33
MALAPIT SA BITUKA: 1 Kaliwaang 2 Kawing ng Wikang Filipino at ng Tunay na Pambansang Kaunlaran ni Mark Angeles (Mananaysay ng Taon 2015) “Ang isang bansang estadong nakapagpayabong ng isang wikang panlahat sa kalakhan ng mamamayan nitó ay mas matatag kumpara sa isang puta-putaki ang tabas ng dila.” - William Easterly 3 1 May malalim na pagtalakay si Rev. Dr. Melanio L. Aoanan, isang pastor ng United Church of Christ in the Philippines, sa kaniyang papel na “Teolohiya ng Bituka at Pagkain Tungo sa Teolohiyang Pumipiglas” patungkol sa konsepto ng bituka sa kulturang Filipino. Aniya, “[A]ng kapatid ay isang kontraksiyon ng ‘patid ng bituka.’ [A]ng mga magkakapatid ay nagmula sa iisang bituka. Ito’y nangangahulugan na mayroon silang malapit at matatag na buklod, at ugnayan. Ang bituka ay pinakasentro sa ating pag-iral at pagkatao. Ito ang dahilan na kung mayroong nasugatan, bata man o matanda, lagi nating maririnig ang katagang ‘[M]alayo yan sa bituka!’.” 2 Modernong bansag sa personal na pagpapalitan ng produkto o serbisyo. 3 Salin ng may-akda sa isang siniping pahayag mula sa “Social cohesion, institutions, and growth,” isang papel na isinulat nina William Easterly, Jozef Ritzan, at Michael Woolcock. Page 1 of 33

MALAPIT SA BITUKA: Kaliwaang Kawing ng Wikang Filipino at ng Tunay na Pambansang Kaunlaran

Embed Size (px)

DESCRIPTION

nagwaging akda sa Mananaysay ng Taon 2015 ng Komisyon sa Wikang Filipino

Citation preview

MALAPIT SA BITUKA:1

Kaliwaang2 Kawing ng Wikang Filipino

at ng Tunay na Pambansang Kaunlaran

ni Mark Angeles

(Mananaysay ng Taon 2015)

“Ang isang bansang estadong nakapagpayabong ng isang wikang panlahat

sa kalakhan ng mamamayan nitó ay mas matatag

kumpara sa isang puta-putaki ang tabas ng dila.”

- William Easterly3

Noong 1772, sinubukang sagutin ng pilosopong Aleman na si Johann Gottfried Herder

ang mga tanong na, Gaano kalayo ang mararating ng isip ng tao kung walang wika? at

Ano ang dapat isipin ng tao gamit ang wika?4

1 May malalim na pagtalakay si Rev. Dr. Melanio L. Aoanan, isang pastor ng United Church of Christ in the Philippines, sa kaniyang papel na “Teolohiya ng Bituka at Pagkain Tungo sa Teolohiyang Pumipiglas” patungkol sa konsepto ng bituka sa kulturang Filipino. Aniya, “[A]ng kapatid ay isang kontraksiyon ng ‘patid ng bituka.’ [A]ng mga magkakapatid ay nagmula sa iisang bituka. Ito’y nangangahulugan na mayroon silang malapit at matatag na buklod, at ugnayan. Ang bituka ay pinakasentro sa ating pag-iral at pagkatao. Ito ang dahilan na kung mayroong nasugatan, bata man o matanda, lagi nating maririnig ang katagang ‘[M]alayo yan sa bituka!’.”

2 Modernong bansag sa personal na pagpapalitan ng produkto o serbisyo.

3 Salin ng may-akda sa isang siniping pahayag mula sa “Social cohesion, institutions, and growth,” isang papel na isinulat nina William Easterly, Jozef Ritzan, at Michael Woolcock.

4 Ilan sa mga tinalakay ni Herder ang tungkol sa linggwistika at pambansang kultura. Ayon sa kaniya, ang pinakadakilang birtud ay kadalasang nakikita sa mga karaniwang tao. Malinaw na patunay ng kapangyarihang ito ang kani-kanilang dakilang epiko.

Page 1 of 23

Binuksan niya ang kaniyang diskurso sa pagbaybay sa mga palatandaan ng

makauring kamalayan sa lihok ng wika. Halimbawa, may 400 salita ang mga Arabo

pára sa “pagdaralita.” Sa Ceylon, may 12 salita pára sa “babae” batay sa uri at ranggo

sa lipunan. Sa Siam, may walong paraan ng pagsasabi ng “ako” at “kami.” Nag-iiba ang

katumbas na salita depende kung kinakausap ng panginoon ang kaniyang alipin o kung

kinakausap ng alipin ang kaniyang panginoon.

Ang ganitóng mga halimbawa na ibinigay ni Herder ay mahalaga sa pag-aaral ng

kaugnayan ng wika sa takbo ng ekonomiya, lalò na’t kung dadako sa pagsukat ng

kaunlaran ng isang bansa.

