Upload
nimpha-gonzaga
View
427
Download
13
Embed Size (px)
DESCRIPTION
Pagsusuri
Citation preview
Republika ng PilipinasPoliteknikong Unibersidad ng Pilipinas
PAARALANG GRADWADOMASTER NG SINING SA FILIPINO
Sta. Mesa, Maynila
DIWANG MAPANGHIMAGSIK SA PANITIKAN
Iniharap kay Prop. Rogelio OrdonezGuro
Bilang kahingian sa asignaturangPanitikang Mapanghimagsik
MAF 504
NI
Nimpha Landicho GonzagaMAF-1
Hulyo, 2014
Republika ng Pilipinas
Politeknikong Unibersidad ng PilipinasPAARALANG GRADWADO
MASTER NG SINING SA FILIPINOSta. Mesa, Maynila
PAMAGAT: DIWANG MAPANGHIMAGSIK SA PANITIKAN
MANUNURI: NIMPHA LANDICHO GONZAGA
KURSO: MASTER NG SINING SA FILIPINO
URING PAMPANITIKAN PAMAGAT NG MGA KATHA MAY-AKDA
Sanaysay Si Rizal At Ang Sinasabing Halaw Ni Pedro C. Cruz Katamaran Ng Mga Pilipino Tula Ibig Kong Makita Benigno R. Ramos
Tula Sa Pagkamatay Ng Isang Newsboy Lamberto Antonio
Maikling Kwento AMBO Wilfredo Pa. Virtusio
Introduksyon
Paano nga ba ang panitikan ay maging interpretasyon ng realidad at
pagpapahayag ng may diwang naghihimagsik? Maraming manunulat na ang
nagtatangkang imulat ang mga tao sa katotohanan na laganap na nangyayari ngayon
sa ating lipunan at upang patunayan na ang panitikan ay salamin ng buhay. Sa
pagpapahayag ng mga hinaing at maalab na damdamin upang makatulong na
gisingin at mamulat sa pamamagitan ng akdang pampanitikan.
Katulad na lamang ng mga nobela na naisulat ni Dr. Jose Rizal, ang Noli Me
Tangere (1887) at El Filibusterismo (1891) na hindi lamang akdang pampanitikan
kundi bilang dokumentong historikal na nagmistulang makapangyarihang
konsensiya upang mapukaw ang kamalayan ng mga Pilipino sa hindi makataong
pamamalakad ng mga Kastila. Ang mga akdang pampanitikan na kapupulutan ng
mga kaalaman at kaisipan hinggil sa kasaysayan at lipunan.
Tuwirang tumutuligsa at naghihimagsik sa umiiral na pamumuno sa ating
bansa, mga kasaysayang pampanitikan sa panahon ng pananakop ng Kastila na karamihan sa
mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino
sa hindi makataong pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang
pamahalaan. Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng
mga Kastila sa mga Pilipino; nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na
sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga prayle at pamahalaang Kastila. Nagsisulat ang mga
Pilipino sa panahong ito ng mg a panitikang nagrerebolusyon.
Dahil sa mahigpit ang pamahalaan, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim
ng ibat- ibang sagisag-panulat upang maprotektahan ng mga sarili laban sa mapang-
alipustahang Kastila at upang patuloy na makasulat. Sa panahon ng Propaganda,
maraming mga nasulat na panitikan sa wikang Tagalog. Ang mga ito ay sanaysay,
tula, kuwento, liham at mga talumpati na hitik sa damdaming bayan. Napatatag ang
Katipunan, isinulat nila ang Kartilya ng Katipunan sa wikang Tagalog.
Sa pagpapahayag ng kanilang mga hinaing at ng kanilang maalab na
damdaming bayan, maraming tula at sanaysay ang naisulat na siyang nakatulong
upang magising ang damdaming bayan at sumilang ang nasyonalismo. Pagkatapos
ng matagal-tagal nang panahon ng pananakop ng mga Kastila, unti-unti na ring
namulat ang isipan at damdaming bayan ng mga Pilipino. Maging hanggang sa
kasalukuyan maraming manunulat ang nagtatangkang imulat ang mga mambabasa
sa kabulukan ng sistema sa ating pamahalaan at lipunang ginagalawan.
Uring Pampanitikan
Ang mga akdang pampanitikan na tatalakayin nitong papel ay sanaysay, tula
at maikling kwento. Sa maanyong sanaysay, karaniwang inaakay ng manunulat ang
mambabasa sa malalim na pag-iisip, pinapalakbay ang guni-guni sa tulong ng
matipunong kuro at magagandang pananalita. Seryoso sa pagtalakay ang may-akda.
Hindi nagpapaliguy-ligoy, tuwiran ang kanyang pahayag, hindi nagbibiro bagaman
at maaring magpasaring o mangutya. Supil o kontrolado ang emosyon ng may-akda.
Binibigyang-diin ang katotohanan, tahas ang tono at malinaw ang estruktura.
Palibhasa ay may layuning magpaliwanag, humimok, o magturo, kaya ang
paglinang ng tema ay sa pamamagitan ng lohikal na kaayusan na malimit ay
sinusuportahan ng mga patotoo. Dito umiikot ang tema ng Si Rizal at Ang
Sinasabing Katamaran Ng Mga Pilipino, sanaysay na hinalaw ni Pedro C. Cruz na
siyang tugon ng ating bayaning si Dr. Jose Rizal na nalathala sa La Solidaridad.
Ang tula ay pagpapahayag nang matapat na katotohanan na pinatinig at
pinatingkad ng pananaw at pandama ng makata. Ang mga taludtod ay hindi pumpon
lamang ng mga salita kundi manapa’y salamin ng pansariling daigdig at ng mga
karanasan, mithiin, adhikain, at kapalaran ng tao sa kanyang paligid. Gumagalugad
sa katotohanan at kahiwagan ng buhay, hinahabi ng guni-guni at ipinapahayag sa
piling-piling salita. Layunin ng mga may-akda ng Ibig Kong Makita at Sa
Pagkamatay ng Newsboy na hindi maglarawan lamang kundi gumamit ng mga
manuring ulirat at ituon ito sa “sa mga bagay na nagaganap.” Sa madaling salita,
pinag-iisa ng makata ang anyo at laman ng tula tungo sa matalas at kritikal na
paglalantad ng mga realidad sa buhay na karaniwang natatago sa paningin ng
karaniwang mambabasa.
Ang maikling kwento ang pinakamaunlad na sangay ng panitikan sa
Pilipinas. Ito ay maituturing na mayabong na punongkahoy na marami at malalim
ang mga ugat. Ang maikling kwento ay tinatawag ding maikling katha. Sangay ito
ng salaysay na may isang kakintalan. May sariling katangian kabilang na dito ang
mga sumusunod: 1 isang madulang bahagi ng buhay ang tinatalakay; 2isang
pangunahing tauhang may mahalagang suliranin; 3isang mahalagang tagpo; 4mabilis na pagtaas ng kawilihan hanggang sa kasukdulan na medaling sinusundan
ng wakas; at 5iisang kakintalan. Ang maikling kwentong “Ambo” na isinulat ng
batikang manunulat na si Wilfredo Pa. Virtusio ay may malaking impluwensya sa
moralidad ng isang tao at sa ating lipunan. Ang lipunang kinabibilangan ng mga
tauhan ay nangyayari sa tunay na buhay ng lipunan natin sa kasalukuyan.
Maliwanag na naipakita ang uri ng lipunang ginagalawan ng mga tauhan.
Naniniwala ang mga manunulat na tungkulin ng panitikan na magmulat sa
mga mamamayan tungkol sa kalagayan ng lipunan sa ilalaim ng sistemang marahas
at mapaniil. Sa pamamagitan ng estratehiyang pampanitikan, nakalikha sila ng mga
larawan ---makukulay at matatapat---ng tagisan ng pwersa sa kasaysayan na
karaniwang humahantong sa malalagim na wakas---paghihirap at kamatayan para sa
uring api. Ang mambabasa ay kailangang imulat sa mga kontradiksyon ng lipunan;
sa madaling salita, pumasok ang publiko bilang mga taong kailangang gisingin sa
kanilang kalagayang api.
Malakas ang paniniwala na ang panitikan ay salamin o repleksyon ng buhay;
kung malalim ang pagkakabaon ng akda sa ganitong paniniwala, higit ang
kahusayan nito kaysa akdang walang pagtatakdang maging salamin ng mga
kontradiksyon sa lipunan.
Sanaysay Na Mapanghimagsik
Ang pinaghalawan lathalain sa La Solidaridad ay siyang tugon ng ating
bayaning si Dr. Jose Rizal sa tuligsa ng mga Kastila sa sinasabing katamaran ng
mga Pilipino. Isang lagom sa Tagalog ng sanaysay na “La Indolencia de los
Filipinos,” na nalathala sa La Solidaridad mula noong Hulyo 15 hanggang
Setyembre 15, 1890. Hindi tinutulan ni Dr. Jose Rizal sa kaniyang sanaysay
manapa’y inamin nga niya ang pag-aangkin ng katamaran ng kaniyang mga
kababayan at nagbigay siya ng mga matuwid kung bakit ang mga Pilipino ay
masasabi ngang tamad.
