karugtong ng

nasyonalistang himagsikan mulang 1896. Si Pangulong Quezon mismo ang

nagpahayag na kailangang palusugin ang mga bigkis ng pagkakaisa ng watak-watak

na arkipelago. Bukod sa isang sentralisadong gobyerno ay itinuring niyang isang

napakahalagang bigkis sa pagkakaisa ang isang katutubong wikang pambansa.

Ngunit tulad ng dapat asahan, nakaharap ang pinilìng opsiyon sa mabibigat na

balakid. Una, ang patuloy at malakas na impluwensiya ng Ingles dahil din sa patuloy

na pag-iral ng Amerikanisasyon sa politika, ekonomiya, at edukasyon ng mga

Filipino. Ikalawa, ang patuloy na pakikipagpaligsahan laban sa Tagalog ng ibáng

wikang katutubo. Sa maraming pagkakataón ng tunggalian, nagsasanib ang dalawang

puwersang ito, o nagagámit ng una ang ikalawa upang panatilihin ang

pagpapalaganap sa Ingles.

Malinaw ito sa unang malakíng krisis na hinarap ng Wikang Pambansa noong

dekada 60. Katatapos lámang noong mapatunayan sa mga eksperimento ang bisà ng

5

Wikang Pambansang katutubo sa pagtuturo sa batayang edukasyon. Kayâ noong 1959

ay idineklara ni Sekretaryo Jose Romero na nararapat tawaging “Pilipino” ang

Wikang Pambansang batay sa Tagalog dahil pambansa na ito sa panahong “Pilipinas”

ang ispeling ng pangalan ng bansa. Ngunit biglang inatake ni Kongresista Inocencio

Ferrer ang wika at inihablang lumalabag sa atas ng 1935 Konstitusyon. Tinuligsa niya

ang pananatili nitóng “Tagalog” dahil sa patakarang “purista” ng mga nagpapalaganap

ng Wikang Pambansa. Isang dekada ang naganap na “digmaang pangwika” at sa

panahong ito ipinanukala ang “amalgamasyon” ng mga wikang katutubo sa Filipinas

laban sa “purismo” ng “Pilipino.” Natálo si I. Ferrer sa husgado ngunit sa bagong

1973 Konstitusyon ay itinadhana ang pagdevelop sa “Filipino” upang ipalít sa

“Pilipino.” Kinumpirma ng Seksiyon 6, Artikulo XIV ng 1987 Konstitusyon na: “The

national language of the Philippines is Filipino.”

Mapanlinlang na Tadhanang Pangwika

Ngunit magdaraya ang buong tadhanang pangwika ng 1987 Konstitusyon. Titigan pa

ang ikalawang talata ng Seksiyon 6:

Subject to provisions of law and as the Congress may deem

appropriate, the Government shall take steps to initiate and sustain the

use of Filipino as a medium of official communication and as language

of instruction in the educational system.

Hindi sapat ang unang pangungusap sa Seksiyon 6 na wikang pambansa ang

Filipino upang ituring itong Wikang Pambansa. Kailangan pa itong maging wika ng

“opisyal na komunikasyon” ng gobyerno at wika ng buong “sistemang pang-

edukasyon” ng Filipinas. Kayâ kailangang gumawa ng hakbang ang gobyerno sa

pahintulot ng Kongreso para maganap ito. Samantala, hábang hindi pa nagaganap ang

naturang antas ng pagkilála sa Filipino ay iniaatas ng Seksiyon 7, Artikulo XIV ng

1987 Konstitusyon na:

For purposes of comunication and instruction, the official

languages of the Philippines are Filipino and, until otherwise provided

by law, English.

Kailangang maging wika ng gobyerno at ng edukasyong pambansa ang

Filipino para ganap na maituring na Wikang Pambansa. Kailangan ang atas ng

gobyerno para maganap ito. Hindi ito iniaatas ng gobyerno hanggang ngayon. Kayâ,

sa katotohanan, ang Ingles ang Wikang Pambansa ng Filipinas at ang Filipino ay

lumilitaw na alternatibo at pangalawang wika lámang ng opisyal na komunikasyon at

pagtuturo. Naghihirap, nag-aaway, at nakikipag-away ang mga alagad ng Wikang

Pambansa upang isúlong ang Pilipino noon at Filipino ngayon. Ngunit para siláng

mga Sysiphus na nagtutulak ng bato paakyat ng isang gulod. Dahil hindi nilá natitinag

ang Kongreso upang magtaguyod, hindi nilá maiakyat ang Filipino tungo sa tugatog.