Paliwanag ni Herder, isa sa mga batas ng kalikasan na ituring ang tao bilang

isang nilalang na malayang nag-iisip, aktibong gumagampan ng mga gawain, at

ginagamit ang sariling lakas pára umusad nang pasulong. Kayâ naman dapat na

hayaan ang tao na maging isang nilalang ng wika. Ang pang-unawa at kabatiran

(besonnenheit) ng isang tao ay likas na katangian ng kaniyang uri. Nakasandig ang

kaniyang sentro de grabedad (schwerpunkt) sa pang-unawa at kabatirang ito. Wala ni

katiting na gawa ng kaniyang pagkaunawa ang maaaring mangyari nang walang likas

na katumbas na salita. Dahil dito, ang unang sandali ng pagkakaroon ng kabatiran

(besinnung) ay siya ring sandali ng paloob na paglitaw ng wika. Kinailangang mag-

imbento ng wika ang isang tao at inimbento niya ito sa nibel na pinakaakma sa kaniya.

Sagana sa mga salitang tumutukoy sa tropikal na panahon at kabuhayan ng mga

katutubo ang kaban ng wika ng partikular na saray ng mga mamamayan sa alinmang

lugar sa ating arkipelago. Ayon nga sa lider manggagawang si Cesar Chavez,

Page 2 of 23

sinasalamin ng ating wika ang ating mga sarili. Ang isang wika ay ganap na salamin ng

katangian at kaunlaran ng mga nagsasalita nitó.

Kung susundan ang sinabi ni Chavez, ganap na sinasalamin ng isang

pambansang wika ang pambansang pagkakakilanlan at pambansang kaunlaran.

Gayunman, hinihingi ng ganitóng pahayag ang malawak at mabusising paghihimay

tungkol sa pagkakaroon -- sabihin pang pangangailangang magkaroon -- ng

pambansang wika, pambansang pagkakakilanlan, at pambansang kaunlaran.

Saloy ng Ekonomiya

Kabi-kabila ang mga papuri ng iba’t ibang pinuno ng mga pandaigdigang institusyon sa

nakikita nilang pagsigla ng ekonomiya ng ating bansa. Halimbawa, noong isang taon,

ipinahayag ng pangulo ng European Council na si Herman Van Rompuy, pinakamabilis

ang paglago ng ating ekonomiya sa buong Asya. Ayon pa sa kaniya, ang ating bansa

ang makina ng pag-unlad sa ating rehiyon at progresibong iaangat ang milyon-milyong

mamamayan mula sa kahirapan.5 Sinusugan ito ni Direktor Heneral Roberto Azevedo

ng World Trade Organization. Para naman sa kaniya, pinakamabilis ang paglago ng

ating ekonomiya sa buong Asya Pasipiko. Tinukoy niya ang kompetitibong

eksportasyon bilang isa sa mga dahilan nito.6 Para naman sa Bloomberg, sumusunod

5 Mababasa ang kaniyang buong pahayag sa http://www.consilium.europa.eu/uedocs/cms_data/docs/pressdata/en/ec/144888.pdf.

6 Mababasa ang kaniyang buong pahayag sa https://www.wto.org/english/news_e/spra_e/spra58_e.htm. Page 3 of 23

tayo sa Tsina sa listahan ng mga bansang magkakaroon ng pinakamalaking pag-unlad

ng ekonomiya ngayong taon.7

Sa UP Diksiyonaryong Filipino, katumbas ng kaunlaran ang pagsulong ng

kabuhayan. Ang pagbabago ay hindi pagkabansot, kundi pag-angat at pangunguna.

Ang konsepto ng kaunlaran ay nakaangkla sa kariwasaan na ang salitang-ugat ay

diwasa o “labis-labis na kayamanan.” Hindi lámang ito pag-igi ng kalagayan o

pagtatamo ng ginhawa. At bagama’t sinasabing ang kaunlaran ay mabuting kapalaran o

suwerte, hindi ito ipinagkakatiwala sa tadhana o sugal.

Pana-panahong sinusukat ang pambansang kaunlaran. Tinatasa ito ng mga

sangay ng pamahalaan at pribadong organisasyon. Naglalatag ng plano ang

pamahalaan kung saang direksyon dapat pumihit ang ekonomiya ng bansa. Ang mga

pribadong institusyon at organisasyon naman ay nagbibigay ng mga mungkahi, o

nagbibigay-linaw batay sa mga datos. Samantala, hindi inaalagata ng kalakhan ng

mamamayan ang pambansang kaunlaran. Lalò na’t kung sila ay mga isang kahig, isang

tuka. Ang mas mahalaga sa kanila ay matugunan ang kalam ng sikmura.

Maraming paraan ng pagsukat sa kaunlaran ng isang bansa. Kabilang na rito

ang maternal at infant mortality, pagkakaroon ng mapagkukunan ng malinis at maiinom

na tubig, paglaganap at pagkontrol sa mga nakakahawang sakit, poverty incidence,

pagsasakapangyarihan ng kababaihan, literacy o school enrolment rate, pagkakaroon

ng mapagkukunan ng sapat na calorie at protein intake, life expectancy mula pagsilang,

at marami pang iba. Ang pinakapayak at pinakaredusiyonistang kalakaran ay

nakasandig sa GDP per capita (Arcand, 2013).

7 Masisipat ang ulat sa http://www.bloomberg.com/news/articles/2015-02-25/the-20-fastest-growing-economies-this-year.

Page 4 of 23

Kinakalkula ang GDP per capita sa pamamagitan ng paghahati-hati ng gross

domestic product (GDP) ng bansa sa kabuuang populasyon nitó. Nakaakma ito sa

implasyon. Sinusukat ng GDP ang kabuuang kita ng isang bansa. Ipinapakita nitó ang

kabuuang gastos sa lahat ng mga produkto at serbisyong nalikha sa loob ng isang

bansa.

