View
310
Download
2
Category
Preview:
DESCRIPTION
hum1 readings
Citation preview
Anyaya sa Karalitaan
Manuel Prinsipe Bautista
Hayan, nakahain sa dahop kong dulang: (a)
Isang subong kanin, kapirasong ulam; (a)
Ang iinumin mo’y di alak na mahal, (a)
Kundi tubing-buling galing sa Bulakan. (a)
Ang kahit sangkurot na tuyo’t tinapa, (b)
Sa patis-Malabon magiging malasa; (b)
(Iyang kasiyahan ay di nadarama (b)
Sa bunton ng huwad at lilong ligaya). (b)
Ang bigas na laong mahilab isaing (c)
Tingnan, anong puti ang mumunting butil! (c)
Pagkat magkakamay sa iyong pagkain (c)
Ay huwag mangiming dumampot ng kanin. (c)
Kaya ka niyayang ditto maghhapunan
Ay nang Makita mo ang karalitaan
Dapat mong mabatid na sa kahirapan
Lalong gumaganda ang pangit na buhay
Oy, Ang Yaman Mo’y Saan Galing?
Amado V. Hernandez
Mayron pa ba kayang ngayo’y nananalig (a)
Na ang isang hari’y nagbuhat sa langit? (a)
Gayon din, wala nang (x)
Sukat maniwalang mulala ma’t paslit (a)
Na ang bawat yama’y premyo sa swipistik. (a)
Sa lupaing ito’y nakapagtataka (b)
Na habang sa kurus baya’y nakaripa (b)
Ang nasa pedestal (x)
Ay mga patnugot na putik sa paa (b)
Nangaguunahang sa glorya mapunta. (b)
Sisilong sa Bagwis Mo Pag Nanduro Ang Ulan
Romulo Baquiran Jr.
Sisilong sa bagwis mo pag nanduro ang ulan (a)
Oh mangingibig sa duklay ng aking pangarap (b)
Kahit na umagos ang bahang pantay-kawayan (a)
Laging apoy ng iyong puso ang nasa palad (b)
Kung isilang na muli ang bituing hilaga (c)
Liparin ang bahaghari sa dulo ng malay (d)
Walang pagod na pagaspas ko’y asahang sumpa (c)
Laon nang alay sa iyo ang singsing ng buhay. (d)
Sa buhangin ng ginhawa’y sandaling humimpil (e)
Halika’t ikaw naman ang bagwis sumilong (f)
Ipikit ang mata sa unos na umaangil (e)
Matulog, sinta, sa pag-ibig kong bumabalong. (f)
Ang paglalakbay ko’y sa iyo lang humahangga (g)
Bahagharing minimithi’y ikaw pala, sinta. (g)
Juicy Fruit
Randell A. Suba
Juicy Fruit ang pag-ibig.
Sa una ay napakatamis,
Sa katapatan sinisipsip.
Juicy Fruit ang pag-ibig.
Sa una ay napakalambot
Kaya’t ingat na pinupupog.
Juicy Fruit ang pag-ibig.
Sa katagala’y tumatabang
Upang tuluyang pagsawaan.
Juicy Fruit ang pag-ibig.
Sa kangangata’y kumukunat,
Iniluluwa pagluwat.
Isang Awit
Robert M. De Jesus
Ako ay nagtanim, kapirasong luya,
Sumibol ay gabi, namunga ng mangga,
Nang pipitasin ko, hinog na papaya,
Lumagpak sa lupa, magandang dalaga
Saan ka ba nagmula
Paralumang maganda?
Ikaw ba ay naggaling
Sa halamang magaling?
Paanong sa papaya
Ikaw mutya’y nagkasya?
At paanong namunga
Ang papaya ng mangga?
Sabihing mo sa akin,
Mahal kong binibini
Paano ka nanggaling
Sa isang munting gabi?
O sintang paraluman,
Hindi ko madalumat,
Sa iyong kagandaha’y
Luya ang nagsiwalat.
Patak
Danilo R. Si
Lahat ng tao, nakakulong sa oras (a)
Di makalaya sa gipit na pag-ikot (b)
Bawat segundo, mabilis lumilipas (a)
Minutong dumaan, agad na nalimot (b)
Mula sa pagkahimbing nais gisingin (c)
Ang tagapag-ingat, na oras ay saklaw. (d)
Sa tagapag-ingat ay nais hilingin, (c)
Sandali’y tagalan sa kanyang paggalaw. (d)
Sa kanyang paglabas kami ay nabigla (e)
“ang tagapag-ingat, isa ring bilanggo!” (f)
Katandaan ay kita sa kanyang mukha. (e)
Ang sariling oras, di rin mapahinto. (f)
Sandali ay pahalagahan palagi (g)
Pagkat oras ay di na babalik muli. (g)
Haiku
(1)
Maya sa barbed wire
Katanawan ang kosang
Hubad sa araw
(2)
Kilik ang bunsong
Tinuturukan ng nars –
Ama’y nangiwi.
(3)
Rosa sa sala’y
Mahamog…kadidilig?