SI RIZAL AT ANG SINASABING KATAMARAN NG MGA PILIPINOHalaw ni Pedro C. Cruz
Kung walang paturuan at laya ang isang lupain ay hindi magkakaroon ng pagbabagong anuman, walang paraang magagawa upang magdulot ng
pinakamimithing bunga.
Naakala kong isang mabuting patakaran ng isang bansang umiibig sa bayan ang paggunita kung di man ang pagbuhay sa lahat ng mabubuting binhi, aral at simulain ng kanyang mga bayani. Ang Martir ng Bagumbayan ay dinadakila, pinupuri at halos sinasamba ng sambayanang Pilipino dahil sa kanyang kagitingan at malaking pag-ibig sa tinubuan, kaya’t hindi magiging kalabisan, manapa’y lalong angkop na halawin ang isa sa kanyang mga sinulat ukol sa isang paksang di iilang panahong pinag-uukulan ng pansin at pagkukuro ng ating mga palasuri at palaaral.
Ang tinutukoy ko’y ang kanyang mga lathalain sa La Solidarida, at ang mga nakabasa ay yaong marurunong lamang ng wikang kastila noong may mahigit sa isang saling-lahing nakaraan. At sapagkat ang paksang kanyang pinag-uukulan ng kuro ay mahalaga sa kasaysayan ng lahi, minarapat naming bumanggit nang pahapyaw sa makatwirang paninindigan ng bayani sa nasabing paksa.
May palagay ang ating bayaning Rizal na lahat ng pagtuligsa sa sinasabing katamaran ng mga Pilipino ay anak lamang ng masamang pagpapalagay , maling pagkakilala, kasahulan ng sariling kuro, kakapusan ng pagmamatwid, kaamangmangan sa nakalipas, at iba pa. sinasabi niyang ang pagtuligsa ay nag-ugat sa mga narinig lamang ng mga sumusulat at sa hilig na pagpapasama gayon din sa masamang kaugalian ng ilan na ipalagay na mabuti ang ganang kanila at masama ang sa iba.
Nguni’t ang ating bayani, palasuri sa kabuhayan ng mga tao,bayan at lahi, gumagamit ng salaming walang kulay, may panukat na di maraya kundi bagkus naglalantad ng katotohanan, walang pangiming magsabi ng matwid at bukas ang puso at isipan sa paglalahad ng kanyang kuro ay nagpaliwanag sa isang paraang kasiya-siya.
Hindi niya itinakwil na may matatagpuang katamaran sa mga Pilipino. Ipinahayag niyang sa pagsusuri sa lahat ng tao at sa lahat “naming kakilala simula sa kabataan ay nababakas ang isang katamaran.” Gayon man, gaya ng katotohanang walang nangyayaring di may dahilan , hindi walang sanhi ang gayong ugali ng mga kababayan natin.
Ang pangunahing sanhi, aniya, ay nag-ugat sa hilig dahil sa di nagbabagong takbo ng panahon.
Bilang isang paghahambing ay kanyang sinabi, “Ang mainit na singaw ng panahonay pumipilit sa isang tao na manahimik at magpahinga, gaya rin ng pangyayaring ang lamigay nagtataboy sa tao upang gumawa at maging masigla. Dahil dito, ang Kastilaay lalong tamad kaysa Pranses; ang Pranses ay lalong tamad kaysa Aleman.” At ang kanyang dugtong: “Ang mga Europeo ring ito na labis-labis magparatang ng katamaran sa mga tao sa mga kolonya (at ang binabanggit niya’y hindi na ang mag Kastila kundi ang mga Aleman at Ingles ) ay paanong
nangamumuhay sa mga bayang mainit ang singaw. Naliligid ng mga utusan, kailanman ay hindi sila naglakad kundi lulan ng mga sasakyan; at kinakailangan ang mga alila hindi lamamg upang mag-alis ng kanilang bota kundi upang sila’y abanikuhan o paypayan.
Anupa’t sa kanyang pansin, sila’y nabubuhay na sagana, kumakain ng mabuti, at gumagawa sa kanilang sariling kabutihan, samantalang ang mga Pilipino ay di man makatikim ng masarap na pagkain; walang inaasahan at gumagawa para sa iba, at gumagawang hirap at napipilitan.
Marahil, aniya pa, ay sasabihin ng mga puti na sila’y sadyang hindi hiyang sa panahon dito, ngunit iya’y isang pagkakamali, sapagka’t ang tao’y maaaring mabuhay sa alin mang singaw ng panahon. Ang pumapatay sa mga Europeo sa mga bayang mainit ay ang pagmamalabis sa alak, sapagka’t ibig nilang ugaliin sa ilalim ng ibang langitang pinagkaugalian nila sa kanila.
Ipinaliwanag ni Rizal na sa mga bansang mainit ang singaw ay hindi mabuti ang mahihirap na gawain, samantalang sa mga bayang malalamig, ang hindi pagkilos ay nangangahulugan ng paninigas sa lamg; ang hindi paggawa ay kamatayan. Kaya naman ang Kalikasan na nakauunawang tulad ng isang makatarungang ina ay nagdulot ng matabang lupain bilang gantimpala, at ang pagbubungkal dito ng isang oras ay katumbas ng gawain sa isang araw sa mga lupaing malalamig.
Gayon man ay sinabi niyang hindiligtas sa katamaran ang mga Europeo. At ang kanyang tanong: “ Hindi ba natin nakikitang ang masiglang Europeo, yaong pinalakas ng taglamig, ay nagsisilisan sa kanyang gawain sa maikling panahon ng tag-init, at ipinipinid ang kanyang kamalig, at ginugugol nila ang kanilang panahon sa kasasalita at kakukumpas sa lilim, at tabi ng isang kainan, nagtutungo sa mga paliguan at nag-uupuan at nag papalakad-lakad? Gaano pa sa mga bayang mainit na ang dugo ay pinasusubo ng walang hulaw na init ng Araw, at ang paggawa ay nakapanlalata sa pagod?”
Bukod diyan ay may mainam siyang banggit sa mga bagay na nasaksihan sa Maynila: “Sino ang tamad sa mga tanggapan sa Maynila, ang kawawang kawaning pumasok mula sa ika-8 ng umaga o ang umuuwi bago magtanghaling-tapat o ang walang ginawa kundi ang humitit, magkatang ng mga paa sa silya o sa mesa at makipag-usap sa kanyang mga kaibigan ukol sa kasamaan ng iba?”
Palibhasa’y isa siyang manggagamot at dalubhasa, inihambing ni Rizal ang kalagayan ng katamaang ipinararatang sa mga Pilipino sa isang maysakit, ngunit ipinakilalang ang pagkakasakit o ang paglubha ng karamdaman ay hindi dahil sa panghihina ng mga sangkap ng katawan kundi dahil sa masamang pagtingin ng manggagamot o ng pamahalaan. Gayon man, ang sisi ay ibinubunton sa balana at ayaw aminin ang sariling pananagutan.
“Ang katamaran ng mga Pilipino ay isang sakit na malubha nguni’t hindi minana.”
At ang ganyan pahayag ay pinatunayan niya sa pagsasabing ang libu-libong Pilipino, bago dumating dito ang mga Europeo ay may masiglang pakikipagkalakalan sa lahat ng bansang karatig gaya ng Tsina, Borneo, at Molukas. Ipinaliwanag niyang nang dumating dito si Pigafetta, kasama ni Magallanes sa unang pagdaong sa Samar, ay nakatugon sila roon ng mga kalakal, samantalang sa Butuan ay nasaksihang ang mga tao’y gumagamit ng mga damit na yari sa seda at mga balarawa may mahahabang pulugang ginto: Ang kanilang pangunahing kalakal ay bigas, dalanghita, limon at sagana sa kabuhayan sa kapuluan, maging sa Palawan, bukod sa ang lahat halos ay gumagawa sa kanilang sariling bukid.
Sinasabing limangpung taon bago dumating ang mga Kastila sa Luson, ang mga mamamayan dito ay nakauunawa na ng wikang Kastila. At ang ekspidisyon ni Legaspi sa Butuan ay nakatagpo ng mga mangangalakal na taga-Luson, may mga paraw na puno ng pagkit,kumot,porselana at iba pa, samantalang sa Sebu ay may saganang mina at sangkap na yari sag into,matao at laging dinadaungan ng mga sasakyang buhat sa Indiya. Nang sunugin ng mga Kastila ang mga kinabuhayang ikinaramay ng maraming kaluluwa, ang kapinsalaan ay madaling nalunasan ng saganang sangkap at ani sa mga pulong kanugnog.
Bilang pagpapatotoo sa lahat nang iyan ay kanyang tinukoy hindi lamang si Morga, hindi lamang si Chirino, kundi pati sina Colin, Argensola, Gaspar de San Agustin at iba pang nag-ukol ng pansin sa ating kalakal at kabuhayan nang mga panahong yaon.
Lumilitaw na ang mga Pilipino sa kabila ng singaw ng panahon, sa kabila ng kanilang kaunting pangangailangan (kakaunti noon kaysa ngayon) ay hindi mga tamad ng katulad ng mga Pilipino ngayon, at maging ang moral at ugali ay hindi rin kagaya ng kanilang inaambil sa atin.
At ang mahalagang suliranin ay ito:Ano ang dahilan nakatulong sa pagkakatulog ng nakamumuhing hilig na ito
ng mga Pilipino? Bakit ang sambayanang Pilipinong dating maibigan sa kanilang kaugalian, ay tumalilis sa dating hilig sa paggawa, sa kalakalan at sa paglalakbay sa ibang bansa hanggang sa lubusang malibot ang kanyang kahapon?