Ayon sa pinakahuling datos ng Asian Development Bank (ADB), umalagwa ng

6.1% ang ekonomiya ng ating bansa noong isang taon. Iginiya ito ng patuloy na

pagtaas ng pribadong pagkonsumo, mataas na fixed investment, at pagbawi sa mga

kalakal na iniluluwas.8

Sa larang ng agham panlipunan, tinatawag ding personal na pagkonsumo o

“consumer expenditure” ang pribadong pagkonsumo. Nabigyan ito ng mas partikular na

kahulugan ng World Bank nang bansagan itong “household final consumption

expenditure.” Ganitó ang paliwanag ng pandaigdigang institusyon ng pananalapi:

Ang household final consumption expenditure ay ang halaga

sa pamilihan (market value) ng lahat ng produkto at

serbisyo, kasama na ang mga pangmatagalang produkto

(gaya ng mga kotse, washing machine, at home computer),

na binili ng sambahayan. Hindi kasama rito ang pagbili ng

mga tirahan ngunit sakop ang itinakdang renta pára sa mga

tirahang pinananahanan ng may-ari. Sakop din nitó ang mga

bayad at butaw sa gobyerno pára makakuha ng mga permit

8 Masisipat sa http://www.adb.org/countries/philippines/economy.

Page 5 of 23

at lisensiya. Dito, sakop ng household consumption

expenditure ang mga expenditure ng mga nonprofit na

institusyong naglilingkod sa mga sambahayan, kahit

magkahiwalay na inulat ng isang bansa. Sakop din ng bagay

na ito ang anumang statistical discrepancy sa paggamit ng

mga yaman na nakasandig sa dami ng yaman. (sa akin ang

salin)9

Sa datos ng ADB, sinasabing mahigit sa 60% ng paglaki ng GDP ay nalikha

mula sa pribadong pagkonsumo. Naging mas magastos ang mga mamimili. Tumaas ito

ng 5.4% nang nakaraang taon. Tinukoy na dahilan ang 2.8% pag-angat ng employment

rate, inflation, at umalagwang mga cash remittance mula sa mga Overseas Filipino

Workers (OFW). Umabot sa $27 bilyon ang ipinasok ng mga OFW sa ating bansa.

Tumaas ito ng 6.3%, o 10.9% katumbas ng piso.

Noong Hunyo 9, inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kanilang

taunang Labor Force Survey.10 Ayon sa nasabing sarbey, bumaba sa 6.4% ngayong

April 2015 mula sa parehong buwan noong 2014 ang unemployment rate ng bansa.

Unang hinati sa tatlong pangunahing sektor ang mga mayroong trabaho:

agrikultura, industriya, at serbisyo (Bersales 2015). Sa loob ng isang taon, humina ang

9 Masisipat sa http://data.worldbank.org/indicator/NE.CON.PETC.ZS.

10 Masisipat sa http://web0.psa.gov.ph/content/employment-rate-estimated-936-percent-april-2015 ang resulta ng April 2014 and April 2015 Labor Force Survey na pinamagatang “Employment Rate Estimated at 93.6 percent in April 2015.”

Page 6 of 23

agrikultura at industriya at umangat ang serbisyo.11 Pansinin ang unang bahagi ng

Talahayanan 1 sa ibaba:

SECTOR (2015) (2014)

Agriculture 29.3 30.7

Industry 16.5 16.4Services 54.2 52.8

Gayong tumaas ang bahagdan ng subsektor ng pangingisda, hindi nitó naisalba

ang sektor ng pagsasaka, paghahayupan, at paggugubat. Ganoon din ang nangyari sa

sektor ng industriya. Gayong napabuti ang subsektor ng konstruksyon, hindi nitó nahila

ang iba pa katulad ng pagmimina, pagmamanupaktura, at mga subsektor na may

kinalaman sa pagpoproseso at produksyon ng enerhiya, tubig, at iba pa. Pansinin ang

unang bahagi ng Talahayanan 2 sa ibaba:12

(2015) (2014)Agriculture Agriculture, hunting, and forestry 87.9 88.2 Fishing 12.1 11.8

Industry Mining and quarrying 3.9 4.0 Manufacturing 50.8 52.3 Electricity, gas, steam, and air conditioning supply 1.3 1.6 Water supply; sewage, waste management,

and remediation activities 0.8 0.8 Construction 43.1 41.3

Sa sektor ng serbisyo, kapansin-pansin na ilang puntos lámang ang itinaas ng

bahagdan sa mga subsektor ng transportasyon, information and communications

11 Mula sa “TABLE 1 Employed Persons by Sector, Occupation and Class of Worker, Philippines” ng April 2014 and April 2015 Labor Force Survey.

12 Mula sa “TABLE 2 Employed Persons by Sector, Subsector, and Hours Worked, Philippines” ng April

2014 and April 2015 Labor Force Survey. Page 7 of 23

technology, pampublikong pangangasiwa, edukasyon, at kalusugang pantao. Mas

maraming subsektor ang kung hindi man nanatili ang bahagdan ay bumaba pa.