Sa halip, ang kilusang pangwika sa Filipinas sa loob ng mahigit 80 taón ay paulit-ulit

na pagtutulak paakyat ng isang bato na gumugúlong pababâ tuwing malápit na sa

tugatog.

6

Ang mapanlinlang na tadhanang pangwika ay hindi lámang nitóng binuo sa

1987 Konstitusyon. Nakatimo na ito sa unang konstitusyon ng Republika. Narito ang

Seksiyon 3, Artikulo XIV ng 1935 Konstitusyon:

The Congress shall take steps toward the development and

adoption of a common National Language based on one the existing

native languages. Until otherwise provided by law, English and

Spanish continue as official languages.

Hindi pinansin ni Pangulong Quezon at mga alagad ng wika ang implikasyon ng

sinipì kong ikalawang pangungusap. At maaaring hindi nilá pinansin sapagkat

kailangan pa talagang piliin ang magiging Wikang Pambansa, bukod sa talagang

kailangan pa itong idevelop pagkatápos hirangin. Praktikal lámang na gamíting

pansamantala ang Ingles, at pati ang Español, dahil siya namang wika ang mga ito ng

edukasyon at ng mga edukado.

Inaatake noon at hanggang ngayon ang diumano’y monolingguwal na

patakarang pangwika ng Republika mulang 1936. Hindi iniisip ng mga tumutuligsa—

na binubúlag ng kaniláng matinding pagsalungat sa “Imperyalismong Tagalog”—na

hindi monolingguwal kung hindi bilingguwal (trilingguwal pa nga bago inalis sa

paaralan ang Español) ang patakarang pangwika ng Filipinas sa loob ng nakaraang

siglo.

Opisyal pang itinaguyod ang bilingguwal na tadhanang pangwika noong 28

Pebrero 1971 at lumabas ang patakarang pangwika ng Board of National Education.

Bunga diumano ng paniwala ng BNE na magiging bilingguwal sa Filipino2 at Ingles

ang edukadong Filipino, napagkasunduan ng kalupunan sa isang miting noong 15

Setyembre 1970 na iatas ang paggámit ng naturang dalawang wika bílang mga

midyum sa pagtuturo sa mga paaralang sekundarya, kolehiyo, at unibersidad. Halos

binaligtad ng patakarang ito ang diwa ng tadhanang pangwika ng 1935 Konstitusyon

bagaman itinatanghal ang tunay na tungkulin at saloobin ng ikalawang pangungusap

sa Seksiyon 3, Artikulo XIV nitó.

Isinadlak din ng naturang patakarang pang-edukasyon ang Filipino sa literal na

pagkadusta. Hinati ang gámit ng Filipino at Ingles sa pagtuturo sa batayang

edukasyon—itinatalaga ang Ingles sa pagtuturo ng agham at matematika, samantalang

ipiniit ang Filipino sa pagtuturo ng kasaysayan at agham panlipunan—isang hakbang

na bukod sa nagmamaliit sa kapasidad ng Filipino ay naglilimita sa pagdevelop ng

Filipino bílang wika ng edukasyon. Ang pangyayaring ito ay naiiralan ng alamat na

(1) may wikang superyor at may wikang imperyor, (2) hindi maaaring gamítin sa

agham, matematika, at matataas na disiplina ang wikang imperyor, at (3) imperyor

ang Filipino sa Ingles, kayâ higit na magiging epektibo ang edukasyon kung ibibigay

sa Ingles ang agham, matematika, at matataas na disiplina. Tahasang inuklo ng

patakarang pang-edukasyong ito ang pagsúlong ng Filipino. Nagbunga din ito ng

umiiral ngayong paniwala sa hanay ng mga edukado at edukador na higit na mabuting

ituro sa Ingles ang mga kurso sa kolehiyo, samantalang pinagbibigyan ang Filipino sa

tatlo hanggang siyam na yunits sa pagtuturo ng wika at panitikan.3

7

Pinatatag ng 1973 Konstitusyon ang diwang bilingguwal ng 1971 patakarang

pang-edukasyon. Sa ikalawa at ikatlong tadhana ng Seksiyon 3, Artikulo XV, isinaad

na:

(2) The National Assembly shall take steps towards the development

and adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the

official languages.