“Ang ugat ng hilig na ito ngayon sa hindi paggawa ay ang kamatay-matay na dagok ng mga pangyayari, ang nabigong pagsisikap ng mga tao, ang kandungan at kamangmangan, mga maling simulain, at ibang bunga ng kapusukan, na humamon sa katamaran na nagimg malubha sapagka’t sa halip na lunasan sa pamamagitan ng katalinuhan, ng maingat napagbubulay-bulay at pagkilala sa kamaliang nagawa ng masamang pulitika, sa kabulagan at kapabayaan ay lalo’t lalong lumala hanggang sa kasalukuyang kalagayan.”
Sapagka’t dumating ang mga digma.
Nagkaroon ng mga ligalig na bunga ng pagbabago ng mga pangyayari. Maraming labanan ang kinasuungan. Nagkaroon ng mga patayan at paghihinalaan ukol sa paghihimagsik. At maidaragdag pa riyan ang panunulisan ni Limahong, at ang hindi matapos-tapos na pakikihamok na kumaladkad sa mga Pilipino upang ipagtanggol ang karangalan ng Espanya, at ang pagpapalawak ng kapangyarihan ng mga Kastila sa Borno, Molukas, Indo-China, at itaboy ang kalabangmga Olandes.
Sa dakong huli ng lathala ni Rizal ay sinasabing “gumagawa ang tao dahil sa isang layunin; alisin mo ang layuning iyan at siya’y mananatili sa hindi paggawa.” Idinugtong pa niyang “ ang pinakamasipag na tao sa daigdig ay maghahalukipkip ng kamay buhat sa sandaling makilala niyang kabaliwan lamang ang gumagawa nang walang mapapakinabang, at ang bunga ng kanyang gawain ay magiging sanhi ng kanyang pagkasawi.”
Ang mga Pilipino, ayon sa bayani, ay nagsikap na ring magapi ang naghaharing katamaran, ngunit marami siyang kalaban at hindi siya nagtagumpay. Sinabi pa rin na sa isang tahanang naliligalig ay walang sinisisi kundi ang puno o ama ng tahanan. At sa kanyang halimbawa, ay ipinaliliwanag na ang isang taong walang laya sa paggawa ay walang pananagutan sa kanyang gawain, at sapagka’t ang Pilipino, sa pamamahala ng pamahalaang dayo ay walang laya, hindi sila masisisi kundi ang mga namamahala na rin Nagbigay pa nga ng masamang halimbawa ang pamahalaang nakasasakop, ayon kay Rizal, sapagkat sila’y naliligiran ng mga utusan at inaaring hamak ang paggawa.
Hindi pa nasiyahan sa ganyang mga simulaing inihasik ay nagturo pa ng sugal, at ang sugal ay nakakapagpapatamad.
Paano maituturing na mapanghimagsik ang sanaysay na ito?
Sa kabuuan masasabi natin na hindi kinampihan o binatikos ng may akda ang
nasabing katamaran, bagkus binigyan niya ng hustisya ang nasabing katangian sa
pamamagitan ng pagtitimbang ng mahahalagang bagay na naka-impluwensya sa
nasabing katamaran umano ng mga Pilipino. Ito ay pagtuligsa at pambabatikos sa
umiiral na sistema sa panahon ni Dr. Jose Rizal.
Ang sikap at pagkukusa ay nawala sa mga Pilipino dahil din sa kagagawan
ng mga Kastila. Kinitil din ng mga kastila ang pagmamahal ng mga Pilipino sa
paggawa dahil sa tinatawag na “forced labor”.
Dahil sa mga masasamang palakad ng pamahalaan, tiwaling pagtuturo ng
relihiyon at dahil sa ugali na rin ng mga Kastila.Tiwali ang sistemang edukasyon,
kung mayroon mang edukasyon. Ang itinuturo sa mga paaralan ay dasal at iba pang
karunungang hindi magagamit ng nagsisipag-aral. Walang kursong pang-
agrikultura, pang-industriya at iba pa, na lalong kailangan noon ng Pilipinas.
Laganap rin ng mga panahong ito ang pagsusugal na kinahumalingan ng mga
Pilipino. Inaasa na lamang ng mga Pilipino ang kanilang kapalaran sa sugal. Mataas
ang buwis na ipinapataw sa mga Pilipino, kaya’t ang kalakhan ng bahagi ng
kanilang inaani ay sa pamahalaan o sa mga prayle napupunta.
Ang pananakop at ilang mga kaguluhan na naganap sa lipunan ang nagpalala
sa kalagayan ng Pilipinas. Sinabi ng mga Prayle na ang mga mahihirap ay may higit
na oportunidad na makaakyat sa langit. Dahil dito maraming Pilipino ang
naniniwala na hindi na nila kailangang magkaroon ng ilang yaman mula sa
pagtratrabaho dahil hindi rin naman nila ito madadala sa langit Tinanggap na ng
mga Pilipino na sila ay nakababa sa mga kastila. Bukod pa dito, hindi sila
nabibigyan ng mga oportunidad na tulad ng ibinibigay sa ibang lahi.
Gusto ng mga Pilipinong mag-aral, walang paaralan o kung mayron ay
kulang sa gamit at wastong salalayan ng karunungan. Gusto ng mga Pilipinong
magnegosyo, walang puhunan at walang proteksiyon sa pamahalaan. Gusto ng mga
Pilipino na magbungkal ng lupa at magtayo ng industriya, mataas naman ang buwis
at nagsasamantala pa ang mga pinunong bayan.
Bukod sa mga iyan, ang Pilipino’y hindi tumatanggap ng karampatang halaga
sa kanilang mga produkto, matapos alipinin ang mga Pilipino, sila’y pinagagawa
para sa sarili nilang kapakinabangan, at ang iba nama’y pinipilit na sa kanila
ipagbili ang inaani o produkto sa maliit na halaga at kung minsa’y wala pang bayad
o kaya’y dinadaya sa pamamagitan ng mga maling timbangan at takalan.
Layunin ng sanaysay na ito na imulat ang mga mambabasa at pagmunihan
ang mga katibayang pangkasaysayan na nagsasaad na hindi likas na tamad ang mga
Pilipino. Ang sabi nga ni Rizal “Ang katamaran ng mga Pilipino ay sakit na
malubha ngunit hindi minana.” Ang kawalan ng diwa ng pagkakaisa ay sanhi rin ng
katamaran ng mga Pilipino.Walang pagkakaisa ang mga mamamayan, wala silang
lakas na hadlangan ang mapaminsalang hakbang ng pamahalaan at iba pang
puwersa ng lipunan. Wala ring pagsusumigasig upang maisagawa ang mga bagay
na makapagpapaunlad sa nakakarami.
Tulang Mapanghimagsik: Ibig Kong Makita
Ang tulang"Ibig kong Makita" ni Benigno R. Ramos ay sumasalamin sa
suliranin ng ating lipunan laban sa moralidad. Nagnanais itong makita ang
magagandang asal ng Pilipino, kailangan ng matalinong pagpasya na itanghal ang
kabutihan at itakwil ang kasamaan. Pinatutunayan ng maraming kritiko na ang
bawat pananaw na ginagamit sa pagsusuri sa alin mang akda ay may kakambal na
pilosopiya sa buhay. Ito’y matatagpuan sa pagpapahayag na ginagamitan ng
kaisipang moral.