Pansinin ang ikalawang bahagi ng Talahayanan 2 sa ibaba:13

(2015) (2014)

Services

Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles 35.3 35.7

Transportation and storage 13.0 12.9

Accomodation and food service activities 7.8 7.9

Information and communication 1.9 1.7

Financial and insurance activities 2.4 2.4

Real estate activities 0.8 0.8

Professional, scientific, and technical activities 1.0 1.0

Administrative and support service activities 5.2 5.2

Public administration and defense; compulsory social security 9.9 9.5

Education 6.0 5.9

Human health and social work activities 2.4 2.3

Arts, entertainment, and recreation 1.7 1.9

Other service activities 10.3 10.5

Activities of households as employers; undifferentiated goods

and services-producing activities of households for own use 2.2 2.4

Activities of extraterritorial organizatons and bodies 0.0 0.0

Hinati rin ng PSA ang mga may trabaho batay sa uri ng hanapbuhay. Kapansin-

pansin ang pag-angat ng bilang ng mga nagtatrabaho sa gobyerno, mga organisasyon,

13 Mula sa “TABLE 2 Employed Persons by Sector, Subsector, and Hours Worked, Philippines” ng April 2014 and April 2015 Labor Force Survey.

Page 8 of 23

at mga pag-aari ng mga kapitalista gaya ng planta at kompanya. Samantala,

tumimbuwang naman ang bilang ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa,

walang kasanayang manggagawa at iba pa. Pansinin ang ikalawang bahagi ng

Talahayanan 1 sa ibaba:14

(2015) (2014)

OCCUPATION

Officials of government and special interest organizations,

corporate executives, managers, managing proprietors,

and supervisors 16.5 16.0

Professionals 5.1 4.9

Technicians and associate professionals 2.6 2.6

Clerks 6.5 6.2

Service workers and shop and market sales workers 12.7 12.5

Farmers, forestry workers, and fishermen 13.0 13.3

Trades and related workers 6.7 6.9

Plant and machine operators and assemblers 5.2 5.0

Laborers and unskilled workers 31.4 32.3

Special occupations 0.3 0.3

Hindi isinama sa sarbey ang Leyte. Walang ibang paliwanag maliban sa

malaking bilang ng sambahayan sa nasabing probinsiya ang naitumba ng bagyong

Yolanda. Hindi rin isinama ang mga OFW dahil hindi sila itinuturing na bahagi ng labor

force sa bansa (2015).

14 Mula sa “TABLE 1 Employed Persons by Sector, Occupation and Class of Worker, Philippines” ng April 2014 and April 2015 Labor Force Survey.

Page 9 of 23

Ikinatuwa naman ni Kalihim Rosalinda Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at

Empleyo ng Pilipinas (Department of Labor and Employment o DOLE) ang resulta ng

sarbey. Ang pagtaas ng bilang ng mga sahuran at suwelduhan ay palatandaan diumano

ng humuhusay na kalidad ng pag-empleyo sa bansa.15

Ayon sa sarbey, umabot sa 22.637 milyong Filipino sa bansa ang may trabaho.

Gayunman, PSA na rin ang nagsabi na may 2.7 milyong katao ang walang trabaho.

Napakahalaga, kung gayon, na tukuyin ang Poverty Incidence16 sa bansa.

Sa Annual Poverty Indicators Survey (APIS) na inilabas ng PSA noong Marso,

tumaas ng 1.2% ang poverty incidence sa bansa noong unang hati ng 2014 kumpara sa

naitala noong 2013. Ibig sabihin, isa sa apat na Filipino ang isang kahig, isang tuka.

Salungat ito sa dahilan ng pagtaas ng GDP, ayon sa datos ng ADB.

Dalawang dahilan ng pagdami ng mga mahirap ang tinukoy ni Arsenio Balisacan,

pangkalahatang kalihim ng Pambansang Pangasiwaan sa Kabuhayan at Pagpapaunlad

(National Economic and Development Authority o NEDA). Una, ang napakataas na

presyo ng mga pagkain. At ikalawa, ang pagsalasa ng bagyong Yolanda. Narito ang

kaniyang paliwanag:

Dinapurak ng napakataas na presyo ng mga pagkain ang

mga magandang bunga ng per capita income. Maaaring

naiwasan ang sitwasyong ito, lalò na sa kaso ng bigas, na

15 Masisipat sa http://www.rappler.com/business/jobs/95800-ph-employment-april-2015.

16 Tawag sa bilang ng mga sambahayang may kitang mas mababa sa itinatakdang Poverty Threshold. Tinatawag ding poverty line ang Poverty Threshold na minimum na kitang sasapat pára sa isang partikular na bansa.

Page 10 of 23

siyang pangunahing pagkain ng mga pamilyang may

mababang kita, at karaniwang ng 20% ng kanilang badyet.

Habang bumababa ang presyo ng bigas sa pandaigdigang

merkado, labis naman ang itinaas ng presyo ng bigas sa

loob ng bansa. (sa akin ang salin)

Matamlay ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura kahit mahigit sa kalahati ng

populasyon ang inaasa ang kanilang kabuhayan sa agrikultura at saikatlo ng mga

nagtatrabaho ay nasa nasabing sektor (Diokno, 2015).

Napakahalaga ng mga datos na ito lalò pa’t nasa tarangkahan na tayo ng

ASEAN Economic Community (AEC). Layon ng AEC na isakatuparan ang mga

inisyatiba pára sa integrasyong pang-ekonomiya sa rehiyon bago matapos ang 2015.