Luha ng plastic.
(4)
Palasyo’y tanaw,
Dayong ibon sa ilog –
Nagbubulungan.
Ako ang Daigdig
Alejandro G. Abadilla
i.
ako
ang daigdig
ako
ang tula
ako
ang daigdig
ang tula
ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig
ako
ako ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig.
ii.
ako
ang daigdig ng tula
ako
ang tula ng daigdig
ako
ang malayang ako
matapat sa sarili
sa aking daigdig
ng tula.
ako
ang tula
sa daigdig
ako
ang daigdig
ng tula
ako
iii.
ako
ang damdaming
malaya
ako
ang larawang
buhay
ako
ang buhay
na walang hanggan
ako
ang damdamin
ang larawan
ang buhay
damdamin
larawan
buhay
tula
ako
iv.
ako
ang daigdig
sa tula
ako
ang tula
sa daigdig
ako
ang daigdig
ako
ang tula
daigdig
tula
ako
Tulang Isinulaat Isang Pebrero 14
Mat P. Ordonio
Nang magsindi ang seryales
Ng sabik na posporo
Lumantad ang mapanganib mong kagandahan
Na nagbadya na dapat kang tahakin ng aking mga mata.
Sinimulan ko ang paglalakbay
Sa paanan ng iyong baba,
Sunod sa namamawis mong panga,
Tinawid ko ang bangin
Ng nagdurugo mong labi.
Inakyat ko ang matarik mong ilong
At nilangoy ang ilog ng iyong mga mata.
Muntik na akong malunod.
Buti na lamang at pumikit ka,
Pinaahon mo ako sa pampang ng iyong kilay.
At nang marating ko ang tuktok
Ng iyong buhok,
Sana’y durungawin ko ang tinahak
Kundi lamang itinapon ng hangin ang liwanag.
Detalye
Merlinda Bobis
Hindi ang umaalong itim na itim,
Kundi ang pakikipaglandian sa hangin
Ng nangungulot na buhok sa ‘yong batok.
Hindi ang kislap sa mata,
Kundi ang isang iglap na araw sa kislap.
Hindi rin ang mayabang na tapyas ng iyong ilong,
Kundi ang butil ng pawis na naligaw sa kanyang tungki.
Hindi ang linaw ng iyong mukha sa salamin,
Kundi ang unti-unting pagdagim ng iyong hininga
Sa linaw nito.
At lalong hindi ang hubog ng iyong katawan,
Kundi ang isang hubad na balikat
Na hinahagod ng buwan.
Sila ang maaari kong tulaan,
Sapagkat ang tula’y nagbibinhi
Sa isang kiliti.
Anyaya sa Aking Silid
Eugene Y. Evasco
Mangingibig akong laging bukas ang silid
Upang salubungin ang bisita
Nakapag-agiw na ako ng kisame at dingding.
Napalitan na ang kulay ng kurtina,
Nilabhan pati ang punda, kumot, kubre-kama.
Kabibilad lamang ng aking kutson at alpombra
Upang mawala ang sangsang ng putikang sapatos,
Pawisang katawan, at usok ng tabako.
Naalikabukan ko na rin ang bawat sulok ng bintana
Nang mabighani ang bisita sa tanawin ng buwan, tala,
At bukang liwayway mula sa aking kama.
Nakahanda nang sindihan ang katol at insenso
Habang may pagsasalo sa paglalatag ng hiwaga,
Habang may binubuksang kahon ng rekuwerdo,
Habang may bisitang nakatanaw at umuusisa.
Mangingibig akong laging bukas ang silid
Upang salubungin ang bisita.
Mangingibig din akong laging bukas ang silid
Upang magpaalam sa sinumang lilisan.
Pagbati sa Pagsinta
Joi Barrios
Nakatindig kong babatiin ang pagsinta.
Hindi nakahimlay at nahihimbing
Na kailangang gisingin ng halik,
Hindi nakaupo’t naghihintay
Na para bang ang kanyang pagdating
Ang kabuuan ng buhay,
Hindi nakatingkayad o lumilipad
Na nakikipaglaro sa hangin at pangarap.
Nakatayo ako’t sumasayad
Ang paa sa lupa,
Pagka’t lagi’t lagi,
Nakayapak ako kung umiibig.
Paglasap
Lilia F. Antonio
Mula sa araw na ito
Igagalang ko ang aking katawan:
Siya’y aking pakikinggan
At hindi pagkakaitan
Ng mga bagay sa paligid
Na umaakit
O maisusubo sa bibig
Maingat kong pipiliin
Ang pinakamalaki’t pulang strawberi
Kakabit pa
Ang dahon at tangkay.
Idadaiti ko sa labi
Ang magalas nitong balat.
Lalaruin ng dila
Ang bilugang hugis.
Pakikinggan ang malutong na tunog
Sa pagkagat dito.
Sisipsipin ko ang matamis-maasim na katas
At sisiilin ang natatanging bango
Bago ko lunukin at pasayarin
Sa nanunuyong lalamunan.