IBIG KONG MAKITA
Benigno R. Ramos
“Ibig kong Makita ang bayang dakilang pangarap ni Rizal, ang bayang may budhi at di natatakot sa dayuhan”. Ibig kong Makita ang isang lalaki sa panunungkulan na nagkakasya na sa sweldong sa kanya'y kalood ng bayan; Ibig kong Makita ang isang pinunong maalam dumamay , katoto ng lahat at walang higanti sa kaaway; Ibig kong Makita ang isang lalaki kung pulitiko man ay matuto sanang tumupad sa kanyang pangako't parangal; Ibig kong makita ang isang pangkating hindi manlilinlang at di uunahin ang sariling buti kahit magbulaan; Ibig kong makita ang pamahalaang hindi nagbibigay ng p’westo kung hindi sa matatanda na at may kasanayan; Ibig kong makitang mawala na rito ang Pulitikahan at nang hindi tayo laging nababagabag hanggang magpatayan; Ibig kong makita ang unibersidad na tinuturuan ang magugulang na at di mga batang halos walang malay; Ibig kong makita ang isang medikong kung nakararaan ng isang maysakit, kahit di tawagin, ay kusang aalay; Ibig kong makita'y isang abogadong magiging tanggulan at di babaluktot dahil sa salapi at santong katwiran; Ibig kong makita'y isang botikaryong hindi magpapalabnaw ng timpla ng gamot at di magdaraya sa hangad na yumaman; Ibig kong makita ang kadalagahang mahinhin, marangal, mapuri, marunong at sa wika natin ay sanay na sanay; Ibig kong makita ang kabinataang malakas, matapang, malaya, bihasa, at sasama agad kung maghimagsikan; Ibig kong makita ang isang simbahang di mangangalakal sa ngalan ng Diyos at di sumisingil sa gawaing banal; Ibig kong makita ang pagkakaroon ng gawaan ng awto at damit, baso at bubog, ng papel at pinggan; Ibig kong makitang tayo ay marunong gumawa ng tanang kailangan natin at di tulad ngayong tagabili lamang; Ibig kong makita'y mga Obreristang hindi salanggapang na kunwa ay lider ng mga Obrero bago'y tagasakal; Ibig kong makita ang mga Obero ay matututo lamang kilanlin ang tigre at saka ang tupa sa mga balangay Ibig kong makitang bawat mahirap ay may pahayagan at nang hindi bawat mandaraya'y pinaniniwalaan; Ibig kong ating eskwela publika ay maging aralan ng pagkamagiting at huwag lagi nang sayaw nang sayaw;
Ibig kong ang ating Nayo't Bukid ay may Paaralan na wala nang bayad at wala pang gugol sa mga … ambagan; Ibig kong ang ating matatanda'y matutong magdasal sa sariling wika at nang matatalos ang ibig isaysay; Ibig kong ang isang makata ay siyang maunang maunang gumalang ng kanyang salita at mga bisyo sana ay ilagan; Ibig kong ang isang dalagang maganda'y ingatang nagpasyal sa awto ng isang lalaki at baka sa dulo ay kulungan; Ibig kong ang isang tao ay umibig ng di lalakipan ng masamang hangad na masamantala ang kasuyong hirang; Ibig kong makita ang mga binatang hindi nanliligaw dahil lang sa pilak ng isang babae na tinatapatan; Ibig kong makita ang isang pulis na hindi si Bantay-Salakay at ang mga titik na hindi pasusuhol at di magnanakaw; Ibig kong makita ang pamahayagang hindi nasisilaw sa mga anuns'yo at sa mga Apong makapangyarihan; Ibig kong makita ang hukom na walang tanging kinikilingan kundi ang matuwid at lahat-lahat sa kanya ay pantay; Ibig kong makita, sa isang salita, ang Pangasiwaang hindi pang-kumpare, hindi pampartido't di pangkaibigan; Ibig kong Makita ang bayang dakilang pangarap ni Rizal, ang bayang may budhi at di natatakot sa mga dayuhan!
Paano maituturing na mapanghimasik ang tula na "Ibig kong Makita" isinulat ni Benigno R. Ramos?
Napakarami nating problema na kinakaharap at layunin ng akda na ito na
mabigyan ng pagkakatataon ang mga mambabasa na makilahok upang mabawasan
man lang ang umiiral na problema sa kasalukuyan.Kapag nasasabi ang katagang
problema nariyan ang kahirapan, pagkagutom, edukasyon, mga pulitikong kurakot,
sistema, malaking populasyon at martamin pang iba.
Pero kung iisipin natin, ang mga problemang nasabi ay magkakaugnay, may
relasyon, magkakadugtong.Lahat ito ay nakakahadlang sa pag-unlad ng bansa.
Maaari rin na ang ugat ng lahat ng mga problema ay nasabi na, di nga lang natin
alam kung pano ipapaliwanag.Sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin, parami ng
parami ang mga mamamayan na nababalisa. Pero sa gitna ng karamihan ng
kababayan nating mahihirap, bakit may mga taong sobrang yaman?
Dito na pumapasok ang iba pang mga problema.
Una, Edukasyon, may mga mahihirap dahil hindi sila nakapag-aral dahil wala
din silang perang pampaaral. May mga nakapag-aaral nga pero hindi nila ginagamit
nang maayos ang napag-aaralan nila. Meron ding nagpapanggap na nag-aaral pero
wala talagang natututunan.
Pangalawa, Nariyan ang kawalan ng sinseridad sa panunungkulan ng mga
pulitiko at nagtatrabaho sa gobyerno na ang palaging iniisip ay kung paano
makakakuhasa kaban ng bayan.....hindi daw naman lahat pero karamihan sa kanila.
Ang kahirapan natin ay kagagawan ng mga namumuno sa pamahalaan, wala silang
ibang intesyon sa posisyon kundi magpayaman. Sa pulitika, pag nanalo yung tatay,
isusunod na yung asawa tapos mga anak, tapos mga kamag-anak. Tuloy- tuloy na
ang pag-akyat sa pwesto ng buong angkan kahit hindi sila nararapat magkaroon ng
pwesto sa gobyerno. Meron talagang mga taong ayaw magpalamang sa ibang tao.
Kapag meron silang ayaw sa sistema, dinadaan nila sa karahasan at pananakot.
Kailan kaya natin makikita ang pagbabago na nais makita ng may-akda?
Tulang Mapanghimagsik: Sa Pagkamatay ng Isang Newsboy
Si Lamberto Antonio ay batikang makata, kwentista, at mananalaysay.
Isinulat ang akda sa simula ng dekada’80, subalit saksi tayo na naglipana pa rin sa
ngayon ang mga batang naghahanap-buhay sa lansangan. Ang child labor ay isa pa
ring pangunahing problemang panlipunan.
. SA PAGKAMATAY NG ISANG NEWSBOY
Lamberto Antonio
Hindi na siya maaaring ibangon Ng mga pahinang naging pananggalang Sa kahubdan at matinding gutom.
Maaari lamang siyang takpan ng mga iyon, At ipagsanggalang sa mga langaw, Sa huling pagkakataon.
Sapagkat musmos siyang nawalan ng pulso, Wala na siyang panahon upang gagapin Ang mga pangyayaring nagpapaikot sa mundo.
Marahil ay hahanapin siya sa pag-aalmusal Ng mga taong nahirati sa pagbasa Ng balitang kasing-init ng kape’t pandesal.
Sayang at di na niya masisilayan (Sa kauna-unahang pagkakataon) Ang sariling retratong naligaw
Sa espasyong batbat ng anunsiyo— Newsboy na biktima ng isang kaskasero, Gumulong ang ulo na parang sensilyo.
Paano maituturing na mapanghimasik ang tula na isinulat ni Lamberto Antonio?
Ang paglipana ng mga batang nagtatrabaho sa lansangan ay tanda ng
matinding kahirapan. Nakalulungkot na ang mga batang sana’y naglalaro at nag-
aaral ay nakikipaghabulan sa dyip, ginagaygay ang mapanganib na highway upang
makaraos sa bawat araw. Karamihan sa mga batang ito na nasa edad 17 pababa ay
magbabasura, nagpapedicab, magbabakaw, mangingisda, industrial workers (cyber
sex), domestic helper, at manininda sa lansangan. Sa mga kanayunan at liblib na
pook, nariyan ang mga batang manggagawa sa mga minahan, pangisdaan, tubuhan,
atbp. Kahirapan ng buhay ang nagtulak upang magkaroon ng mga batang
manggagawa, mga batang manggagawang dapat na nasa paaralan ngunit kailangang
magtrabaho ng maaga dahil sa kagutuman, dahil hikahos ang mga magulang, dahil
hirap ang buong pamilya.
Inilalarawan ng akdang ito ang kondisyon na ang paksa ay naglalayong
pukawin ang ligalig ng mambabasang may nalalabi pang konsensya at malasakit sa
kapwa lalo sa ating gobyerno, may isang sandali sa tulang “Sa Pagkamatay ng Isang
Newsboy” ni Lamberto Antonio na nagpadanas, hindi lamang nagpaunawa, ng
kahulugan ng isang salita dahil sa mga puwersang nilikha ng mga nakapaligid na
salita sa pahina, isang sandali kung kailan masasabing nagkaroon ng tunay na
pagpukaw sa damdamin ng mambabasa upang maipadama ang kahirapan ang
dinanas ng mga mga batang nagtatrabaho sa lansangan.
Karaniwan sa pamilyang Pilipino ay binubuo ng 2-3 na anak kaya kung
titignan, malaking bahagi ng nakakaranas ng gutom ay mga bata. Ang malaganap,
mabilisan at patuloy pagtataas ng presyo ng langis kasama ng presyo ng bilihin ay
nagpapalalala sa kagutuman ng mga bata. Hindi kinakaya ng kakarampot na sweldo
o kita ng kanilang mga magulang ang halaga ng bilihin. Nasasakripisyo ang
kalusugan ng mga bata kapalit ng malaking tubo ng mga kumpanya ng langis at
batayang bilihin. Ang karapatan sa pagkain ay kapantay ng karapatang mabuhay.
Ito ay batayang karapatan ng lahat ng tao lalo na ang mga bata. Ang kagutuman at
malnutrisyon ay mga problemang bunsod ng kawalan ng pambansang
industriyalisasyon, ng tunay na repormang agraryo, ng trabaho at nakabubuhay na
sahod ng manggagawa.
Ang mga bata ay may limitasyon sa kaalaman at pisikal na kakayahan upang
ipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa iba’t ibang tipo ng paglabag
sa kanilang batayang karapatan. Dahil dito, masasabi natin na ang mga batang
Pilipino ay isa sa pinaka-bulnerableng sektor sa isang lipunang laganap ang
kahirapan at kawalan ng hustisya.