Kabilang sa mga susing katangian ng AEC ang mga sumusunod: (a) single

market at production base; (b) rehiyong katangi-tangi ang ekonomiya; (c) rehiyon na

may karampatang kaunlarang pang-ekonomiya; at (d) rehiyong lubos ang integrasyon

sa pandaigdigang ekonomiya.17

Sa pagpasok ng ating bansa sa kasunduang panrehiyon gaya ng AEC, ang

pagsulong ng pambansang kaunlaran ay hindi na lámang pambansa ang saklaw.

Nakabatay na ito sa programa ng ASEAN. Kung gayon, maging ang wikang Filipino ay

kailangang dumaloy nang walang sagka sa arena ng Timog Silangang Asya at, sa mas

malawak na saklaw, sa kalakaran ng buong daigdig.

17 Masisipat sa http://www.asean.org/communities/asean-economic-community.

Page 11 of 23

Wika at Ekonomiya

Pinaratangan ang wika na siyang pinakamalaking sagabal sa pag-unlad ng tao dahil

ang wika ay isang ensiklopediya ng kamangmangan. Ang mga inaagiw na pagkaunawa

ay inilado sa wika at pinipilit tayo na tingnan ang mundo sa makalumang paraan (de

Bono, 2000).

Sa isang banda, maaaring tama ang pahayag na ito kung babalikan ang sinabi ni

Herder. Likas na katangian ng isang tao ang kaniyang pagkaunawa at kabatiran.

Sabihin pa, wala ni katiting na gawa ng pagkaunawa ng tao ang maaaring umiral nang

walang naitumbas na salita.

Ang pagkaunawa at kabatiran ng tao ang siyang maghihiwalay sa kaniya sa iba

pang uri ng hayop. Sabi pa ni Herder, ang isang taong mangmang -- nang may

kamangmangan tulad ng iba pang hayop -- na ni ang kaluluwa ay hindi

makapagbalangkas ng mga salita, ay maituturing na pinakamalungkot, pinakahangal,

pinakaabandonadong nilalang sa lahat ng lalang -- at sukdulan ang kontradiksyon sa

sarili.

Lalago at lalago ang wika habang sumusulong at lumalawak ang komunidad.

Ang sinumang hindi naghahangad ng pag-unlad ng wika -- sa ngalan ng pagkaunawa at

kabatiran -- ay hindi naghahangad ng pag-unlad ng tao, at bise bersa. Saklaw ng pag-

unlad na ito ang sari-saring aspekto kasama na ang kaunlarang pang-ekonomiya.

Mahigit sa limang dekada nang sinusuri ang ugnayan ng wika at ekonomiya. Sa

kabila nitó, ipinapalagay pa ring maliit lámang ang papel ng wika sa panunuring pang-

ekonomiya. Ang mga batayang prosesong pang-ekonomiya ay lampas sa usapin ng

Page 12 of 23

wika at kultura. Walang mahalagang epekto ang kultura sa mga baryanteng pang-

ekonomiya (Arcand at Grin, 2013).

Sa kalagitnaan ng dekada ’60, lumitaw ang isang larang ng pagdadalubhasa

tungkol sa epekto ng kakayahang pangwika sa kita sa paggawa. Binansagan itong

“ekonomiks ng wika.” Gayunman, ipinapanukala lámang ng mga pananaliksik ang

pang-ekonomiyang lapit sa pagpili, pagdidisenyo, at pagsusuri ng mga patakarang

pangwika. Dagdag pa, dahil larang ito ng ekonomiks, hindi nitó tinitimbang ang halaga

ng wika sa kaunlaran, tulad ng iginigiit ng mga dalubwika, bilang isang kasangkapang

pangkomunikasyon at bilang susing sangkap ng kultura (2013).

Batay sa pag-aaral ni Arcand, may apat na pangunahing padaluyan kung paano

nakakaimpluwensiya ang wika sa proseso ng kaunlaran (1996). Kabilang dito ang mga

sumusunod:

Una, mas maliit ang transaction cost18 sa pagitan ng mga taong nagsasalita ng

parehong wika. Ang distansiyang pangwika ay ginagamitan na lámang ng iba

pang estratehiyang pangkomunikasyon tulad ng bilinggwalismo, o kakayahan sa

intercomprehension, o paggamit ng mga tagapamagitan na magsasalin ng

usapan.

Ikalawa, ang relasyong kontraktuwal, halimbawa, sa pagitan ng panginoong

maylupa at magsasaka, ay magiging mas masalimuot kapag magkaiba ang wika

ng magkabilang panig. Maaari nitóng hadlangan ang kakayahan ng panginoong

18 Gastos sa pakikibahagi sa isang merkado.

Page 13 of 23

maylupa pára lubos na masubaybayan ang trabaho ng tagapagsaka. Pára

maiwasan ang ganitóng gusot, kailangang mag-alok ng mga kondisyong

kontraktuwal pára sa pagpapaupa sa lupa nang hindi nilalapatan ng optimality19

at nagreresulta sa mas mababang paggawa. Inaasahang, ceteris paribus, ang

isang ekonomiyang ang mga kontratang intralinguistic ay mas produktibo

kumpara sa mga larang na hindi gaanong karaniwan ang mga nasabing kontrata.

Muli, mababawasan ang problemang ito kung malawakan ang bilinggwalismo ng

mga indibidwal, o iba pang di-linggwistikong anyo ng social control20 na

magtutulak sa tagapagsaka pára magbalik ng mas mataas na produkto.