Dito, ipinahiwatig na dahilan ang panahong kailangan upang idevelop ang isang

bagong common national language na tatawaging “Filipino.” [Na maaari nga namang

kasintagal ng ginugol na panahon mulang 1936 bago naipahayag ang “Pilipino”

noong 1959.] Kayâ tulad ng isinaad sa 1935 Konstitusyon, Ingles at Pilipino ang

iniatas na mga wikang opisyal. Naging patakarang pambansa at opisyal ng gobyerno

ang patakarang bilingguwal sa edukasyon. At ipinahayag man ng 1987 Konstitusyon

na Wikang Pambansa ang Filipino, hindi nitó ginalaw ang kondisyong bilingguwal sa

wikang opisyal at pang-edukasyon ng Filipinas.

Malinaw namang walang pagpapahalaga sa Filipino ang nakaraang mga

administrasyon pagkatápos ni Pangulong Quezon. Puro pabalat-bungang mensahe

kapag nagdiriwang ng Linggo ng Wika na naging Buwan ng Wika. Subalit hindi man

lámang nagsasagawa ng kailangang adbokasiya para palaganapin ang Wikang

Pambansa. Ni hindi naglalaan ng sapat na pondo para matulungan ang dáting Surian

ng Wikang Pambansa (SWP) at Komisyon sa Wikang Filipino ngayon sa pagdaraos

ng mga kailangang proyekto ng saliksik pangwika, pagsasalin, at palihan upang

maitaas ang antas ng kamulatan ng mga guro sa Filipino. Ang nakaraang mahabàng

panahon ay mistulang pagbubulok sa diwang Filipino upang manlatâ ang mga guro at

alagad ng wika at tumagos sa puso ng taumbayan ang alamat na hindi kailangan ang

isang katutubong Wikang Pambansa. Tinatawag nating Wikang Pambansa ang

Filipino, ngunit sa tunay na politika ng wika sa Filipinas, Ingles ang de facto na

Wikang Pambansa dahil ito ang higit na ginagámit (at sa gayo’y higit na kinikilála) na

opisyal na wika ng komunikasyon at edukasyon.

Ang Bitag ng Globalisasyon

Ang pinakamarikit parikala, ang Filipino at ang kilusan para sa isang Wikang

Pambansa ay patuloy na inaatake bílang instrumento ng monolingguwalismo at

kaaway ng mga katutubong wika ng Filipinas. Ikinakanlong ng salakay na ito ang

bilingguwal na patakaran ng edukasyon. Maliban kung ang salakay ay nilikha ng mga

alagad ng Ingles at naglulunggating ganap na panaigin ang Ingles bílang nag-iisang

Wikang Pambansa? Maliban kung totoong mga kaaway lámang silá ng Tagalog at

nagagámit ang kaniláng rehiyonalistang pananalig para higit na kampihan ang isang

wikang pandaigdig—ang Ingles—upang maging Wikang Pambansa?

Kung minsan nakalilimot silá at nasasabing: “Mainam nang bumalik sa mga

Americano kaysa mga Tagalog.” [Na totoong kabaligtaran noon ng bantog na islogan

ni Pangulong Quezon: “Mabuti pa ang gobyernong tila impiyerno pero hawak ng mga

Filipino kaysa gobyernong tila paraiso pero hawak ng mga Americano,” na siyang

kaagapay na ideolohiya ng paghirang sa isang wikang katutubo bílang wikang

8

pambansa sa halip na isang wikang dayuhan sa 1935 Konstitusyon.] Kamakailan,

isang apostoles ng kilusang kontra-Filipino ang tahasang sumúlat na:

The Philippines is losing its languages largely because of a

misguided, outdated belief that a country can only be unified if it

speaks one language, which the Komisyon sa Wikang Filipino peddles.