Ang kalagayan ng batang Pilipino ay salamin ng lipunang Pilipino.Ang
pagsusulong ng kapakanan at pagkalinga sa mga bata ay isang panlipunang
responsibilidad.Bukod sa pagkain, ang tahanan ay isa sa pangunahing kailangan ng
tao lalo na ng mga bata dahil ang tahanan ang kanilang unang paaralan. Bukod sa
nagsisilbing proteksyon sa init at lamig, ang tahanan ay lugar ng pagkalinga ng
pamilya at pamayanan. Dito hinuhubog ang pagkatao ng mga bata. Kung kaya't
kapag pinagkait sa kanila ang tahanan, o kaya'y pinalayas o dinemolis ang kanilang
bahay, hindi lamang pisikal na istruktura ang sinisira kundi ang buhay-pamilya at
buhay-pamayanan ng mga bata. Ang mga relocation sites ay mas masahol pa ang
kalagayan kumpara sa mga komunidad ng maralita dahil ito ay malayo sa trabaho o
hanap-buhay, walang kuryente at malinis na tubig, hindi maayos ang daan, at
malayo sa paaralan at ospital.
Isa ang Pilipinas sa may pinakamasahol na porma ng "child labor" sa anyo
ng pagtatrabaho sa bukid, pagpapaalila bilang kasambahay at pagpapatrabaho sa
mga kriminal na sindikato sa droga at prostitusyon. Nalalantad sila sa mga
mapanganib sa sitwasyon, mga lihis na gawi, at lalo pang paglabag sa kanilang
karapatan bilang bata at bilang tao.
Dugo at karahasan ang prinsipal na imahen sa tulang ito, sa kanyang
kamatayan, wala na siyang pagkakataong unawain ang mga pangyayaring taglay ng
mga kopya ng pahayagang kanyang ipinagbibili. Bukod dito, hindi na niya
masisilayan (sa kauna-unahang pagkakataon) ang sariling retratong naligaw sa
espasyong batbat ng anunsyo---
Ang pinakahuling imahen—“Gumulong ang ulo na parang sensilyo”---salapi
ang sensilyo, at salapi ang sagisag ng mga makapangyarihan sa lipunang sumaksi sa
buhay at kamatayan ng newsboy. Nauwi sa isang walang halagang bagay ang buhay
ng isang indibidwal. Naging balita ang isang tagapagbili ng bagay na nagbibigay ng
balita anunsyo sa mga mamamayan.
Layunin ng akdang ito na matapang na mailantad ang katotohanan sa tulong
ng panitikan. Laganap ang kahirapan at gutom na namamayani sa ating bansa at
marami pang buhay ang masasakripisyo lalo na ang mga batang umaasa lamang sa
biyaya na makukuha lamang nila sa lansangan sa halip na tulong ng gobyerno.
Maikling Kwentong Mapanghimagsik: Ambo
Ang maikling kuwentong “Ambo” na hango sa kalipunang Ambo at iba pang
akda ay nagwagi ng unang gantimpala sa Gawad Balagtas noong 1969. Ito ay
isinulat ng batikan at premyadong manunulat na si Wilfredo Pa. Virtusio, isang
kilalang manunulat sa Kontemporaryong Panitikang Pilipino.
Ang pagdaranas ng sagad na kahirapan at gutom ay isang realidad sa ating lipunan.
Malinaw na makikita ang realidad sa kwentong Ambo. Si Ambo at ang kanyang
pamilya ay kumakatawan wsa milyun-miltong Pilipinong nagdaranas ng labis na
kahirapan at gutom. Ang pagdurusang dulot ng hirap at gutom ay nagtulak sa
kanyang gumawa nang hindi nararapat lalo pa’t ang ugat ng kanyang pagdurusa ay
ang pagwawalambahala ng pamahalaan gayundin ang korupsiyon o mga
katiwaliang nangyayari sa pamahalaan. "Kung minsan nakagagawa ang tao ng
kasalanan dahil din sa kapwa tao."
Sa kabila ng marami ng batas at karapatang pantao na inamiyendahan,
ginawa at inilathala ng ating gobyerno't mambabatas, laganap pa rin ang pang-aapi
at marami pa rin ang mga taong di nabigyan ng sapat hustisya sa ating lipunan.
AMBOWilfredo Pa. Virtusio
Dati-rati, alas-singko pa lamang ay gising na si Ambo, nakabihis na, nakainom na ng malabnaw at matabang na kape at naglalakad na---- naglalakad lamang----patungo sa opisina ng sangay na iyon ng gobyerno sa may Port Area. Ngunit ngayong umaga, kalong na ng sarisaring ingay ang kalapit nilang mga kuwarto ay nakababad pa rin siya sa kuwarto.
“Bakit, ha, Ambo?” tanong ng kabiyak niyang si Marta.Walang kibong ibinaling ni Ambo ang tingin sa katabing asawa. Tumiim sa
kanya ang butuhan at marak na mukha nito.
“Di ka ba papasok ngayon, ha, Ambo?”“Parang tinatamad na ‘kong pumasok,” sabi ni Ambo. “Pasok ‘ko nang
pasok, e, ‘ala namang nanagyayari.”“Konting tiyaga.”“Parang gusto ko na talagang mainis, Marta,” at bahagyang tumigas ang
boses ni Ambo. “Sa araw-araw na ginawa ng D’yos, nakikiusap, nagmamakaawa, halos maglumuhod ka sa mga ‘yon. At kung iisiping pinagtrabahuhan mo naman ang kinukuha mo. . .”
“Konti pang tiis. . . Pasasaan ba’t bibigay rin nila ‘yon.”“Kelan pa, Marta?”“Me awa ang D’yos.”Natahimik si Ambo. Me awa ang Diyos. Bukambibig ni Marta iyon at
ngayon, naitanong niya sa sarili kung kailan pa kaya darating ang awa ng Diyos. Napagmasdan niya ang nakahilatang mga anak sa kabuuan ng munting kuwartong iyon at naisip niyang kailangang ilawit na ng Diyos na iyon ang kanyang habag kung mayroon nga iyong habag sa mga taong tulad niya.
Mayamaya’y dinalahit si Marta ng tuyot, sunod-sunod na pag-ubo. Yumanig ang yayat na balikat ni Marta at ang galit ni Ambo’y nahalinhan ng pagkaawa sa asawa, na pagkatapos ay humangga sa labis na pagkabahala nang tumiim sa kanyang isipan na may sakit si Marta, may tuberkulosis at hindi makapaglabada pa.
Si Marta’y may TB, patuloy na dumuro sa kanyang utak, at muli, natingnan niya ang nakahigang mga anak. Pito ang kanyang mga anak, pito, at natutulog ang mga iyon at mayamaya pa, magigising ang mga iyon at hihingi ng pagkain at magpapalahaw ng iyak sapagkat wala silang maibigay na pagkain. Naipasya niyang muling lumabas ng bahay nang umagang iyon: hindi, hindi niya matitiis na makitang nananangis ang mga anak dahil sa gutom.
Humupa na ang pag-ubo ni Marta. Bumangon si Ambo at hinakbang ang pinakakusina ng kuwartong iyong inuupahan nila ng treinta pesos kada buwan. Nasa harapan ng kalan ang panganay nilang si Sonia. Sampung taon si Sonia, payat at maiksi ang kaliwang paa.
“Tay, ‘sang linggo na ‘tong latak na pinakukuluan ko,” sabi ni Sonia.Walang kibo niyang tinungo ang hugasan ng plato. Walang sabon sa
habonera. Naghilamos siyang hindi gumagamit ng sabon.Gising na ang tatlo sa kanyang mga anak. Nilalaro ni Roma, otso anyos at
sumunod kay Sonia, ang bunso nilang mag-iisang taon. Kinikiliti ni Roma ang sanggol, anaki’y gustong patawanin pero hindi tumatawa ang sanggol.
“Ta . . . Tata . . . Ta . . .”Nakalahad ang butuhang kamay na lumalapit sa kanya si Nida. Pitong taon si
Nida, ngunit sa edad na iyo’y wala pa itong alam na gawin kundi magtatata at ilahad ang yayat na mga kamay. Humihingi sa kanya ng singko sentimos-singko
sentimos-ang kahabag-habag na batang iyon at siya, siyang ama’y walang singko sentimos na maibigay.
Dali-dali niyang isinuot ang sulsihang pantalon at T-shirt. Mahaba ang T-shirt at bahagyang natatakpan niyon ang sulsi sa likuran ng kanyang pantalon.
Siguro nama’y di magtatagal ‘tong lagnat ko,”narinig niyang sabi ni Marta. “Makakapaglaba na ‘ko uli.”
Di karaniwang lagnat ‘yan, ibig sabihin ni Ambo, ngunit hindi na siya nagsalita pa.
“Magkape ka muna,” sabi ni Marta nang mapansing bihis na siya.“Di na,” tinungo niya ang pinto.“Pagbutihin mo’ng pakiusap sa kanila, Ambo,” pahabol na bilin ng asawa.Mabilis, walang imik siyang lumabas ng kuwartong iyon. Matindi ang sikat ng araw at waring ibig tupukin niyon ang anit ni Ambo.
May isa’t kalahating kilometro ang layo ng opisina ng sangay na iyon ng gobyernong pinaglilingkuran niya mula sa kalyeng tinitirhan nila at nilalakad lamang ni Ambo ang distansyang iyon. Nilalakad sapagkat ang treinta sentimos niyang ipamamasahe (kung mapalad siyang magkaroon ng halagang iyon) ay malaking bagay ang magagawa sa kanila. Maibibili niya ang halagang iyon ng diyes na tuyo, diyes na asukal, at ang diyes –hindi singko lamang-ay maibibigay niya kay Nida.