Ikatlo, isang napakahalagang bagay sa galaw ng ekonomiya ang credit

transaction. Gayunman, napakahirap magbigay ng seguro kung matindi ang pag-

aalinlangan. Maaaring isiping mas mahirap magpautang kapag magkaiba ang

wika ng magkabilang panig kumpara sa parehong wika ang ginagamit. Sa

kabilang dako, kung hinahadlangan ng social norms21 ang pagpapautang sa mga

miyembro ng parehong grupo nang mas mataas sa isang partikular na interest

rate, masasagkaan ang intralinguistic credit. Anu’t anuman ang mga paghihigpit

sa pagpapautang ay sagabal sa kaunlaran.

19 Ang alinsunurang optimality (optimality model) ay isang kasangkapan pára suriin ang mga epekto ng gastos at pakinabang sa asal ng mga hayop.

20 Pagkontrol sa asal ng isang indibidwal o grupo nang mapasailalim at tumalima sa mga patakaran ng isang kalipunan, estado, o samahang panlipunan.

21 Panlipunang pamantayan o mga patakarang nagtatakda ng mga asal na katanggap-tanggap sa isang

grupo o kalipunan. Page 14 of 23

Panghuli, maaaring lumitaw ang mga network externality22 kapag napagkaisahan

na ang paggamit ng iisang wika lámang. Karaniwang ito ang “mas malaking”

wika na ipinangangalandakan ng mas malaking bilang ng mga nagsasalita. Ang

mga externality na ito ay lilitaw sa pamamagitan ng mas madaling

pakikipagkalakalan o mas mabilis na pag-aangkin ng mga bagong teknolohiya.

Wika ng Kaunlaran

Ang sinumang nagpapakadalubhasa sa wika ay nagtataglay ng matinding

kapangyarihan (Fanon, 1967). Ang wika ay maaaring maging mitsa ng kaliwanagan sa

isip ng tao. Sa kabilang dako, kaya rin nitóng umakay patungo sa pusikit na dilim. Kayâ

ang wika ay armas ng mga politiko (Chomsky, 2003). Maaari itong gawing kasangkapan

pára itago ang katotohanan. Ang mga pakanang “katotohanang” ito ay hinuhulma pára

bumagay sa okasyon o sa taong kausap o sa sariling pangangailangan (Carlin, 2008).

Kayâ sa pag-aaral ng bisa ng wika sa direksyon ng ekonomiya ng isang bansa,

mahalagang matukoy kung nakaninong kamay ang armas na ito.

Halimbawa, kung babalikan ang apat na pangunahing padaluyan na iminungkahi

ni Arcand, mapapansin na nakapihit ang mga ito sa pakinabang ng mga

namamanginoon. Nagsisilbing tagubilin ang mga ito nang lalò pang mapaigi ang

relasyong pyudal sa pagitan ng mga panginoon at alipin (panginoong maylupa versus

magsasaka; kapitalista versus manggagawa; usurero versus nangungutang). Kapag

22 Pagkiling sa pagpili ng isang de facto na pamantayan ng kabutihan na nangingibabaw sa isang merkado sa isang partikular na panahon. May masinsing pag-aaral tungkol sa network externality sa papel na “How safe is the king’s throne? Network externalities on trial” nina Roberto Pardolesi and Andrea Renda.

Page 15 of 23

naunawaan ng namamanginoon kung paano mawawala ang mga sagwil sa

komunikasyon, mawawala, kung hindi man mababawasan, ang mga sagwil sa

produksyon.

Gayong nasagot ni Arcand kung gaano kahalaga ang wika sa may-pasubaling

pagpapahintulot na magkaroon ng kapangyarihang bumili ang kalakhan ng

mamamayan, nagbigay lámang siya ng tagubilin pára maging mas mabilis at mas

madulas ang pagpapautang. Maliwanag na isinusulong niya ang interes ng mga

namamanginoon.

Makatutulong ang gayong pag-aaral sa status quo -- partikular na sa mga

ekonomista, politiko, kapitalista, at iba pang alagad ng globalisasyon -- lalò na sa pag-

aaral at pagtutulak ng blueprint ng AEC. Ang pagkakaisang pang-ekonomiya na

ibinabandera sa sinuubang bansag na “integration” ay pagbuwag sa mga pampolitika,

pang-ekonomiya, at pangkulturang sagabal sa pagitan ng mga bansa sa Timog

Silangang Asya. Mahalagang bahagi nitó, sa partikular sa larang ng kultura, ang

pagkakaunawaang pangwika. Ano pa’t walang transaksiyong hindi ginagamitan ng

wika!

Hindi lámang sa GDP per capita nasusukat ang kaunlarang pang-ekonomiya.

Napatunayan ito ng pagtaas ng poverty incidence sa kabila ng sinasabing pagbuti ng

kabuuang kita ng bansa. Ipinanukala ng United Nations Development Programme

(UNDP) ang Human Development Index (HDI) pára kilatisin ang kaunlaran, hindi

lámang batay sa paglago ng ekonomiya ng isang bansa.23

23 Masisipat sa http://hdr.undp.org/en/content/human-development-index-hdi.

Page 16 of 23

Inuusig ng HDI ang mga patakaran ng bawat bansa. Halimbawa, paanong ang

dalawang bansang may magkaparehong GNI per capita24 ay magkaiba ang resulta sa

lagay ng kaunlarang pantao? Sa panukat na ito, mahalagang ang kalakhan ng

mamamayan ay magkaroon ng mahabang buhay, malusog na pangangatawan, sapat

na edukasyon, at disenteng pamumuhay.