It champions Tagalog (“Filipino”) as a balwark (sic) against

colonialism, when in fact native languages and cultures have become

MORE marginalized since Philippine independence. The colonial

languages of English and Spanish found equilibrium with native

languages, occupying certain domains while not replacing native

tongues as community languages. Tagalog, on the other hand, is not in

equilibrium with local languages—it is thoroughly replacing Ibanag,

Ilokano, Itawis, Pangasinan, Kapampangan, Cuyonon, and numerous

others in local media, commerce, religion, and even the home.

Therefore, it poses an existential threat to local languages whereas

English and Spanishdo not.

Taglay ng pahayag na ito ang lahat ng pangunahing prehuwisyo o “impiyerno” laban

sa Filipino bílang Wikang Pambansa gayundin ang malinaw na pagkíling sa Ingles o

Español bílang “paraiso” ng Filipinas. Ipinagmalakí din ng sumúlat na miyembro siyá

ng Linguistic Society of the Philippines, Talaytayan, Save Our Languages Through

Federalism, at Nakem International, na mga organisasyon diumanong “pro-

multilingguwalismo,” at sa gayo’y maaaring ituring na mga puwersang kontra-

Filipino at kaaway ng Komisyon sa Wikang Filipino.4

Isang Canadian na 10 taón nang naninirahan sa Filipinas ang sumúlat ng sinipì

kong pahayag kayâ hindi magandang halimbawa ng katutubong kontra-

Tagalog/Filipino. Subalit inakit ang pansin ko ng kaniyang argumento hinggil sa

“equilibrium with native languages” ng Ingles at Español, sa isang bandá, at ng “not

in equilibrium with local languages” naman ng Tagalog/Filipino. Matagal nang atake

ng mga katutubong kontra-Filipino na “pinapatay” (“an existential threat”) ng Wikang

Pambansa ngayon ang mga wikang katutubo ng Filipinas. Ngunit ngayon ko lámang

nabása ang ginámit niyang argumento para higit na palaganapin ang wikang kolonyal,

ang Ingles o Español, bílang Wikang Pambansa. Hindi ito bibigkasin ng isang

katutubo na taimtim na bumása sa kasaysayang kolonyal ng Filipinas at nagmamahal

sa kaniyang lupang tinubuan. Isa nga siyáng dayuhan at kinakasangkapan ang

“multilingguwalismo” upang wasakin ang lahat ng naisúlong ng kilusan para sa isang

wikang katutubo bílang Wikang Pambansa.

Ngunit isa ring katotohanan na ang “multilingguwalismo”5 ay iwinawasiwas

na sandata ng mga kontra-Filipino. Mahigpit nilá itong iniuugnay sa globalisasyón—

isang konseptong nagdidiin sa pagpapalawak ng pananaw upang maintindihan at

mabisàng makakilos sa loob ng pandaigdigang komersiyo at politika. Tunay namang

walang modernong estado ngayon ang nabubúhay nang nag-iisa. Kailangan ng

alinmang bansa na lumahok sa pandaigdigang komersiyo kung nais nitóng

makibahagi sa makabagong teknolohiya at produkto at magtamasa ng pinakabagong

kaalaman at kasanayan. Kailangan niya, sa gayon, bílang angkla ang kaalaman sa

isang wikang pandaigdig upang magkaroon ng koneksiyong global. Sa Filipinas, gaya

ng espiritu ng EO 210 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang globalisasyon ay

9

nangangailangan ng higit na pagpapakadalubhasa sa Ingles, sukdang alisin ang

Filipino bílang Wikang Pambansa. Higit na makikinabang diumano ang Filipinas sa

kalakalan, at maging sa pagpapadalá ng mga manggagawa sa ibáng bansa, kung

magiging monolingguwal ang wika ng edukasyon at Ingles ang bigyan ng ganap na

pagpapahalaga sa mga paaralan.

Nakatimo sa panukalang ito ang makamandag na bitag ng globalisasyon.