Ngunit ngayo’y wala siya ni isang kusing sa bulsa.Pagbutihin mong pakiusap sa kanila. Naglalaro sa utak niya ang biling iyon
ni Marta. Nakadama siya ng sikad ng paghihimagsik sa dibdib. Bakit siya dapat makiusap? Ang kinukuha naman niya’y suweldo niya, ang karapatang bayad ng gobyerno sa paglilingkod niya. Ano ang dapat niyang ipakiusap?
A, pero dapat siyang makiusap, pakuwa’y naipasya niya. Hindi niya madadaan sa init ng ulo ang hepe niyang si Mr. Reyes. Kailangang makiusap pa siya, maglumuhod kung maaari. Ang voucher niya’y matagal na sa mesa ni Mr. Reyes ngunit hindi pa rin napipirmahan niyon. Laging abala sa trabaho o kaya’y mamaya o bukas na kaya, hanggang sabihin niyon ang tunay na dahilan kung bakit hindi niyon mapirmahan ang voucher.
“Alang pondo ang gobyerno ,” sabi ni Mr.Reyes. “Gaya ng siguro’y alam mo na, malaking anomalya ang ginawa ng mga tao rito ng nakaraang administration. Kelan nga lang, e, me natanggap kaming sirkular buhat sa Malakanyang na nagsasabi na magbawas kami ng mga kaswal dito. Pero di naman magagawa karaka. Malalakas na pulitiko rin ang me rekomenda sa marami sa mga kaswal dito.”
“Gusto nyong sabihin, e, alang pag-asang makuha pa’ng suweldo ko?”“Ilang b’wan ka na bang di sumasahod?”“Tatlo na ho.”
Napakamot sa batok si Mr. Reyes. “ Titingnan natin,” pagkuway sabi nito.Magdadalawang buwan na ang pakikipag-usap niyang iyon kay Mr. Reyes at
hanggang ngayon ay hindi pa rin napipirmahan niyon ang voucher niya. Bale limang buwan na siyang hindi sumasahod. Sumahod pa nga kaya siya, naitanong niya sa sarili. Noong isang Linggo lamang ay dalawang kaswal ang tinanggal sa trabaho nang hindi nakasahod. Matiwalag rin kaya siya sa trabaho?
Napabilis ang paghakbang niya. Nahingingan niya, ang nagrekomenda sa dalawang iyon ay hindi gaanong malakas kaya natanggal. Si Mr. Maique na nagrekomenda sa kanya’y hindi isang representante o senador kaya. Nagging amo niya si Mr. Maique sa huling pribadong kompanyang pinagtatrabahuan at minsang masalubong niya ito sa Avenida matapos ang ilang taon maalis sa opisinang iyon (“pinagbakasyon” siya nang matuklasan sa taunang physical examination na may ganggaholeng butas ang dalawa niyang baga) ay nabanggit niya ritong tila hindi na siya makasumpong pang muli sa trabaho (kahit na sa posisyong dyanitor). Marami higit na mas batang aplikante sa kanya (siya’y sobra nang kuwarenta), at mas maraming mas pinag-aralan kasya kanya (grade 1 lang ang naabot niya).
Nagdalang-habag, inalapit siya ni Mr. Maique sa kumpare niyong hepe ng isang dibisyon sa opisina ng sangay na iyon ng gobyerno. A, hindi nga malakas ang nagrekomenda sa kanya at hindi malayong maalis rin siya sa gawain.
Ngunit hindi niya dapat pag-aksayahan ng panahon at isip kung matatanggal siya sa trabaho o hindi. Ang dapat niyang pagkaabalahan ay kung paano makukuha ang suweldo niya. Iyon ang kailangan niya, ngayon. May sakit si Marta at hindi makapaglabada. Nagugutom ang kanyang mga anak. Hanggang kailan tatagal ang mga ito?
Nagpatuloy siya ng paglalakad, nag–iisip. Naisip niya, ang binanggit na dahilan ni Mr. Reyes kung bakit hindi sila nasusuwelduhan. Walang pondo ang gobyerno. Ayon kina Sandoval, isang kawani sa accounting division, kung ilang milyon daw ang ninakaw ng mga tao ng nakaraang administrasyon sa sangay na iyon ng pamahalaan. Sampu, labindalawang milyong piso. Over-pricing ng mga makinarya. Mga ghost delivery. Pang-uumit ng mga piyesa sa bodega. Wala pa raw dalawampung katao ang naghati-hati. Hindi pa raw nakakalaboso ang mga swerte, sabi ni Sandoval. Pag talagang malakas ang kapit mo, naaalala niya ang sinabing iyon ni Sandoval, kahit ano pa mang kawalanghiyaan ang gawin mo’y ligtas ka. Maiisip niyang para ngang totoo iyon. Kung may pull ka, ayos lahat ang lakarin mo sa gobyerno. May kilala siyang mga kaswal rin sa opisinang iyon na regular na sumasahod. A, kaipala’y di siya sumusuweldo sapagkat wala siyang malakas na kapit.
Pasado alas-nuwebe na nang matapos ni Ambo ang paglilinis sa tokang gusali. Nagsisimula pa lamang magdatingan ang karamihan sa mga empleyado. Sina Sandoval at mga kasama sa acconting division ay alas-diyes na nang dumating.
Nangaupo ang mga iyon sa kani-kanilang mesa, ngunit hindi ang trabaho ang inatupag. May nagbasa ng dyaryo, may naghinuko, may tumunghay sa dalang libro. Mayamaya’y pinalibutan ng mga kasamahan ang noo’y nagbasa-ng-dyaryong si Sandoval.
“Milyon, mga pare ko, milyon,” sabi ni Sandoval at ibinaba niya ang tinutunghayang dyaryo. “Ito na’ng pinakamarangyang handaang nabalitaan ko. Imported ang pagkain, ang orchestra, ang mga entertainer. At ang mga panauhin, mga pare ko, mga duke, prisesa’t prinsipe at kung sinu-sino pang kabilang sa dugong-bughaw.”
“Umabot daw sa dalawang milyon ang nagastos,” sabad naman ni Javier,”“Iba talaga’ng makuwarta, ano, ha?”
Dalawang milyon . . .dalawang milyon . . . Nagsumiksik sa utak ni Ambo ang halagang iyon. Dalawang milyon ang ginastos sa isang anibersaryo ng kasal. A, tama na sa kanya ang kung ilang daang piso. Sapat na sa kanya ang kaunting halagang makatitighaw sa gutom ng kanyang pamilya at maipambabayad sa pagpapagamot ni Marta.
Bahagya pa siyang nagulat nang maalala si Mr. Reyes. Maaaring nasa kuwarto na niya si Mr. Reyes. Kaninang linisin niya ang kuwarto niyo’y wala pa iyon ni ang sekretarya nito.
Bilang puno ng general services ay may sariling silid si Mr. Reyes. Air conditioned, de alpombra, at makabago ang interior decoration. Napasukan na ni Ambo sa loob si Dory, ang sekretarya ni Mr. Reyes. Bata pa si Dory, marahil ay lalabingwalo, ngunit taglay na ng mga mata nito ang lamlam, panglaw ng isang babaeng ganap nang nakakilala sa buhay. Hindi na lihim sa opisina ang relasyon nito sa may asawang si Mr. Reyes.
“Nand’yan na ba’ng Boss?”“Nandito na pero mainit ang ulo,” sabi ni Dory.Mainit ang ulo ni Mr. Reyes. A siguro’y talunan na naman sa sugal.
Bulong nina Sandoval ay nagmamadyong, nagpopoker, nagkakarera si Mr. Reyes. Nambubulyaw si Mr. Reyes, nagmumra kung mainit ang ulo. A, pero kailangan niyang lapitan ito, makausap.
“Me bilin s’yang h’wag iistorbohin,”sabi ni Dory . “Pero kelangang-kelangan ko s’yang makausap.”“Kung mapilit ka’y ikaw na lang ang pumasok,” at muling hinarap ng
sekretarya ang kanyang pagmamakinilya. Kinabahan siya, tulad ng dati tuwing makakaharap si Mr. Reyes. Huminga
muna siya nang malalim bago pinasok ang divider na nagkukubli kay Mr. Reyes.Nakataas sa ibabaw ng mesa ang mga paa ni Mr. Reyes, natatakpan ng
binabasang diyaryo ang mukha.Mr. Reyes . . .”tawag ni Ambo at lumapit sa mesa ng hepe.
Bilang bumaba ang dyaryo at natambad ang malapad at kunot-noong mukha ni Mr. Reyes.
“O, anong kelangan mo?” Dama niya karaka ang suya sa boses nito. “Y-yong hong v-voucher ko . . .” nasabi niya sa wakas.“Ilang beses ko bang sasabihin sa’yong di ko pa napipirmahan ‘yon?”
Kumikitib ang magkabilang ugat sa pilisan ni Mr. Reyes. “Ke kulit-kulit mo.”“Kelangang-kelangan ko hong pera.” Binayad at nakikiusap ang boses niya.“A, wala akong magagawa! Sige, makakalabas ka na.”