Ganito ang tunay na sarap
Ng anumang pagkain,
Wala sa dami ni sa halaga
Kundi nasa banayad, tahimik
At taimtim na paglalasap
Sa Aking Unang Iskuba Daybing noong Ika-30 ng Agosto 1998 sa Helen’s Garden, Dos Palmas Resort
John Iremil E. Teodoro
Gainto pala ang pakiramdam
Ng isang namamasyal sa hardin ng mga korales –
Suamsanib sa maalat na tubig
Ang katawan ko’t kaluluwa.
Sumasabay sa indayog ng aking paglangoy
Ang mga galamay ng anemone at featherstar.
Masaya ako dahil hindi natatakot sa akin
Ang mga sarikulay na isda.
Sinasabayan ako ng mga dalagang-bukid,
Sumasalubong naman ang isang matandang lapu-lapu,
May balak pa yatang banggain ang mask ko.
Pasulyap-sulyap ang mga mahiyaing clownfish
Sa tinitirhang anemone,
Ganoon din ang mga mulmol na palaging nagtatago
Sa tinitirhang bato.
Iniilawan naman ng starfish ang dinadaanan ko,
Para siguro hindi ko mahawakan
Ang natutulog na taklobo.
At ang mga mahinhing angelfish
Masusing binabantayan
Ang bawat galaw ng aking panyapak.
Ngayong hapon
Naging ganap ang aking pagkasirena.
Sa Trellis
Romulo P. Baquiran Jr.
Sa restaurant na ito
Sa ating pag-upo sa sangkalang mesa,
Parang mumunting bituin ang mga ilaw sa paligid.
Nakikinig ako sa iyong kutsilyong dila
Habang parang sibuyas nitong ginagayat
Ang aking puso.
Umiiyak ako
Pero paloob ang tulo ng aking luha
At ayaw lumabas ng aking hiyaw.
Kagilagilalas: una at tanging
Pagkakamay natin ay pagpapaalam.
Hindi na kita kaibigan
At natural lamang
Hindi rin kasintahan.
Patay Malisya
Michael M. Coroza
Huwag akalaing hindi ko nadarama
Ang haplos sa aking batok ng iyong
Mga mata. Matabil ang iyong mga daliring
Nanlalamig, nanginginig sa tuwing
May iniaabot sa akin – isinusuplong
Ang iyong ibinubulong kung mula
Sa malayo ay tinatanaw mo ako.
Oo, hindi lingid sa akin
Ang paghimas ng iyong titig sa aking
Mga bisig at ang pagtatangka mong
Kalagin ang butones ng aking polo nang ikaw
Ay pumuslit sa aking kyubikel isang tanghaling
Tapat na ako ay naiidlip. May nangyari na
Marahil kung hindi lamang biglang
Nagsindi ang ilaw at humiyaw
Ang alauna. Nasagi mo ang retrato
Ng aking misis sa iyong pagtalilis.
Hindi ka na makangiti mula noon,
Ni hindi makatugon pag kita’y
Binabati. Alam mo, ako
Ang nahihirapan sa iyo,
Tila umiiwas kang
Magkasabay tayo
Kahit sa banyo.
Paghabol ng Dyip
Elynia Ruth Mabanglo
Muli’y sinusian akong tila relos
Ng umaga –
Kamay at paang humaplit
Sa patak-patak na tubig,
Walang pangalang pagsusuot
Ng kaninumang damit,
Saka kapeng iginigiit
Sa pagitan ng suklay at lipstick.
Nagkakandado ako ng pinto
Sa bawat pag-alis,
Umaalpas ang gunita
Kahit sa nakasarang bintana,
Hindi pa ako nakalalayo’y
Naniningil na ang kalendaryo.
Sinususian akong tila relos ng umaga:
Isip at damdaming humahabol ng dyip
Sa kanto ng mga saglit,
Katawang tumatawad sa presyo
Ng mga minuto –
Sa pagitan ng tambutso,
Walang kasarian si Bernardo Carpio.
Bago ang Surgery
Jema M. Pamintuan
Isinuot ko na ang berdeng gown
At tsinelas na goma. Alas seis trenta.
Kailangan din daw hubarin ang relo,
Tamang-tama, naisip ko, hindi ko rin nais
Silipin ang bawat minuto o segundong
Lalamunin ng aking paghihintay.
Patients’ waiting room.
Ilang pagkukot ng kuko, buntong-hininga,
Kamot ng ulo ang dumaan na sa silid na ito?
Ditong ang pag-iisa’y isang napakasamang biro
Maliban, maliban na lamang para sa batang
Namumutla sa kaba, na yakap ng kaniyang ina;
Sa magkasintahan, o baka mag-asawang
Nagbubulungan ng mga salitang
Pampatanggal ng kapwa nila pangangatal;
Sa lolang sinasaluhan ng apo
Sa kaniyang pagdarasal. At saka ko minasdan
Ang sariling anino, nangungusap,
Nagsusumamong ako’y kaniyang samahan.
Sinuklian niya ang aking titig.
Di ko raw siya maaasahan.
Recommended