Totoo, kailangan ang isang wikang pandaigdig para sa kalakalan at

komunikasyong pandaigdig. Ngunit hindi nangangailangang gawin itong wikang

pambansa para maging dalubhasa dito ang mga mamamayan. Kailangan lámang

maging dalubhasa sa isang dayuhang wika ang mga tao na hinahasà para sa kalakalan

at komunikasyon sa bansang gumagámit ng naturang dayuhang wika. Halimbawa, ang

maglilingkod sa DFA, ang kukuha ng kursong post-graduate sa ibáng bansa, at ang

mga negosyanteng internasyonal. Hindi lahat ay pupunta sa mga karera at propesyong

ito. Ngunit kahit ang mga OFW ay di kailangang maging dalubhasa sa Ingles lahat.

Kailangan lámang nilá ng tinatawag na working knowledge sa Ingles. Mas kailangan

pa nga nilá ang husay sa Arab kung sa Gitnang Silangan silá magtatrabaho, ng

Russian kung gusto niláng magtira sa Russia, ng Korean kung sa Korea silá

maghahanapbúhay, ng Japanese kung sa Japan silá mamasukan, atbp, atbp.

Totoo rin na maraming limitasyon ang isang monolingguwal na indibidwal at

lipunan. Mas maraming alam na wika, mas mainam. Ngunit hindi totoo, na mithiin ng

Filipino bílang Wikang Pambansa ang isang monolingguwal na Filipinas. Unang-una,

tulad ng naipaliwanag ko na’y bilingguwal ang umiiral na patakarang pang-edukasyon

mulang 1971. Ikalawa, at mas mahalagang maunawaan ng mga “pro-

multilingguwalismo,” ang pagsusúlong ng isang Wikang Pambansa ay hindi

nangangahulugan ng pagpapairal ng monolingguwalismo. Ikatlo, at dapat maunawaan

ito lalo na ng mga “pro-multilingguwalismo,” nakaatas sa Komisyon sa Wikang

Filipino hindi lámang ang pagdevelop sa Filipino kundi maging sa mga katutubong

wika ng Filipinas.

Hinggil sa ikalawa kong argumento, ibá ang mithiin ng 1935 Konstitusyon at

ni Pangulong Quezon sa paghirang ng isang katutubong wika bílang Wikang

Pambansa. Hindi ninanais ng konstitusyon na maging monolingguwal ang Filipinas.

Sa halip, ninanais ng konstitusyon ang isang Wikang Pambansa na magtataguyod sa

diwang mapagpalayà ng Himagsikang 1896 at bibigkis sa mga isla, rehiyon, at

nasyong etniko ng Filipinas. Sa pamamagitan ng isang wikang katutubo na nagagámit

ng lahat sa pagsasalitá, pagsúlat, at pagbabasá ay naniniwala si Pangulong Quezon at

mga delegado noon na higit na lulusog ang nasyonalismo at pag-ibig sa bayan ng mga

Filipino.

Ang mithiing nasyonalista na nagtaguyod sa pagpapalaganap ng Filipino

bílang Wikang Pambansa ang ayaw ng globalisasyon. Laganap ang paniwala ngayon

na ang globalisasyon ay isang niretoke lámang na mukha ng kolonyalismo. Sa

kalahatan, ang mga tagapagpalaganap ng globalisasyon ay ang mga lumang

mananákop sa panahon ng kolonyalismo. Kayâ kung naging tinik sa landas ng

kolonyalismo ang nasyonalismo noon, inaasahan mismo ng mga globalista na

magiging hadlang sa kaniláng paghaharing pandaigdig ang malakas na damdaming

nasyonalista ng mga bansang nais niláng pagharian. Ang tákot ay mula din sa

10

kaniláng pagkatanto na tumatag silá at naging lakas pandaigdig dahil sa kaniláng

mithiing nasyonalista. Alam nilá mula sa kaniláng sariling kasaysayan ang potensiyal

ng nasyonalismo upang hadlangan ang anumang mapaniil na hangarin sa likod ng

globalisasyon. Ang isang bansang matatag ay may pagkakataóng magtayô ng mga

industriyang angkop sa sarili nitóng mga pangangailangan at may kakayahang

umiwas sa anumang mapagsamantalang bitag ng globalista. Sa kabilâng dako, ang

lipunang hindi nabibigkis mabuti ng nasyonalismo ay lipunang mahinà at lubhang

bulnerable sa makinasyon at kontrol ng mga globalista.