“Mr. Reyes, me sakit ho’ng asawa ko’t nagugutom ang mga anak ko . . .”“Ako ba’y talagang ginagalit mo, ha?”“Para n’yo nnang awa, Mr. Reyes . . .” “A, kabron kang talaga!” At sa pagkainis, muli nitong itinaas ang mga paa sa
mesa at itinuloy ang pagbabasa. “Mr. Reyes . . .” Hindi siya pinansin ni Mr. Reyes at unti-unti’y may namuong galit sa
kanyang dibdib, pero bago sumiklab iyo’y nagawa niyang pigilan ang sarili. A, kailangang maging mahinahon siya. Babalikan na lamang niya si Mr. Reyes, baka mayamaya lamang ay lipas na ang init ng ulo.
Dinadamuhan ni Ambo ang tagiliran ng gusali nang ipatawag siya ng guwardiya sa gate. Malayo pa siya sa tarangkaha’y nakita na niyang paika-ikang sumasalubong sa kanya si Sonia.
“A-ang Nanay . . . sumuka ng dugo . . .” Pahablot niyang hinawakan sa kamay si Sonia at mabilis silang lumabas ng
gate. Sa himpapawid, nakalutang ang kumukulong init-araw. Wari’y patay ang hangin at ang nalalanghap ay ang amoy-usok na buga ng mga dyip, kotse, trak, bus.Naniningkit ang mga mata na Ambo, tiim na tiim ang mga bagang. May paghihimagsikna nagsmulang magbangon sa kanyang dibdib. Napapikit siya, at sa pakiwari niya, ang paligid ay nag-uumikot na pula-itim na daigdig at sa pag-inog niyo’y kasama siyang nadadala, natatangay.
May kalahating oras na silang naglalakad, siya at ang iika-ikang si Sonia, at ang gutom at pagod at pagkabahala’y nagtulong-tulong upang ang kimkim na himagsik sa loob ni Ambo’y mag-ulol, mag-alimpuyo. Silang mag-ama’y naglalakad sa ilalim ng matalisik na init ng araw sapagkat wala sila sa treinta sentimos na ipamamasahe, at doon sa kuwartong inuupahan , maaaring naghihingalo o patay na si Marta. Patuloy na humahagibis ang mga sasakyan, ang balanang nasasalabat nila’y nagwawalang-bahala, at naisip niya sina Sandoval, Javier, Roncal , Dory, at Mr. Reyes. Maaaring sa mga sandaling ito’y nanananghalian na ang mga iyon o namamahinga o kaya’y naglalaro ng ahedres o
kaya’y nagpupusoy. Naisip niya ang mayamang pulitiko’t negosyanteng gumasta ng dalawang milyon sa isang handaan at ang iba pang katulad niyon. Nasaan sila sa mga sandaling iyon? A, sila’y nasa kani-kanilang magagarang tahanan, nasa pang-araw na mga naitklab, nasa mga pasugalan , nasa mga otel at motel na kaulayaw ng kanilang mga kerida, o nasa kani-kanilang mga opisina’t pinapaputok ang isip kung paano lalong magkakamal ng salapi, samantalang siya’y naritong naglalakad sa ilalim ng nakatutupok na sikat araw kasama ang iika-ikang anak.
Naratnan niyang nakalupasay si Marta, yumayanig ang yayat na balikat sa di-masawatang pag-ubo habang hagud-hagod sa likod ni Roma. Nagkalat ang buu-buong dugo sa banig. Ang sanggol ay walang damdaming nakatingin sa ina, matiim na nakatinging animo’y isang matandang bantad na sa kalagiman ng buhay. Nagpapalahaw ang iba pa niyang anak, at mababatid niyang umiiyak ang mga iyon hindi dahil sa nangyayari sa ina kundi dahil sa nagugutom ang mga iyon. May naramdaman siyang yumapos sa mga binti, kumalabit.
“Tay, gutom na kami. ‘Tay. Gutom na kami.”Sabay-sabay na nagpalahaw ang iba pa niyang mga anak at ang dumaraing,
nakalulunos na paanghay ng mga iyon, gutom na kami, ‘Tay, ‘ingi pagkain, ‘Tay, ay sumasaliw sa putol-putol, tuyot na uh, uh, uh, uh, hu ni Marta. Napapikit siya’t wari niya’y umiikot ang paligid, umiinog na pula-itim na daigdig, at nang imulat niya ang paningi’y gumagalaw, sa simula’y mabagal, pagkatapos ay mabilis, mabilis na mabilis ang bawat tamaan ng kanyang tingin, ang bangkito, ang daigdig,ang pinto, ang sanggol, ang ibang mga anak, si Marta…
“Ta…Tata…Ta…”Hindi ganap na magkahugis sa kanyang paningin ang anyo ni Nida, ngunit
ang tatata ay malinaw na nakaabot sa pandinig. Humihingi ng singko sentimos si Nida at siya’y wala ni isang kusing na maibigay. Nagugutom ang kanyang mga anak, at siya, siyang ama’y walang pagkaing maibigay. Maysakit si Marta, at siya, siyang asawa’y walang magawa.
“Ta…tata…Ta…”Isang malabong anino ang nakatanghod sa aknyang si Nida, at sa biglang
igkas ng silakbo’y binigwasan niya iyon ng sampal sa mukha. At sa iglap ding iyo’y nagsalimbayang pula-itim ang paligid, iswang walang katuturang daigdig na kalong ng nakakukulili, nakakabinging ingay---tili, iyak, ubo, daing---at supil ng matinding kahibanga’y dinaluhong niya ang nagpapalahaw na mga aninong iyon, sinampal, sinuntok, sinipa, pinagtatadyakan, ngunit sa halip na tumigil ay lalong nag-ibayo ang pag-iyak at pagtili at pagtangis, at nang hindi na niya matagalan ang matindingkainagang iyo’y nagtatakbo siyang palabas, sapu-sapo ng dalawang kamay ang ulo.
Ngayon, muli siyang naglalakad sa matinding sikat ng araw. Ang lunsod ay isa pa ring umiinog na pual-itim na daigdig. Walang kaisahan ang mga isisping gumigitaw sa kanyang utak. Si Marta, si Nida, ang mga anak niya. Si Sandoval, si
Javier, si Dory. Si Mr. Reyes. Ang mayamang pulitiko at negosyanteng iyon. Ang voucher niya. “Hoy, nagpapakamatay ka ba?”
Tuloy siya sa paglalakad. Pasuray-suray, animo’y lasing.“Hoy, talaga bang nagpapakamatay ka?”Ipinilig niya ang ulo, at saglit, bumagal ang pag-inog ng pula-itim na daigdig
at namalayan niyang nakatinding sa gitna ng kalye, siyang dahilan ng pagkakabuhol ng trapiko. Di-magkamayaw ang businahan ng mga sasakyan, at mula paa hanggang ulong pinagmumura siya ng nagmamaneho.
“Gago!” Nakaabot sa kanyang pandinig.“Mga gago rin kayo!” sigaw niya at hinarap ang mga sasakyan, nanlisik ang
mga mata.Nagtutungayaw, iniurong ng nagmamaneho ng nasa unahan ang kotse,
ikinambiyo’t inilagang mahagip si Ambo. Sumunod ang iba pang sasakyan, at mayamaya pa’y naiwang nag-iisa sa gitna ng lansangan si Ambo.
Itinuloy niya ang paglalakad. Lakad. Lakad. Bumibilis ang pag-inog ng paligid, tulad ng pagdagsa ng putol-putol at walang kaisahang mga gunita. Ang.voucher niya. Ayaw pirmahan ni Mr. Reyes ang voucher niya. Ayaw ibigay ng gobyerno ang sweldo niya. May sakit si Marta. Nagugutom ang kanyang mgaanak. Nagtatapon ng milyung-milyon piso ang pulitiko-negosyanteng iyon. Walang-puso ang gobyerno, may tinitingnan, walang malasakit sa tulad niya. Si Nida at ang iba pang mga anak niya. Si Marta...
Nang humakbang siya muli, ang bahid na itim sa umiikot na paligid ay naglaho; ngayon, isang umiinog na bolang pula ang daigdig. Isang nagbabagang pula ang darang sa init na lunsod.
Nagsumpungan niya ang sarili sa harap ng kongretong gusaling iyon. Humuhulas sa pawis ang buo niyang katawan, ngunit wala siyang nararamdamang pagod, gutom. Bumagal nang bahagya ang pag-inog ng paligid subalit ngayo’y naglalagablab na bolang apoy iyon.
Nasa loob si Mr. Reyes. Ayaw pirmahan ni Mr. Reyes ang voucher niya. Ayaw ibigay ng gobyerno ang suweldo niya…
Lumapit siya sa guardpost. Nakayukayok ang guwardiya. A, natutulog ang tanod ng gobyerno. Bigla, inagaw niya ang baril na hawak ng tanod. Napatayo ang guwardiya, at napaurong siyang nakaumang ang dulo ng baril sa katawan nito. Napangiti ang tanod nang wari’y makilala siya, dahan-dahang lumapit sa kanyta. A, nakangisi ang tanod, iniinsulto siya, iniinsulto. Dumiin ang daliri niya sa gatilyo at halos kaalinsaabay ng dumagundong na putok ay nakita niyang bumagsak ang guwardiya, unti-unting nahandusay, ang naninirik na mga mata’y nakatuon sa kanya, sa wari’y nagtatanong kung ano—at bakit—iyon nangyari.
Mayamaya’y tumigil sa pagkisay ang nakalugmok na katawan. Napatay niya nag tanod. Napatay niya! May saya anaki’y kaligayahang sumuno sa dibdib niya. At biglang bumilis ang pag-inog ng pulang bola, mabilis na mabilis. Nakaliliyo, nagsasalimbayang kulay-dugo ang daigdig, at patakbo niyang sinugod ang pinto ng konkretong gusali.