Binibigyang-diin ng HDI ang paglahok ng kalakhan ng mamamayan sa

pambansang kaunlaran. Makabuluhan ang kanilang tinig. Maging ang GDP per capita

ay nagsasabing ang pagkakaroon ng sahod at suweldo ng mga mamamayan, lalò na

ang mga cash remittance ng mga OFW, ang siyang nagsasalba sa ekonomiya ng

bansa.

Kung magkaugnay ang wika at ekonomiya, sumusulong din ba ang wika sa

pagtatamo ng pambansang kaunlaran?

Ayon sa pananaliksik ni Dr. Tatsuya Amano, habang umuunlad ang mga

ekonomiya, may isang wikang kadalasang nangingibabaw sa kalagayang pampolitika at

pang-edukasyon ng isang bansa. Napipilitan ang mga taong angkinin ang

nangingibabaw na wika at kung hindi ay maiiwan sila sa kangkungan -- sa larang ng

ekonomiya at politika (2014).

Bilinggwalismo ang nakitang solusyon ni Dr. Amano. Aniya, sinusuhayan ito ng

mga pananaliksik ng Department of Theoretical and Applied Linguistics sa University of

Cambridge na nagpapakitang ang mga batang nakapagsasalita ng mahigit sa isang

wika ay mas nakalalamang sa edukasyon, kognisyon, at pakikipag-ugnayan sa kapwa.

24 Bagong bansag ng UNDP at iba pang pandaigdigang institusyon sa GDP per capita. Ito ang gross national income ng isang bansa na nakabatay sa halagang katapat nitó sa US dollar, gamit ang pamamaraang World Bank Atlas. Masisipat sa http://data.worldbank.org/indicator/NY.GNP.PCAP.CD.

Page 17 of 23

Sa larang ng linggwistika, maaari bang maglingkod ang tao sa dalawang

panginoon? Si Dr. Amano na rin ang nagsabi na mangingibabaw lámang ang isang

wika.

Mahalaga ang magkaroon ng isang pambansang wika pára labanan ang gahum

ng wikang banyaga -- sa puntong ito, ang wikang Ingles. Nalantad ni Renato

Constantino ang pakay ng mga Amerikano na mangibabaw ang kanilang wika sa ating

bansa. Ganitó ang kaniyang paliwanag:

Ang una at marahil ang pangunahing hagupit sa planong

paggamit sa edukasyon bilang instrumento ng patakarang

kolonyal ang desisyong gamitin ang Ingles bilang midyum ng

pagtuturo. Ang Ingles ay naging kalso na naghiwalay sa mga

Filipino sa kanilang nakaraan at pagkatapos ay ihiwalay ang

mga edukadong Filipino sa kalakhan ng mamamayan na

kanilang mga kababayan. Ipinakilala ng Ingles sa mga

Filipino ang isang kakatwa, bagong mundo. Sa

pamamagitan ng mga teksbuk na Amerikano, nagsimulang

matutuhan ng mga Filipino hindi lámang ang bagong wika,

kundi ang bagong paraan ng pamumuhay, salungat sa

kanilang mga tradisyon, gayon pa man ay karikatura ng

kanilang huwaran. Ito ang simula ng kanilang linsil na

edukasyon, dahil natuto sila hindi bilang mga Filipino, kundi

bilang mga kolonyal. (sa akin ang salin)

Page 18 of 23

Malaman ang biro ni Evan Esar nang sabihin niyang kasunod ng pera, Ingles

ang pangunahing pandaigdigang wika. Hindi ba’t ang wika ay maaari ring magsilbing

panukat ng pagsulong o pagkabansot ng ekonomiya ng isang bansa? Kapag

nagsimulang mabulok ang isang lipunan, ang unang tinatamaan ng ganggrena ay ang

wika. Bilang resulta, ang kritisismong panlipunan ay nagsisimula sa balarila at sa muling

paglalatag ng mga kahulugan (Paz, 1985).

Mahalaga ang pagpapayabong ng katutubong wika pára sa kalakhan ng

mamamayan na pangunahing lumalahok sa produksyon. Kung kakausapin mo sila sa

wikang kanilang nauunawaan, pumapasok iyon sa kanilang ulo. Kung kakausapin mo

sila sa kanilang wika, pumapasok iyon sa kanilang puso (Mandela, 2008).

Yayamang nabanggit na ng NEDA na kailangang tutukan ang agrikultura,

malinaw na hindi banyagang wika ang ginagamit ng mga taong bahagi ng proseso nitó,

mula sa mga magsasaka, sa mga naghahatid ng mga produkto sa mga palengke, sa

mga manininda, hanggang sa makarating sa hapag-kainan at sa sikmura ng lahat.

Kaugnay nitó, malinaw ring hindi banyagang wika ang ginagamit ng kapuwa may

trabaho at walang trabaho, maging ng mga OFW sa pakikipag-usap sa kani-kanilang

pamilyang naiwan sa bansa.

Hindi maitatatwa ang kusang paglitaw ng pambansang wika dala ng

pangangailangang pampolitika at pang-ekonomiya. Produkto ang wikang Filipino ng

lipunang Filipino. Hinubog ito ng mga pangyayari sa ating kasaysayan mula pa sa

panahong prekolonyal hanggang sa kasalukuyan. Taglay nitó ang mga kaisipang

Page 19 of 23

minana natin sa ating mga ninuno at mga kaisipang pumasok sa ating lipunan

(Lumbera, 2005).