Anupa’t kung likha ang Filipino ng isang mithiing nasyonalista noong 1935,

natural itong ituring na sagabal ng mga globalista sa kaniláng patuloy na pagkontrol

sa kalakalan at kabuhayan—at kaugnay nitó, sa gobyerno at kapalaran—ng mga

mahinà at maralitang bansa sa mundo. Mga piyon lámang ng globalisasyon ang mga

“pro-multilingguwalismo” na lumilikha ng lahat ng mga pekeng impormasyon upang

pabagsakin ang Filipino at ang mga mapagbagong planong pangwika ng Komisyon sa

Wikang Filipino.

Kung tutuusin, ang mga “multilingguwista” ang patunay sa higit na kabuluhan

ngayon ng isang wikang katutubo bílang Wikang Pambansa. Katulad ng hindi pa

lubusang pagtiim ng isang Wikang Pambansa, hindi pa nagaganap ang pangarap nina

Pangulong Quezon na bigkisin ng nagkakaisang pagmamahal sa bayan ang buong

kapuluan. Ang kawalan ng malasakit sa Wikang Pambansa ay isang mukha lámang ng

pangkalahatang kawalan ng pagmamahal sa bayan at kawalan ng dangal sa Filipinas.

Hinggil sa ikatlo akong argumento, totoo na hindi nagampanang mabuti ng

KWF ang mandato nitóng pangalagaan ang mga wikang katutubo ng Filipinas. Ngunit

hindi dahil nais nitóng “patayin” ang mga katutubong wika para idambana ang

Filipino. Bunga ito mismo ng kawalang malasakit ng lideratong pampolitika sa

Filipino at mga katutubong wika, kung hindi man ng higit niláng pagsamba sa Ingles

at sa ipinangangalandakang biyaya ng globalisasyon. Halos nabúhay lámang sa

sariling sikap ang Filipino. Pagkaraang itatag ang KWF, walang lider na nag-ukol ng

pansin sa nangyaring pamamahala sa ahensiya, walang nagkampeon upang mapalakas

kahit ang kampanya para sa Filipino, at walang nakaisip maglaan ng higit na pondo

para sa napakalakíng tungkulin ng KWF. Ang kahinaang ito ang tinutukoy ng mga

“pro-multilingguwalismo” ngunit upang isisi ang lahat sa Filipino at sa KWF.

Sa gayon, nabubúlag o nagbubulág-bulágan ang mga “pro-

multilingguwalismo” sa anumang nasisikap gawin ng KWF sa kabilâ ng karampot na

badyet at kawalang-lingap ng gobyerno. Mula noong 2013, sinikap ng umupông

kalupunan ng KWF na bumuo ng isang pambansang planong pangwika, at

makabuluhang bahagi nitó ang kailangang isinagawa upang mapangalagaan ang mga

katutubong wika. Malinaw na hindi ito binása at sinuri ng mga “pro-

multilingguwalismo.” Ang mga kontra-Tagalog sa kanilá ay agad pang nagpahayag

na ang mga proyekto ng KWF, halimbawa, upang tumulong sa administrasyon ng

MTB-MLE ay “pakikialam” sa kalayaan ng mga katutubong wika.

Humihinà ang mga wikang katutubo ng Filipinas, nanganganib mamatay ang

ilan, ngunit hindi dahil “pinapatay” ang mga ito ng Filipino. Maraming dahilan.

Pangunahin ang pangyayaring hindi naaalagaan ang mga ito. Bukod sa KWF,

kailangan sanang alagaan ang mga katutubong wika ng pamahalaang lokal, ng mga

11

ahensiya (DepEd, DSWD, DOH, NCIP, atbp) na maaaring tumulong, ng mga

samahang sibiko, ng mga tahanan, at lalo na ng mga multilingguwista. Ang ibig ko

pang sabihin, ang pangangalaga sa isang wika ay nagsisimula sa tahanan, ngunit

nangangailangan ng tulong-tulong na gawain ng mga may-ari nitó at ng lahat ng

pangkating nagmamalasakit sa wika.

Sinasáyang ng mga “pro-multilingguwalismo” ang kaniláng talino at panahon.

Sa halip, na ubusin ang kaniláng lakas para sa pagpapabagsak sa KWF, higit na

kapaki-pakinabang kung bumuo silá mismo ng mga plano—ang ipinalalagay niláng

higit na mabisàng plano—upang maisúlong ang kapakanan ng mga katutubong wika.