Nagpulasan ang malalabong anino. May tumalon sa bintana, may nagtago sa mesa. May naulinigan siyang mga tinig na tumatawag sa pangalan niya, ngunit waring napakalayo ang pinagmumulan ng mga tinig. Muling dumiin ang daliri niya sa gatilyo, at isang malabong anino ang nahandusay. Inulit niya ang pagkalabit, at isa pang malabong anino ang bumagsak. Minsan a at isa uling malabong anino ang nalugmok.
Pinid ang pintong iyon. Sumisigaw siya, labas ka d’yan! Labas d’yan!, ngunit nanatiling nakasara ang pinto. Pinagtatadyakan niya ang dahon ng pinto, pinukpok ng puluhan ng baril, subalt namalaging pinid ang pinto.
“Labas d’yan! Ayaw niyong pirmahan ang voucher ko! Ayaw n’yong ibigay ang sweldo ko!”
Tinugon siya ng paikpik na katahimikan, at siya’y nakadama ng biglang pagkapagal. Humihingal siya at wari’y ibig siyang madala ng mabilis na pag-ikot ng paligid. Nangangalog ang kanyang tuhod, nangangapos ang hininga. Napasandal siya sa into, humihingal at pinagpapawisan ng malamig.
Unti-unting bumanayad ang pag-ikot ng paligid, unti-unting pumupusyaw ang kulay-dugong bahid niyon.Ang lumulukob ngayo’y dilim, isang papakapal na karimlang nagdudulot sa damdamin niya ng lungkot, panglaw, ng isang uri ng napakatinding pangungulilang humahangga sa kirot, sa pumipiga at lumuluray sa sakit.
Si Marta…si Nida…ang mga anak niya…Pakuwan, humahangos na pumasok ang unipormado at armadong mga pulis,
nakatutok ang tangang mga baril sa kanya, subalit siya’y hindi man lang nagpamalas ng kahit anong pagkilos ng paglaban; napatutok lamang ang blangko niyang paningin sa nagsasalinbayang malalabong aninong iyon. Bumuka ang mga labi niya, ngunit iglap lang iyon, umangil ang sandata ng mga pulis at isa, dalawa,tatlo, apat, lima, marami, di-mabilang na mga tingga ang bumistay sa katawan niya at siya’y nalugmok at sa nagdidilim, nagliliwanag niyang isispa’y sumalingit ang mapusyaw na larawan ng kanyang mag-anak, at swa pagkakasubsob sa nagdadanak-sa-sariling dugong baldosang sahig, pinilit niyang makatihaya, pilit itinutok ang nagwawatig na tingin sa nagsasalimbayang malalabong aninong iyon, pilit na pinanulay sa nanlalabong paningin ang pakiusap, hinaing na hindi mabigkas ng mga labi—si Marta, si Nida, ang mga anak niya. Subalit muling bumuga ang sandata ng mga pulis, malupit, walang awang tumadtad sa katawan niya at sa papatakas nang malay, bumabanayd ang nakakaliyong pag-inog ng itim na daigdig,
bumabanayad at dumidiin hanggang sa mayamaya’y kalungin ng sakdal-dilim na karimlan ang kaganapan ng lahat.
Paano maituturing na mapanghimasik ang maikling kuwento na isinulat ni Wilfredo Pa. Virtusio?
Ang “Ambo”, isang kuwentong sumasalamin at lutang na lutang ang ng
realidad ng buhay. Ang mga pangyayari sa buhay ni Ambo ay isa lamang pag-uulit
sa mga pangyayari sa tunay na buhay ng milyun-milyung Pilipino sa iba’t ibang
panig ng bansa.
Ito ay tumatalakay sa katiwalian na siyang dahilan ng paghihirap ng
maraming mamamayan. Sinasalamin nito ang kawalang pakialam ng mga opisyales
na walang ibang inatupag kung hindi ang magkamal ng salaping nagmumula sa
paghihirap ng mga taong ang nais lamang ay maibigay ang pangunahing
pangangailangan ng kanilang pamilya. Ano nga ba ang ating mararamdaman kung
hindi maibigay sa loob ng limang buwan ang inaasahang suweldo dahil wala raw
pondo ang gobyerno samantalang nabalitaan mong isang pinuno ng gobyerno ay
gumastos ng dalawang milyong piso sa isang gabing handaan para sa anibersaryo
ng kanyang kasal?
Isang anyo ng panitikan na nagmumulat sa mamamayan na ang bahagi ng
lipunan kung saan bulgarang madarama ang korupsyon, pang- iisa ng kapwa at
patuloy na takbo ng bulok na sistemang ang biktima ay ang mga mamamayang
walang tinig, lakas at kapangyarihang baligtarin ang isang bangungot na lumalamon
sa ating pagka- Pilipino.
Ang korupsiyon at katiwalian sa pamahalaan ay nagbubunga ng labis na
kahirapan sa marami nating kababayan sapagkat ang salaping dapat sanang
mapunta sa kaban ng bayan upang magamit sa ikabubuti ng mga mamamayan ay
napupunta at pinakikinabangan lamang ng iilan. Ang korupsyon ay makikita sa
halos lahat ng lebel ng pamahalaan mula sa pinakamababa hanggang sa
pinakamataas.
Hindi rin maitatwa ang katotohanang laganap ang korapsiyon at
pagsasamantala ng mga nakaupo sa pamahalaan kaya’t hindi na bago sa pandinig
ng madla ang realidad na may mga pulitikong gumagastos ng milyon sa isang
marangyang hapunan lang gayong milyong Pilipino ang namamatay sa matinding
gutom, sakit, at kahirapan.
Nais gisingin ng may-akda ang ating mga isipan upang bigyang katarungan
ang mga bagay na gaya ng mga nangyayari sa kwento. Naging makatotohanan ang
takbo ng mga pangyayari sa kwento. Nakapaghatid ito ng mga damdamin tulad ng
awa, pagkakasuklam at inis. Nakapagbukas ng isipan tungkol sa mga katotohanang
nangyayari sa ating paligid. Mga katotohanang kadalasang nangyayari sa tunay na
buhay.
Maraming tao sa ating lipunan ang yumayaman dahil sa pagpapahirap sa mga
maliliit at kapus-palad. Mga taong sarili lamang ang iniintindi at kahit maghirap
man ang kapwa ay walang pakialam. Kasama na rito ang mga pulitikong inuubos
ang kaban ng bayan na galing sa dugo at pawis ng mga mamamayan. Na kung sa
pamumulitika'y ginagamit ang galing at talino upang bilugin ang ulo ng mga tao. Ito
namang si Juan ang daling maniwala sa tamis ng mga pangako ng mga ito. Sa huli
pagkahalal sa iba ginagamit ang talino, sa pagpapayaman sa mga bulsa ng mga ito.
Kasi naman si Juan rin lang ang dahilan kung bakit ganito ang kanyang gobyerno.
Ang pananamantala sa maliliit at mahihinang mga tao sa ating paligid ay
alam nating nakapapanlumong moralidad o ugali ng tao. Marami sa atin ang may
ganitong katangian na ang hangad ay makapagtamasa lamang ng karangyaan ng
mundo, kadalasan sila ang mga taong makasarili. May kasabihan tayo na "Kung
walang magpapaapi ay walang mang- aapi". Oo nga't totoo ang kasabihang ito,
ngunit kung ang pagtatanggol naman sa sarili at karapatan ay kalakip nito ang
buhay o kamatayan. Sino kaya ang may tunay na tapang upang harapin kahit
kamatayan?
Layunin ng akdang ito na matapang na mailantad ang katotohanan sa tulong
ng panitikan. Lubhang malawak at laganap ang kahirapan at gutom na namamayani
sa ating bansa at kung hihintayin lagi ang paglalawit ng pamahalaan ng tulong sa
mga tulad ni Ambo ay marami pang buhay ang masasakripisyo.
Talaan ng Sanggunian
Aklat
Baesa-Julian, Ailene G. et al. Pluma III Wika at Panitikan para sa mataas na
paaralan. Quezon City: Phoenix Publishing House.Inc.2010 .
Cruz, Teresita Cristobal, Ed. D. Gintong Ani. Quezon City: FNB Educational,
Inc.2009.
Imbat, Celia B. at Reyes, Maurita M. Filipino sa Hayskul III. Manila: Sta. Teresa
Publications.1997.
Marasigan, Emily V. Pluma IV Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan.
Quezon City: Phoenix Publishing House, Inc.2012.
Reyes, Soledad S. Pagbasa ng Panitikan at Kulturang Popular.Quezon City:
Ateneo De Manila University Press.1997.
Tepace, Alita I. Ph. D. Yaman ng Pamana III Wika at Panitikan. Quezon City:
Vibal Publishing House, Inc.2010.
Websayt
“Mula Tula Hanggang Dula, Mula Tradisyon Hanggang Sa Bulok Na Sistema: Ang Panitikang Mapanghimagsik Sa Panitikang Pilipino.” http://mgasigwaatagos.blogspot.com/2010/10/mula-tula-hanggang- dula-mula-tradisyon.html
Wika at Panitikan. http://filipinowikapanitikan-smcc.weebly.com/ibig-kong- makita.html