Kapag obhetibo nang matukoy ang kahihinatnan ng bilinggwalismo, makakausad

na ang pagtalakay sa maaaring ibunga ng multilinggwalismo. Isa sa mga dapat

isaalang-alang sa rasyonalisasyong pangwika ang cost-effectiveness.25 Halimbawa nitó

ang matitipid sa pagsasalin ng mga nakasulat na dokumento, maging sa paghahasa ng

multilingual staff o pagtatayo ng mga institusyon pára sa sari-saring wika (Patten,

2001).

Sa harap ng AEC, dapat na pagtuunan ng pansin ang pagkakaisa ng mga

Filipino sa isang katutubong wikang nagbubuklod sa lahat. Maaaring magkaroon tayo

ng mapagkukunan ng lahat ng teknolohiya, nguni’t kung hindi sapat ang ating wika,

mananatiling walang anyo ang ating bisyon, ang ating pag-iisip at pakiramdam ay

tumatakbo pa rin sa lumang ikiran, at maaaring maging ‘progresibo’ ang ating proseso,

nguni’t hindi transpormatibo (Rich, 1995).

Magiging mas malinaw na rin na hindi terminus ng mga isang kahig, isang tuka

ang pagtugon lámang sa kalam ng sikmura. Maging ang mga taong mas mahirap pa sa

daga ay nagbubuklod-buklod batay sa kani-kanilang interes, paniniwala, at kaugalian.

Isang mabisang paraan ang wika pára masiyasat, mapagtibay, at mapaunlad ang mga

komunidad na ito. Gaano man kapayak o kaliit, ang mga ito ay bahagi ng produksyon

ng bansa. Malinaw na makikita ang pambansang pagkakakilanlang ito sa kultura at

lunggati ng sambayanan.

25 Tinatawag na cost-effectiveness analysis ang uri ng pagsusuring pang-ekonomiya na naghahambing sa relatibong gastos at resulta ng dalawa o higit pang hakbang.

Page 20 of 23

Walang bansang masagana ang walang sariling kultura (Padilla, 2007). Filipino

ang wika ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo. Kung hindi

natin panghahawakan at pauunlarin ang Filipino bilang ating pambansang wika, hindi

natin makakamit ang tunay at ganap na pambansang kaunlaran.

SANGGUNIAN

Almario, Virgilio, ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Lungsod Quezon: Unibersidad ng

Pilipinas - Sentro ng Wikang Filipino, 2001.

Arcand, Jean-Louis. “Development economics and language: the earnest search for a

mirage?” International Journal of the Sociology of Language (1996).

Carter, Angela. “Notes from the Front Line.” On Gender and Writing. Lungsod London:

Pandora Press (1983).

Constantino, Renato. “The Miseducation of the Filipino.” The Journal of Contemporary

Asia (1970).

Cooper, Mark. “George Carlin Interview.” The Progressive. 23 Hunyo 2008.

http://progressive.org/mag_intv0701.

Page 21 of 23

de Bono. The de Bono Code Book: Going Beyond the Limits of Language. Lungsod

New York: Viking Press, 2000.

Diokno, Benjamin. “Philippines will miss goal of halving poverty incidence this year.”

Business World Online. 10 Marso 2015.

http://www.bworldonline.com/content.php?section=Opinion&title=philippines-will-

miss-goal-of-halving-poverty-incidence-this-year&id=104105.

Erling, Elizabeth. “English and Development: Policy, Pedagogy and Globalization.”

Critical Language and Literacy Studies (2003).

Fanon, Franz. Black Skin, White Masks. Salin ni Charles Markmann. Lungsod New

York: Grove Press, 1967.

Herder, Johann Gottfried. Treatise on the Origin of Language. Salin ni Michael Foster.

Lungsod Cambridge: Cambridge University Press, 2002.

Lumbera, Bienvenido. “Saan Tutungo ang Wikang Filipino Ngayong Binubura Ito Ng

Globalisasyon?” Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. Lungsod Quezon:

Unibersidad ng Pilipinas - Sentro ng Wikang Filipino (2005).

“Mandela in his own words.” CNN.com/world. 26 Hunyo 2008.

http://edition.cnn.com/2008/WORLD/africa/06/24/mandela.quotes/.

Padilla, Jennifer. “Kalagayan ng Sining at Kultura sa Panahon ng Globalisasyon.”

Usapang Kultura. 8 Pebrero 2007.

http://avhrc-kultura.blogspot.com/2007/02/kalagayan-ng-sining-at-kultura-sa.html.

Patten, Alan. “Political Theory and Language Policy” Political Theory and Language

Policy. Political Theory: An International Journal of Political Philosophy. Lungsod

New York: Sage Publications (Oktubre 2001).

Page 22 of 23

Paz, Octavio. The Labyrinth of Solitude: And the Other Mexico; Return to the Labyrinth

of Solitude; Mexico and the United States; The Philanthropic Ogre. Lungsod New

York: Grove Press, 1985.

Rich, Adrienne. Secrets, and Silence: Selected Prose 1966-1978. Lungsod New York:

W. W. Norton & Company, 1995.

Solomon, Deborah. “Questions for Noam Chomsky.” The New York Times. 2

Nobyembre 2003.

http://www.nytimes.com/2003/11/02/magazine/02QUESTIONS.html.

Page 23 of 23