Sa ngayon, dahil sa limitadong pondo at tauhan, higit na nagtutuon ang programang

pangwika ng KWF sa mga proyekto ng pagpapasigla sa mga nanganganib na wikang

katutubo, at sa pagsasanib ng mga proyekto ng mga ahensiyang pampamahalaan

upang higit na maging epektibo ang pangangalaga sa mga maliit na pangkating etniko

at sa kaniláng mga katutubong wika at kultura. Kailangan ding asikasuhin ang

pagtataas ng antas ng paglinang at paggámit sa malalakíng wikang rehiyonal—na

pinagmumulan ng mga kontra-Tagalog—at napakalakíng tulong ng mga “pro-

multilingguwalismo” kung mag-uukol silá ng mga kongkretong kampanya tungo sa

gawaing ito. Sa ganoong paraan silá dapat saluduhan bílang mga tunay at

produktibong sundalo ng multilingguwalismo; hindi tulad ngayong tila mga

panatikong piyon silá ng globalisasyon upang magtanim ng mga patibong laban sa

wikang Filipino at upang iligaw ang kalooban ng mga mamamayang Filipino palayô

sa landas ng pagkakaisa, pagsasarili, at pag-unlad.

Ferndale Homes

10 Nobyembre 2019

12

MGA TALÂ

1

Virgilio S. Almario, “Hinggil sa Wika,” isang polyetong ipinalimbag

kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ng Komisyon sa Wikang

Filipino, Agosto 2019.

2 Ginámit ko ang “Filipino” upang hindi maging magulo ang pagtukoy sa

Wikang Pambansa. Gayunman, dapat ipaliwanag na hanggang noong dekada 70 ay

“Pilipino” ang tawag sa Wikang Pambansa at sa mga mamamayan at kultura ng

“Pilipinas.” Opisyal na ginámit ang “Filipino” para itawag sa Wikang Pambansa nang

mapagtibay ang 1987 Konstitusyon. Gayunman, patuloy na ginagámit ng marami

hanggang ngayon ang pinalaganap na alamat ng Linangan sa mga Wika ng Pilipinas

(LWP) na kahit “Filipino” ang tawag sa Wikang Pambansa ay dapat manatiling

“Pilipino” ang pantukoy sa mamamayan at kultura at dahil dapat manatili ang

pagtawag na “Pilipinas” sa bansa.

3 Dumanas pa ng bagong paghamak ang Filipino kamakailan dahil sa CMO 20

(CHED Memorandum No. 20 Series of 2013). Ipinanukala ng naturang memo ang

pagbago sa mga kasalukuyang kursong GE. Nagresulta ito sa abolisyon ng mga

asignaturang gumagámit ng Filipino, at sa ibáng pagkakataón, ng paglusaw sa

programang Filipino ng mga unibersidad at kolehiyo. Maraming nagsampa ng

pagtutol sa CMO 20 sa Korte Suprema, upang biguin ng isang resolusyon ng

hukuman noong 5 Marso 2019, bukod sa pagsasabing kailangan ang pagbabagong

nais ng CMO 20 kaugnay ng Batas K-12 “to improve the quality of basic education

and to make the country’s graduates more competitive in the international arena.”

4 Sinisipì ko sa bahaging ito ang mahabàng reaksiyon sa email ni Firth

McEachern para sa kolum ni Ranhillo Aquino at ipinadalá rin ni R. Aquino sa

Komisyon sa Wikang Filipino via email nitóng 2 Nobyembre 2019.

5 Kailangan kong ikulong sa panipì ang “multilingguwalismo” upang ibukod

ito sa multilingguwalismo. Tulad ng binanggit ko sa bungad ng sanaysay na ito, ang

multilingguwalismo ay isang paniniwala sa halaga ng lahat ng wika kayâ dapat

pantay-pantay ang pagpapahalaga, paggalang, at pangangalaga. Ang

“multilingguwalismo” ay isang paraan ng pagkasangkapan sa naturang pananaw

upang guluhin ang isang kilusang nasyonalista sa isang bansa at pairalin ang interes

na global ng mga makapangyarihang bansa.